“Magandang umaga, Master!” masiglang bati ni Mariana kay Kevin.
Gising na ang lalaki, ngunit nanatili itong nakaupo sa kama. Unang nilapitan ni Mariana ang mga bintana at hinawi ang mga makakapal na kurtina roon upang makapasok ang liwanag.
“Maganda ang panahon ngayon, Master. Gusto nyo po bang ilabas ko kayo sa garden? Namulaklak na kasi yung mga pananim na bulaklak ni Nanay Bebeng.”
Nilingon nya ang lalaking. Nananahimik lang sa isang sulok. Nakatutok lang ang mga mata nito sa liwanag na nagmumula sa bukas nang bintana. Nilapitan nya ito at hinawi ang kumot. Nakasanayan na nya na tuwing umaga ay minamasahe ang mga binti ng lalaki.
“Ihahanda ko na po ang pang-paligo nyo, Master.”
Tatayo na sana si Mariana mula sa kanyang pagkakaupo nang pigilin ni Kevin ang kanyang braso. “Mamaya na ko maliligo. Gusto ko munang lumabas.”
Matamis na ngumiti si Mariana. Ito ang unang pagkakataon na lalabas sila ng amo upang maglakad-lakad sa hardin. Maliksi syang kumuha ng damit na ipapalit sa pang-itaas ng amo. Naglabas din sya ng face towel upang ihilamos sa mukha nito. Nang matapos ay inalalayan na nya itong makaupo sa kama.
“Mas maganda siguro, Master, kung magtutungkod na lamang kayo, para na rin ma-exercise ang mga binti mo.”
Matagal lamang syang pinagmasdan ng lalaki, bago ito tumango. Lihim na nagbunyi ang kanyang puso. Hangad nya ang mabilis na paggaling ng amo. Uunti-untiin nya ang pagtulong dito nang hindi namamalayan ng lalaki.
Wala man syang nalalaman, sa bahagi ng kanyang isip ay may dahilan kung bakit hindi pinipili ng lalaki na gamutin ang sarili, kahit pa malaki ang kakayahan nitong magawa iyon.
“Sigurado ka bang kaya mo kong alalayan? Ang liit kasi ng katawan mo.”
Nag-uumpisa na silang humakbang ni Kevin sa hagdan. Kahit sya ay nagdududa rin kung kaya nga ba nyang alalayan ang lalaki. Ni hindi man lamang sya umabot sa balikat nito. Napakatangkad ng lalaki at malaki rin ang pangangatawan.
“Kakayanin, Master. Kung gumulong man tayo dito sa hagdan, sisiguruhin kong ako ang unang masasaktan at hindi po kayo,” paninigurado nya sa amo.
“Wag ka ngang magpatawa, Mariana. Baka ang pagkadagan ko sa'yo ang maging dahilan ng pagkabali ng mga buto mo.”
Tiningala nya ang amo. Gwapo talaga sa kahit anong anggulo ang lalaki. Nasa balikat nya ang kamay nito at ang isa naman ay may hawak na tungkod. Pababa sila ng hagdan at hindi nya alam kung kailan nila mararating ang ibaba.
“Sa hagdan ka tumingin, babae, at huwag sa mukha ko,” pantay ang boses na sabi ni Kevin.
Tila naman sya napahiya. Nawala sa isip nya na nakakakita nga pala ang amo. Kung nakaharap lang ito sa kanya ay malamang na nakita nito ang pamumula ng kanyang pisngi.
“Isang hakbang na lang po, Master.”
“Alam ko.”
“Sabi ko nga po, alam mo,” bulong nya.
Nadatnan nila sa baba ng hagdan si Nanay Bebeng na ngiting-ngiti sa kanila.
“Naku, iho, gusto mo ba eh sa hardin ka na mag-almusal?” masiglang tanong nito sa lalaki.
Ngumiti si Kevin sa matanda at tumango. Tila naiwan sa ere ang hininga ni Mariana. Ngayon nya lamang nakita ang totoong ngiti ng amo. Mas naging maaliwas at lalong gwumapo sa paningin nya ang lalaki. Nahagod nya ang dibdib. Bumilis kasi ang t***k ng kanyang puso. Pero paano nangyari yon? Huli nyang naramdaman yon nang maglapat ang labi nila ni Ruben, na wala pang dalawang segundo.
