YANESSA’S POV
NAGISING AKO sa paghila ng kumot ni Margie sa aking katawan. Kunot-nuo ko siyang tinignan kahit nakapikit pa ang isa kong mata. Umupo ako at inayos ang sarili ‘tsaka pinanuod si Margie na tinitiklop ang kumot at masama ang timpla ng mukha.
“Bakit mo naman ‘to pinakialaman? Alam mo namang bagong laba ko ‘to diba? May isang kumot dito, yun ang sabi ko na gamitin mo muna. Wag ‘to,” sermon niya na parang bata.
Napakamot ako sa ulo ko at binuksan ang screen ng cellphone ko, umaga na pero mamaya pa kami mag-aayos para pumasok dahil tanghali ang simula ng klase namin sa araw na ‘to. Hindi ko pa napoproseso ang mga sinasabi ni Margie dahil kakagising ko lang.
“At saka ang init-init nagkumot. Tinanong kita kagabi kung gusto mo magkumot, sabi mo hindi,” walang tigil na usal nito at umupo sa tabi ko.
Napakunot ako ng nuo nang maproseso lahat ng mga sinabi niya.
“Teka nga, hindi ba ako ang unang humiga sa kama? Nakita mo naman na wala akong kumot na ginamit kaya paano magkakaroon ng kumot sa kama natin? Kakasabi ko lang din sayo na mainit kaya bakit magkukumot?” litong balik ko sa kanya. “Diba ako pa nga ang nagsabi sayo na mainit kaya huwag na magkumot?”
Tinitigan ako ni Margie na tila ba inaalala ang nangyari kagabi.
“Ah. Oo nga! Ikaw ang nauna sa kama at wala ka namang kumot ng maisara ko ang ilaw,” tumatangong usal niya.
“Yan, kaka-spirit of the glass niyo lumipad na utak mo,” biro ko sa kanya at tumayo para makapaghilamos.
“Pero, Yanessa… hindi ako ang kumuha ng kumot sa cabinet natin,” mahina niyang usal sa likod dahilan para matigilan ako sa lababo at mabagal na humarap sa kanya.
Tinagilid ko ang ulo ko sa kanang banda, hinihintay ang lagi nitong ginawa. Na ngumisi at tumawa pagkatapos sabihin na nagbibiro lang siya para takutin ako.
“Takot ako,” sarcastic kong usal at ngumisi.
“Seryoso na, Yanessa. Hindi ikaw kumuha ng kumot sa cabinet?” nahihirapan siyang lumunok sa sariling tanong.
Napanguso ako at humilig sa sink.
“Hindi,” walang pag-aalinlangang pag-amin ko. “Pero nagising ako ng alas tres, may kumot na nakayap sa katawan ko,” seryosong dagdag ko na parang wala lang.
Tumili siya at patakbong lumapit sa akin, kumapit siya sa braso ko habang ngumangawa.
“Yanessa naman, eh!” takot na takot na usal nito na halos magtago sa likod ko.
Nagkatinginan kami bago ko sinulyapan ang cabinet na nasa tabi ng kama namin.
“Ang aga-aga, Margie. Takot na takot ka, akala ko ba ito ang gusto mo?” humalakhak ako at hinarap ang lababo.
Naghilamos ako kahit panay ang siksik ni Margie sa akin. Katulad niya, kinikilabutan ako sa nangyari kagabi. Ngunit may galak sa damdamin ko dahil pakiramdam ko ay si Yuan ang may gawa nun. Si Yuan ang laging nagbibigay sa akin ng kumot, hindi man sa malambing na paraan pero ramdam ko ang pag-aalaga sa ginagawa niya noong buhay pa siya.
“Tawagan natin si Jena, papuntahin natin dito. Baka may kaluluwa tayong natawag tapos nakalabas ng lagusan,” alarmang sambit nito.
“Binibiro lang kita, Margie. Sorry na, ako talaga ang kumuha ng kumot,” peki ko siyang nginitian.
Napawi ang tension sa mukha niya at malakas akong sinampal sa balikat. Nawala ang takot sa kanyang mukha at napalitan ng inis.
“Marunong kana manakot ngayon, ah! Epal ka talaga kahit kailan, nakakainis!” reklamo nito pabalik ng kama.
Humalakhak na lamang ako sa nakitang reaksyon. Hindi ko gustong matakot si Margie, hindi ko rin gustong mawala agad ang koneksyon kay Yuan. Gusto ko pa siyang makausap, ngayon pa na nagpaparamdam na siya. Mas mabuting hindi na ito malaman ni Margie, sa nakita kong takot sa mukha niya, hindi makakabuti kung malalaman niya ito. Maaring umalis siya at iwan ako panandalian dahil sa takot o maari rin na gumawa siya ng paraan dahilan para mapaalis pa si Yuan.
“Next time, huwag kang manakot,” biglang saad nito na tila hindi pa rin maka-move on sa nangyari.
Tipid ko lang siyang nginitian at hindi umimik. Nanatili ang titig ko sa cabinet at iniisip ang pangyayari kagabi. Babawiin ko na ang sinabi ko, takot si Margie sa ganitong bagay. Ginagawa niya lang dahilan ang paranormal activities para mag-enjoy o makahanap ng tuwa.
Ramdam ko, totoong narito si Yuan. Ang kailangan ko lang gawin ay makausap siya, dapat ay magpakita siya sa akin.
SABAY KAMING PUMASOK sa school ni Margie, abala ang bawat estudyante pagpasok namin sa loob ng room dahil sa quiz mamaya.
Nakita ko ang paghikab ni Margie sa tabi ko habang nagrereview kami. Mukhang inaantok pa dahil sa ghost hunting na nangyari kagabi.
Ilang minuto lang ay dumating na ang prof namin at nagsimula na ang exam. Kalaunan ay nagpa-dismiss din ito at sabay kaming lumabas ni Margie ng room.
"May pupuntahan ako ngayon, mga alas otso uuwi na ako," paalam niya.
Sinulyapan ko lang siya at marahan na tumango.
"Sa boarding house ka ba kakain?"
"Titignan ko, baka kila Jena na lang."
Napabaling ako nang marinig ang pangalan ni Jena at biglang pumasok sa isip ko ang natawagan na kaluluwa ni Yuan. Kung humingi kaya ako ng tulong sa kanya na makausap si Yuan?
"Ano nga ulit ang full name ni Jena?"
"Jena Vegas," sagot niya. "Bakit?"
"Add friend ko lang," ngumiti ako.
MABILIS KONG SINARA ang pinto at bintana matapos makapasok sa loob ng kuwarto namin. Nagsindi ako ng isang kandila sa sahig at umupo roon. Walang pag-aalinlangan na tinawag ang kaluluwa ng kapatid ko.
"Yuan, kung narito ka kasama ko, magparamdam ka," pikit mata kong bulong habang nakapatong ang dalawang palad ko sa aking hita.
Hindi pa ako nakakapagpalit ng uniform at ito na agad ang ginawa ko sa oras na makauwi. Kanina ko pa gustong-gusto na kausapin si Yuan pero hindi ko magawan ng paraan dahil laging nasa tabi ko si Margie.
Huminga ako ng malalim, pinapakiramdaman ang paligid. Ngunit walang kakaibang nangyari. Muli ko siyang tinawag ulit ngunit wala pa rin nagbago. Minulat ko ang mga mata ko at bigong napayuko.
Ngunit sa oras na aksidenting nakuha ng tingin ko ang kandila ay napaatras ako sa mangha at gulat. Unti-unti akong napangiti habang inaabot ang kandila na nakatumba at wala ng apoy ngayon.
When you're desperate, you find the fearsome situation delightful. Because out of desperation. Siguro yun na rin ang rason kung bakit hindi ko magawang matakot ngayon, dahil matagal ko na itong pinangarap na mangyari... at kapatid ko si Yuan.
Pinatayo ko ang kandila at sinubukang dahan-dahang tinumba, naglikha ito ng ingay. Paano nangyari na natumba ito kanina na wala akong narinig na kahit anong ingay? Paano?
"Totoo nga... Narito ka," nakangiting sambit ko habang nakatitig sa puting kandila.