"TOTOO nga ang balita, ikinasal ka na talaga."
Paglingon ni Gareth ay nakita niya si Cherry na papalapit sa kaniya. May pilit na ngiti ito sa mga labi at lungkot sa mga mata? Hangang ngayon ba ay may nararamdaman pa si Cherry para sa kaniya?
Bumuntong-hininga si Gareth at marahang tumango sa babae. Muli niyang ibinaling sa malawak na swimming pool ang paningin. Naroon pa rin siya sa mansion at wala pang balak pumasok sa kaniyang opisina, ni hindi pa nga siya nakakaligo kaya mas lalo niyang ramdam ang hang over niya. Pagkatapos kasi nilang magsagutan ni Sam kagabi ay uminom siyang muli hangang sa makatulog sa may lanai.
"At hindi ko akalain na sa babaeng kinamumuhian mo pa..." dagdag pa ni Cherry na tuluyan nang nakalapit sa lalaki.
Ofcourse Cherry knew about Sam. Nabanggit niya noon si Sam sa babae.
Hindi sumagot si Gareth. Paniguradong si Gail ang nagkwento kay Cherry na ikinasal na siya. Knowing her sister, lalo na at boto ito kay Cherry para sa kaniya noon pa man.
"I remembered how you cried dahil sa kaniya. Naalala ko kung paano ang galit sa mga mata mo, everytime na maaalala mo ang ginawa niya." Panandaliang tumigil si Cherry at tinitigan ang lalaki na tila ba pilit inaarok ang reaction nito sa mga sinasabi niya. "Pero bakit hindi ko maintindihan, bakit mo pa siya pinakasalan? Totoo ba ang sinabi ni Gail na pinakasalan mo siya to get revenge or it was your way to cover-"
"Cherry." Putol ni Gareth sa mga nais pang sabihin ng dalaga. Tinitigan niya ng mabuti ang maamong mukha ng kaharap. "Huwag mong abalahin ang sarili mo sa mga bagay na wala ka namang kinalaman." At walang babalang nilampasan ito matapos sabihin ang mga bagay na 'yon.
"Gareth!" Pigil ni Cherry sa paglayo ng lalaki. Tumigil si Gareth, pero hindi nag-abalang lumingon sa dalaga. "Alam mo kung ano ang nararamdaman ko sa'yo. Kaya alam mo rin na nasasaktan ako ngayon." Lumapit si Cherry kay Gareth at hinawakan ang braso nito. "Bakit hindi na lang ako ang mahalin mo and forget about her?" May pagsusumamo sa tinig ng dalaga.
Walang ekspresyon ang mukha ni Gareth. Gaya ng dati, blanko at malamig iyon.
"Paano ko ibabaling ang pagmamahal ko sa'yo, kung hindi pa tapos ang galit na narito sa dibdib ko, Cherry?"
Biglang kumislap ang mga mata ng dalaga. "K-kung makakaganti ka na sa kaniya at mawala na ang galit sa puso mo, puwede na ba tayo? Puwede bang ako na lang?"
Hindi sumagot si Gareth at iniwan ang dalaga sa pool area. Ang dalagang biglang nagkaroon ng pag-asa na matugunan ang pagmamahal na iniuukol sa lalaki sa matagal na panahon. Mahal niya si Gareth at parang hindi ganoon kadali para sa kaniya na bitawan ang pagmamahal na 'yon. Tama, he is not in love with Sam anymore. Gusto lang ng lalaki na makaganti sa babae. Dahil sa isipang iyon ay tila ba nagkaroon ng pag-asa sa puso ni Cherry.
*************************
NAKARATING na sa opisina si Samantha, pero hindi pa rin nabubura sa isipan niya ang nakita niya kanina sa may gilid ng swimming pool, nang mapadaan doon para hanapin si Gareth at magpaalam na papasok na sa opisina. Pero ang nadatnan niya ay may kausap itong magandang babae na halos wala ng espasyo sa pagitan ng mga ito.
Hindi niya mawari ang nararamdaman dahil para bang biglang may mga maliliit na karayom na tumusok sa puso niya nang makita ang dalawa na tila may mahalagang pinag-uusapan. Hindi na niya inabala pa ang mga ito at umalis na lamang.
Nagseselos ba siya? Pero bakit? Dahil ba sa kasal na sila ni Gareth? Iyon lamang ba ang rason?
"Coffee?"
Nagulat pa siya nang biglang lumitaw sa harapan niya ang nakangiting si Martina.
"Yes, please." Nagtuloy na siya sa kaniyang table at umupo.
Parang ang bigat ng ulo niya dahil kagabi ay halos wala siyang tulog sa kahihintay na muling pumasok sa silid nila si Gareth, matapos ang nangyaring sagutan sa pagitan nila. Pero napuyat na siya't lahat-lahat ay hindi ito muling bumalik.
Hindi nga niya alam kung saan ito nakatulog.
"Bakit mukhang pagod na pagod ka, Ms. Walton? Huwag mong sabihing pinagod ka ni Sir Gareth kagabi?" May panunudyo sa boses ni Martina, habang inilalapag sa table niya ang dalang kape na para sa kaniya.
Natawa siya, kasabay ng pamumula ng kaniyang pisngi. Sana nga ay ganoon na lang ang nangyari, pero hindi, e. Nais tampalin ni Sam ang sarili dahil sa naisip. At talagang may lihim yata siyang pagnanasa sa asawa?
"Ms. Walton?" Pukaw ni Martina sa tila wala sa sariling amo.
"Huh? Ikaw talaga, Martina. Walang ganoon sa amin ni Gareth. Alam mo naman bakit ako nagpakasal sa kaniya, hindi ba? Para sa kapakanan ng kompanya."
Malungkot na napatango-tango si Martina. " Hindi ko akalain na aabot ka sa kailangan mong isakripisyo ang sarili mong kaligayahan, Ms
Walton..."
Malungkot na napangiti si Sam. Maging siya ay hindi niya alam na aabot siya sitwasyong kinasasadlakan niya ngayon.
"Maiba ako, Martina. Naasikaso mo ba ang meeting ko this week with the new investors?"
Lumawak ang ngiti. "Yes naman, Ms. Walton. Masaya ako at unti-unting bumabawi ang Walton shipping company. Isa rin si Sir Gareth sa pinakamalaking investor natin."
Napatango-tango si Sam. Siguro sa gitna ng mga lungkot at problemang kinakaharap niya, dapat niyang ikatuwa na nakakabawi na ang kompanya. Atleast tumupad si Gareth sa usapan na tutulungan nito ang kompanya niya.
Sana ay masaya at proud ka sa akin, papa...
Bulong ni Sam sa isipan. Alam niyang nanonood ang ama niya sa mga nangyayari sa buhay niya ngayon kung nasaan man ito.
"Lalabas na ako, Ms. Walton. May mga aayusin pa akong papeles na ipipila ko mamaya sa'yo for you to approve," ani Martina.
Ngumiti at tumango si Sam, bago hinarap ang mga papeles na nasa kaniyang table, kasabay nang panaka-nakang paghigop ng kape. Mamaya, bago siya uuwi kina Gareth ay pupuntahan niya ang anak, nangungulila siya rito at hindi siya sanay sa set-up nila, paano pa kaya si Graciella? Alam naman niyang hindi ito pababayaan ni Toneth, pero hindi pa rin niya maiwasang mag-alala para sa anak, lalo na at hindi niya ito nakikita gabi-gabi o bago pumasok sa opisina, katulad dati.
Kailan kaya papayag si Gareth na isama niya si Graciella sa mansion ng mga ito?