NAPAKUNUT-NOO si Zai nang paglabas niya ng powder room ay nakita niyang papaalis si Trish sa bar ng restaurant na iyon at parang nakita niyang kumaway pa ito kay Dice. Napaisip siya pero sa huli ay ipinagkibit-balikat niya lamang iyon dahil marahil ay nag-eespiya lang si Trish sa kanya sa kung anong ginawa niyang hakbang patungkol sa hamon sa kanya. Pero iyon na nga ang problema niya, wala pa siyang nagagawa.
Kanina kasing akmang lalapitan niya na si Dice ay sinalakay siya ng matinding kaba kaya sa halip na dumiretso ay lumiko na lang siya sa powder room para kalmahin ang sarili. Kung akala niya ay sisiw lamang ang challenge nila Trish at Devlyn sa kanya ay nagkakamali siya dahil iba na pala talaga ang pakiramdam ngayong alam niyang ilang hakbang na lamang ang layo nila sa isa't isa.
Siguro ay dahil hindi niya lang inaasahan na pagkatapos ng labindalawang taon ay magtatagpo muli ang mga landas nila at sa ganoong pagkakataon pa. Ano ang sasabihin niya rito? Paano niya ito papakiharapan? Nagkaroon sila ng nakaraan at hindi iyon naging maganda para sa kanilang dalawa. Napabuntung-hininga si Zai at muling napatingin sa gilid ng bar counter kung saan naroon si Dice ngayon.
She doesn't know why it feels like frightening to her that she can now drink in the sight of his beautiful features. Napakalaki na ng pinagbago nito sa loob ng labindalawang taong nakalipas.
Nawala na ang tila pagkabibong ugali nito at napalitan iyon ng kakaibang sense of authority. Ngayon, base sa paraan ng pananamit nito at sa paraan ng pagdadala nito ng sarili nito ay nabawi na nito ang pagkalugmok na naranasan nito noon. Nagkaroon rin ng ibang awra ang presensya nito.
He exudes so much confidence enough to turn heads. At mukhang iyon na nga ang nangyari dahil may napansin siyang isang babae sa dulo ng bar counter na may katabing isang matandang lalaki.
Sumilay ang ngiti sa mga labi ng babae at pinapungay ang mga mata na para bang nang-aakit, at ang bruhong ex niya, mukhang nagpapaakit naman. Well, wala naman siyang maipintas sa babae dahil mukha naman itong desente, mukhang mayaman, alaga sa ehersisyo ang pangagatawan at maganda... mas maganda nga lang siya. Pero hindi ito maaaring magpa-cute dahil baka maging hadlang pa ito sa balak niya. Kaya nang makita niyang kikilos na si Dice papunta sa babae ay kumilos na din siya.
Bago pa man marating ni Dice ang kinaroroonan ng babae ay hinarang niya na ang daraanan nito at sa kabila ng kaba ay ngumiti siya nang pagkaganda-ganda.
"Oh, Dice. Ikaw pala!" Gustong batukan ni Zai ang sarili sa sobra naman yatang pagkasabik sa boses niya.
Well, acting lang iyon para mapaniwala naman itong natutuwa siyang makita ito. Pero sa sobrang O.A ng pagkakasabi niya ay tila hindi na iyon naging kapani-paniwala sa binata kaya marahil ay napakunut-noo ito. O baka naman nagulat lang itong bigla namang sumulpot ang multo ng nakaraan nito kaya ganoon ang naging reaksyon nito. Nagkibit-balikat siya.
"Zai?"
"Grabe naman! Wala man lang bang 'Hi, nice to see you again, Zai?" natatawang wika niya.
Lalo lang kumunot ang noo nito sa sinabi niya at parang lalong pinagmukha niya lang tanga ang sarili niya. Pero wapakels na. Isusugal niya lahat para sa advertising campaign na pangarap niya.
Hindi na ito muling sumagot sa kanya at matamang pinakatitigan siya na animo'y minememorya nito ang kanyang mukha. Hindi niya lang sigurado pero parang may kalungkutang gumuhit sa mga mata nito. Pero marahil ay imahinasyon niya lang iyon dahil kapagkuwa'y napailing ito at akmang lalagpasan siya pero agad niya na naman itong hinarang.
"Hindi ko 'yan gagawin kung ako sa'yo," wika niya na ang tinutukoy ang paglapit sa babaeng ninanakawan nito ng tingin.
"Ano bang ginagawa mo, Zai?" kunut-noong wika nito.
"Inililigtas kita sa sakit ng katawan."
"Ha?" Nagkibit-balikat siya at nginuso ang direksyon ng babae.
"Mukhang type mo siya pero marami ding may type sa kanya." Lumingon si Zai sa paligid upang maipakita kay Dice ang mga lalaking napansin niya kaninang nakatingin rin sa partikular na babaeng iyon. "Kaya kung ayaw mong makahanap ng kaaway dahil lang sa nilapitan mo ang babaeng iyon, mabuti pa ay magkuwentuhan na lang tayo. Kamusta ka na?" Nawiwirduhang tiningnan siya nito saka tumaas ang isang sulok ng labi nito.
"I'm pretty much better than the Dice you left behind,"wika nito.
Hindi siya tanga para hindi mahalata ang sarkasmo sa tinig nito at naiintindihan niya iyon. Hindi naging maganda ang nakaraan nila dahil iniwan niya ito pero hindi lang naman siya ang may kasalanan. Kung tutuusin ay may karapatan din siyang sungitan ito ngayon dahil sa mga hinanakit niya rin dito noon pero hindi iyon ang tamang panahon. Hindi iyon ang panahon para balikan ang nakaraan nila dahil hindi iyon ang sadya ni Zai. Kaya kahit gusto nang magsipag-unahan sa pagtaas ang mga kilay niya dahil sa pagsusungit ni Dice na hindi naman nito ginagawa sa kanya noon ay hindi niya na lang iyon pinansin. Eksaheradong natawa siya.
"Ibang iba ka na nga, Dice." pinasigla niya ang boses at mas pinalawak ang ngiti. Akma niyang hahawakan ang balikat nito pero agad itong umiwas. Aba!
"Ano ang ibig sabihin nito, Zai?" iritadong wika nito.
"Wala naman. I'm just saving you from the girl who might bring you trouble," aniya.
"Talaga lang ha?" taas kilay na wika nito saka ito pagak na natawa.
Matiim na pinakatitigan siya nito na animo'y binabasa ang isip niya. Hindi niya alam kung anong nangyari pero sa loob ng ilang sandaling tinititigan siya nito ay nawala ang kakayahan niyang mag-isip ng mga pangontra sa kasungitan nito.
Matalino si Zai at alam niya ang sasabihin sa kahit anong pagkakataon lalo pa kung pangarap niya ang nakataya. Pero ewan niya ba kung bakit natuon na lamang ang atensyon niya sa magagandang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Maaari ngang nag-iba na ang pagkatao nito ngayon pero parehas pa rin ang mga mata nitong hinahangaan niya noon... ang mga matang hindi niya alam kung bakit pero sa tuwing tinitingnan niya ay nakadarama siya ng pag-iinit sa kanyang puso gaya na lamang ng nadarama niya ngayon.
Pero bago pa man makahuma si Zai sa reyalisasyon niyang iyon na alam niyang hindi nararapat ay nagsimula namang humakbang si Dice patungo sa kanya. Lalo lang tuloy nagrigodon ang puso niya sa sobrang kaba. Para kasing minamagneto siya nito sa pamamagitan ng mga mata nito at hindi iyon maaaring mangyari!
Siya ang dapat nang-aakit dito, hindi ito sa kanya! Desimuladong napaatras si Zai sa kinatatayuan hanggang sa tumama ang likod niya sa bar counter dahilan upang hindi siya makagalaw. Parang sasabog na ang puso niya lalo pa nang ilapit nito ang mukha sa gilid ng kanyang mukha. Naramdaman niya ang paghinga nitong dumampi sa tenga niya dahilan upang makaramdam siya ng kakaibang kiliti sa kanyang gulugod. Halos napigil niya na nga ang hininga nang marinig niya itong bumulong sa kanya.
"The only girl here who could bring me trouble is you. Pero huwag kang mag-alala, hindi ako ang lalaking katulad ng iniisip mo. I don't flirt to get what I want," makahulugang wika nito bago lumayo sa kanya.
Naisapo niya pa ang dibdib dahil parang sasabog na ang puso niya sa kaba. Wala na nga siyang nagawa kundi tingnan na lamang ang binata na nakipag-usap sa matandang lalaking katabi ng magandang babae kanina na wari niya ay kakilala pala talaga ni Dice base sa paraan ng pagbatian nito sa isa't isa nang lumapit rito ang binata. At tila ba nakiayon pa ang tadhana sa pang-aasar sa kaya dahil sa pgakakapahiya niya nang muling lumingon si Dice sa kanya at nakakalokong nginitian siya nito.
"Fudge!" inis na wika niya. Ayaw niya nang naiisahan siya dahil hindi siya sanay matalo. Pero ngayon, gusto niyang ituring ang sarili na isang mandirigma na habang nasusugatan ay lalong lumalaban. Nasaling nito ang pride niya kaya hindi siya makakapayag na hindi siya makaganti rito sa paraang sa huli ay mapapakinabangan niya.