“Nalalapit na ang iyong kaarawan ngunit sa araw na iyon, ikaw ay nakapagsimula na sa iyong pag-aaral,” ani Lady Pega pagkalipas ng ilang sandaling pananahimik. “May nais ka bang gawin sa iyong kaarawan bukod sa salu-salong magaganap kung saan imbitado maging ang mga taga ibang palasyo?”
Doon lamang napagtanto ni Aella na nalalapit na nga ang kaniyang kaarawan ngunit ang katotohanang mas malapit na ang unang araw niya sa pagpasok sa paaralan ay siyang nagpakaba sa kaniya.
“Batid kong ikaw ay natatakot para sa iyong unang araw sa paaralan ngunit nais kong itatak mo sa iyong isipan na ang pagsasanay na ito at ang mga bagay na iyong matututunan lalo na sa paggamit ng iyong kapangyarihan ang siyang higit na kailangan mo sa lahat. Wala ng mas importante pa bukod sa iyong pagkatuto sa pag-gamit ng iyong kakayahan, batang diwata pagkat walang sino man ang makakakuha o makakapagnakaw ng kaalamang iyon sa iyo.”
Tila ba mas tumindi lamang ang kabang nararamdaman ni Aella sa halip na lumakas ang kaniyang loob sa mga tinuran ng kanilang pinuno. Tila kasi napakabigat ng responsibilidad ang kaniyang dapat gawin.
“Aella,” muling napako ang paningin ng diwata sa kanilang pinuno. “Nais kong ipangako mo na gagawin mo ang lahat upang matutunan ang paggamit ng kapangyarihang inihandog sa iyo ng hangin pagkat ito ay makatutulong upang mapanatili ang iyong kaligtasan at maging ang kaligtasan ng ating mga kasama, hmm?”
Pakiramdam ng batang diwata ay isang malaking kamalian ang tumanggi sa tinuran ni Lady Pega kaya naman kahit matinding kaba at takot ang kaniyang nararamdaman ay tumango na lamang siya. Tingin din naman niya ay wala na siyang magagawa pa kung ito talaga ang kapalarang nakatakda para sa kaniya.
Bata pa lamang ay ipinamulat na sa kaniya na ang buhay ay hindi isang laro bagkus ito ay dapat na seryosohin ngunit ang kaniyang katuwiran ay aanhin mo ang buhay na walang saya at pawang mga seryosong bagay lamang ang ginagawa? Isang buhay na walang kulay iyon para sa batang diwata.
Hindi man siya sanay na mag seryoso, lihim pa rin niyang ipinangako sa kaniyang sarili na gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang mabawasan ang mga kalokohang naiisip niyang gawin at kahit papano ay masanay ang kaniyang sarili na may mga bagay na hindi ginagawang biro. Lihim din niyang ipinangako sa kaniyang sarili na gagawin niya ang kaniyang makakaya, kahit ialay pa ang kaniyang sariling buhay, upang mapanatili ang kaligtasan ng kaniyang mga kasamahan.
Pinagmamasdang manahimik ang diwata, hindi na napigilan pang mangiti ni Lady Pega nang may mapagtanto. “Tingin ko’y naiintindihan mo naman ang nais kong iparating sa iyo, batang diwata. Ngayon, nais kong kong lumabas ka na sa iyong silid at muling makisalamuha sa iyong mga kaibigan na ilang araw nang naghihintay sa iyong pagbabalik.” Tumayo ang pinuno at umambang aalis na ngunit muli siyang napahinto at hinarap muli si Aella. “Kailangan mong sulitin ang bawat araw na kasama sila pagkat walang sino man ang nakakaalam kung ito na ba ang huli,” dagdag nito bago tuluyang iniwanan sa silid ang batang diwata.
Ilang minutong nanatiling nakatulala si Aella bago nagpakawala ng isang malalim na hininga kasunod ang marahan niyang pagtayo. Tama ang kanilang pinuno. Walang sinuman ang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa bawat minutong parating kaya naman kaialngang gawin kung ano ang tama at makakapagpasaya sa iyo. Ngunit paano kung ang tama ay siyang magiging dahilan ng iyong kalungkutan? O ang mali ang siyang magiging susi sa iyong kasiyahan?
Puno man ng katanungan ang isipan, lakas-loob na tumayo ang batang diwata at agad na dumiretso sa kaniyang pintuan ngunit agad ding napahinto nang mahawakan na niya ang doorknob. Isang malalim na hininga ang aniyang pinakawalan bago muling nagpatuloy sa pagkilos.
Isang matinding katahimikan ang bumungad sa kaniyang paglabas. Dinig na dinig sa buong palasyo ang langitngit ng pintuang dala ng kaniyang marahang pagsasara rito. Inasahan niyang may makaksalubong siyang kahit kawal man lang ngunit ang buong lugar ay tila inabandona na, na siyang kaniyang pinagtakhan.
Binabalot ng ingay ang kapaligiran sa tuwing siya ay humahakbang. Panay ang pag-ikot ng kaniyang paningin sa buong paligid, umaasang makakita man lang siya ng kahit isa sa kanilang mga kasamahan. Ang buong palasyo ay nababalot ng liwanag na dala ng isang malaking ilaw na nasa gitna ng kanilang tanggapan. Ang hagdanang puting-puti ay tila nagliliwanag din pagkat ito ay sobrang kintab at kahit katiting na alikabok ay walang makikita roon.
Habang pababa sa hagdan ay panay pa rin ang kaniyang pagtingin sa kapaligiran ngunit wala man lang kahit isang senyales ng mga kasama niya. “Nasaan sila?” Bulong niya sa kaniyang sarili. Marahang hinahaplos ng batang diwata ang barandilya ng hagdanan habang siya ay pababa.
Pagdating sa dulo ay pinasok niya ang isang malaking tanggapan sa kaliwa kung saan matatagpuan ang kanilang hapagkainan. Kailanman ay hindi binalot ng katahimikan ang parteng iyon ng palasyo kaya naman isang malaking palaisipan para kay Aella nang datnan niya iyon ng malinis at sobrang tahimik. Madalas ay dito namamalagi ang kaniyang mga kalaro o ang mga kawal na pagod sa trabaho at kumakain ngunit ngayon, tanging ang makikintab na muwebles, lamesa, at upuan lamang ang kaniyang dinatnan doon.
Nagsimulang makaramdam ng matinding takot ang batang diwata habang patuloy ang pag-oobserba niya sa paligid. Imposibleng may nangyaring masama pagkat ilang minuto pa lamang ang lumipas pagkatapos nilang mag-usap ng kanilang pinuno at wala naman siyang narinig na kaguluhang nangyari.
Pilit mang kumbinsihin ang sarili na ayos lang ang lahat, hindi pa rin maisantabi ni Aella ang mga masasamang kaisipan lalo na’t tumatak sa kaniyang isipan ang huling tinuran ng kanilang pinuno. Ganoon pa man, mabilis siyang kumilos at tumakbo patungo sa hardin nang mapagtantong wala talaga ang kaniyag mga kasamahan sa hapagkainan.
Malalaki at mabibilis na hakbang ang kaniyang ginawa palabas ng palasyo kasabay ng mabilis na pagtibok ng kaniyang puso. Hindi na napigilan pa ng batang diwata ang maiyak at mapahagulgol nang pagdating sa hardin ay bumungad sa kaniya ang kanilang pinuno na malawak ang ngiti sa labi. Sa magkabilang gilid ni Lady Pega ay naroon nakatayo ang kaniyang mga kalaro at sa likod nila ay ang iba pa nilang mga kasamahan. Ang mga kawal ay nakapalibot sa buong hardin. Lahat ay pawang may malalawak na ngiti sa labi at tila nanunuot ang kasiyahan sa kanilang mga dibdib.
“Umiiyak na naman po si Aella, Lady Pega!” Sigaw ni Lexi. “Ngunit mukhang hindi na dahil sa takot kundi dahil sa tuwa!” Nagtawanan ang lahat dahil sa tinuran ng kaniyang kaibigan.
Mabilis na humakbang si Aella palapit dito at hindi na ang-alinlangan pang yumakap ng mahigpit kasabay ng kaniyang matinding pag-iyak. “Oh? Hindi mo na kami iiwasan? Hindi mo na kami matiis, ano?” Biro nito na siyang ikinatawa ni Aella.
Ang takot at pag-aalala na kaniyang naramdaman kanina ay tila isang lobo na bigla na lamang lumipad at naglaho. Bumitaw siya sa pagkakayakap at pinagmasdan ang lahat. Mababatid sa kanilang mga mukha ang kasiyahan.
Maging ang kanilang tanghalian ay sa hardin ginawa. Inakala pa ng batang diwata na sasabay sa kanilang pagkain ang pinuno ngunit nang makitang umalis na iyon kasam ang kannang kamay niyang si Denier ay napagtanto niyang hindi na naman ito makikisalo sa kanila. Ipinagkibit-balikat na lamang ni Aella iyon pagkat sanay na siya.
“Alam niyo ba,” anang Lexi na siyang naging dahilan kung bakit natuon sa kaniya ang pansin ng lahat. “May bagong kaibigan na si Aella kaya naman huwag na kayong umasa na tayo pa rin ang prayoridad niyang kalaro!”
Nanlaki ang mga mata ni Aella sa gulat na agad din namang napalitan ng pag-iling at ngiti nang mapagtantong nagbibiro lamang ang kaniyang kaibigan. “Huwag nga kayong maniwala rito kay Lexi,” ani Aella, pinabubulaanan ang paratang ng kaibigan. “Kayo ang pinakapaborito ko sa lahat ng kaibigan ko at isa pa, wala akong kasiguraduhan kung makikita ko pa bang muli ang diwatang iyon.”
Nanlaki ang mga mata ni Lexi nang mapagtanto ang tinuran ng kaniyang kaibigan. “Diwata?” Tanong nito, tila hindi makapaniwala sa kaniyang narinig. “Diwata iyong bago mong nakilalang kabigan? Ibig ba nitong sabihin ay ang nilalang na iyon ay iyong kalahi?”
Ang ibang mga nilalang na kanilang kasama ay pawang mga natahimik at walang ibang nagawa kundi ang magtinginan na lamang. Ang kaninang puno ng ingay at pag-aasaran ay biglang nabalot ng katahimikan at kuryosidad, pawang mga nag-aabang sa kung ano man ang susunod na babanggitin ng batang diwata.
Bakas sa mukha ng diwatang si Aella ang pagkalito habang sabay niyang itinaas ang magkabilang balikat at sinabing, “hindi ko alam. Ngunit sa aking palagay ay hindi pagkat ang diwatang yion ay may kakaibang tainga.”
“Paanong kakaiba, binibini?” Tanong ng isa pa nilang kasamahan.
“Ang diwatang aking nakilala ay may taingang patulis,” pilit binalikan ni Aella sa kaniyang isipan ang itsura ng diwata. “Ang kaniyang mukha ay kawangis ng mga duwendeng nakikita ko sa mga librong aking binabasa ngunit ang kaibahan, ang diwatang iyon ay may pakpak.”
Kunot ang noo ng lahat habang tila pilit iniisip ang mga tinuran ni Aella. “Talaga? Wala pa akong nakikitang nilalang na ganoon. Mukhang maswerte ka, Aella dahil nakakita ka na ng ibang nilalang bukod sa amin,” anang isang pegasus na pawang seryoso ring nakikinig sa pinag-uusapan.
Walang pag-aalinlangan namang tumango si Aella, tila nagagalak sa narinig. “Tama,” ani pa nito na puno ng pagmamayabang marahil dahil sa tinuran ng kanilang kasama na tila siya ang unang nakakita ng ibang diwata sa kagubatan. “Pakiramdam ko rin ay marami pa akong nilalang na makikilala oras na magsimula na ako sa aking pagpasok sa paaralan.”
Nagpatuloy ang kanilang pagkukwentuhan hanggang sa isa-isa silang makaramdam ng pagod at napagdesisyonang mamahinga na para sa araw na iyon.
Tinulungan ng diwatang si Aella ang iba niyang kasamahan sa pagliligpit ng kanilang mga pinagkainan upang mapabilis ang pagpapahinga ng lahat bago siya tuluyang namaalam at dumiretso sa kaniyang silid upang matulog.
Ilang oras din ang kaniyang itinulog at nang magising ay sandaling namahinga bago tuluyang tumayo at naligo. Sa kalagitnaan ng kaniyang paglilinis ng katawan ay bigla na lamang siyang napapikit nang bahagyang makaramdam ng pagkirot sa kaniyang ulo at biglaang pagbilis ng t***k ng kaniyang puso.
Tila may kung anong masama siyang nararamdaman ngunit gustuhin mang manatili na lamang sa kaniyang silid upang magpahinga ay hindi maaari pagkat batid niyang kailangan niyang maglaan ng oras para sa mga kaibigan bilang pambawi sa ilang araw niyang pag-iwas sa mga ito.
Batid niyang lubos ang mararamdaman niyang kahihiyan kung muli siyang mabibigo sa pakikipaghalubilo pagkatapos maglaan ng panahon at pagod ng kaniyang mga kasamahan para sa kanilang sorpresang salu-salo kanina.
Masama man ang kaniyang pakiramdam ay patuloy siya sa pagkilos upang makapagbihis. Malawak ang kaniyang ngiti habang marahang isinusuot ang kulay puting bistida na ibinigay pa sa kaniya ng kanilang pinunong si Lady Pega noong nakaraan. Hindi man niya batid kung paano at saan nakuha iyon ng pinuno, ipinagkibit-balikat na lamang niya ito gaya ng kaniyang pagsasawalang bahala sa iba pa niyang kasuotan na galing din sa nasabing pinuno. Batid din niyang hindi magandang kaugalian ang kaniyang ipamamalas kung siya’y magtanong ukol doon kaya’t hindi na lamang niya ginagawa.
“Tiyak na ikatutuwa ni Lady Pega ang aking suot ngayon,” aniya sa kaniyang sarili habang nakaupo sa kaniyang malambot na kamang gustong-gustong inuupuan ng kaibigang si Lexi pagkat iyon daw ay malambot at nagbibigay ng kapayapaan sa pakiramdam.
Saglit niyang pinasadahan ng suklay ang kaniyang mahabang buhok bago tuluyang tumayo at mabilis na lumabas ng kaniyang silid. Marahan ang bawat hakbang na kaniyang ginagawa pababa sa hagdanang tila kailanman ay hindi dinapuan ng alikabok.
Sa hardin ay dinatnan niyang magkatabi si Lexi at Amanda habang masayang nagku-kwentuhan na tila hindi nag-aaway parati. Mabilis ang naging kilos ng mga ito upang makalayo sa isa’t isa nang mapansin si Aella na nakatayo at nakamasid sa kanila, may ngiti sa labi. “Problema ninyo?” Pigil-tawang usal niya bago marahang naglakad palapit sa dalawang kaibigan. “Kanina ko pa kayo pinagmamasdan na magkalapit diyan na tila ba’y hindi mortal na magkaaway.”
Pilit na tawa ang naging sagot ni Lexi sa kuryosong diwata bago umusog ng kaunti upang anyayahan itong maupo sa pagitan nila ni Amanda. Wala namang atubiling sumunod ang diwata at mabilis na umupo sa espasyong inilaan sa kaniya.
Maligalig na binalikan ng tatlo ang mga pangyayari noong namasyal sila. Hindi nakasama si Amanda noon pagkat mas pinili niyang magpaiwan upang magpahinga kahit na wala naman siyang ibang ginawa kundi ang mahiga at matulog nang araw na iyon.
Doon isiniwalat ni Aella ang pagtatampong kaniyang naramdaman sa kaibigan kaya naman walang nagawa si Amanda kung hindi ang mangako na siya’y sasama na sa susunod na pamamasyal na siya namang ikinatuwa ng diwata.
Inubos ng tatlo ang kanilang oras sa pagkukwentuhan tungkol sa iba’t ibang bagay. Iba’t iba ang kanilang naging mga paksa ngunit karamihan doon ay patungkol sa mga kuwentong nababasa ni Aella sa mga libro na magiliw niyang ibinabahagi sa kaniyang mga kabigan.
Natigil lamang ang masaya nilang pag-uusap nang sila ay tawagin na para sa hapunan. Sabay-sabay na kumilos ang tatlong nilalang at agad na nagtungo sa hapagkainan. Gaya ng dati, naupo si Aella sa tabi ni Lexi habang ang nasa kaniyang tapat ay si Amanda.
Masaya ang lahat at aliw na aliw sa masasarap na pagkain at inuming nasa kanilang harapan. “Anong mayroon at tila kay sasarap ng mga pagkaing nakahain?” Puno ng pagtatakang tanong ni Aella habang hindi mapakali ang kaniyang mga mata sa pagtingin sa mga pagkain.
“Baka may bibitayin?” Biro ni Lexi na hindi ikinatuwa ng lahat, lalo na ng diwata na agad napawi ang ngiti sa labi. Labis na kaba ang kaniyang naramdaman nang marinig iyon at hindi maiwasan bumalik na naman sa kaniyang alaala ang mga nangyari noong nakaraan.
“Hindi magandang biro iyon, Lexi.” Mas lalong natahimik ang lahat nang marinig ang tinig na miminsan lamang nilang naririnig sa hapagkainan.
Sa b****a ay pinanood ng lahat ang pagpasok ni Denier sa silid kasunod ang kanilang pinuno na pawang nakamasid kay Aella na magpahanggang ngayon ay tila kinakabahan pa rin sa tinuran ng kaibigan. “Batid kong alam ninyo ang pinagkaiba ng magandang biro sa hindi kaya naman umaasa akong sa susunod ay hindi na ako makakarinig pa ng mga ganyang klaseng salita, lalo pa kung ito ay patungkol sa kamatayan.” Agad na napayuko at humingi ng paumanhin si Lexi na agad din namang pinalagpas ni Lady Pega.
“Kumain na kayo,” aniya habang itinuturo ang mga pagkaing nasa hapag. “Bukas ay malalaman ninyo ang dahilan kung bakit tila kakaiba ang mga pagkain ngayon kumpara sa mga tipikal na pagkaing inihahanda tuwing hapunan.” Agad na nagsikilos ang lahat at masayang pinagsaluhan ang mga masasarap na pagkaing kanina pa naghihintay sa kanila. “Bukas ay maagang magigising ang lahat, lalo ka na, Aella, pagkat may mahalagang pangyayari ang magaganap.”