KABANATA 4: BOSES

2312 Words
YANESSA’S POV Hindi ko alam kung sapat na rason na ba iyung pagkatumba ng kandila kanina para maging batayan na narito nga si Yuan, kahit hindi ko nakikita ay nararamdaman ko naman siya. Pero tila mas lalo lang tumindi at lumakas ang paniniwala kong narito nga siya sa mga nagdaang araw. HABANG SINASAGUTAN ko ang mga gawain ko sa eskuwelahan ay naalala ko bigla ang sinaing kong kanin. Nang puntahan ko iyun upang patayin ang apoy ay napakunot na lamang ako ng nuo dahil patay na ang apoy sa stove. Napahilig ako sa sink habang inaalala kung pinatay ko ba ito kanina, pero malinaw sa akin na hindi. Kinagat ko ang daliri ko at malalim na nag-isip, ngunit kalaunan ay hinayaan ko na lamang iyun at bumalik sa ginagawa ko kanina. “Nagluto kana ba?” Napatalon ako sa gulat sa boses ni Margie na kadadating lang. “Tapos na, pero hindi pa nagluto ng ulam.” Nilingon ko siya sa kama at naabutan kong nagtatanggal ito ng itim na sapatos, ngumiti siya at tinaas ang hawak nitong plastic na sigurado akong ulam namin ngayon. Agad akong tumayo at lumapit sa kanya para kunin ang plastic, pumunta ako ng lababo at nilagay sa platito ang gulay na binili ni Margie. “Wow, tapos mo na agad? Kailan ka pa naging magaling sa math?” may panunuya sa boses ni Margie ngunit hindi matago ang gulat nito. Kunot-nuo ko siyang nilingon at nakadungaw ito sa mga papel ko na sinasagutan ko kanina. “Hindi pa ako tapos, ‘tsaka hindi ako sigurado kung tama ba—“ Pinutol agad ni Margie ang sinasabi ko. “Kunwari ka pa. Sabi mo, sa akin ka magpapatulong? Kanino ka nagpatulong, hah? Tama yung sagot mo, oh” Hindi ko na mapigilang magtaka kaya lumapit ako kay Margie at sinuri ang papel ko. Halos matigilan ako sa paghinga nang makita na may sagot na lahat ang kaninang sinisimulan ko lang na sagutan. Gulat ako ngunit hindi ko pinahalata iyun kay Margie. “Tama ba? Check mo na lang,” kabadong usal ko sa kanya at binalik sa lamesa ang papel ko. Wala sa sarili akong bumalik sa sink ngunit kalaunan ay hindi ko na mapigilan ang pagngiti. Magaling si Margie sa math, ganun din si Yuan. Samantalang ako ang pinakamahina pagdating sa numero, hindi ko na kailangan pa ng sapat na ebidensya para patunayan na totoo nga ang kutob ko. Inayos ko na ang hapunan namin ni Margie habang siya ay tinitignan kong tama ang mga sagot ko. Ganun ang routine namin, hindi ko din kasi maipagkakaila na kahit mabarkada at laging nasa labas si Margie, matalino at nangunguna siya sa klase. “Haaaay!” Nag-inat si Margie habang papalapit sa akin. Umupo ito at nagsimula na siyang kumain, ganun din ako. “Mukhang tama naman yung sagot mo, na-check ko na. So, saan ka nangopya o nagpaturo?” biro nito at humalakhak. “Hindi ako nangongopya,” paalala ko sa kanya. “Oo naman. Hindi ka din nagpapaturo o humihingi ng tulong maliban sa akin, kaya paano mo nasagutan yung Math?” “Sa… sa internet, nanuod ako ng tutorial tapos pinag-aralan ko ng mabuti,” pagsisinungaling ko. Tumango-tango lang siya at mukhang naniwala na din naman sa sinabi ko. “Oo nga pala, pupunta dito si Jena mamaya kasama yung pinsan niya na si Tony.” Napataas ako ng isang kilay. “Ghost hunting na naman, Margie?” pangunguna ko. “Hindi!” mariin na tanggi nito. “Puro multo na lang ang nasa isip mo, mag-go-group study kami. Magpapatulong sa akin si Jena kasi may mga subject sila na tini-take din natin,” paliwanag niya. Napanguso ako at hindi na umimik pa. KALAUNAN AY NARINIG ko na ang boses nina Jena at Tony. Pumasok sila at binaba ko ang librong binabasa ‘tsaka tinaas ang tingin sa kanila. “Hi!” agad kong bati sa dalawa ngunit ang mga mata ko ay nakatuon lang kay Jena. Nung una ay natigilan pa siya sa una kong pagbati sa kanila ngunit ngumiti siya at nagbati rin pabalik. Pinapanuod ko ang bawat galaw ni Jena, kung may nararamdaman ba siyang kakaiba o mapapansin. Baka maramdaman niya ang presensya ng kapatid ko, o baka makita niya! “Hindi rin kami magtatagal, isang subject lang naman ‘to, Margie,” kuwento ni Jena na may tipid na ngiti at nilibot ang tingin sa buong kuwarto. “Kahit matagalan kayo ayos lang. Malapit lang naman dito ang boarding house niyo,” komento ng pinsan kong si Margie. Bumalik ang tingin ni Jena ay Margie at tangong ngumiti. Umupo sila sa sahig na may sapin at nagsimula na silang buklatin ang kanilang mga libro. Walang napansin si Jena, wala siyang komento o naramdaman. Mali ba ang inakala ko? Baka nababaliw na ako sobrang kadesperadahan na makausap si Yuan? “Malapit lang pala dito ang boarding house mo, Jena?” bigla kong tanong dahilan para mapatingin sila sa akin, lalo na si Margie. Alam ng pinsan ko na hindi ako palakaibigan kaya nagtataka siya sa bigla kong pagtatanong. Ramdam din ni Jena noong una naming pagkikita na hindi ako interesado na kausapin siya o kung sino man sa mga kaibigan niya. Marahil nagtataka ngayon sa biglang pagbabago ng pakikitungo ko. “Oo, nasa kabilang kanto lang naman,” nahihiyang sagot nito. “Ako, hindi ako nagbo-board, kay lola ako tumutuloy,” sabat nung Tony dahilan para batukan siya ni Margie. “Hindi ikaw ang tinatanong, girl,” pang-aasar ni Margie at tumawa. Tumango ako. “Sige na, ituloy niyo na ang ginagawa niyo,” usal ko at tipid na ngumiti. Siguro nga kailangan kong makausap si Jena, ng kaming dalawa lang. Huminga ako ng malalim at inangat ang librong binabasa, hindi pa ako tapos sa pagbabasa ng kusang lumipat ang pahina nito na ikinagulat ko dahilan para mapasigaw at mabato ko ang libro na muntikan pang tumama kay Margie. “Okay ka lang, Yanessa? Bigla-bigla kang sumisigaw,” takang tanong ni Margie at pinulot ang libro ko. Hindi ko alam pero kinilabutan ako bigla at parang lumamig ang pakiramdam ko. Ang titig ni Jena sa akin ay may pagdududa. “May ipis kasi na lumipad, pasensya na,” kabadong dahilan ko at kinuha kay Margie ang libro. “Alam mo, dito kana lang sa tabi namin. Para isahang tutorial na lang ang gagawin ko,” usal ni Margie, tinutukoy ang minor subject na hindi ko rin maintindihan masyado. Umupo ako sa tabi ni Jena at nakinig na lamang sa mga explanations ni Margie. Ngunit hindi pa yata kayang iproseso ng isip ko ang mga sinasabi niya dahil sa nasaksihan mismo ng mata ko kanina. Bumuntong hininga ako ng malalim dahilan para tumigil si Margie sa kanyang pagpapaliwanag. “Hindi mo maintindihan?” pagod na tanong ni Margie, binigyan ng ibang kahulugan ang pagbuntong hininga ko. “Ikaw, Jena? Naintindihan mo ba?” “Oo,” nahihiyang usal ni Jena at mahinang tumawa. Napakamot na lamang ako sa ulo ko at sinubukang magpokus. KINABUKASAN AY MAAGA kaming pumasok ni Margie sa eskuwelahan, habang hinihintay namin ang professor namin ay panay ang kuwento ng pinsan ko. “May kilala akong isang matanda na tumatawag ng kaluluwa, gusto mo bang subukan? Malapit lang siya dito sa school.” Napaayos ako ng upo sa alok niya. Nag-iisip kung paano gagawa ng rason para tanggihan siya. “Ah… Tingin ko sa susunod na lang, abala tayo sa papalapit na exams kaya kailangan kong magpokus. Ang dami ko pa naman na dapat pag-aralan,” pagsisinungaling ko. Matamis siyang napangiti. “Sabi ko na, eh. Nag-aaral ka talaga dahil may pangarap ka, tama ako,” masayang usal niya na parang bata. Sinimangutan ko na lamang siya dahil sa kakornihan nito. Tuwing naririnig ko sa kanya at naiisip nito na nag-aaral ako ng mabuti dahil may pangarap ako ay napapangiwi na lang ako. Siguro, dahil totoo ang sinasabi niya pero ayaw kong isipin niya na tama nga siya. Pakiramdam ko, wala akong karapatan na mangarap. Pumasok na din ang professor namin kaya napaayos na kaming lahat. “Before we start our lesson today, I will disseminate your answer sheet last meeting,” usal ng prof namin. “Marami ang bumaba, naiintindihan ko dahil mahirap ang topic.” Napamasahe ako sa nuo ko, siguradong huli na naman akong tatawagin sa baba ng score ko. Lalo na sa sinabi ng prof namin na mas nagpakaba sa akin. Pero ano namang bago doon? Sanay na din naman ako. “Francia, Yanessa,” unang tawag ng prof namin na nagpaangat sa ulo ko. Bilog ang aking mga matang tinignan siya, hindi pa ako nakuntento at binalingan ang mga kaklase ko para kumpirmahin kung tama ba ang pagkakarinig ko. “Anong hinihintay mo? Palakpak? Kunin mo na yung papel mo,” manghang usal ni Margie sa akin na nakangiti. Nahihiya akong tumayo at mabagal na naglakad sa papunta sa unahin. Kinuha ko ang papel at tinignan ng mabuti iyun, sinisiguro ko na hindi talaga nagkamali si prof sa pagtawag sa akin. “Wow! Ang galing.” Napangiti ako at nilingon ang nasa tabi ko. “Salamat,” usal ko doon sa lalaking may sinusulat sa kanyang papel dahilan para iangat ang tingin nito sa akin na may pagtataka. “Huh?” Ang katabi nitong babae ay tila naguguluhan habang nakatitig din sa akin. “Hi-hindi ba ikaw yun?” Mas lalo lang napakunot ang nuo ng lalaking kaklase ko sa aking tanong. “Yung alin?” “Yung nagsalita,” halos pabulong kong usal dahil nasa akin na ang atensyon ng iba kong kaklase. “Hindi. Wala namang nagsalita, ayos ka lang ba Yanessa?” may pag-aalala sa boses niya. “Miss Francia, you can take your sit now,” pagsabat na ng prof namin. Wala sa sarili akong bumalik sa upuan ko. Sigurado ako sa boses na narinig, malalim, baritone at matigas ang pagkakabigkas ng salita. Impossibli namang si Yuan iyun dahil malayo ito sa boses ng kakambal ko. Ang boses ni Yuan ay malambing at marahan, sobrang layo sa narinig kong boses. “Anong eksena yun, Yanessa?” biro ni Margie at agad kinuha ang papel ko para tignan. “Gumagaling kana, iba talaga kapag may pangarap,” biro na naman nito at sinundot ang baywang ko habang ako ay walang reaksyon at malalim na lamang na napaisip. “Rubia, Margie,” tawag ng