Chapter Eleven

1474 Words
ILANG oras nang mulat si Paige pero hindi pa rin siya bumabangon. Alam niyang tanghali na at dapat ngayon ay naghahanda na siya sa pagpasok sa opisina pero pakiramdam niya ay napakabigat ng buo niyang katawan. Halos hindi siya nakatulog ng maayos kagabi dahil sa pag-iisip sa nangyari. Hanggang ngayon ay dama pa rin niya ang takot dahil sa pagtatangka sa buhay niya. Hindi rin siya mapalagay dahil kay Thaddeus. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa lalaki pagkatapos nilang iwan ang mga ito para makapag-usap. Sinubukan niyang tawagan ang binata pero hindi nito sinasagot ang tawag at kahit ang mga text niya. Napasulyap siya sa pinto ng silid niya nang makarinig ng mga katok mula roon. “Ma’am, ipinatatawag na ho kayo ni Sir Ernesto. Sumabay raw ho kayo sa kanila na mag-almusal.” Napahinga siya nang malalim bago sumagot. “Sige, bababa na ako.” Pinilit niya ang sarili na bumangon. Mabagal ang kilos na naghilamos siya at nagbihis bago bumaba para saluhan ang mga magulang. Nasa lanai ang mga ito at nagsisimula nang kumain. Mahihimigan ang tamlay sa tinig niya nang batiin niya ang mga ito. Naupo siya sa tapat ng Mama niya. Tahimik ang mag-asawa habang kumakain. Sa timpla ng mukha ng Mama niya alam niyang kung anuman ang napag-usapan kagabi ay hindi iyon nagustuhan ng ginang. Walang imik na nagsimula na rin siyang kumain. “Hindi ka muna papasok sa opisina, Paige,” maya-maya ay sabi ng kanyang ama. Napatingin siya rito. “Magbakasyon ka na muna, Hija. Huwag mong alalahanin ang mga maiiwan na  trabaho. Tinawagan ko na ang Aunte Celeste mo, siya muna ang pansamantalang papalit sa 'yo,” patuloy ng Papa niya. Nakita niya ang paghinga nang malalim ng kanyang ina pero hindi ito nagsalita. “Pero 'Pa, ano ho ang gagawin ko? Alangan naman hong dumito lang ako sa bahay,” nasa himig niya ang pagpo-protesta. “Doon ka muna sa rest house natin sa Bataan, mas ligtas ka roon,” ani ng Papa niya. Napailing siya. “Hindi ko ho kayo kayang iwan dito.” “Mas mahalaga ang kaligtasan mo, Hija. Huwag mo kaming intindihin ng Mama mo. Magpapakuha ako ng dagdag na bodyguards,” sabi pa ng Papa niya bago nagsubo. Sinulyapan niya ang kanyang ina. Tahimik pa rin ito. “Kung ganoon, itutuloy pa rin ninyo ang pagtakbo ninyo sa eleksyon?” Tumango ang Papa niya. “Ayokong magpadala sa mga pagbabanta nila, Hija. Naiintindihan mo naman ako kung bakit gusto kong ituloy iyon, 'di ba?” Hindi siya sumagot. Tama ang ama niya, naiintindihan niya ito. Pero inaalala niya ay ang ina, hindi nito magugustuhan kung sasabihin pa niya iyon. Ayaw niyang sumama ang loob nito sa kanya. “Sa makalawa ng gabi ay bibiyahe ka na patungo sa Bataan, i-increase din natin ang security mo,” sabi pa ng matandang Colmenar. “Si Thaddeus?” naitanong niya. Tiningnan siya ng ama. Nakadama siya ng kaba. Hindi na ba ang binata ang makakasama niya roon? Hindi ba ito kasama sa mga magiging bodyguards niya? Tuluyan bang nawala ang tiwala ng ama niya sa kakayahan ni Thaddeus na protektahan siya? “He’s coming with me, right?” mahinang tanong niya. Tumango ito. “Of course.” Pakiramdam niya ay nakahinga siya nang maluwag sa narinig. “Hanggang kailan ho ako roon?” “I don’t know, Hija. Kapag nasiguro na nating safe na saka ka babalik rito. Don’t worry, ginagawa na ng Tito Victor mo ang lahat para matukoy kung sino ang utak ng pananakot na ito sa atin,” ani ng ama niya na tipid siyang nginitian. “Kung ang gusto kong mangyari ang susundin mo hindi sana kailangang mawalay sa atin si Paige,” mahihimigan ng sama ng loob na sabi ng Mama niya. Tiningnan nila itong mag-ama. “Paano natin masisiguro ang kaligtasan ni Paige kung hindi natin siya kasama?” dagdag pa ng ina niya. “Andrea, magtiwala ka sa plano namin ni Victor. Walang mangyayaring masama kay Paige, ligtas siya roon,” pag-a-assure naman ng Papa niya sa kanyang ina. “Kung hindi ka talaga mapipigil sa plano mo, bakit hindi mo na lang sa America ipadala si Paige? Doon mas nakakasiguro tayo sa kaligtasan niya,” sabi naman ni Mrs. Colmenar. “Ayoko!” mabilis naman niyang sabi. “Narinig mo ang anak mo?” sabi ng Papa niya. “Iyan ang dahilan kung bakit hindi ko iniisip na gawin ang suhestiyon mong iyon. Alam kong kahit na ano pa ang gawin natin ay hindi papayag si Paige.” “Hindi ko talaga kayo maintindihang mag-ama! Bakit ba hindi ninyo maintindihan ang gusto kong mangyari? Ang gusto ko lang naman masigurong ligtas tayong lahat!” pagalit na sabi ng Mama niya bago ito tumayo at walang lingon-likod silang iniwan. Sinundan niya ng tingin ang ina. Nauunawan naman niya ito, pero alam din niyang mahalaga sa kanyang Papa na ituloy nito ang pagkandidato. Naiintindihan niya ang punto ng ama. Ayaw nitong magpadala sa takot at isuko ang lahat ng pinaghirapan at pangarap nito para sa bansa. “Huwag mo nang alalahanin ang Mama mo, Hija,” ani ng Papa niya. Hinawakan nito ang kamay niya at marahan iyong pinisil. “Ako na ang bahala sa kanya.” SINULYAPAN ni Paige ang walang kaimik-imik na si Thaddeus. Pagkatapos maghapunan kanina ay umalis na sila ng mansiyon patungo ng Bataan. Nasa NLEX na sila, kasama nila ang dalawa pang bago niyang bodyguards. Nasa unahan ang dalawa habang sila ni Thaddeus ay magkasama sa likod ng sasakyan. “Thaddeus,” marahan niyang tawag sa lalaki. Tumingin sa kanya ang binata pero hindi ito nagsalita. “Inaalala mo ba si Fiona?” tanong niya rito. Bago sila umalis ay umuwi kanina ang lalaki para kumuha ng ilang gamit at dinalaw na rin nito sa ospital ang pamangkin. “Kumusta na siya?” “Maayos na ang lagay niya ngayon. Pneumonia at urinary tract infection ang findings. Medyo masigla na siya kanina at hindi na nilalagnat,” tugon sa kanya ng binata. Nakangiti siyang napatango. “Mabuti naman kung ganoon.” Muling namayani ang katahimikan. Hindi na muling nagsalita si Thaddeus at ang dalawa pa nilang kasama ay tahimik rin. Alam niyang nakikiramdam ang mga ito kung wala bang sumusunod sa kanila dahil panay ang tingin ng mga ito sa side mirror. Ilang beses din silang nagpa-iba-iba ng daan upang masigurong walang makakasunod sa kanila. Muli niyang sinulyapan si Thaddeus. Nakabaling ang tingin nito sa labas ng sasakyan at parang napakalalim ng iniisip. Maya-maya ay marahas itong napabuga ng hangin. “Ano ba’ng iniisip mo?” hindi mapigilang tanong niya sa lalaki. Hindi ito sumagot. “Thaddeus,” untag niya rito. Tiningnan siya nito. “Naalala ko lang ang nangyari sa 'yo. Tama sila Ninong, hindi kita dapat iniwang nag-iisa. It was all my fault. Napaka-careless ko, hindi ako nag-iisip,” paninisi nito sa sarili. Puno ng lungkot at pagsisisi ang mga mata ng binata. “Stop blaming yourself. Kung hindi ko naiwan ang cell phone ko hindi mo naman ako iiwan doon, eh,” mahina niyang sabi. “Hindi mo ginusto ang nangyari.” “But I should have brought you with me.” Hindi siya kumibo. Lihim niyang nakagat ang pang-ibabang labi, paano nga ba niya kukumbinsehin ang lalaki na wala itong kasalanan. “Akala ko nga paaalisin na ako ni Senator Colmenar,” naiiling na sabi nito. “Hiyang-hiya ako sa kanila. Muntik ka ng mapahamak ng dahil sa akin.” “Cut it out,” mahina pero mariin niyang sabi. Hindi na nagsalita ito pero napahinga ng malalim. “Wala kang kasalanan, okay? But if you really feel guilty about it, then bakit hindi ka kusang mag-resign sa assignment na ito? If you think na hindi mo ako kayang protektahan, ano pa ang ginagawa mo rito?” kunwari ay naiinis nang sabi niya. Bahagya itong napayuko. “I’m sorry.” Naningkit ang mga mata niya. “Bakit ka nagso-sorry? Huwag mong sabihing magki-quit ka nga sa assignment mong ito? Ano iiwan mo ako?” Umiling ito at hinawakan ang isa niyang kamay. “No, hindi ko gagawin iyon.” Pakiramdam niya ay nabunutan siya ng tinik sa sinabi nito. Kung gagawin iyon nang lalaki ay hindi talaga siya papayag. Naniniwala siyang ito lamang ang maaaring mag-protekta sa kanya. Sa binata nakasalalay hindi lang ang kanyang buhay kundi pati na ang puso niya. Tipid siyang ngumiti. “Dapat lang,” aniya. Ngumiti ang binata saka nito binawi ang tingin sa kanya at muling ibinaling sa labas ng sasakyan. Bumaba ang tingin niya sa kanyang kamay, hindi pa rin iyon binibitiwan ng binata. Hinayaan lamang niya iyon. Gusto niya ang pakiramdam ng mainit na palad nito sa kanyang kamay. Ipinikit na niya ang kanyang mga mata. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD