Chapter Twelve

1431 Words
NAPABALIKWAS si Thaddeus nang makitang ang liwanag na tumatagos sa bintana ng silid na tinutuluyan niya. Tiningnan niya ang suot na relos, pasado alas otso na ng umaga. Bumangon siya at mabilis na nagsuot ng itim na sando, saka lumabas ng silid. Nakahiwalay sa mismong resthouse ng mga Colmenar ang quarters para sa mga bodyguards. Nakita niya ang isa niyang kasamahan na nakaupo sa may frontdoor ng resthouse. “Gising na ba si Paige?” tanong niya kay Aljon. “Oo, kanina pa. Gusto nga sanang sumama kanina kay Manang Belen sa pagpunta ng palengke pero nang sabihin ko na nagpapahinga ka pa, hindi na siya nagpilit,” sagot ng lalaki. Napatango siya. “Sinamahan ba ni Ricky 'yong kasambahay?” “Oo, pinagsabihan na rin namin na walang dapat makaalam na narito si Miss Colmenar,” ani naman nito. “Mabuti kung ganoon. Nakapag-almusal ka na?” “Katatapos lang kani-kanina. Sige Pare, maglilibot muna ako. Titingnan ko kung saan ikakabit ang mga surveillance camera. Okay pa naman 'yong mga dating camera na nakakabit, kaya lang sa may gate at frontdoor lang mayroon,” sabi ni Aljon. Tinanguan lang niya ito at pumasok na siya sa loob ng rest house. Aakyat sana siya sa second floor para tingnan kung naroon si Paige nang mapatigil siya. Napakunot ang noo niya nang may maamoy buhat sa kusina. Pumihit siya at sa halip ay doon nagtungo. Hindi niya napigilan ang mapangiti nang maabutan roon si Paige. Nakatalikod ang babae at mukhang abalang-abala sa pagluluto. Sumandal siya sa may pinto at pinag-krus ang mga braso sa tapat ng dibdib habang pinapanood ang dalaga. Napaka-simple ng ayos ni Paige, hindi mo aakalaing ito ay ang nag-iisang anak ni Senator Colmenar. Nakapusod ang mahaba nitong buhok kaya kita ang maputi at mahabang leeg nito. Naka-puting t-shirt ang babae na hapit sa katawan at maikling maong na short. Pakanta-kanta pa ito habang nagluluto ng pancakes. Natigilan ang babae nang pumihit ito at makita siya. “Good morning,” nakangiti niyang bati rito. “Gising ka na pala. Sandali lang ha, hindi pa kasi tapos ang breakfast mo.” Dinampot ni Paige ang isang bowl at hinalo ang laman niyon. Humakbang siya palapit dito. “Para sa akin 'yan?” Tiningnan siya ni Paige at tumango. “Yeah. Maupo ka na d’yan, malapit na itong matapos.” Sinunod niya ang babae. Naupo siya sa breakfast counter at pinanood ang dalaga. Kumuha ito ng isa pang frying pan at isinalang iyon sa lutuan. “Gusto mo bang tulungan na kita?” tanong niya. “Nope!" mabilis nitong sabi at nginitian siya. "Huwag na, kayang-kaya ko na ito.” “Are you sure? Marunong ka ba talagang magluto?” nagdududang tanong niya. Nakatikwas ang kilay na humarap sa kanya ang dalaga. “Ano bang akala mo sa akin? Siyempre I know how, tinuruan naman ako ni Mama kahit papaano. Maghintay ka lang diyan. I bet hahanap-hanapin mo ang luto ko kapag natikman mo.” Hindi na siya umimik. Hindi niya inaalis ang tingin sa dalaga. Natutuwa siya na mabilis itong naka-recover sa nangyari, akala niya ay matu-trauma ito dahil doon. Kung sabagay malakas si Paige at bilib siya sa tapang nito. Kung sa iba siguro nangyari iyon malamang ay linggo ang bibilangin bago maka-recover. Ilang sandali pa ay tapos na sa pagluluto ang dalaga. Nakangiti nitong inihain sa kanya ang mga ginawa nitong pancakes at ginisa na ground pork. Gumawa din ng juice ang babae bago ito naupo sa tabi niya. “Pasensiya na, ang mga iyan lang kasi ang nakita ko diyan sa ref. Pero namalengke na si Manang ng stocks natin,” ani ng babae. “Okay lang, hindi naman ako maselan sa pagkain. Puwede ko nang pagtiyagaan ito,” pabiro pa niyang sabi. Inirapan lamang siya nito. PAGKATAPOS maligo at magbihis ay kinuha ni Paige sa cell phone niya. Una niyang tinawagan ang kanyang mga magulang para kumustahin ang mga ito, pagkatapos ay si Moira naman ang tinawagan niya. “Who’s this please?” tanong ni Moira nang sagutin nito ang tawag niya. “It’s me, Paige,” sagot niya at naupo sa ibabaw ng kama habang sinusuklay ang kanyang buhok. Nagpalit siya ng number ayon sa utos ng kanyang ama. “Paige!” bakas ang magkahalong excitement at pag-aalala sa tinig ng kaibigan niya. “Asan ka? Bakit ngayon ka lang tumawag? Alam mo bang alalang-alala kaming lahat sa'yo nang mabalitaan namin ang nangyari.” “Don’t worry, I’m safe but I can’t tell you kung nasaan ako. Kumusta ka? How are the others?” “Okay naman kami, ikaw ang inaalala namin. Tinatawagan ka namin pero hindi ma-contact ang phone mo. Tumawag din kami sa mansiyon pero ang sabi ng maid ang bilin daw ni Tito no phone calls ka muna. Eh, hindi naman kami makapunta sa inyo dahil sa gate pa lang ng subdivision hinaharang na kami,” ani ng babae. “I’m sorry, pinahigpitan kasi ni Papa ang security. Pinagpalit niya ako ng number para hindi daw ako ma-track ng mga nagtatangka sa akin,” maikling paliwanag niya. “Puwede ba tayong magkita-kita? We want to see you para makasiguro kami na okay ka.” “Wala ako sa Manila ngayon. Huwag na kayong mag-alala safe ako rito. Tatawag-tawag na lang ako sa inyo,” aniya. “Dapat lang 'noh! Sina Perrie at Scarlet halos mag-hysterical na nang malaman nila ang nangyari sa'yo. Si Tita Andrea, kasama mo ba?” tanong ni Moira. “No, naiwan siya kasama ni Papa. Alam mo naman si Mama, kahit na ano’ng mangyari ayaw niyang mawala sa tabi ni Papa. Sabi ni Papa mas mabuti nga raw iyon para kahit papaano nakikita ng mga tao na naroon si Mama, so hindi nila iisipin na itinago nila ako rito,” patuloy niyang kuwento sa kaibigan. “Pupunta-punta or tatawag na lang kami sa bahay ninyo to check if okay sina Tito at Tita. Basta siguraduhin mong ayos ka lang diyan, ha? Sino nga palang kasama mo?” mahihimigan ng matinding concern ang tinig ng babae. “Si Thaddeus at may kasama pa kaming dalawa pa na bodyguard. Pakiramdam ko nga masisiraan ako ng bait dito. Hindi ako puwedeng lumabas at hindi ko rin alam kung hanggang kailan ako rito,” napapabuntong-hiningang sabi niya. Ilang sandaling hindi nagsalita si Moira. “Andiyan ka pa ba?” tanong niya dahil tumahimik ang kabilang linya. “Oo, andito pa ako. May iniisip lang ako,” sagot ng kaibigan niya. “Ano?” “Iniisip ko kung safe ka ba talaga kasama ang Thaddeus na iyan,” agad nitong sagot. Nagpakawala siya nang malalim na hininga. “Look, hindi kasalanan ni Thaddeus 'yong nangyari, okay? Hindi niya ginusto iyon. At kung may makakapag-protekta man sa akin ng mabuti, that’s him. Kung hindi niya kaya, hindi siya pagtitiwalaan ni Papa at Tito Victor para makasama ko pa ulit ngayon.” “Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin,” pakli ng babae. Lalong lumalim ang gatla niya sa noo. "Paige, be honest with me… Are you falling in love with that man?” Hindi siya nakasagot, hindi niya inaasahan ang tanong na iyon ng babae. Binitawan niya ang tangang suklay at nahiga sa kama. Hindi niya malaman ang isasagot sa kaibigan. “Bakit hindi ka makapagsalita? Tama ba ako sa observation ko?” tanong ni Moira pagkalipas nang ilang sandali. “I noticed that noong nasa Quezon tayo. You couldn’t take your eyes away from him at saka 'yong reaction mo nang lapitan siya ni Akira at nang makita natin siya na may kausap na batchmate nating babae… I never saw that look on your face dati.” Napabuga siya ng hangin. “You’re right,” mahina niyang pag-amin. “Mag-iingat ka diyan sa nararamdaman mo,” paalala ng babae. “Alam natin ang mga nasa ganyang work 'di ba? Karamihan sa mga iyan mahuhusay sa kilos at salita.” “He’s not like that,” mabilis niyang pagtatanggol kay Thaddeus. “Siguro,” ani ng babae. “I just want you to be careful. Ayokong matulad ka kay Akira, she’s going gaga na naman doon sa lalaking ikinu-kuwento niya.” Tumikwas ang kilay niya sa sinabi nito. “Bakit ano’ng nangyari?” “Well, nakahanap na yata ng katapat ang babaeng iyon. Mabuti pa sa kanya ka na lang magpa-kuwento nasa duty ako ngayon, eh. Basta tatawagan mo ako palagi ha?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD