YANESSA’S POV
NAPATINGALA AKO SA lalaking huminto sa aking harapan. Isang police officer na kausap ko kanina lang ang sumenyas sa akin na sundan ko siya. Huling sulyap ang ginawa ko sa selda bago siya sinundan papasok sa maliit nitong opisina.
Nilibot ang aking mga mata hanggang sa tumagal ito sa lamesa na may pangalan ng police na kausap ko lang kanina.
Inspector Jobert Santiliano.
“Hindi naman ganun katagal ang aksidenting nangyari, dalawang buwan lang naman ang nakalipas ngunit ano ba ang koneksyon mo iha sa gabing yun?” tanong ng pulis habang abala siya sa paghahanap sa malapad na papel sa ibabaw ng lamesa niya.
Umupo ako sa harapan nito kung saan pumapagitna sa amin ang maliit niyang lamesa.
“Mu-muntikan na po akong mabangga ng gabing iyun, ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon upang nais malaman ang nangyari,” usal ko habang tinatago ang kaba na nararamdaman.
Nang makita na niya ang papel ay nilapag nito sa gilid at pinirmi sa akin ang tingin at atensyon.
“Ano ba ang gusto mong malaman?” may pagtataka sa boses niya na ikinaatras ng dila ko.
Sinulyapan ko ang papel na nasa harapan at naroon ang iilang impormasyon na maaaring makatulong sa akin ngayon at sa multong kasama ko.
“Ku-kung may namatay ba,” wala sa sariling usal ko.
Sinabi sa akin ni Margie, nakita niya na may isang lalaking lubha ang lagay. Kung tutuusin ay tingin niya wala na itong buhay ngunit gusto kong kumpirmahin. Baka ito si Ghost, baka ito ang sinasabi ni Jena na nag-aagaw buhay na kinakailangan ng tulong ko.
“May sugat na natamo ang ilang sangkot sa aksidenting yun katulad mo. Ngunit walang namatay o binawian ng buhay.”
“Wala po ba ni isa ang kritikal ang lagay ngayon? O maaaring nag-aagaw buhay?”
Hindi ko na napigilan ang pagtaas ng boses at pagpapakita ng interes sa aksidenti na siyang ikinakunot ng nuo ng pulis na nasa aking harapan.
“Wala. Sigurado ako na lahat sila ay maayos na ang lagay ngayon, kung mayroon man na isang tao na malubha ang naging lagay ay siguradong patay na yun ngayon. Ngunit wala kaming report na natanggap na naging problema,” tiyak nitong saad at ngumiti ng tipid. “Alam kong nag-aalala ka ngunit—“
Hindi ko na ito pinatapos at agad sumingit sa gitna ng sinasabi niya.
“Kung ganun, maari ko ho bang mahingi ang impormasyon ng bawat tao na sangkot sa aksidenti gabing yun?” maingat kong tanong na ikinatigil nito.
Ngumuso ang pulis at pagak na natawa.
“Ang hinihingi mo ay mahigpit na ipinagbabawal. Lalo na at wala akong makitang rason para ibigay iyun sayo,” nagdududa na ang boses nito.
Napalanghap na lamang ako ng hangin at umiwas ng tingin.
Bigo ang tumango at pinasalamatan ang pulis. Lumabas ako ng police station at huling sinulyapan ito bago tuluyan nang umalis.
HUMINTO KAMI NI Ghost sa gilid ng main road kung saan siya kaluluwa na nang magising. Sinuri kong mabuti ang highway at pilit inaalala ang nangyari ng gabing iyun. Wala ako sa sarili ng mga panahon na yun kaya walang malinaw na alaala sa aking isipan.
Narinig ko ang mapanuyang sipol ni Ghost sa akin dahilan para maputol ako sa malalim na pag-iisip. Binalingan ko siya at tinaasan ng isang kilay.
“Ang lalim naman ng iniisip mo.”
“Ako ang dahilan kung bakit may aksidenting nangyari sa gabing yun,” pag-amin ko na ikinawala ng ngisi sa labi niya.
“Di-dito ka…”
Tumango ako at hinarap siya na gulat pa rin sa sinabi ko.
“Alam ko na kung ano ang koneksyon nating dalawa. Kung bakit sa akin ka dinala, kung bakit ako ang nakakarinig at nakakakita sayo.”
“Then it would be easy for us to find my body,” bulong nito at muling inangat ang tingin sa gitna ng daan.
Tanging streetlights lamang ang nagsisilbing ilaw at mga ilaw na nanggagaling sa dumadaang sasakyan.
“Tingin ko nga… Ngunit ang nakakapagtaka ay wala ni isang tao ang nagtamo ng malubhang lagay ng gabing yun. Hindi ko maintindihan, sinabi ni Jena na ikaw ay nag-aagaw buhay. Nang itanong ko kanina sa pulis ay maayos naman ang naging lagay ng bawat tao na sangkot sa aksidenti ng gabing yun.”
Bumuga ng hangin si Ghost at nakapamulsang naglakad papunta sa gitna. Nakatitig lamang ako rito habang ginagawa niya yun, hindi ko maiwasan na mapapikit ng may malaking truck na bumangga sa kanyang kaluluwa.
Sa pagpikit ng mga mata ko ay imahe ni Yuan ang aking nakita, mabilis na naglaho at panibagong imahe ang lumabas. Ako na naglalakad sa gitna na wala sa sarili upang magpakamatay, isang nakakasilaw na liwanag ang tumambad sa akin, hindi malinaw ngunit mga mata ni Ghost na ameythst ang aking nakita. Doon nagsimula ang nakakabinging ingay kung saan nangyari ang aksidenti ng gabing yun bago ako nawalan ng malay.
