"KUKUNIN ko yung nude at red nito," turo ni Zai sa pointed stiletto Jimmy Choo pumps na kakasukat niya pa lamang sa flagship store ng Jimmy Choo sa isang mall sa Mandaluyong.
Agad namang tumalima sa kanya ang saleslady para kumuha ng panibagong stock kaya nilapitan niya muna ang nakababatang pinsan na si Valeen na patingin-tingin sa rack ng mga sapatos. Pinsan niya si Valeen sa side ng ama niyang si Rico Lejarde at ito ang lagi niyang kasama pati na rin ang apat pa nilang pinsang malalapit sa kanya na sina Julienne, Clover, Jazeel at Holly.
Kahit hindi niya nakilala ang mga ito mula pagkabata dahil labing anim na taong gulang na siya nang makilala niya ang angkan ng kanyang ama ay naging malapit pa rin siya sa mga pinsan dahil buong pusong tinanggap siya ng mga ito.
Kapag bakasyon noon ay dinadalaw niya ang mga ito sa Pilipinas o kaya nama'y ang mga ito ang dumadalaw sa kanilang dalawa ng Papa niya sa America. Noong nagbalik naman siya sa Pilipinas pitong taon na ang nakakaraan ay mas napadalas na ang pagsasama-sama nila. They were the sisters she never had. Pero sa kanilang anim ay si Valeen ang gusto niyang isama sa pagsya-shopping dahil parehas nilang hilig iyon at tulad niya ay maganda rin ang taste nito pagdating sa fashion.
"Are you done?" tanong sa kanya ni Valeen nang lumingon ito.
"Yeah. At ikaw? Kukunin mo ba yung gold pumps?" aniya na ang tinutukoy ay ang gold pumps na nakita niyang sinusukat nito kanina.
"No. I think I'd take this strappy stiletto. Anyway, bakit nga pala bumili ka na naman ng sapatos? Tinawagan mo pa lang ako noong isang araw at nagtanong ka kung alin ang maganda sa Prada shoes na bibilhin mo. Sige ka, baka magbago ang isip ni Tito Rico na ipamana niya sa'yo ang lahat dahil baka ubusin mo lang iyon sa designer shoes. May atraso ka pa man din doon dahil pinili mong magtrabaho sa ibang kompanya kaysa i-take over ang pharmaceutical company niya," natatawang wika nito.
"I'm sure wala lang iyon kay Papa at mas gusto ko ang advertising talaga. Ako lang naman ang anak niya eh. Saka kailangan ko ng bagong sapatos. I'm attending a high school reunion next week. Wala na akong oras makabili ng bagong sapatos ngayong linggo."
"Mukhang pinaghahandaan mo yata ang pagpapa-impress mo," nakangising wika ni Valeen.
"Medyo lang. Hindi ko na kasi kailangang maghanda ng todo. Tindig pa lang, lamang na ako sa kanila ngayon." Naiiling na napahalakhak ito.
"Nakakasakit ng ulo ang kayabangan mo pero since pinsan kita, kasingganda kita at totoo naman lahat ng sinasabi mo, hayaan na kita. Saka kung ako man ang binully nila noong high school, ipapakain ko talaga sa kanila ang designer shoes ko para makita nila kung sino ang tinapakan nila noon."
"Kaya nagkakasundo tayo eh," natatawang wika niya. "So magbayad na tayo?"
Tumango ito at sabay silang naglakad papunta sa counter para bayaran ang mga pinamili nila. Iniabot niya ang kanyang credit card habang ipina-punch naman ng kahera ang mga pinamili niya. She loves retail therapy. Napapasaya siya ng isiping kaya niya nang bilhin ang mga mamahaling bagay na pinapangarap niya lang noon. Ngayon, lahat yata ng designer items, Prada, Gucci, Tory Burch, Channel, Dolce and Gabbana at kung anu-ano pang mamahaling brand ay mayroon na siya. Pasalamat na lang siya dahil sa determinasyon niya pati na rin sa mayaman palang pamilyang kinabibilangan niya, ang pamilya Lejarde. Ngayon ay wala nang imposible kay Zai. Lahat ng gugustuhin niya ay kaya niyang makuha hindi tulad noong naninirahan pa siya sa poder ng Mama niya sa Legazpi.
"Anyway, gusto mo bang dumaan muna sa Starbucks bago man lang tayo maghiwalay?" anito.
Hindi na siya masyadong nakakasama sa mga lakad nilang magpinsan kapag may mag-aaya dahil sa dami ng trabaho niya. Zai is an advertising executive in Solano Demographics Inc o SDI. At sa kasalukuyan nga ay may inaasikaso siya para makuha ang pinakaasam-asam na advertising campaign ng isa sa pinakamatagumpay na jewellery company ng bansa, ang Marquise Diamonds.
"Ay sorry. Puwede bang next time na lang? May gagawin pa kasi ako eh. Bakit hindi mo na lang tawagan si Holly?"
"Nagsusulat iyon. Yayayain ko sana siyang sumama sa atin pero busy daw siya. Ganoon din si Clover."
"Eh sina Julienne at Jazeel?"
"May klase si Julienne ngayon," anitong ang tinutukoy ay ang ballet class kung saan nagtuturo si Julienne ng ballet sa mga bata. Ballerina kasi ito. "And Jazeel is..." Napabuntung-hininga ito. Hindi niya na kailangang tanungin ito kung bakit ito napabuntung-hininga dahil sanay na sila sa pagiging loner ni Jazeel. Hindi ito gaanong sumasama sa kanila liban na lang kung family event o pagkaisahan nila ito para pumunta. Mas gusto lang nitong nag-iisa.
"Still Jazeel." She sighed.
"Kainis ka naman. Ayoko pa sanang bumalik sa shop ko." May-ari si Valeen ng isang lingerie shop. "Anyway, napapansin ko lagi ka yatang busy nitong mga nakaraang araw" wika nito habang iniaabot ang credit card nito sa kahera.
"Busy lang talaga ako ngayon magpa-impress sa Boss ko para sa akin ibigay ang ad campaign ng Marquise Diamonds."
"So workaholic," naiiling na wika nito.
"Alam mo naman ako di ba? Ga--"
"Gagawin mo lahat para sa pangarap," sansala nito.
Natawa siya. Kilalang kilala na siya talaga ng pinsan. Ganoon kasi talaga si Zai. Kaya niyang ipagpalit ang kahit ano para sa pangarap o sa kung anumang pinaka-aasam-asam niyang bagay dahil kahit tinatamasa niya na ang tagumpay ngayon, nakaranas din siya ng hirap nang manirahan sila ng ina niya sa Legazpi sa loob ng labing anim na taon at ipinangako niya sa sarili na hinding hindi na siya babalik sa ganoong estado ng buhay niya. Ayaw niya nang maranasang mainggit sa mamahaling gamit ng mga kaklase niya o maging tampulan ng tukso dahil sa kung anumang kakulangan sa buhay niya.
"Talaga! Alam mo naman ang hirap na dinanas ko 'di ba?" Tumangu-tango ito.
"Oo na. Pero naniniguro lang ako, ah. Baka kasi hindi na trabaho ang inaatupag mo nitong mga nakaraang araw." Natigilan siya nang mahimigan ang pagdududa sa boses ni Valeen.
"A-ano ka ba? Siyempre trabaho lang ang inaatupag ko." kinakabahang tumawa siya at kinuha ang shopping bag na pinamili nila.
"Ewan ko," kibit-balikat na wika ni Valeen. "Para kasing nakita kita sa isang restaurant noong isang araw. It seems like you're talking with someone who looks like Dice. Hindi lang ako sure dahil siyempre luma na iyong pinakita mong picture niya dati."
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig kaya lalo lang naging mapagduda ang tingin nito sa kanya. Sinalakay ng kaba ang damdamin niya hindi lang dahil sa kakaibang tinging pinupukol nito sa kanya kundi dahil sa pagkakabanggit nito ng pangalang iyon. Nag-iwas siya ng tingin at nagpatiuna sa paglalakad para hindi nito mahalatang kinakabahan siya.
"Ha? Sinong Dice?" nagmamaang-maangang wika niya.
"Yung lalaki sa larawan na ipinapakita mo sa amin noon. Yung ex mo," wika nito nang muling masabayan siya sa paglakad.
"Paano naman kami magkakasama ng ex ko?" eksaheradong natawa siya.
"Ewan ko. Parang kayo kasi yung nakita ko," kunut-noong wika nito. Saglit itong nag-isip na tila may pinagdedebatehan ito sa isip nito ngunit sa huli ay ipinagkibit-balikat na lamang ito iyon. Zai secretly felt relieved. "Ay ewan! Baka namalikmata lang ako. Marami kasing tao sa bar ng restaurant na iyon kaya hindi ko gaanong ma-confirm kung kayo nga iyon."
"Si-siyempre hindi."
"Dapat lang! Dahil sa oras na malaman namin na nakikipagbalikan ka pala sa ex mo, goodbye designer items ka na at hello jeepney ka na rin," natatawang wika ni Valeen.
Ang tinutukoy nito ay ang kaparusahan niya sakaling lumabag siya sa kasunduan nila ng mga pinsan niyang napag-usapan nila noong silver wedding anniversary ng mga magulang ni Valeen na ginanap kamakailan lang. Para kasing may kung anong sumpa sa kanila ang araw na iyon dahil sabay-sabay nilang naalalang magpipinsan ang mga ex nila. Hindi niya alam ang kani-kaniyang dahilan ng mga ito pero siya, nagawa niyang sumang-ayon sa kasunduan ng mga itong hindi na nila babalikan ang mga ex nila dahil habang pinagmamasdan niya ang mga magulang ni Valeen na masayang muling nagpapalitan ng mga pangako nito sa isa't isa ay hindi niya maiwasang mainggit.
Maaari ngang nasa sa kanya na lahat ng materyal na bagay ngayon pero batid niya sa sariling may kahungkagan pa rin siyang nadarama sa puso niya. And she knows better. Alam niyang ang dahilan ng lahat ng iyon ay ang ex niyang si Dice dahil mula nang maghiwalay sila labing dalawang taon na ang nakakaraan ay parang sinumpa na siya ng tadhana na hindi na siya muling umibig pa.
"No way! Hindi ko ipagpapalit ang mga designer items ko para sa kanya."
"I know, right?" natatawang wika ni Valeen.
Binuntunan niya na rin ng tawa ang sinabi nito pero ang totoo ay kinakabahan pa rin siya. Paano kung malaman nang mga itong sa kabila ng pagtutol niya at sa pangakong ginawa niya sa harap ng mga pinsan ay muling nakakasama niya na si Dice? Subalit hindi niya iyon ginagawa dahil gusto niyang makipagbalikan sa ex niya kundi para makuha ang pinakaasam-asam niyang advertising campaign. Si Zai ang taong hindi umaatras sa isang hamon at wala siyang ipinapalagpas na pagkakataon. Kaya kailangan niyang bumalik sa ex niya para mapasakanya ang kagustuhan niya, gagawin niya. Sadya ngang mapaglaro ang tadhana.