Pagkalabas ay mabilis na hinatak ni Mariana ang uupuan ng amo. May bilog na lamesa sa gitna ng hardin. May apat na upuang nakapalibot doon. Inalalayan nyang makaupo roon si Kevin.
“Tigilan mo ang pag-ngiti nang malaki na tila ba nanalo ka sa lotto,” sabi ni Kevin pagkaupo nya sa harapan nito. Mabilis nyang inikom ang bibig, ngunit naroon pa rin ang nagpipigil na ngiti.
Umismid ang amo, lalong naging gwapo. Maya-maya ay dumating na si Nanay Bebeng bitbit ang almusal ng lalaki. Nag-umpisa na itong kumain.
“Master, pagkatapos nyo po, puntahan natin yung likod bahay. Ang gaganda po ng mga bulaklak na umusbong don. Ang galing kasing mag-alaga ni Tibong.” Muling napangiti si Mariana.
Nag-angat ng tingin si Kevin at tinitigan sya. “Malabo ang mga mata ko Mariana. Pag-aaksaya lang ng oras ang gusto mong mangyari.”
Nabura ang kanyang ngiti, saka sya matunog na bumuntong hininga. Napalingon sya nang may tumawag sa kanyang pangalan. Papalapit sa kanilang pwesto ang binatilyong si Tibong. Sa wari ni Mariana ay malaki ang tanda nya sa binata. May tangan itong mga bulaklak na tila pinitas sa likod ng bahay.
Hardinero si Tibong at mahusay ang binata sa mga halaman.
“Tibong! Magandang umaga.”
“Magandang umaga, Mariana.” Bumaling ito kay Kevin at yumuko. “Magandang umaga po, Sir.”
Hindi kumibo ang amo. Diretso lamang ito sa pagkain at tila ba walang narinig. Nakaramdam ng inis si Mariana. Gasino lang ba ang magaan na pagtango bilang tugon sa masayang bati ni Tibong.
“Para sayo, Mariana.” Iniabot ni Tibong ang bulaklak sa kanya. Masaya nya namang tinanggap iyon.
“Salamat, Tibong. Ilalagay ko 'to sa kwarto ko.”
Parehas silang natigilan ng binata nang pabagsak na ilapag ni Kevin ang mga kubyertos. Tumuwid ito ng upo at diretso lamang ang tingin. Nagkatinginan sila ni Tibong. Nakahalata yata ang binata at mabilis na itong nagpaalam.
“Pwede ba, Mariana, kapag nasa paligid ako, ayokong nakikipaglandian ka sa mga tauhan ko rito!”
Napapitlag si Mariana sa sigaw ng amo. Landian? Saan galing yon?
“Nagkakamali po --”
“Sinabi ko bang sumagot ka?! Ang mga kagaya mong probinsyana ay sabik sa atensyon ng mga kalalakihan!” Salubong ang kilay ni Kevin ay mariin na nakakuyom ang mga kamao.
Huminga nang malalim si Mariana. Damang-dama nya ang bumangong galit sa kanyang dibdib. Wala pang kahit sino ang nag-akusa sa kanya ng ganon. Si Kevin lang. Marahas na tumindig sa pagkakaupo si Mariana. Hindi nya ata maatim ang paratang ng amo sa kanya. Sumosobra na.
“Iyan ba ang pagkakaalam mo sa katulad naming probinsyana? Para sabihin ko inyo, 'Master,' napakabata pa ni Tibong. Hindi kami naglalandian, at lalong hindi ako sabik sa atensyon ng mga kalalakihan. Matino akong pinalaki ng babaeng nasa langit na ngayon.” Huminto sya sandali at muling humugot ng hangin. “Iginagalang kita dahil amo kita. Pakiusap, igalang mo rin ako, kahit bilang babae na lang.”
Hindi kumibo ang lalaki. Diretso lamang ang tingin nito.
“Nagka-nobyo ka na ba, Mariana?”