Binuksan ko ang mga mata ko at tumambad sa harapan ko si Ghost, tiningala ko siya at ang amethyst na mga mata nito ang sumalubong sa akin.
“Ako ang huling tao na nakita mo bago ka naging ligaw na kaluluwa. Kaya sa akin ka dinala…” bulong ko at napayuko. “Ako ang dahilan kung bakit nasa panganib ang buhay mo ngayon.”
Responsibilidad ko na tulungan siya. Hindi aksidenti ang pagkikita namin, kung hindi dahil sa akin ay hindi siya mapapahamak.
“Mahahanap din natin ang katawan ko. Huwag kang mag-alala,” ngumiti siya at sinubukang hawakan ang pisngi ko ngunit tanging malamig na hangin ang aking naramdaman. “Hahanapin ko rin si Yuan tulad ng pinangako ko sayo.”
Mas lalong kumirot ang dibdib ko sa huling sinabi niya.
KANINA KO PA pinipilit si Margie na tulungan akong makuha ang katauhan ng bawat taong sangkot sa aksidenti dahil sa muntikan kong pagpapakamatay ng gabing yun. Ngunit katulad ng inaasahan ko ay hindi niya mawari kung bakit ko iyun ginagawa.
“Nakikinig ka ba, Yanessa? Mahirap nga yung pinapagawa mo, ano naman ang matutulong ko? Maski nga connection ay wala ako kaya paano ko naman makukumbinsi kung sino mang pulis na yan na bigyan ako ng copy ng case?” pagtataray nito sa kanina ko pang pamimilit.
“Baka may kakilala ka na pweding tumulong. Marami kang kaibigan, diba?”
Binaba niya ang bag nito at umupo sa gilid ng kama ‘tsaka ako seryosong tinignan.
“Kung talagang desperada ka… Bakit hindi ka humingi ng tulong sa Gov. Custerio o sa matalik nitong kaibigan na si Vice Mayor Gualberto?” suhestiyon niya na tila naputol na ang lubid ng pagtitimpi.
Napanganga ako at natigilan sa sinabi niya. Lumambot ang mukha nito ng mapagtanto ang sinabi.
“Wala akong maitutulong, Yanessa. Suggestion ko lang yan, kung talagang gusto mong makakuha ng copy sa pulisya, sila lang ang makakatulong sayo,” naging marahan ang boses nito.
Umiwas ako ng tingin at naabutan ko ang titig ni Ghost na naghihintay sa akin, may tanong sa kanyang mukha. Lumabas ako ng kuwarto at sumunod naman siya sa akin.
“Malapit ka pala sa mga pulitiko?” tanong niya sa gitna ng aming paglalakad.
“Yan talaga ang tanong mo? Hindi mo ba tatanungin kung saan ako pupunta at sumunod ka pa?” pagak kong usal, lumalayo sa kanyang tanong.
Pinagkrus nito ang kamay niya at sinabayan ang lakad ko.
“Alam ko naman na wala kang pupuntahan, gusto mo lang maglakad… gusto mong lumayo,” marahan siyang tumawa ngunit hindi nanatili ang inis ko sa naging resulta ng usapan namin ni Margie.
“Sorry…” seryoso kong usal sa kanya. “Dahil sa akin naaksidenti ka, dahil sa akin nag-aagaw buhay ka.”
“Kung hindi mo gustong humingi ng tulong sa binanggit na mga pangalan ng pinsan mo, ayos lang. Makakahanap tayo ng ibang paraan.”
Nang iangat ko ang tingin kay Ghost ay may tipid itong ngiti sa labi ngunit ang pagkabigo sa kanyang mga mata ay hindi matago. Natahimik ako sa sinabi niya, gustong gusto kong tumulong pero ayokong humingi ng tulong sa taong kinamumuhian ko.
“Tama ka, makakahanap din tayo ng ibang paraan. Ibang tao na kayang tumulong sa atin,” wala sa sariling sambit ko at naging malamig ang mukha.
“Bakit ba galit na galit ka sa dalawang pulitikong iyan? Lalo na doon kay Vice Mayor Gualberto?” takang tanong niya.
Gumuhit ang pait sa aking sistema at tanging pilit na ngiti na lamang ang naging tugon sa kanya.
“Dahil pareho silang desperado sa pera, parehong gahaman sa kapangyarihan. Ang dahilan kung bakit ang respeto ng mga tao ay nagiging basihan ang estado at position nila sa lipunan. Sa kabila ng mga kasalanan na ginawa ni Gualberto, nakakaya pa rin siyang yukuan at respetuhin ng mga tao. Ibang klasi ang nagagawa ng pera at kapangyarihan,” mapait kong saad habang umiiling.
“Ang pagsira sa pamilya mo? Bakit naman niya gagawin yun?” he asked confused.
Umatras ang dila ako at tila nanuyo ang lalamunan. Nanatiling tahimik at kuyom ang isang palad.
“Iisipin ko na galit ka… pero bakit lumalakas ako kapag pinag-uusapan natin siya imbes na manghina ako? Katulad kay Yuan? Tuwing pinag-uusapan din natin siya? Ibig sabihin, hindi ka lang galit… mas nangingibabaw ang sakit,” gulong usal ni Ghost dahilan para mapahinto ako sa paglalakad.
“Anong ibig mong sabihin?” kunot-nuong tanong ko sa kanya, hindi gusto ang patutunguhan ng usapan namin.
Magsasalita na sana siya ngunit tinikom na lamang nito ang bibig at tipid na ngumiti ‘tsaka umiling.