Sabado ng gabi sa may Philippine International Convention Center, nagsimula magdatingan ang mga magagarang sasakyan. Sa labas ng gate may isang TV station crew ang pumarada pagkat napansin nila ang mala engrandeng kaganapan.
“Sorry po mam bawal po ang media” sabi ng isang gwardya.
“Bakit bawal? Ano ba kaganapan sa loob?” tanong ni Tina Javier.
“Sorry po talaga mam private event po” sagot ng malaking lalake.
Lumapit si Tina sa gate at nagsisigaw,
“Mister Senator! Senator Tolas!! Sir ano po event yan?!”
Napatingin lang yung matandang senador sa kanya at ngumiti.
“Sinabi ko sa inyo na higpitan ang seguridad. Sige papasukin niyo sila tapos iligpit ng maayos. Siguraduhin niyo na hindi nila nasabi sa iba ito” sabi ng matanda sa bodyguard niya.
“Opo sir, pano sir kung naitawag na nila sa kumapnya nila?” tanong ng maskuladong lalake.
“Gamitin mo utak mo din paminsan minsan Renato” sumbat ng senador sa kanya.
Pumasok na yung matanda sa loob at sumenyas si Renato na papasukin ang media crew. Pagkaparada palang nung van sumilip yung maskuladong lalake sa loob.
“Good evening po mam, magcocover po ba kayo?” tanong niya.
“Ah pwede ba?” tanong ni Tina.
“Sige po madam, tara po sa loob samahan ko kayo” sabi ni Renato.
“Salamat ha, teka itatawag lang namin sa mother station saglit” sabi ng reporter at naghanda na yung mga kasama niya.
“Ah ganun po ba? Sandali lang po bago kayo tumawag” sabi ni Renato at lahat napatingin sa kanya.
Mula sa bibig ng maskuladong lalake may makapal na itim na usok ang lumabas. Napalibutan ang buong van nung makapal na usok, dinig na dinig ang sigawan ng mga pasahero ng sasakyan pero lumipas ang ilang segundo ay humupa ito. Hinigop ni Renato ang itim na usok, ilang sandali wala na yung van at napadighay yung malaking lalake sabay himas sa tiyan niya.
Tuloy tuloy ang pagdating ng mga magagarang sasakyan, madaming mga mayayaman na tao ang pumasok sa convention center. Sa loob, may apat na matatanda ang nakaupo sa stage, si Senador Ivan Tolas, General Geronimo Areg, Land Tycoon Rodolfo Salatio at Doctor Ian Kamato.
“Ano ang balita sa paghahanap sa tagapagmana?” tanong ng senador.
“Minamalas tayo, naitago ng maigi ni Antonio ang kanyang anak. Hinalughog ko na ang lahat ng mga bahay ampunan at hindi ko siya makita” sagot ng heneral.
“Ganun ba? Maski sa sa adoption centers wala record nung bata. Maaring hindi niya tinago yung bata dito sa lupa” sabi matandang senador at biglang natawa yung iba.
“Sa tingin mo Tolas pag sa impyerno niya tinago anak niya ay nandito pa tayo ngayon at naghahanap?” tanong ni Salatio.
“Hindi sa baba ang ibig ko sabihin” sumbat ng senador at natahimik yung tatlo.
“Bakit kasi wala pang kumakalaban kay Antonio? Kailan ba yung huli na may lumaban sa kanya? Limang taon na ang nakalipas. Bakit wala nang sumubok matapos non?” tanong ni Kamato.
“Oo nga, muntik na siya natalo nung huling laban. Malubha din siya nasugatan, bakit wala kumalaban ulit sa kanya?” dagdag ni Salatio.
“Mga kapatid huminahon kayo, naninigurado lang tayo. Mahirap na malagasan tayo ng mga kampon, alam niyo naman na madami parin ang loyal kay Antonio. Pero ngayon na ang panahon mga kapatid” sabi ng senador.
“Ngayon pa? Eighteen years old na malamang ang anak niya at alam niyo ang ibig sabihin non. Sabi ng mga propeta na itong anak niya ang tagapagmana ng kanyang tungkulin at mas malakas pa itong batang ito kesa sa kanyang ama” paalala ng heneral.
“Oo narinig natin lahat ang sinabi ng propeta pero kung hindi sa init ng ulo narinig natin sana lahat ng sasabihin niya! Buhay pa sana siya ngayon at nagagamit natin pero ano umiral? Galit mo at napatay mo siya agad! Kaya wala kang karapatan sumabat Areg!” sermon ng senador.
“Tumigil nga kayong dalawa at pinapanood nila tayong apat. Pag nakikita nila tayong ganito kakabahan ang buong kampon at baka tumiwalag sila sa kabila” bulong ni Salatio.
“Kabila…buti nabanggit mo, bakit wala ako naririnig na aksyon laban sa kabilang kampo? Wag mo sabihin na hindi din sila mahanap?” tanong ni Kamato at tumawa ng malakas ang senador.
“Well isa yan sa good news mga kapatid, simulan na natin ito para maipaliwanag ni Gonzalvo ang lahat” sabi ni Tolas.
May isang matanda ang umakyat sa entablado at nanahimik ang lahat ng tao.
“Magandang gabi sa inyong lahat mga kapatid sa kadiliman!” bati ni Doctor Erineo Gonzalvo.
“Alam ko galit na siguro kayo lahat pagkat hindi tayo makapaghasik ng lagim ng buo dito sa bansang ito. Ang dahil buhay parin si Antonio at nanatiling nakasara ang pintuang daan ng lakas. Dahil sa pananatiling pagsara ng gate na ito ay hindi natin magamit ng husto ang ating kapangyarihan. Ilang beses na tayo sumubok na sirain ang pintuan na ito ngunit tayo ay nabigo”
“Yung huling laban natin kay Antonio, muntik na tayo nanalo at malubha natin siyang nasugatan. Napansin din natin na nagkaroon ng pagbiyak at paghina sa pinto kaya kung napapansin niyo medyo natitikman niyo na ang tunay na kapangyarihan ninyo. Bakit hindi napasundan ang pagsugod kay Antonio? Madami tayong kampon ang namatay at madami din ang lumipat sa kanyang kampo”
“Hindi sa wala akong ginagawa, sa katunayan eto, nais kong ipakilala sa inyo ang tutulong sa atin na maghahasik ng lagim sa bansang ito!” sabi ng doctor at tumuro siya sa may entrance.
Lahat napalingon at yung apat na matatanda sa stage napangiti nang pumasok ang pitong nagsisigandahang mga dilag.
“Sila ang kinabukasan ng ating kampon ngunit wala pa sa kanila ang kanilang tunay na kapangyarihan pagkat sarado pa ang pinto” tuloy ng matanda kaya biglang nag ingay ang lahat ng mga demodila
“Bakit ka pa gumawa ng ganyan e kung wala din pala silang kapangyarihan?!!!” sigaw ng isa at nagsunud sunuran na ang mga nagrereklamo pati yung apat na matatanda ay ngalit.
“Ngunit ngayon na ang panahon mga kapatid! Nais kong ibalita sa inyo na dahil sa pagbuka konti ng pinto ay nakagawa ako ng mga mababangis na kampon natin.Kokonti lang ang lumalabas na kapangyarihan sa biyak kaya binuhos ko lahat ng mga ito sa mga susunod kong ipapakilala sa inyo!”
“ Sila ang tutugis at papatay kay Antonio para tuluyan ang magiba yang pinto at makamtan natin ang tunay nating kapangyarihan!!!” sigaw ni Gonzalvo at nagpalakpakan ang lahat.
May dumagundong na malakas na tunog ng bass sound, isang rap music ang tumutogtog mula isang Hummer na kararating. Napakamot nalang si Doctor Gonzalvo at huminga ng malalim.
“Nais ko ipakilala sa inyo ang isa sa mga tagapagligtas natin…si Crispin!” sigaw niya.
Isang binata ang nakatayo sa may entrance, braided ang kanyang buhok, lawlaw ang mga suot na shirt at pantalon. Nakatungo ang ulo niya at may dalawang magagandang dalaga ang umakbay sa mga kamay niya. Pasigang lumakad ang tatlo palapit sa entablado, ramdam ng lahat ang taglay na dark aura ng binata kaya napangiti muli ang apat na matatanda doon.
“Gonzalvo mukhang promising itong batang ito” sabi ng senador.
“Sir, may konting problema, malakas nga siya pero may taglay na hangin at masyadong wild” bulong ng doctor.
Umakyat sa entablado si Crispin at tinulak palayo si Gonzalvo.
“Yo wassup peeps!” bati niya sa lahat.
“Sabi nga ng matandang yon kanina e kami ang kinabukasan niyo. Kami ang inyong pag asa. Siguro ramdam niyo naman ang kapangyarihan ko. Atat ko na ipakita ang kapangyarihan ko at kakayahan pero sabi ng matandang yan e mag antay daw ako ng tamang panahon.”
“Kaya happy happy muna, hey yo kayong pitong lovely girls sa harapan, baka gusto niyo dumalaw mamaya sa condo ko. Pretty babes are welcome yo!” bigkas ng binata at halos napapataas ang kilay ng lahat sa taglay niyang angas.
“Anyway, gusto ko na magpakitang gilas. Nabubulok ang kapangyarihan ko bawat segundo na hindi ko nagagamit. Pero ayos lang dudes….” Sabi niya pero bigla siyang napatigil at nanginig.
“Kuya?”
Napalingon ang lahat sa entrance, may matipunong binata ang nakatayo doon. Desente ang porma niya, gwapo, at walang bakas na reaksyon sa kanyang mukha. Nagsimula maglakad papalapit sa entablado ang binata, may tatlong dalaga at isang malaking lalake ang sumunod sa likod niya.
Nangatog ang tuhod ni Crispin at pasimpleng bumaba ng entablado, si doctor Gonzalvo ang muling humarap at pinakilala ang bagong salta.
“Mga kapatid, ipinapakilala ko sa inyong lahat si Basilio!!!” sigaw niya.
Tumaas sa entablado si Basilio at mga kasama niya, may mga nagtawanan sa crowd at pati yung apat na punong demonyo sa okasyon ay napataas ang kilay.
“Hoy Crispin! Akala ko ba ikaw tagapagligtas namin? Bakit parang takot na takot ka diyan?! E ang hina hina ng kapangyarihan niya e! Kinikiliti lang kami!” sigaw ng isang demonyo sa crowd.
“Oo nga mas malakas pa kapangyarihan mo at least nasakal kami konti!” sumbat naman nung crow
Sasabat na sana si Crispin pero tinaas ni Basilio ang isang kamay niya. Pinakita niya sa lahat ang isang singsing sa kamay niya at dahan dahan niya itong inalis. Agad napahawak ang lahat sa kanilang mga leeg, pati yung apat na punong demonyo napatayo.
Nilingon sila ni Basilio,
“Upo!” sigaw niya at kahit ayaw nila napaupo talaga yung apat na matanda.
Hindi na makahinga ang lahat ng demonyo sa crowd, sakal na sakal sila sa dark aura ng binatang nakatayo sa entablado. Lahat ng demonyo napaluhod na sa sahig, pati mga kasama niya hindi nakaligtas. Naglakad yung binata papunta sa gitna at inagaw yung micropono sa matandang doctor.
Sinuot niya ulit ang singsing niya at nakahinga na muli ang lahat sa convention center. Papaupo na sana ang lahat nang biglang may sigawan, yung mga kumutya sa binata kanina bigla nalang nalulusaw at nagiging abo.
“Magandang gabi, ako po si Basilio”
“Nais ko po muna ipakilala sa inyo ang aking mga kasama, si Lorena ang Tagapaghilom, si Fortea ang Tagabasa, si Armina ang Tagabulong at si Bragudo ang aking Tagabraso”
Nagkatinginan ang apat na punong demonyo at namangha sa binata.
“Tulad ng sinabi ng aking kapatid, ayaw ko nagsasayang ng oras kaya simulan na natin!” sigaw ni Basilio at lumapit sa kanya si Gonzalvo.
“Teka iho wala sa plano yan” sabi niya.
Nilagay ni Bragudo ang malaking kamay niya sa mukha ng doctor at ingat siya sa ere. Nag apoy ng itim ang isang kamay ni Bragudo at sinaksak niya ito sa dibdib ng matanda.
Natakot ang lahat ng demonyo sa crowd pero ang apat na punong demonyo napatayo. Sumugod si Kamato at nahawakan agad ni Bragudo ang ulo niya, tinaas din niya sa ere ang matanda pero napasigaw sa sakit ang malaking Tagabraso. Napaluhod si Bragudo at si Kamato naman ang humawak sa kanyang leeg.
“Akala niyo kayang kaya niyo na kaming matatanda ha!” sigaw niya sabay nagbagang pula ang kanyang mga mata.
“Kamato! Itigil mo yan!” sigaw ng senador pero ayaw magpapigil ng kasama nila.
Humarap si Basilio sa matanda at bigla ito nanginig. Bumitaw ang kamay niya at agad niya ito hinilot. Muling naupo si Kamato at humarap ang binata sa mga demonyo sa crowd.
“Ipagpaumanhin niyo na po pagkat ayaw ko na iniistorbo ako habang akoy nagsasalita. Hindi naman po sa wala kami respeto sa inyong mga matatanda. Alam ko mas makapangyarihan ako sa inyong apat sa ngayon ngunit pagbukas ng pinto alam ko mababaliktad na ang lahat”
“Opo! Sisirain ko ang pinto ng lakas upang manumbalik ang kapangyarihan niyo. Papatayin ko si Antonio para makapaghasik tayo dito sa bansa. Pero hindi ko kaya ipagpatuloy ang estilo ninyong matatanda. Gusto niyo ng pagbabago? Ako ang simula ng pagbabago! Wag na natin hanapin ang ayaw magpahanap. Imbes, siya ang hahanap sa atin!”
“Wag kayo matakot! Kahit wala pa ang buong kapangyarihan natin simulan na natin ang paghahasik ng lagim! Mapapansin tayo ni Antonio at kampon niya, mapipilitan sila lumabas. Pag nangyari yon, makakaasa kayo na nandon ako para harapin siya! Pangako ko sa inyo mapapasaatin ang bansang ito! At pagbukas ng pinto…” sabi niya sabay nilingon ang apat na matanda.
“Pwede na kayo kumawala, alam ko matagal niyo na gusto matikman muli ng lahat ang inyong kapangyarihan kaya ibabalik ko sa inyo yon!” bigkas ng binata.
Napatayo ang lahat ng demonyo at nagpalakpakan, umakyat sa entablado si Crispin at kumaway kaway din Natapos ang pagtitipon at lahat sila nagtungo sa reception area kung saan madaming pagkain ang nakahanda. Nagsama sa isang lamesa ang apat na punong demonyo, yung mga magkapatid at kasama nila.
“Hindi ba masyadong delikado itong gusto mong mangyari Basilio?” tanong ni Areg.
“Yan ang problema sa inyong mga matatanda yo. Masyado kayong takot. Todo buhos baby!” sagot ni Crispin.
“Pasensya na po kayo sa tabas ng dila ng kapatid ko, pero tama siya. Walang mangyayari kung maghihintay tayo. Aaminin ko may takot din ako sa dibdib ko pero gusto ko lang siya lumabas sa pinagtataguan niya. Gusto ko matikman ang kapangyarihan niya” sabi ni Basilio.
“Iho, at ano naman ang gagawin mo pag natikman mo kapangyarihan ni Antonio? Di mo ba naisip na pwede ka niya patayin? Makapangyarihan siya iho at sigurado ko hindi lang siya nagpahinga habang nagtatago, maaring nagpalakas din siya” paalala ni Salatio.
“Alam ko po yon, kaya gusto ko matikman ang kapangyarihan niya upang mapaghandaan ko siya ng husto” sagot ng binata.
Tumawa si Kamato at tinignan ng masama ang binata,
“Nasisiraan ka ba ng bait? Pag nagkaharap kayo sa tingin mo papakawalan ka pa niya? At isa pa tandaan mo may sinabi yung propeta na mas malakas ang anak niya. Hindi ka ba natatakot sa bata na may pangalan na Saturnino?” sabi ng matanda.
Napangisi si Basilio pero humawak sa kamay niya si Fortea.
“Ayos lang” bulong binata sa kanya.
“Mula nung naidala ako dito sa lupa agad ako naghanap ng mga makakasama. Itong mga napili ko ay hindi pangkaraniwang mga demonyo, itong si Fortea ay hindi lang Tagabasa at Tagabulong, may kakayahan din siyang makaramdam ng kapangyarihan ng ibang demonyo kahit nasaan sila sa buong bansa. Ang problema hindi niya kaya sabihin saan eksakto galing ang kapangyarihan na yon”
“Eighteen na nga si Saturnino at naramdaman ni Fortea ang kapangyarihan niya.”
“Pero hindi ata ito tulad ng sinasabi niyo. Tulad ko lang siya noon una akong napadpad dito sa lupa. Tatlong taon bago ko nakuha ang tunay kong lakas at mukhang ganon din ang mangyayari kay Saturnino. Kaya wala kayo dapat ipangamba” paliwanag ni Basilio.
“Ganon ba? Pero kailangan parin mapatay yang bata na yan” sabi ng senador.
“Hey yo! Yan ang trabaho ko, ako ang papatay sa kanya. Wag niyo naman ako ismolin masyado mga lolo” banat ni Crispin.
“Hmmm…tapos ikaw Basilio kay Antonio? Hindi lang namin maintindihan bakit mo kailangan pa tikman kapangyarihan niya? Bakit hindi mo siya paghandaan agad para sa unang tagpo palang mapapatay mo na siya?” sabi ni Areg.
“Masyado makitid ang pag iisip niyo. Ang iniisip niyo lang kasi ay ang pagbukas ng pinto ng kapangyarihan. Lawakan niyo pa konti ang pag iisip, hindi ba mas maganda na taga kampo natin manggagaling ang Tagapag Ayos?” biglang sabi ni Lorena at nabigla yung apat na matanda.
“Binabalak mo kunin ang tungkulin niya at maging Tagapag Ayos?” tanong ng senador at tumawa si Basilio.
“Ang Tagapag Ayos ay nabibiyayaan ng dagdag na kapangyarihan para mapanatili niya sa ayos ang kasamaan at kabutihan sa mundo. Wala naman problema sa kabutihan, tayo mga demonyo ang binabantayan niya para hindi tayo lumampas at hindi masira ang balanse”
“Dahil sa Tagapag Ayos natatakot tayo gamitin ang kapangyarihan nating mga demonyo gawin ang gusto talaga natin. Kapag gagawin natin yon tiyak na pipigilan niya tayo. Kung papatayin ko siya sa normal na laban maipapasa lang yung tungkulin na yon kaya papatayin ni Crispin si Saturnino. Yung iba tutugisin ang mga kakampi ni Antonio at uubusin sila”
“Pag napatay ko sa normal na laban si Antonio, maipapasa ang tungkulin sa anak niya…pano kung patay na yung anak niya? Maipapasa ito sa isang kakampon niya…pano kung wala na siyang kakampon? Lilipat ang kapangyarihan ng Tagapag Ayos sa itaas na nilalang at ayaw natin mangyari yon!” paliwanag ng binata.
“Ah..pag natikman mo kapangyarihan niya hahamunin mo siya sa pormal na laban ng Tagapag Ayos” sabi ni Kamato at muling natawa siya.
“Bobo! Pag ikaw na ang Tagapag Ayos at hindi mo ginampanan ang tungkulin mo mapapansin ng langit yon at magpapadala sila ng isang hahamon sa iyo!” dagdag niya.
Napangisi si Basilio at nilaro ang singsing niya.
“Sa tingin mo alam ng langit itong ginagawa o binabalak natin? Ang pagkakaalam ko tanging sina Brod at Brad lang ang nakakakita sa lahat. At hindi sila pwede makialam, pwede lang sila manood. Kaya maaring makikita ng langit ang mangyayari pag akoy Tagapag Ayos na, pero kinakailangan pa nila ako paghandaan.”
“ Wala ako balak tumigil sa pagpapalakas, at sa pag nabuksan ko ang pinto e susuportahan niyo ako at bibiyayaan pa ng kapangyarihan. Tama ba ako? Kung gusto niyo manatiling bukas ang pinto kasi pwede ko ito isara kung kailang ko gusto” sabi niya.
“Nagsasalita ka na parang ikaw na talaga yung Tagapag Ayos ha!” sigaw ni Areg.
“At ikaw tanda, kaya mo ba siya harapin? Gusto mo ba ako labanan ngayon para ikaw nalang humarap sa kanya?” landi ng binata.
“Mayabang kang hayop ka! Porke nakasara ang pinto at wala kaming kapangyarihan! Hamunin mo ako pag bukas ang pinto para maipakita ko sa iyo ang sakit na hinahanap mo!” hamon ng matanda.
Hinawakan nung tatlong matanda ang kasama nila at pinakalma.
“Yang plano mo iho maganda. Pero sa tingin mo may sapat ka pang kapangyarihan na matitira pagkatapos mo kalabanin yung trese na Taga Bantay?” tanong ni Salatio.
“Kailangan mo sabay sabay patunugin ang treseng kampana, pero bago mo magagawa yon kailangan mo kalabanin ang Taga Bantay sa bawat simbahan” sabi ni Kamato.
“At hindi sila pipitsugin na nilalang” dagdag ni Areg sabay ngisi.
“Napatumba ko na yung anim, pito nalang na Taga Bantay ang kailangan ko patayin” sabi ni Basilio at nabigla ang mga matatanda.
“Oo at may tinalaga narin akong taga sa atin na magbabantay. Hindi ako tulad niyo, ayaw ko magsayang ng oras. Kaya kakampi ba kayo sa akin o kakalabanin?” sabi ng binata.
“Gaano ka ba kalakas talaga iho?” tanong ng senador at tumawa ng malakas si Basilio.
“Kakampi ba kayo sa akin o kakalabin?” muling tanong ng binata. Tinaas ni Tolas ang kamay niya at may lumapit na dalawang demonyo.
“Lahat ng kailangan ni Basilio ibigay niyo sa kanya” utos niya.
“Wala ako kailangan sa inyo. Ipakalat niyo lang sa lahat na wag na magpigil at gawin na ang gusto nila. Wala na dapat kayo katakutan pagkat konting panahon nalang ay maghahari na tayo” sabi ni Basilio at napangiti yung apat na matanda at nagkasayahan sila lahat sa lamesa.
Sa katabing mesa tumayo agad si Erning at nagtungo sa exit. Pagkalabas niya ng convention center ay may tumabi sa kanyang malahiganteng lalake.
“Nagmumukha ka din palang tao pag nakaporma ka Barbs” sabi ng matanda at tumawa yung malaking mama na naka dread locks.
“Ah ikaw pala yan, kung di mo pa ako tinawag na Barbs di kita makikilala Ayesha. Akala ko ako lang ang umespiya dito, pero maingat talaga sila ano? Wala ako marinig e” sagot ni Barubal.
“Oo nga e, ako nga katabi ko na mismo sila wala ako marinig. Malakas talaga yung Basilio na yon. Anyway kumusta sa baba? Buhay pa ba yung pet mo?” tanong ni Erning.
“Oo naman malaki na talaga siya, sobrang takaw e. Miss ka na nga ni Kujaw e” sagot nung higante.
“Ay lumaki na siya. Puppy palang siya noon e nung bata ako. Ayaw ko na diyan sa pet mo. Ano balita sa baba?” tanong ng matanda.
“Same old same old lang, e kumusta si bossing? Saan ba siya nagtatago bakit hindi maramdaman ang dark aura niya?” sagot ni Barubal.
“Di ko alam pano niya ginagawa yon, basta pasulpot sulpot nalang siya bigla e” sagot ng matanda.
Natahimik bigla yung dalawa pagkat may naramdaman silang pagsakal sa kanilang leeg. Biglang may umakbay sa matanda at pinag aamoy siya.
“Hmmm…nakikita ko ang tunay na anyo mo” bulong ni Crispin sabay hipo sa pwet ng matanda.
Pumorma si Barubal pero agad siya napatulak paatras. Humarap si Crsipin kay Erning at hinaplos ang pisngi nito. Humawak ang binata sa kamay ng matanda at hinaplos ito hanggang sa lumitaw ang nakatagong tattoo na pangalan at tatak ng katibayan na demonyo.
“Ayesha…nice name. I like you, bakit ka nagtatago sa anyong yan? Sayang ang ganda mo. Why don’t you come with us?” alok niya at biglang naglabasan narin ang dalawa niyang kasama pati yung pito na nagsisigandahang mga dalaga.
“Hindi ka pa ba kuntento sa dami ng iuuwi mo? At selosa ako, gusto ko ako lang. So maybe next time” sabi ni Erning at napangisi si Crispin sa kanya.
“Hmmm palaban ka ha…sige next time akin ka Ayesha” bulong ng binata pero tinulak siya palayo ng matanda.
Pumorma ang dalawang kasama ni Crispin pero pinigilan niya ang mga ito.
“Leave her for now, she will be mine soon pagkatapos ko iligpit ang sinasabi nilang makapangyarihan na Saturnino. Siguro mabibilib ka sa akin by that time at ikaw na mismo ang lalapit sa akin Ayesha” sabi ng binata sabay tawa.
Pagkaalis ng gurpo ng nina Crispin ay tumabi muli si Barubal sa matanda.
“Oy relax ka lang, yang mga kamay mo nagdudugo na” bulong niya.
Mga kamao ni Erning naninigas at may dugo nang tumutulo sa sahig.
“Siya daw ang maghahanap kay Saturnino…sana hindi pa sila magtagpo” bulong ng matanda.
“Bakit sis? Hindi ba kaya ng anak ni bossing yan? Di ba totoo na malakas siya?” tanong ni Barubal at napasimangot nalang yung dalaga.
“Hoy balitaan mo naman ako, bakit ayaw mo sila magtagpo?” hirit ng higante.
Tahimik lang si Erning kaya napabuntong hininga yung higante.
“Oh wow, patay tayo pag ganyan” bigkas niya.
“Barbs, may hiling ako sa iyo” bulong ni Erning.
“Sure ano yon?” tanong ng higante.
“Hindi alam ni bossing to” sabi ng matanda.
“Naku patay tayo diyan. Pero sige ano yon?” sagot ni Barubal.
“Magpakawala ka ng dalawang hilaw na demonyo para atakehin si Saturnino” sabi ng matanda.
“Huwaaat?!!! Siraulo ka ba? Papatayin ako ni bossing pag nalaman niya!” sigaw ng higante kaya bigla siya hinila ni Erning sa isang tabi at tinakpan ang bibig.
“Hindi malalaman ni tito basta maghanda ka ng dalawang hilaw na demonyo. Tatawagan kita kailan at kung saan mo sila ipapadala. Kailangan natin tulungan si Saturnino, kasi pag sa estado niya ngayon lalamugin lang siya ni Crispin pag nagtagpo sila” bulong ni Erning.
“Oh so hindi pa nakakalabas ang kapangyarihan niya” bigkas ng higante. “Ganon na nga kaya tulungan natin siya Barbs” hiling ni Erning.
“Bakit hilaw pa? Type 2 demon nalang para maramdaman niya na totoo ang threat” sabi ni Barubal.
“Wag naman, ayaw ko siya masaktan” bulong ni Erning.
“Hoy Aye” bigkas ng higante.
“Ano?” tanong ng matanda.
“Waaaalaaa laaaang” landi ni Barubal sabay ngisi.
Siniko niyang pabiro ang matanda at bigla ito napatapis ng malayo.
“Ay shoot! Sorry sorry hindi ko natantya powers ko” sigaw niya sabay kumaripas ng takbo pagkat nagliyab ang mga mata ng matanda.
“Barubal!! Halika dito!!!” sigaw ni Erning.
“Habulin mo ko! Habulin mo ako!” landi ng higante habang tumatakbo siya.