Nawala ang galit sa mukha nya. Napalitan iyon ng pagkalito. “O-opo,” maiksi nyang sagot.
“Nasaan sya?”
Natigilan si Mariana. “W-wala na… nag-asawa na ng iba.” Muling kumirot ang kanyang puso sa alaala ni Ruben.
Mabagal na tumayo si Kevin. Mabilis namang nakalapit si Mariana upang alalayan ang lalaki. Dinala nya ang kamay ni Kevin sa kanyang balikat at ang isa naman ay inabutan ng tungkod. Ngunit natigilan sya nang dumausdos ang kamay ni Kevin sa kanyang bewang. Napatingala sya sa lalaki nang mahigpit na pumulupot ang isang kamay nito at mas lalo pa syang hinapit.
Bumaba ang mukha ng amo. Nagtama ang kanilang mga mata. Anong bilis ng pagtibok ng puso ni Mariana nang mas lalo pang bumaba ang mukha nito. Hindi sya nakagalaw, ni hindi nagawang ipaling ang ulo upang kahit papano ay maiiwas sa paglapit ng mukha ng amo.
Pigil nya ang paghinga nang huminto ito na gahibla na lamang ang layo sa kanya mukha. Tutok na tutok ang asul na mga mata nito sa kanyang mga mata. Hanggang sa lumipat ang tingin nito sa kanyang ilong at bumaba sa kanyang labi. Napalunok si Mariana.
“Master --”
Huli na ang kanyang pag-awat. Sakop na ng amo ang kanyang labi na ilang segundo ring nakaawang.
Mas bumilis ang pagtibok ng kanyang puso nang mas palalimin pa ng lalaki ang paghalik na ginagawa sa kanya. Kakaiba iyon. Hindi pa nya nararanasan ang ganoong klase ng halik sa buong buhay nya. Ibang-iba sa paghalik sa kanyang ng dating nobyo. Kung kay Ruben ay dampi lamang, kay Kevin ay tila nilalamon na ng lalaki ang kanyang mga labi.
Kakaibang kiliti ang dumaloy sa bawat himaymay ng ugat ni Mariana. Namigat ang kanyang mga mata at hindi na nya napigil ang pagpikit niyon. Patuloy ang lalaki sa pagpaparusa sa kanyang labi. Tila ito isang gutom na hindi nagsasawang kainin ang kanyang bibig.
“Uhmm…” napaungol si Mariana. Dumilat at dama ang matinding pagkapahiya sa sarili at sa lalaking kahalikan.
Huminto si Kevin. Idinikit ang noo sa kanyang noo. Parehas nilang habol ang kanilang paghinga.
“Hindi ka tumugon… talaga bang nagkanobyo ka na?” bulong ni Kevin.
Tulala si Mariana. Ano raw? Paano ba tugunin ang ganoong halik?
“H-Hindi ko po alam k-kung paano,” utal nyang sagot.
Ngumisi si Master. Tumuwid na ito ng tayo at ang kamay ay ibinalik na sa kanyang balikat. “Dalhin mo ko sa likod bahay.”
Tumango si Mariana bilang tugon. Paano ba nya ipapaliwanag sa amo na parang hindi nya kayang maglakad. Nanlalambot ang kanyang binti at tila nanginginig ang kanyang mga tuhod. Gusto nyang agawain ang tungkod sa lalaki at sya na ang gumamit. Parang mas kailangan nya iyon. Tutal ang lalaki rin naman ang may kasalanin kung bakit parang nanlalambot ang kanyang mga binti.
Wala sa loob na nakapa ni Mariana ang kanyang labi. Sa pakiramdam nya ay tila nangapal iyon dahil sa marahas na pagsipsip na ginawa ng amo. Nanumbalik ang pakiramdam ng halik kay Mariana. Napakapit sya sa upuan, at tila nahalata naman iyon ni Kevin.
“Relax… halik pa lang yon, Mariana, nanghihina ka na. Paano na lamang pala kapag --”
Hindi na naintindihan ni Mariana ang sinasabi ni Kevin dahil nagdilim na ang kanyang paningin. Hindi na nya alam ang mga sumunod na nangyari.
Itutuloy…
Please Like and Follow <3