prof namin. “Ako na,” excited na usal ni Margie at nilapag sa lamesa ko ang papel. Muli akong napasulyap sa score na nakuha, two mistake. Kalaunan ay napangiti ako ng tipid nang maalala ang kagalingan ng kakambal ko sa math noon, lagi itong sinasabak sa patimpalak dahil sa pagiging magaling sa klase. “Thank you, Yuan,” bulong ko at tiniklop ang papel tsaka inipit sa notebook ko. NAGLALAKAD KAMI PAUWI ni Margie nang mamataan namin si Jena kasama ang isang babae at ang pinsan nitong si Tony. Tinawag siya ni Margie dahilan para saglit itong magpaalam sa kanyang mga kasama at patakbong lumapit sa amin. “Uwian niyo na?” salubong na tanong nito. “Oo, punta tayo sa seaside. May bagyo raw na paparating sa makalawa, malaki pa yung allowance ko. Libre ko kayo,” aya ni Margie. Kanina niya pa ako pinipilit na lumabas nang marinig sa professor namin na may bagyo daw na paparating, hindi naman siguro ganun kalakas pero sa tingin ko ay uuwi si Margie. “Talaga? Sasama ka ba, Yanessa?” Napatingin sa akin si Margie matapos akong tanungin ni Jena. “Sige,” sagot ko na lamang. Napapalakpak si Margie sa sagot ko. “Palit lang kami tapos kita na lang tayo sa highway,” paalam ni Margie kay Jena. HABANG NAGPAPALIT ng damit si Margie ay panay ang salita nito tungkol sa pag-uwi. Kanina pa ako pinipilit na umuwi bukas dahil sa bagyo. “Sigurado ka ba diyan, Yanessa? Signal number two ang bagyo tapos gusto mo dito ka lang at hindi ka uuwi?” sermon nito. Nakaupo ako sa kama habang pinapanuod siya na ngayon ay abala sa kanyang mukha. Ayokong umalis dito, baka mawala si Yuan kapag nangyari iyun. Gusto kong makita siya, baka ito na ang pagkakataong yun lalo na at uuwi si Margie. “Wag kang mag-alala, nandito naman si Manang Lhoida,” paninigurado ko sa kanya. Umirap lang ito at naipiling ‘tsaka ako nilapitan. Kinuha nito ang palad ko at nilagay doon ang isang liptint na kulay pula. “Minsan ka lang lumabas, mag-ayos ka naman.” Nginitian ko lang siya dahil mukhang payag na siyang maiwan ako dito. “Paano ba ito?” Tumayo ako at lumapit sa salamin. “Ilagay mo sa labi mo tapos kagatin mo,” sarkastikong sagot nito at tumawa. “Basta, ikaw na ang bahala magpaliwanag kay lola. Kapag talaga ako pinagalitan nun dahil hindi ka sumama sa akin.” Hindi ko na ito pinansin at dahan-dahang dinampi sa labi ko ang liptint. Ngunit kalahati pa lang ng labi ang nalalagyan ko ng biglang kusang gumalaw ang kamay ko dahilan para dumiretso ang lagay ng liptint sa ilong papunta ng pisngi ko. “Ah!” gulat na sigaw ko sa nangyari. Narinig ko ang yapak ni Margie papalapit sa tabi ko. “Hindi ka talaga marunong?” Inabot ni Margie sa akin ang tissue, pinunasan ko naman ang pisngi ko. Nahihirapan akong napalunok at binalik sa kanya ang tint. “Next time na lang ako maglalagay,” usal ko sa seryosong boses. Ipinagkibit-balikat na lamang iyun ni Margie at nilagay sa ibabaw ng counter ang tint na siya namang tinitigan ko. Marunong akong maglagay ng lipstick sa labi, kahit hindi ako gumagamit ng make-up ay marunong ako. Bukod doon, may naramdaman akong malamig na humawak sa kamay ko. Sobrang lamig na siyang nagtulak sa kamay ko. Napahimalos na lamang ako sa mukha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD