Chapter 5

2761 Words
Nagtatakang pinagmasdan ni Lady Pega ang batang diwata habang patuloy ito sa pag iyak. Hindi nito mawari kung ano ang maaaring dahilan ng kaniyang kakaibang ikinikilos ngayon. “Aella, anong nangyayari sa iyo? May problema ba?” Sinubukang ilapat ng pinuno ang kaniyang kanang pakpak sa uluhan ng diwata ngunit mabilis itong iniwasan ni Aella na tila ba ikamamatay niya oras na madikit sa kaniya iyon. Mas lalong namutawi ang pagtataka at pangamba sa pinuno nila. Napaupo na lamang sa sahig ang batang diwata habang nagpapatuloy sa matinding pagbuhos ang kaniyang mga luha. Paulit-ulit niyang itinatangis ang mga katagang, “huwag po ninyo akong ialay, parang awa niyo na po,” na hindi naman maintindihan ni Lady Pega. Dumating ang dalawang sundalong pegasus, may pag-aalala at handang sumabak sa ano mang kaguluhang nangyayari ngunit agad din silang napahinto nang mataman lamang silang inilingan ng kanilang pinuno. Nakapalibot ang tatlong pegasus sa batang diwatang tumatangis sa sahig, nakikiusap na huwag siyang ialay sa kung sino man. Kapansin-pansin ang kaniyang nanginginig na mga kamay habang magkalapat ang mga ito, ipinapakita ang matindi niyang pakiusap. “Alam ba ninyo kung ano ang problema ng batang diwata?” Iniangat ni Lady Pega ang kanyang tingin sa dalawang kawal na nasa harapan niya ngunit sabay na umiling ang mga ito at isinagot na hindi pagkat sila’y sa loob ng palasyo nagbabantay sa maghapon. Sinubukang muli ni Lady Pega na ilapat ang kaniyang pakpak sa diwata ngunit lalo lamang itong nag-iiyak at nanginig sa takot kaya naman ay nagpasya itong hayaan na muna ang diwata. “Ipatawag ninyo si Lexi, ngayon mismo,” utos nito na agad namang sinunod ng kawal. Tahimik na pinagmasdan ni Lady Pega ang tumatangis na diwata sa kaniyang harapan. Batid niyang may bumabagabag na kung ano sa isipan ni Aella ngunit hindi niya mawari kung ano iyon para umabot sa puntong ganito katakot ang ipinapakita ng diwata. Ilang sandali lamang na paghihintay ay naramdaman na agad ni Lady Pega ang pagdating ng presensya ni Lexi kaya naman hindi na siya nag aksaya pa ng panahon at agad nang nagtanong. “Alam mo ba kung ano ang problema ni Aella upang umaktong ganito?” Lito sa tinuran ng kanilang pinuno, mas binilisan pa ni Lexi ang paglapit at nang nasa tamang lapit na ay doon lamang niya napagtanto ang nangyayari. Sa halip na sa pinuno ay hindi maiwasan ni Lexi na mapatingin sa kaibigang tumatangis at nanginginig sa sahig. “Hindi po, Lady Pega.” Marahan niyang ibinaling ang atensyon sa kanilang pinuno ngunit hindi rin nagtatagal pagkat hindi niya mapigilang hindi balingan ang kaibigan. “Marahil ay napagod lamang sa pamamasyal kanina?” Walang katiyakang usal niya. Batid niyang malabong iyon ang dahilan kung bakit tumatangis nag kaniyang kaibigan ngayon pagkat kanina lamang ay naakasaya nito at halos mapunit na nag labi sa kangingiti kaya naman isa ring malaking misteryo sa kaniya nag dahilan ng pagtangis nito ngayon. Pasimple niyang sinulyapan ang kanilang pinuno na siyang huling nakausap ng kaibigan ngunit agad din niyang isinantabi ang sarili. Alam niyang hindi sya ipatatawag kung ang pagtangis ni Aella ngayon ay dahil sa kagagawan ni Lady Pega kung kaya’t pilit niyang itinapon ang ideyang iyon sa dulo ng kaniyang isipan. Ilang minutong binalot ng pag-iyak ni Aella ang buong silid hanggang sa unti-unti iyong nawala. Pinanood ng dalawang kawal, ni Lexi at ni Lady Pega ang unti-unting pagkakapagod ng batang diwata sa pag-iyak hanggang sa tuluyan na itong makatulog. Iwinagayway ni Lady Pega ang kaniyang kanang pakpak habang ito ay nakadirekta sa kung nasaan si Aella at unti-unti niyang itinuro ang isang upuang mahaba na nasa tapat ng malaking aklatan. Marahang umangat ang katawan ng batang diwata at unti-unting bumaba sa upuan at doon ay naging maayos ang kaniyang paghiga. Isang kumpas pa ng pakpak ay kumot naman ang lumipad patungo sa diwata. Pagkatapos ng ginawang pag-aayos sa pwesto ni Aella ay muling binalingan ni Lady Pega si Lexi na matamang pinagmamasdan ang kaibigang ngayon ay mahimbing na ang pagtulog. “Maaari mo bang ikuwento sa akin ang nangyari sa inyong pamamasyal kanina?” Tumango si Lexi kasunod ay ang pagbuga niya ng malalim na hininga. “Wala naman pong kakaibang nangyari kanina,” panimula niya. “Nagtungo po kami sa may kagubatan upang doon mamasyal sa halip na sa dalampasigan na nais sana ng diwata. Noong una ay magkakasama pa kami ngunit nang mapagod ay nagpasya akong magpahinga sandali sa ilalim ng isang puno ngunit ang batang diwata ay nagpumilit na magpatuloy kaya siya, kasama ang pegasus na kaniyang sinasakyan, ay tuluyang pumasok sa loob ng gubat…” Tumatango-tango si Lady Pega habang nakatingin kay Lexi na siya namang nakatitig sa natutulog na si Aella. “Hindi ko batid ang kung anong nangyari sa kanila sa loob ng gubat ngunit nang magsama-sama kaming muli upang bumalik na rito sa palasyo ay nabanggit niyang may nakilala silang bagong nilalang…” Ang mga huling katagang binitiwan ni Lexi ang pumukaw sa buong atensiyon ng kanilang pinuno. Buong katawan nito ang gumalaw at tuluyang napaharap kay Lexi. “Nilalang? Sino at anong klase?” Bakas sa tono ng boses ni Lady Pega ang pangamba at pagtataka. “Ayon kay Aella, isa rin iyong diwata na may kakaibang itsura. Anito sa kaniyang kuwento, ang mga tainga ng diwatang iyon ay mahahaba, hindi gaya ng sa kay Aella.” Bakas ang pangamba sa mukha ng kanilang pinuno, iniisip ang isang nilalang na ayaw niyang ipakilala sa batang diwata kaya naman nang mapagtanto iyon ay mabilis ang naging pag-iling ni Lexi. “Alam ko po ang iniisip mo, Lady Pega ngunit nagkakamali po kayo. Kilala ko ang mga nilalang na may ganoong itsura at batid kong sila ay pawang walang dalang kapahamakan,” paliwana niya. “Paano ka nakasisiguro?” Ibinaling ni Lexi ang kaniyang tingin sa bintana ng silid na iyon. Mula roon ay tanaw sa malayo ang isang bahagi ng kagubatan. Itinuro iyon ni Lexi na agad din namang tinignan ng kanilang pinuno. “Banda roon ay may mga diwatang nakatira na may mahahabang tainga at pakpak. Kilala ko ang kanilang prinsesa ngunit hindi ko alam ang kaniyang ngalan. Ayon sa aking mga kaibigang taga roon, mahilig mamasyal ang kanilang prinsesa kaya marahil ay siya iyong nakilala ni Aella kanina,” mahabang paliwanag nito. Tumango na lamang si Lady Pega. “Sana nga ay iyon talaga ang nakilala ng batang diwata kung hindi ay alam mo ang mangyayari. Lexi.” Tumango si Lexi sa tinuran ng kanilang pinuno. “Maraming salamat sa mga impormasyong ibinigay mo. Sa susunod ay bantayan pa ninyong mabuti ang batang diwata pagkat hindi siya maaaring mapahamak, naiintindihan mo?” Muling tumango ang aso bago nagpaalam sa kanilang pinuno. Sandaling pinagmasdan ni Lady Pega ang mahimbing na pagkakatulog ng batang diwata. May bakas pa ng mga luha sa kaniyang mukha at mahahalata roon ang kaunting pagkapagod. Inilapit ng pinunong pegasus ang kaniyang mukha sa pisngi ng diwata at bahagyang inihaplos iyon doon bago nagpasyang iwanan na upang ito ay mas makapagpahinga ng maayos. Sa kabilang banda, abala ang mga kaibigan ni Aella sa hardin ng palasyo. Sa pangunguna ni Lexi, kinokolekta nila ang mga bulaklak na tuluyan nang ipinapakita ang kanilang ganda sa mundo at dinadala nila ang mga iyon sa iba pa nilang mga kaibigan na abala naman sa pag-aayos ng mga bulaklak sa isang maliit na basket. Pinangungunahan naman ni Amanda ang pag-aayos ng mga kusinero sa paghahanda ng mga paboritong pagkain ni Aella. Balak nila itong sorpresahin oras na ito’y magising. Sa gitna ng malawak na hardin na pinalilibutan ng iba’t ibang bulaklak ay naglatag sila ng isang malaking sapin kung saan balak nilang magsalo-salo mamaya. “Ayusin ninyo ang pagpitas sa mga bulaklak pagkat oras na masiraang buong halaman ay malalagot tayo hindi lang kay Aella kundi pati na rin sa pinuno, naiintindihan ninyo?” Agad namang sumang-ayon ang lahat sa tinuran ng batang aso pagkat batid nilang bukod sa libro, ang mga bulaklak ang isa sa mga paboritong bagay ni Aella sa kanilang palasyo kung kaya naman oras na masira ang mga iyon ay tiyak na magagalit ang batang diwata. Hindi pa luto ang mga pagkain nang biglang magpakita ang batang diwata sa kusina na talagang ikinagulat ni Amanda at ng mga nagluluto. Inakala kasi nilang mamaya pa ang gising nito pagkat ayon sa kanilang pinuno ay mahimbing pa ang tulog nito. “Anong mayro’n?” Matamlay na tanong niya bago bahagyang inilibot ang paningin sa mga pagkaing nauna ng naluto. Ramdam man ang gutom ngunit mas nangibabaw pa rin ang pagod na kaniyang naramdaman at ang pagtataka sa panibagong kakaibang bagay na kaniyang nakikita ngayon. Bakit pawang mga paborito niyang pagkain ang mga nakahanda? Ibinaling niya ang kaniyang tingin kay Amanda ngunit ang malawak na ngiti ng pusa ay lalo lamang nagpalala sa kaniyang mga naiisip. Bakit tila kakaiba ang turing ni Amanda sa kaniya ngayon? Bakit siya nakangiti at walang bakas ng pagsusungit? Tumalon ang pusa sa tabi ng mga pagkain at hindi pa rin nawawala ang ngiti sa kaibigan. “Ah, isa sana itong sorpresa ngunit hindi namin inasahan na magigising ka agad. Mas makabubuti siguro kung magtungo ka na muna sa hardin ngayon,” anito. Tumango lamang si Aella ngunit sa halip na sundin, umakyat siya sa kaniyang silid at doon sinilip ang kung anong kaganapan ang nangyayari sa hardin ng palasyo. Doon ay natanaw niya kung paanong pangunahan ng matalik niyang kaibigan na si Lexi ang pag-aayos ng lugar na tingin ni Aella’y pagkakainan nila at ang pag-aayos ng mga palamuting bulaklak. Mangiyak-ngiyak niyang pinagmasdan ang mga kasama ng ilang minuto bago nagpasyang mahigang muli sa kama. Nang hapon ding iyon ay nakisalo siya ngunit mas piniling manahimik muna upang maiwasan ang pagkakamali sa mga salitang maaari niyang mabitiwan. Tila iyon din ang naramdaman ng kaniyang mga kasamahan kung kaya’t nagwagi na lamang ang dilim sa langit ay halos hindi pa rin nag iimikan ang lahat. Taimtim lamang nilang dinama ang sayang dala ng katahimikan. Nang mapag-isang muli sa kwarto, nakahiga sa kaniyang malambot na kama at nagmumuni-muni, doon lamang napagtanto ng batang diwata ang mga nangyari sa kaniyang maghapon. Nagsimula ang kaniyang araw sa isang masayang umagana agad ding nawala dahil sa kaniyang malikot na isipan. Batid niyang nagkamali siya sa kaniyang mga naisip ngunit hindi rin masisi ang sarili pagkat talaga namang naging kakaiba ang trato sa kaniya ng mga kasama sa araw na ito. Doon pa lamang sa parteng mismong ang kanilang pinuno ang lumapit at tumawag sa kaniya upang siya ay kausapin, kakaiba na. Ngunit ngayon ay unti-unti na siyang nilalamon ng kahihiyan. Paano niyang ipapaliwanag sa lahat, lalo na sa kanilang pinuno, na ang puno’t dulo ng kaniyang pagwawala kanina ay ang kwentong kaniyang nabasa sa libro na hindi naman iya sigurado kung totoong nangyari? Paano niyang aaminin na dahil sa malikot niyang imahinasyon, nagawa niyang pag-isipan ng masama ang kaniyang mga kasamahan, lalo na nag kanilang pinuno? Isa iyong kahihiyan para sa batang diwata lalo na’t ang mga ito ang kasama niya mula pa noong siya’y musmos pa lamang. Kinabukasan tuloy ay halos hindi niya magawang hatakin ang sarili palabas ng kaniyang silid. Batid niyang gising na ang lahat pagkat may iilang boses na siyang naririnig mula sa teresa ng kaniyang kwarto ngunit kahit anong pilit na pangungumbinsi sa sarili ay talagang pinangungunahan siya ng hiya lalo na sa tuwing naaalala niya ang kaniyang ikinilos kahapon. Sa huli, nagpasya siyang manatili na lamang sa kaniyang silid at magpalipas muli ng isang araw. Ito ay upang mabigyan pa niya ng oras ang kaniyang sarili at mga kasamahan na mag-isip at makalimutan ang nangyari kahapon. Ang kaniyang pagkain ay inihahatid lamang ng isa sa kanilang kasamahan at mag-isa nya iyong kinakain sa kaniyang silid. Buong umaga, tanging pagbabasa lamang ng aklat ang kaniyang ginawa ngunit ngayon ay siniguro niyang ang librong kaniyang binabasa ay base sa totoong nangyari sa kanilang mundo. Patungkol ang librong iyon sa lahi ng mga sirena. Tila isang ilog nang biglang umagos ang mga alaala niya nang siya’y aksidenteng mahulog sa karagatan. Kung hindi dahil sa isang mabuting sirena ay tiyak na siya ay wala na sa kanilang mundo ngayon. Doon lamang niya naalala ang isang perlas na kwintas na ayon kay Lady Pega ay galing sa sirenang nagligtas ng kaniyang buhay. Mabilis niyang binitiwan ang libro at hinalughog ang kaniyang mga gamit upang hanapin ang kwintas. Laking ginhawa niya nang makita iyon kasama ang iba pang mga palamuti sa katawan na ibinigay ng kaniyang mga kaibigan at ni Lady Pega. Itinabi niya ang iba at tanging ang perlas na kwintas lamang ang kaniyang isinuot. “Palagian ko na nga itong isusuot upang kung magkita man kami ng sirenang iyon ay madali niya akong makilala,” bulong niya sa kaniyang sarili. Pagdating ng hapon ay binalot ng malalakas na tawanan ang hardin kung kaya naman nagpasya siyang sa teresa na lamang ng kaniyang kuwarto magpalipas ng oras. Doon ay tahimik niyang tinatanaw ang mga kaibigang masayang naglalaro. Kapansin-pansin ang maya’t mayang pagtingala ni Lexi sa kinalalagyan niya ngunit batid ni Aella na wala pa siyang lakas ng loob upang makisalong muli sa kanila kaya naman tanging tipid na ngiti lamang ang kaniyang naigagawad sa kaibigan. Hinayaang lumipas ni Aella ang gabi na hindi man lang lumalabas sa kaniyang silid. Hindi siya agad nakatulog sa kaiisip ng paraan kung paano niyang haharaping muli ang kaniyang mga kasamahan. Kung ang ikikilos ba niya’y tila walang nangyaring pag-iyak o dapat ba muna niyang linawin ang lahat sa kaniyang mga kaibigan upang maintindihan siya ng mga ito? Naiisip niyang mas mabuti ang ikalawa ngunit nauunahan naman siya ng kaniyang takot na hindi siya maiintindihan ng lahat. Kinabukasan tuloy ay tanghali na nang siya ay magising. Dali-dali ang kaniyang naging kilos upang makaligo na at makapag-ayos. Eksaktong pagkalaabs niya ng banyo ay siya namang pagkatok ng kung sino. Inaasahang pagkain ang darating, agarang binuksan ni Aella ang kaniyang pintuan ngunit laking gulat niya na sa halip na pagkain ay ang kanilang pinuno ang nakatayo roon, nag-aabang sa kaniya. Agad na binalot ng kaba ang kaniyang dibdib. Naisip niyang pagsarhan ito ng pintuan ngunit agad ding isinantabi ang ideyang iyon dahil ayaw na niyang madagdagan pa ang kasalanan at kahihiyan niya. Batid niya at ng kung sino man na nakakabastos at pagpapakita ng pagkawalang galang ang pagtalikod sa pinuno kaya naman kahit may kaunting takot at matinding hiya ay pilit na pinatapang ng batang diwata ang kaniyang loob. “Maaari ba kitang makausap, binibini?” Matamis ang tinig ng kanilang pinuno. Sa bawat pagbigkas nito ng mga salita ay tila ikaw ay kanilang hinehele at inaalis ang ano mang takot na iyong nararamdaman. Tumango si Aella bilang tugon. “Kung gayon, dito na lamang tayo mag-usap sa iyong silid upang ikaw ay komportable ngunit iyon ay kung nanaisin mo?” Pinatuloy ng diwata ang kanilang pinuno. “Batid ko rin na hindi ka pa handang humarap sa iyong mga kaibigan–” “Nahihiya po kasi ako sa kanila, Lady Pega,” pagputol niya rito. Hinarap siya ng kanilang pinuno nang may ngiting tila kasing tamis ng pulang mansanas. “Dahil ba sa nangyari noong nakaraan? Maari ko bang malaman ang dahilan ng iyong pakatakot?” Ikinuwento ni Aella ang lahat. Ang katotohanan. Sa kabila ng matindi niyang takot ay mas pinili niyang magsabi ng totoo. Sa kabila ng takot na baka siya ay husgahan, mas pinili niyang magpakatotoo sa kanilang pinuno at sa kaniyang sarili. Isa pa, napagtanto niyang hindi lahat ay kayang tanggapin ang katotohanang dala mo ngunit hindi ibig sabihin noon ay itatago mo na iyon. “Dahil sa isang kwentong gawa lamang ng malikot na imahinasyon, matinding takot na ang iyong naramdaman?” Tumango ang batang diwata bago yumuko, “opo. Batid kong mali iyon at nakakahiya pagkat kayo ang nagpalaki sa akin at kasama ko mula nang sanggol pa lamang ako ngunit nagawa ko kayong pag-isipan ng masama. Patawarin po ninyo ako, pinuno.” Ikinagulat ni Aella ang biglaang pagtawa ng kanilang pinuno. Maging ang tawa nito’y nakakakalma. “Naiintindihan kita, diwata.” Humakbang ng isang beses si Lady Pega at itinuro ang sahig sa tabi ng aklatan ng diwata. “Maupo ka,” anito na agad sinunod ni Aella. Literal na nanlaki ang mga mata niya nang pagkaupo niya ay sunod namang umupo ang kanilang pinuno sa kaniyang harapan. Ang mukha nito ay halos katapat na ng mukha ng batang diwata. “Naiintindihan kita Aella at wala kang dapat ikatakot.” Tumango si Aella at bahagyang ngumiti na sinuklian din ng ngiti ni Lady Pega.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD