Chapter 1. Intro
"Ally, nood tayo ng practice ng basketball mamaya, ah?" sabi ni Missy habang kumakain kami ng lunch dito sa school canteen.
"Hindi ako puwede, Missy," agad tanggi ko. Alam ko na kung bakit nag-aaya na naman ito.
"Sige na. Minsan mo na nga lang ako samahan," may himig pagtatampo nitong sambit.
"Next time na lang. Tutulong pa 'ko kay Mama mag-asikaso ng paninda mamaya," sagot ko bago uminom ng tubig.
Nagbebenta kami ni Mama sa online ng mga ukay-ukay at kung anu-ano pa. Iyon ang bagong negosyo na naisip namin para makatulong sa gastusin ko sa school.
Sa edad na bente anyos marami na 'kong napasok na raket para may maipangtustos sa pag-aaral.
Mananahi ang mama ko sa isang maliit na patahian pero 'di iyon sapat para sa pang araw-araw namin na pangangailangan.
Scholar ako dito sa Maxville University pero tuition lang ang libre at kami pa rin ang gumagastos sa mga mahal na books at iba pang projects. Ang Papa ko naman ay sumakabilang bahay na at may iba na itong pamilya.
"Saglit lang naman tayo tapos uuwi na rin agad. May lakad daw kasi si Ron, eh." Pamimilit pa nito at bahagyang niyuyugyog ang braso ko. Si Ron ang bakla naming kaibigan.
"Hindi talaga pwede. Inaantay ako- "
Naputol ang sinasabi ko dahil bigla na lang ako nito siniko at parang bulate na inasinan sa tabi ko. Nilingon ko siya at sinundan ang tinitingnan nito.
Nakita ko ang grupo ng mayayabang at maiingay na mga lalaki na pumasok sa loob at pumwesto sa kabilang dulo ng canteen.
"Shocks! Ang babango at ang popogi talaga nila lalo na si Jackson at Clarky my labs," kinikilig na bulong nito sa tabi ko.
Napailing-iling na lang ako sa turan nito. Mula first year college at hanggang ngayong second year na kami ay crush na crush pa rin nito ang mga lalaking iyon.
Maging halos lahat 'ata ng babae sa campus ang mga ito ang topic lagi. Hindi ko alam kung bakit nababaliw sila sa mga 'yon. Ang sisiga at kung umasta ay akala mo pag-aari nila ang buong school.
"Hala! nakatingin dito si Jackson! Oh my gulay! Mahihimatay na 'ata ako," bulong nito sa akin, pigil na pigil ito sa pagtili.
Hindi ko na ito pinansin at sinukbit ko ang bag sa balikat ko dahil tapos na rin naman kami kumain. Akmang tatayo na ako nang pigilan niya ang braso ko.
"Ally, wait lang! Dito muna tayo, kahit 5 minutes na lang, please?"
Umikot ang eyeballs ko at walang nagawang napaupo muli.
Nasaan na kaya si Ron? Ang usapan sabay-sabay kaming kakain ng lunch pero natapos na kami wala pa ito. Hindi nagtagal ay narinig ko na ang maarteng boses nito.
"Girls, sorry hindi ako nakasabay, nag-extend na naman kasi ng oras 'yong prof ko," nakangusong sambit nito.
Napalingon kami sa bagong dating na si Ron at lumapit ito sa amin.
Kahit medyo maingay sa canteen sa dami ng estudyante na kumakain at nagkukwentuhan, sa lakas ng boses nito ay napalingon din lahat ng naroon.
Napansin niya siguro ang pagtingin sa amin ng lahat kaya nilibot nito ang paningin sa paligid.
"Oops, sorry guys!" anito habang naka-peace sign ng kamay. "Oh my gosh... Hi, Daddy Jack and friends!" biglang tili nito at maarteng kumaway sa grupong iyon.
"Hi, Rona," ganting bati ng isang lalaki habang ang iba naman ay ngumiti at umiling-iling habang naka-ngisi.
Pagtungtong namin ng second year ay nag-shift si Ron ng course from Accounting to Business Management kaya naging kaklase niya ang mga ito.
Hinila ko na si Missy patayo para maka-alis na kami tutal nandito na si Ron. Agad din naman sumunod ang dalawa.
Pero habang naglalakad patungo sa pinto ng canteen ay biglang nagsalita si Ron.
"Wait, ipakikilala ko kayo," bulong nito sa amin.
Naalarma ako sa narinig. "Ano? Huwag na, nakakahiya ano ka ba..." pigil ko rito.
Samantalang si Missy ay lumaki ang ngiti sa tuwa. Ilang beses na kasi nitong kinukulit si Ron na ipakilala siya sa mga ito mula nang malaman na kaklase na ni Ron ang mga ito.
Hinila kami ni Ron palapit sa kinauupuan ng mga ito. Hindi ko alam pero hindi talaga ako komportable kaya panay ang bulong ko kay Ron na huwag ituloy pero tila wala naman itong naririnig.
"Hi, boys! Ipakikilala ko lang itong magagandang kaibigan ko," pukaw ni Ron sa atensyon ng mga ito nang makalapit kami.
Natigil sila sa pagkukwentuhan at natuon ang atensyon nilang lahat sa amin. Napalunok ako.
"Ito nga pala si Missy," turo ni Ron kay Missy na nasa kaliwa nito. "and this is Ally. Mga single 'to and ready to mingle!" ani Ron sabay tawa.
Lihim ko itong nakurot sa likuran kaya bahagya itong napadaing. Kailangan pa bang sabihin 'yon? Baka isipin pa ng mga lalaking 'yan may gusto kami sa kanila.
"Hi!" nakangiting bati ng mga ito. Nakita ko ang pagngisi no'ng Jackson.
Nagpakilala sina Luke, George, Clark at David na kasama ang girlfriend daw nito. Tumayo pa ang nagpakilalang George para makipagkamay sa amin ni Missy.
"Woah!" sabay-sabay na reaksyon ng iba sa ginawa nito.
"Nice one, George!" sabi no'ng David.
Nag-aalangan man ay tinanggap ko ito.
"Tinik talaga!" napapailing pa na sabi ng nagpakilalang Luke kanina. Nakakaramdam ako na parang may nakatitig sa akin at
wala sa loob na napatingin ako sa isang tao. Bahagya akong nagulat nang magtama ang mga mata namin nung Jackson. Nakaramdam ako lalo ng pagkailang.
Nang sa wakas ay magpaalam si Ron sa mga ito ay 'tsaka ako tila nakahinga.
Natapos na ang klase pero si Missy hindi pa rin tapos sa pangungulit sa akin na manuod ng practice.
Hay, ang kulit talaga!
"Kahit sandali lang, please? Masaya 'yon!" wika pa nito habang naglalakad kami sa hallway pababa sa hagdan.
Tiningnan ko ang oras. 5 PM pa lang at sa totoo lang maaga pa nga. Hindi ko lang kasi talaga hilig ang panunuod nang gano'n. Ang tingin ko ay sayang lamang sa oras. Mas marami pa ang bagay na mahalagang gawin kaysa ang manuod sa mga lalaking naglalaro ng basketball.
Pero sa huli... "O, siya sige na! Ang kulit mo," napipilitang sabi ko rito.
Nanlaki ang mga mata nito at ngumiti nang malapad.
"Yeees! Sabi na hindi mo talaga ako matitiis, eh!" masayang sambit nito.
Hinila na ako nito sa kamay patungong basketball court sa likod ng campus kaya wala na 'kong nagawa kun'di sumunod na lang.
Napili ni Missy na maupo kami sa bakanteng upuan na nasa bandang dulo. Nakanuod na rin ako noong minsan ng basketball dahil sa pagpupumilit din nito pero hindi na nasundan dahil ayokong bumagsak at mawala ang scholarship na pinaka-iingatan ko.
Karamihan ng naroon ay halos mga babae. Mas lumakas pa ang tilian ng mga nanunuod nang magsimula na ang practice at isa na do'n ang katabi ko.
"Go Jackson! Go Clarky, my labs!" sigaw ni Missy, tumayo pa ito sa kinuupuan.
Napangiwi ako at napatakip ng dalawang palad sa tainga ko sa lakas ng sigaw nito. Sira talaga ang isang ito.
Tinuon ko ang pansin sa mga naglalaro. Ang tatangkad at ang titikas ng pangangatawan nila na halatang batak sa practice at exercise. Natuon ang tingin ko kay Jackson. Masyadong seryoso ang mukha nito samantalang ang mga kaibigan nya ay magaan ang awra at ngumingiti. Napansin ko ang isang dragon tattoo sa likod ng kaliwang braso niya.
Nakasuot sila ng jersey sando at shorts na kulay royal blue and white na may logo ng Maxville University sa harapan.
"Jackson! I love you!" sigaw ng ilang kababaehan sa paligid namin. Hindi na magkamayaw ang mga estudyante sa pag-cheer nang magsimula ang laro.
Matapos ang ilang minuto ay nagpahinga ang mga players sa mga bench nila na nasa bandang ibaba ng pwesto namin ni Missy. Kaniya-kaniyang punas ng pawis at inom ng tubig ang mga ito.
"Hi, Clarky, my labs!" malakas na sigaw ni Missy.
Hindi ako makapaniwalang tumingin dito. Hindi ba talaga siya nahihiya?
Mukhang narinig naman ito ng lalaking tinawag niyang Clark at napangisi sa amin na mas ikinatili lalo ni Missy. Pulang-pula na ang pisngi nito. Malawak ang ngiti na kinawayan pa nito ang lalaki.
Parang gusto ko ng lumubog sa kahihiyan at magpanggap na hindi ko kasama ang lukaret na ito dahil natuon rin ang atensyon ng iba sa amin.
Nakita ko na kinalabit ni Clark ang katabing si Jackson at tinuro ang direksyon namin kaya lumingon din ito.
Napalunok ako nang magtama muli ang mga mata namin. Hindi nakaligtas sa 'kin ang bahagyang pag-angat ng isang sulok ng labi nito.
Para saan ang ngising 'yon? Ngising-aso.
"Nakita mo 'yon, Ally? Pinansin nila tayo! Ahhhhhhh!"
Nangiwi ako sa lakas ng tili niya. Parang may puso ang mga mata nito habang may malaking ngiti sa mga labi. Napailing ako sa itsura nya.
Matapos ang saglit na pahinga ay muli silang naglaro. Lalong umingay sa loob ng court lalo na sa tuwing makaka-shoot si Jackson Mondragon.
Naka-ilang three points din ito kaya naman mas lalong nabaliw sa pagsigaw ang mga kababaehan dito.
Magaling talaga ang lalaking yo'n. Infairness sa kaniya deserve niya ang tawaging star player ng basketball team.