Chapter Nine

2109 Words
MIYERKULES. Tahimik na sumakay si Paige sa backseat ng kotse niya. Nakita niya na napailing si Thaddeus habang umikot naman ito papunta sa may driver’s side. Sumakay ng kotse ang lalaki at napapiksi siya nang malakas nitong isara ang pinto ng kotse. Nakatiim ang bagang na minaneho ng binata ang sasakyan palabas sa underground parking ng GSIS Building. “May pupuntahan ka pa ba or diretso na tayo sa inyo?” narinig niyang tanong ng binata. “Sa bahay na tayo,” tipid na sagot niya at iniiwas na ang tingin sa lalaki. Mula pa noong makabalik sila buhat sa Pagbilao ay hindi halos niya kinikibo ang lalaki. Bumalik siya sa dati na sa likod ng kotse nauupo, at hindi niya halos kausapin si Thaddeus. Ilang beses na tinangka ng binata na magbukas ng usapan pero hindi siya sumasagot, nagkukunwari siyang abala sa pagbabasa ng mga dala niyang papeles o 'di kaya naman ay ang tablet ang iniintindi niya. Narinig niya ang pagbuga ng hangin ng lalaki, pero hindi niya iyon pinansin. Pinigilan niya ang sarili na tingnan ito at sa halip ay itinuon niya ang mga mata sa laman ng hawak niyang folder. Hindi pa sila nakakalabas ng CCP Complex nang biglang ihinto ng binata ang kotse. Napaangat ang tingin niya at nagtataka itong tiningnan. “Bakit tayo huminto?” Sa halip sagutin siya ay bumaba ng kotse ang binata at naglakad palayo. Mabilis din siyang bumaba. “Thaddeus!” tawag niya rito pero parang walang narinig ang lalaki, patuloy lang ito sa paglakad. Isinara niya ang pinto ng kotse at sinundan ito. “Thaddeus, ano ba?!” Hindi pa rin siya pinansin nito. Huminto siya sa paglakad. “Ano ba’ng problema mo!?” napipikon na malakas niyang sabi. Huminto sa paglalakad ang lalaki at humarap sa kanya. Ilang dipa rin ang layo nila sa isa’t-isa. Kita niya ang pagkakasalubong ng kilay nito. “Why did you walk out of me?” nakataas ang kilay na sabi niya. Naglakad palapit sa kanya ang binata. “Ikaw, ano ba’ng problema mo?” ganting tanong nito na bakas ang galit sa tinig. Maang niya itong tiningnan. “Ano’ng sinasabi mo? Ikaw itong bigla na lang bumaba ng kotse at iniwan ako, 'di ba?” Tumigil sa harapan niya ang lalaki. “Puwede ba, Paige, alam mo kung ano ang ibig kong sabihin!” Hindi naman siya nakakibo. “Bakit bigla-bigla kang nagkaganyan? Okay naman tayo, 'di ba? Ano’ng nangyari at bigla kang nagbago? Mula noong manggaling tayo sa Quezon ganyan ka na? Ano ba’ng problema? May ginawa ba ako na hindi mo nagustuhan?” Hindi siya makapagsalita, hindi niya malaman kung ano ang sasabihin rito. Paano nga ba niya sasagutin ang tanong nito. Alangan namang sabihin niya na kaya siya nagkakaganito ay dahil nai-in love na siya rito at pinipigilan niya ang sarili. “What?!” pasigaw na sabi nito. Napapiksi siya. “Puwede ba magsalita ka! Pinasasakit mo ang ulo ko, eh. Hindi kita maintindihan!” dagdag pa ni Thaddeus. “Bakit hindi mo ako kinakausap? Ano ba’ng problema mo sa akin?” “Wala ka namang kailangang maintindihan, eh,” aniya na pilit pinakaswal ang tinig. Lalong lumalim ang gatla sa noo ng lalaki. “Wala akong sasabihin kaya tahimik ako. Masyadong occupied ang utak ko sa trabaho and you know that. Kaya huwag mong gawing issue ang hindi ko pagkausap sa'yo. Don’t think na may problema ako sa'yo, marami akong iniisip kaya ganoon… and it’s not about you, okay?!” Sinungaling! hiyaw ng utak niya sa kanya. Kailan ka pa natutong magsinungaling ha?  “Then bakit bigla-bigla doon ka sa likod nauupo?” parang bata na pakli sa kanya ng lalaki. Kunwari ay napatanga siya rito at marahang napailing. “That’s my car! Sabi ko nga noong una kitang tabihan sa front seat na kahit saan ko gusto maupo puwede dahil akin ang sasakyang iyon, 'di ba?” Hindi nagsalita ang lalaki pero base sa pagkakatingin nito sa kanya ay parang hindi ito kumbinsido sa mga sinasabi niya. “Fine!” malakas na sabi niya. “Iyon lang ba ang problema mo? I’ll sit beside you on the front. Okay na ba? Let’s go, I want to go home!” Binirahan na niya ng talikod ang lalaki. Lihim niyang nakagat ang pang-ibabang labi. Parang gusto niyang palakpakan ang sarili sa acting niyang iyon. Bumalik siya sa kotse at naupo sa unahan. Sumunod na rin ang lalaki sa kanya at muli na nitong pinaandar ang kotse. Wala silang imikan habang nasa biyahe sila. Hindi niya mapigilan na sulyapan ang lalaking katabi. Seryoso pa rin ang mukha ni Thaddues habang nakatuon iyon sa daan. Paano nga ba siya makakalayo rito? Una pa lang na kita niya sa binata ay inisip niyang delikado ang buhay niya rito sa pag-aakalang hired-killer ito, pero nagkamali siya ng akala. Ito pala ang magpo-protekta sa kanya sa panganib. Ang kaso isang panganib din naman ang hatid nito sa kanya, at hindi sa buhay niya ang panganib na dala ng lalaki, kundi sa puso niya. Mahihirapan siyang protektahan ang sarili kung ganito na araw-araw niyang nakakasama ang lalaki. Napakalaking pagkakamali ang nagawa niya nang makipaglapit siya rito. Pero akalain ba naman niyang tuluyang mahuhulog ang loob niya sa taong ito? Marahan siyang napailing. “Bakit?” bigla ay tanong ng binata. Napatingin siya rito. “Bakit ka naiiling? Ano ba’ng iniisip mo?” “Nothing,” tipid niyang tugon. “Ano nga?” pangungulit nito. “Para ka kasing bata,” nasabi niya at kunwari pa’y napangiti. “Dahil lang sa hindi ako umupo rito sa unahan, pinag-walkout-an mo ako.” Napahugot ng malalim na hininga ang binata. “Dahil hindi ko maintindihan kung bakit bigla kang nagbago towards me. Pakiramdam ko dumidistansya ka sa akin.” Hindi siya sumasagot. Tama naman kasi ang iniisip nito. Iyon mismo ang ginagawa niya. “Bigla ka na lang naging cold at distant. I don’t know what’s on your mind and it’s driving me mad,” ani pa nito na napailing. “Kung anu-ano kasi—” Natigil siya sa pagsasalita nang mag-ring ang cell phone ni Thaddeus na nakapatong sa dashboard ng kotse. Kinuha iyon ng isang kamay ng lalaki at sinagot. “Hello?” Nakita niya ang pangungunot ng noo nito. “Kailan pa? Bakit ngayon mo lang itinawag sa akin?” tanong ng lalaki sa kausap nito. “How is she? Nasaan kayo?” Kita niya ang pag-aalala sa mukha nito. Lihim niyang naisip kung sino ang kausap nito. “Okay, papunta na ako riyan,” ani pa ng lalaki bago nito tinapos ang pakikipag-usap sa cell phone at binalingan siya. “Okay lang ba kung dumaan muna tayo sa Caloocan?” “Why?” kunot-noong tanong niya. “Dinala raw nila sa ospital ang pamangkin ko, si Fiona. Kagabi pa raw hindi mawala-wala ang lagnat,” tugon nito. Marahan lang siya tumango. MAGKASAMA na umayat sina Paige at Thaddeus sa third floor ng Caloocan General Hospital kung saan naroon ang silid ni Fiona. Tahimik lang siyang nakasunod sa lalaki. Marahang kumatok si Thaddeus sa pinto ng silid bago ito nagpatiunang pumasok. “Tito!” malakas na sabi ng isang batang babae pagkakita kay Thaddeus. “Mabuti naman at dumating ka na,” sabi ng matandang babae nang magmano rito si Thaddeus. “Kumusta na si Fiona?” tanong ng binata sa mga nadatnan nila sa loob ng silid. Nilapitan nito ang batang babae na nakahiga sa hospital bed at natutulog. “Medyo bumaba na ang lagnat niya Kuya,” ani ng babaeng kamukha ni Thaddeus at tiningnan siya nito. “May kasama ka pala.” Napatingin sa kanya ang matandang babae at ang isa pang pamangkin ni Thaddeus. “Oo. Paige, ang mama ko, ang bunso kong kapatid na si Roselle and that is Sonia,” ani Thaddeus na itinuro ang bata na titig na titig sa kanya. “Good evening po,” kimi niyang bati sa mga ito. “Magandang gabi rin, Miss Paige,” ani ng ina ni Thaddeus. Lumapit siya rito at nagmano. “Pauwi na sana kami sa kanila nang tumawag si Roselle. Nakiusap lang ako na dumaan muna kami rito,” sabi ng binata habang hinahaplos nito ang buhok ng natutulog na pamangkin. “Pasensiya ka na, Miss Paige. Pati kayo naabala namin,” hinging paumanhin ng matandang babae. “Wala ho 'yon,” nakangiti naman niyang sabi. “Paige na lang po ang itawag ninyo sa akin.” Nakangiting tumango ang matanda. “Ano ba’ng sabi ng doktor?” singit ni Thaddeus. “Wala pa yata 'yong mga lab results kaya hindi pa masabi ng doktor kung ano ang diagnosis,” tugon ni Roselle sa binata. “May mga ipinapabiling gamot, Kuya. Short na ang pera ko rito, eh.” “Sige, samahan mo ako sa pharmacy,” ani Thaddeus rito bago siya binalingan. “Maiwan muna kita rito, bibili lang kami ng mga kailangan ni Fiona.” Mahinang tango lang ang isinagot niya sa lalaki. Iniwan na sila ng magkapatid. Walang imik na naupo siya sa isang upuan malapit sa kinahihigaan ni Fiona. “Pasensiya ka na talaga sa istorbong nagawa namin,” basag ng ina ni Thaddeus sa katahimikan. “Hindi kaya mag-alala ang mga magulang mo at hindi ka pa umuuwi, Hija?” “Huwag ho kayong mag-alala. Tumawag ho kami ni Thaddeus sa kanila para ipaalam na daraan kami rito,” nakangiti niyang sabi. “Gusto mo ba nang maiinom? Mayroong juice diyan,” alok ng matanda. Umiling siya. “Okay lang ho ako,” tanggi niya at binawi ang tingin sa matanda at itinuon iyon kay Fiona. Hindi kamukha ng kambal ang ina ng mga ito kaya naisip niyang ang ama ang kamukha ng dalawa, pero gayunman ay magaganda din ang mga bata. Tumayo ang ginang at pumasok ito ng banyo na nasa loob ng silid. “Ikaw ba 'yong lady na sinasabi ni Tito na binabantayan niya from bad guys?” bigla ay tanong sa kanya ni Sonia. Tiningnan niya bata na palapit sa kanya. Titig na titig sa kanya ang bilugang mata nito. Nakangiti siyang tumango. “Totoo pala ang sabi ni Tito, beautiful ka nga,” nakangiting sabi ni Sonia. “Sinabi niya iyon?” tanong niya. Madalas na niyang naririnig ang komento ng mga tao na maganda siya pero ang malaman na naa-appreciate pala ng binata ang ganda niya, kakaibang tuwa ang hatid niyon sa kanya. “Opo,” ani naman ng bata na sinubukang maupo sa kama ng kapatid pero hindi naman nito iyon maabot kaya tinulungan niya ito. “Sayang tulog si Fiona, hindi ka niya makikita.” “Puwede naman akong bumalik dito bukas, eh,” aniya naman. Bakas sa mukha ng bata na natuwa ito sa sinabi niya. “Matutuwa si Fiona kapag nakita ka rin niya. Alam n’yo po maraming ikinukuwento si Tito sa amin tungkol sa inyo kapag umuuwi siya.” “Sonia, tigilan mo nga ang kadaldalan mo,” saway ni Mrs. Imperial sa apo nang lumabas ito ng banyo. “Hija, pasensiya ka na sa batang iyan.” “Okay lang po, nakakatuwa nga ho si Sonia, eh,” aniya na mahinang pinisil ang maumbok na pisngi ng bata. “Kumusta naman kayo ni Thaddeus?” tanong ng matanda nang maupo ito sa maliit na sofa na naroon. Napatingin siya rito. “Ho?” nabigla niyang tanong. “Ang ibig kong sabihin nagkakasundo ba kayo ng anak ko?” paglilinaw ng matanda sa tanong nito. Napapatangong ngumiti siya. “Opo naman. Madali naman hong makagaanan ng loob si Thaddeus,” nasabi niya. Ngumiti ang matanda. “Mabuti naman kung ganoon. Hindi kasi masyadong nagsasalita iyon, eh. At palaging mukhang seryoso dahil laging nakakunot ang noo." Iyon nga ho siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit nagustuhan ko ang anak ninyo. Lalo kaya siyang nagiging guwapo kapag seryosong-seryoso ang mukha niya, ani ng isip niya. “Oo nga po,” pagsang-ayon na lamang niya sa matanda. “Pero mabait naman iyon. Masuwerte nga ang kambal na iyan, eh. Si Thaddeus na ang tumatayo nilang ama.” May ilan pang mga ikinuwento ang ginang tungkol sa anak nito bago nakabalik sina Thaddeus at Roselle dala ang mga pinamili para kay Fiona. Nagpaalam na rin sila sa pamilya ng binata. Sinabi ni Thaddeus sa ina nito na babalik ito bukas ng umaga dito sa ospital kapag naihatid na siya nito sa opisina.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD