Chapter Ten

1897 Words
“NAKAKATUWA ang pamangkin mo,” ani Paige habang naglalakad sila patungo sa parking lot ng ospital. Napangiti naman siya. “Ang daldal ba?” Tumango ang dalaga. “Ikaw din siguro madaldal 'no?” nakangiting sabi nito. Tiningnan niya si Paige. “Bakit? Ano’ng sinabi sa 'yo ni Sonia?" “Hindi ba dapat ako ang magtanong kung ano ang mga ikinukuwento mo sa mga bata tungkol sa akin?” Hindi kaagad siya nakapagsalita. “Huwag mong intindihin ang mga sinasabi ng batang iyon. Wala akong sinasabi sa kanila. Alam mo naman ang mga bata minsan, magaling gumawa ng kuwento.” Hindi umimik ang dalaga. Ipinagbukas niya ng pinto ng kotse ang babae. Pagkasakay nito ay isinara rin niya ang pinto at umikot na siya pasakay sa driver’s seat. “Kung ganoon hindi totoo ang sinabi ni Sonia na ang sabi mo raw beautiful ako,” halatang pigil lang ang mapangiti na sabi ng dalaga. Natawa naman siya. “Iyon ba? Oo, sinabi ko iyon.” Ngumiti ng malapad ang babae at binuksan nito ang bag na dala. Kaka-start lang niya ng kotse nang biglang magsalita ang dalaga. “Naiwan ko ang cell phone ko,” ani Paige na kinapa pa ang bulsa ng suot nitong pants. Kunot-noong tiningnan niya ito. “Saan?” “Doon yata sa may side table ng bed ni Fiona,” tugon nito. “Sige, ako na lang ang kukuha. Maiwan ka na lang rito,” aniya at agad na bumaba ng kotse. Malalaki ang hakbang na naglakad siya pabalik sa loob ng ospital. Papasakay na siya ng elevator nang makarinig siya ng sunod-sunod na putok ng b***l buhat sa labas. Nagtilian ang ibang mga nasa lobby ng ospital. Pakiramdam niya ay nagtayuan ang balahibo niya. Mabilis siyang napapihit ng takbo palabas sabay hugot sa b***l na nasa kanyang beywang. Eksaktong nakalabas siya ng entrance ng ospital ay dumaan ang isang motorsiklo na may sakay na dalawang lalaki. Pinaputukan pa ng mga ito ang entrance ng ospital. Gumanti siya ng putok at pati na ang guwardiya pero mabilis na nakalayo ang mga ito. Kinakabahang tinakbo niya ang kinaroroonan ng kotse ni Paige. Tumindi ang takot niya nang makitang basag ang bintana ng kotse. “Paige!” malakas niyang sigaw. Mabilis siyang nakalapit sa kotse at nang buksan niya iyon ay nakita niyang nakasubsob ang babae sa may kinauupuan nito at nanginginig sa takot. Hinawakan niya ang babae sa braso, napatili ng malakas ang dalaga. “Paige, ako ito. Si Thaddeus,” malakas niyang sabi. Tumigil sa pagtili ang dalaga at humarap sa kanya. Niyakap siya nito nang mahigpit at saka parang bata na umiyak. Isiniksik nito ang katawan sa kanya. Dama niya ang panginginig ng buong katawan nito sa takot. “Nasaktan ka ba?” tanong niya. Hindi sumagot ang babae, patuloy lang ito sa paghagulhol. Bumitaw siya sa pagkakayakap nito at hinawakan sa magkabilang balikat ang dalaga. Pinagmasdan niya itong mabuti. Pero ilang saglit lang ay muli siyang hinila ng babae at yumakap ulit sa kanya. “Tahan na. You’re not hurt. Andito na ako,” pagpapakalma niya sa dalaga. “I-itinutok nila s-sa akin ang b-b***l, akala k-ko s-sa akin talaga—” hindi na natapos ni Paige ang sinasabi dahil napaiyak na naman itong muli. Ramdam niyang marami ng taong nakapaligid sa kanila at narinig din niya ang pagdating ng mga pulis. Dinukot niya ang cell phone sa kanyang bulsa at tinawagan ang ama ng dalaga upang ipaalam sa mga ito ang nangyari. “Paige, sandali lang. Kakausapin ko lang ang mga pulis para makapagbigay tayo ng statement. Papunta na rin dito sina Senator,” aniya sa dalaga pagkatapos niyang kausapin ang ama nito. Naramdaman niya ang lalong paghigpit ng yakap nito sa kanya. “Ayoko. Huwag mo akong iwan,” pakiusap nito. “I’m not leaving. Magbibigay lang tayo ng statement para pagdating ng mga magulang mo makaalis na rin agad tayo.” “Please, Thaddeus. Dito ka lang,” her voice sounds so helpless. Napatiim-bagang siya. Tahimik niyang sinisisi ang sarili sa nangyari. Hindi niya ito dapat iniwan nang nag-iisa sa kotse. Masyado siyang naging lax sa duty niya. Hindi naman kasi niya akalaing mangyayari ito. Ilang linggo na niyang binabantayan ang dalaga at wala naman siyang nakitang seryosong banta sa buhay nito. Niyakap niya si Paige. “I’m so sorry." KATATAPOS pa lamang nilang magbigay ng statement sa mga pulis nang dumating ang mga magulang niya para sunduin sila. Bakas ang pag-aalala at galit sa mukha ng mga ito nang makita siya. Hindi na nagpa-unlak ng interview ang Papa niya at agad na rin silang pinasakay sa sasakyan ng mga ito. Hindi siya nagsasalita at nakayakap lang sa ina habang nasa biyahe sila pauwi. Ang Papa naman niya ay maraming tinatawagang kakilala nito upang pa-imbestigahang mabuti ang nangyari sa kanya. Hindi pa rin nawawala ang panginginig ng katawan niya dala ng takot. Ilang sandali pa ay narating na nila ang mansiyon. Magkakasama sila nang mga magulang na pumasok at nagtungo sa living room. Inutusan ng Mama niya ang isa sa mga kasambahay na kumuha ng maiinom niya. Tahimik lang na nakasunod sa kanila si Thaddeus. Inalalayan siya sa pag-upo ng kanyang ina. “Ano ba talaga ang nangyari, Hija?” tanong nito. Basa din ng luha ang mata ng ginang. “Naroon lang po ako sa kotse, tapos may kumatok sa bintana. Nang lumingon ako, nakatutok na ang b***l sa akin. I screamed at yumuko ako, I thought they’re going to shoot me pero doon nila sa likuran sunod-sunod na pinaputok ang b***l,” naiiyak na kuwento niya sa mga ito. “Nasaan ka nang mangyari iyon?” tanong ng ama niya kay Thaddeus. Sasagot sana ang binata nang siya namang pagdating ng Tito Victor niya. “Ano’ng nangyari? Hija, are you okay?” tanong sa kanya nito na bakas din ang pag-aalala sa tinig. Marahang tango lang ang itinugon niya. “Ano ba kasi ang ginagawa ninyo sa lugar na iyon?” tanong ni Victor bago nito binalingan ang inaanak. “Hindi ba dapat pagkakagaling sa opisina ay dito mo siya ihatid?” “Tumawag ho kasi sa akin sina Mama, sinabi na dinala si Fiona sa ospital,” nakayukong sabi ni Thaddeus. Dama niya na sinisisi nito ang sarili sa nangyari sa kanya. “Nasaan ka ba nang mangyari iyon?” ulit ng Papa niya sa tanong nito kanina kay Thaddeus. “Bumalik ho ako sa loob ng ospital,” mahinang tugon ni Thaddeus. “At iniwan mong mag-isa sa kotse si Paige?” singit ni Victor bago pa makapagsalita ang Papa niya. “Kaya kita ini-assign dito dahil tiwala ako na hindi ka magpapabaya sa trabaho mo. Bakit mo siya iiwan ng mag-isa sa ganoong open na area?” Hindi nakasagot si Thaddeus. “W-wala naman ho siyang kasalanan,” sabad niya sa usapan ng tatlong lalaki. Napatingin ang mga ito sa kanya. “Inutusan ko ho siyang balikan 'yong cellphone ko sa loob ng ospital. Naiwan ko ho kasi doon sa room ng pamangkin niya. Isinasama po niya ako pabalik doon pero nagpaiwan na lang ako sa sasakyan,” pagsisinungaling niya. Nakita niya ang pagtatagis ng bagang ni Thaddeus, alam niyang hindi nito nagustuhan ang ginawa niyang pagtatakip rito. Pero kung tutuusin naman ay siya talaga ang may kasalanan, kung hindi sa pagiging makakalimutin niya ay hindi sana siya iiwan ni Thaddeus at hindi magkakaroon ng pagkakataon ang mga lalaking iyon na pagtangkaan ang buhay niya. “Kahit na, hindi ka niya dapat iniwan,” sabi pa ni Victor at pinukol nito ng madilim na tingin si Thaddeus. Hindi naman umimik ang lalaki, nasa mukha nito ang pinaghalong guilt at pag-aalala para sa kanya. “Mabuti na lang hindi ka nasaktan, Paige,” ani sa kanya ng Tito Victor niya. “Itinutok raw sa kanya 'yong b***l noong una pero sa backseat naman ipinutok,” pagbibigay alam ng Papa niya sa kaibigan. “Kung ganoon baka wala talaga silang balak saktan si Paige, gusto ka lang nilang takutin, Ernesto,” ani Victor na base sa mukha ay pinag-isipan nito ang impormasyon na sinabi ng ama. “Nanakot? Hindi basta pananakot iyon, Victor. Muntik na nilang mapatay ang anak ko!” bakas ang takot at galit sa tinig ng Mama niya. Umiling si Victor. “Alam nating pare-pareho ang gustong mangyari ng mga taong iyon.” Naupo ang kanyang ama at tila napakalalim ng iniisip nito. “At paano kapag hindi ginawa ni Ernesto ang gusto nila? Tuluyan nilang papatayin si Paige, o ako o ang buong pamilya namin?” ani ng ina niya at tiningnan ang asawa. “Ernesto, ito na ang sinasabi ko sa 'yo noon pa!” “Hindi nila gusto na ituloy mo ang pagtakbo bilang president sa susunod na taon, kaya nila ito ginagawa,” ani pa ni Victor. “Seryoso silang pigilan ang balak mo sa kahit na ano’ng paraan.” Kapwa silang walang imik ni Thaddeus habang nag-uusap naman ang tatlo. “Huwag mo na kasing ituloy ang pagtakbo, Ernesto!” may bahid ng pakiusap na sabi ng kanyang Mama sa ama niya. “Tumakbo ka na lang ulit bilang senador o kung maaari huwag na. Alam ko na iyon ang pangarap mo, pero gusto ko na nang tahimik na buhay!” Tiningnan ni Ernesto ang ina niya na nakayakap sa kanya pero hindi ito nagsalita. “Hindi kita pinipigilan noon, alam mong nakasuporta ako sa 'yo mula pa noon. Pero kung ganito nang madadamay na ang kaligtasan ng anak natin, hindi na ako papayag!” malakas na sabi ng kanyang ina. “Andrea, isipin mo rin naman ang hinihingi mo kay Ernesto,” ani Victor na pumagitna sa mag-asawa. Hindi umimik ang Mama niya pero pinukol nito ng matalim na tingin si Victor. “Kailangan nating malaman kung sino ang—” Natigil sa pagsasalita ang kanyang ama nang tumunog ang cell phone nito. Inilabas nito iyon at sinagot. Nakita niya ang pamumula ng mukha ng Papa niya. “Hayop kayo! Ako ang harapin ninyo! Huwag ninyong idamay ang anak ko!” galit na bulyaw nito sa kausap. “Hello!? Hello?!” “Ernesto?” usal ng Mama niya. Kuyom ang cellphone na tiningnan sila ng Papa niya. “Patikim pa lang daw 'yong ginawa nila kay Paige,” nangangalit ang bagang na sabi ng matandang lalaki. Napabunghalit ng iyak ang ina niya. “Nakita mo na, Ernesto?!” Napahugot ng malalim na hininga ang Papa niya. “Gagawin namin ang lahat para malaman kung sino ang nasa likod nito, Pare,” ani Victor na tinapik ang balikat ng kanyang ama.   “Kailan pa ninyo malalaman iyon kapag huli na ang lahat?!” pakli ng ina niya sa Tito Victor niya. “Andrea, umakyat na muna kayo ni Paige sa itaas. Pagpahingahin mo na ang anak natin, at ganoon ka rin, magpahinga ka muna. Mag-uusap muna kami ni Victor,” sabi ng Papa niya. Bakas ang pagtutol sa mukha ng ginang pero hindi na ito nagsalita. Inalalayan siya nito sa pagtayo. Bago nila tinalikuran ang mga ito ay nakita niya ang mukha ni Thaddeus, nakatingin rin ang lalaki sa kanya pero agad itong nag-iwas ng tingin. “Doon tayo sa study mag-usap. Thaddeus, sumama ka sa amin,” narinig niyang sabi ng ama niya bago sila makarating sa hagdanan.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD