Chapter 7

2765 Words
Ibang klaseng kaligayahan ang nararamdaman ng karamihan dahil sa nangyayari. Ang makasabay ang kanilang pinuno sa hapag ay itinuturing na isang biyaya ng lahat pagkat ito ay miminsan lang kung mangyari. Kasing-dalang at kasing-importante ng pagpapakita ng pulang buwan ang pagsali ng pinuno sa hapag, kasama ang kaniyang mga nasasakupan. Hindi mawala ang ngiti sa mukha ng lahat, lalo na ng mga batang nilalang pagkat kahit sa mga espesyal na okasyon ay sa ibang lamesa kumakain si Lady Pega. Sa kanilang lahat ay tanging ang diwatang si Aella lamang ang nakakasabay kumain sa pinuno. Nangyari na ito noong ika-pito at ika-sampung kaarawan niya kaya naman hindi na katakataka kung magsalong muli ang dalawa sa hapag sa nalalapit na kaarawan ng diwata. Kahit napupuno na ng kuryosidad ang lahat, wala ni isang nilalang ang nangahas na magbitiw ng katanungan patungkol sa dahilan ng pagsalo ni Lady Pega lalo na’t ang pinuno ay nagbitiw na ng salita kanina ukol din doon. Kahit mahirap ay walang ibang magawa ang mga ito kundi ang piliting matulog ngayon kasama ang mga katanungang bukas pa masasagot. Isang tingin ang iginawad ni Amanda sa kaibigan na agad din niyang binawi pagkat siya ay natatawa sa itsura nito. Maging kasi ang madaldal na Aella ay tila naputulan ng dila sa sobrang tahimik ngayon. Ang batang diwata ay tila nakalimutan na ang angkin kadaldalan dahil siya ay tila isang linggong hindi pinakain pagkat halos hindi na niya manguya ng maayos ang bawat pagkaing ipinapasok sa kaniyang bibig sa sobrang dami. Tahimik lamang siyang pinagmamasdan ng lahat at ang iba ay mas pinipili na lamang iiwas sa kaniya ang tingin upang hindi matawa sa kaniyang itsura. Masyadong takot at pormal ang lahat. Panay naman ang baling ni Lexi kay Aella at sa kanilang pinuno na tila isang palaisipan ang mga ito. Sa kabila ng katahimikian, isang marahan at nakakaantok na boses ang biglang namutawi sa silid na halos magpahinto sa lahat sa pagkain. “Aella,” anang Lady Pega. Kung hindi dahil kay Denier na tila walang pakialam at tuloy-tuloy lamang sa pagsubo ay marahil, tila estatwang nagsihinto ang mga nilalang sa pagkilos ngunit dahil sa ipinakita ng kanang kamay ng pinuno, ginaya siya ng mga ito at hindi na rin tumigil sa pagkain. Maging si Aella na siyang tinawag ay walang tigil sa pag-nguya habang ang kubyertos na hawak ay may laman pang pagkain. “Po?” Tanong niya, nakatitig sa pinuno at pinipilit na agad malunok ang pagkaing nasa bibig. “Maaari bang ikaw ay maghinay-hinay lamang sa pagkain? Baka ikaw ay hindi matunawan at sumakit ang tiyan. Hindi ka naman mauubusan kaya’t walang dapat na ikabahala, diwata.” Sa halip na sumunod ay tinanguan lamang ng diwata si Lady Pega saka muling nagpatuloy sa pagkain. Tila walang tinuran na pangaral ang kanilang pinuno kung makakilos ang batang diwata. Bahagyang napailing si Lady Pega sa kasutilang ipinakikita ni Aella sa lahat. “Nais kong tandaan ninyo, lalo ka na, Aella,” mabilisan niyang ibinaling ang tingin sa diwata na muling napahinto sa ginagawa, bago muling iniiko ang mga mata sa lahat ng nilalang sa kaniyang harapan, “na palaging maghunos dili sa pagkain. Dapat ninyong nguyain ng maayos at namnamin ang mga pagkaing inyong kinakain. Ngunit huwag din ninyong kalimutan na hindi lahat ng pagkaing inihahain sa inyo ay ligtas, lalo na kung ito ay sadyang nakakaakit at nakakatakam. Iyon ang itatak ninyo sa inyong mga isipan, lalo na sa mga panahong kayo ay mag-isa o mahalo sa mga nilalang na hindi ninyo lubusang kilala,” saad nito sa isang malumanay ngunit may awtoridad na tono. Lahat ng nilalang na nasa hapag ay halos sabay-sabay itinigil ang ginagawang pagkain upang tugunan ang pangaral na binitiwan ng pinuno maliban sa batang diwata na tila walang narinig. Ni hindi ito natinag sa nangyari at nagpatuloy lamang siya sa kaniyang ginagawa, dahilan kung bakit hindi na napigilan pa ni Lexi na siya ay suwayin na agad ding pinigilan ng pinuno at nagbigay ng senyas na hayaan na lamang ang batang diwata sa kaniyang ginagawa. Labag man sa kalooban ay walang nagawa si Lexi kundi ang tumango bago muling nagpatuloy sa mas marahan ng pagkain. Sa kabila nito ay maya’t maya pa rin ang mga sulyap na kaniyang iginagawad sa kaibigang tila ba naging masiba na nang makakita ng masasarap na pagkain sa harapan. Pagkatapos ng halos isang oras nilang pananatili sa hapag ay halos hindi na makakilos si Aella sa sobrang kabusugan. Isinandal niya ang kaniyang likuran sa upuan at bahagyang tumingala habang hinihimas-himas ang tiyan niyang pakiramdam niya ay puputok na ano mang oras. Ang kaniyang mga kasamahan ay mabilis na nagsitayo at walang alinlangang nagtulungan sa pagliligpit habang panay ang sulyap sa diwatang tila napako na sa kaniyang kinauupuan. Ang iba ay hindi mapigilang tawanan si Aella na agad naman niyng binabato ng isang matalim na tingin habang ang iba ay hindi maiwasang hindi maawa sa kinahinatnat ng diwata. Isang malalim na hininga ang pinakawalan ng pinunong pegasus habang pinagmamasdan ang kaniyang alagang diwata. “Iyan ang sinasabi ko kanina,” panimula niya. “Bukod sa maaari kayong mabulunan o hindi matunawan, mahihirapan kayong kumilos oras na magpakabusog kayo ng sobra. Paano kung may biglang sumugod sa iyo ngayon? Tingin mo ba ay makakalaban ka kung ngayon pa lamang ay hindi ka na makatayo at makakilos?” Humihikab na tiningala ni Aella ang kanilang pinuno na may kaunting panghihinayang sa mga mata habang nakamasid sa kaniya. “Po?” Nagtatakang tugon niya. “Wala naman po kayong sinabi kanina, ah?” Wala na ngang nagawa si Lady Pega kundi ang mapailing sa itinugon ng alagang sutil. “Hindi ka kasi nakikinig pagkat masyado kang abala sa pagkain na tila ba iyon na ang huling pagkakataon na ikaw ay pakakainin. Ikamamatay mo ang gawaing iyan kaya sana ay baguhin mo, diwata. Matuto ka nawang maging alerto sa lahat ng oras at tandaan mo ang lahat ng itinuturo sa iyo pagkat ang mga bagay na iyon ay maaari mong magamit sa hinaharap.” Tila totoo nga ang tinuran ng pinunong pegasus. Tila hindi nga magtatagal ay tuluyan ng magagamit ni Aella ang mga itinuro sa kaniya ng pinuno. Tatamad-tamad at inaantok pang naglakad ang batang diwata pababa sa magarbong hagdanan ng palasyo habang walang gana at bahagyang hirap na biibitbit ang kaniyang mga gamit. Ang mga ito ay ibinigay ng kanang kamay ni Lady Pega na si Denier kanina nang siya ay gisingin nito sa kaniyang silid upang sabihan na kailangan na niyang tumayo at magsimulang mag-ayos para sa kanilang lakad. Wala mang ka-ide-ideya kung ano ang lakad na tinutukoy nito, tila de-baterya kung sumunod ang diwata kahit na may mumunting reklamong isinasaad. Pagkalabas ay bumungad sa kaniya ang madilim na kapaligiran. Sa kaniyang likod nakasunod ang kanina pang walang imik na si Denier. Mabuti na lamang at doon nakatayo ang pegasus kung hindi ay tuluyang babagsak ang diwata nang siya ay mapaatras sa gulat. Sa madilim na harapan ng palasyo ay magkakasamang naghintay ang kaniyang mga kaibigan kasama ang pinuno na tila hindi alintana ang matinding lamig na hatid ng hangin. “Para sa kaalaman ng lahat,” panimulang salita ng pinuno na siyang bumagabang sa katahimikan ng paligid. “Si Aella ay aalis ngayon upang magtungo sa lugar na kaniyang pagsasanayan, kasama ang aking kanang kamay na si Denier.” Bahagyang nilingunan ni Aella si Denier na binigyan lamang siya ng isang malamig na tingin dahilan kung bakit ito sinimangutan ng diwata at masungit na inialis ang mga tingin sa nilalang. “Kailangan ito ng batang diwata bilang paghahanda sa kaniyang isipan at katawan pagkat nalalapit na ang araw ng kaniyang pagsisimula sa eskwelahan…” “Isang linggo ang ilalaan ng diwata, sa ayaw o sa gusto niya, upang mag ensayo at mahasa ang paggamit niya sa kaniyang kapangyarihan. Ibig sabihin din nito ay isang linggo ninyong hindi masisilayan ang inyong kaibigang diwata kaya naman binibigyan ko kayo ng ilang minutong pagkakataon ngayon upang panandaliang mamaalam sa isa’t isa…” Hindi pa man natatapos ng pinuno ang kaniyang sinasabi ay mabilis na tumakbo si Lexi papalapit sa diwata na agad naman na sumalubong sa kaniya. Binuhat niya ang kaniyang kaibigan at mahigpit na niyakap hanggang sa sunod-sunod na nagsilapitan ang iba pa at nakisali na rin sa yakapan. “Ito ba ang dahilan kung bakit kayo sumabay sa amin kagabi sa hapunan?” Walang hiyang deretsahan kung ibato ni Aella ang tanong sa pinuno. “Oo,” marahan itong tumango. “Ito rin ang dahilan kung bakit pinuno kita ng mga bilin at pangaral kagabi na tila hindi mo naman naintindihan o…sadyang…hindi mo lang talaga inintindi,” marahan at may diing turan pa niya. Mabilis na tila nalukot ang mukha ng dalaga sa narinig. Tila may kung anong nagtutulak sa kaniyang kalooban na mangatwiran kaya naman ang kaniyang matabil na bibig ay tila ba nagkaroon na ng sariling buhay kung kaya’t hindi na niya napigilan pa ang sarili sa pagsagot. Hindi rin kasi nais ng batang diwata na ang huling maririnig niya sa kanilang pinuno bago siya umalis ay isang sermon. Batid niyang isa iyon sa mga ikalukungkot niya oras na malayo na siya sa mga ito pagkat patuliy siyang hahabulin ng mga isipin sa kung ano ang mga maaaring mangyari kung hindi siya nasermunan o kung ano ang magiging tungo sa kaniya ng pinuno pagkatapos pagsabihan. Naging mabilis ang pamamaalam ni Aella at ng kanang kamay ng pinuno na si Denier sa kanilang mga kasamahan. Ayon sa nilalang ay hindi na dapat pang mag-aksaya ng oras sa pamamaalam pagkat isang linggo lamang silang mawawala at muli rin namang magkikita pagbalik kaya walang nagawa ang malungkot na diwata. Hindi rin nais ng kanang kamay na abutin pa sila ng liwanag sa paglalakbay kaya naman todo ang pagpapamadali niya sa kasama. Matapos ang maramdaming pamamaalam ay agad din namang sinimulan ng dalawa ang kanilang paglalakad patungo sa likurang bahagi ng palasyo kung saan makikita ang pinakapaboritong parte ng palasyo ni Aella. Bawat hakbang na kanilang ginagawa ay unti-unting sumisilay ang ngiti na may halong pagtataka sa mukha ng batang diwata. Kanila kasing tinatahak ang daan patungo sa bangin kung saan makikita ang duyan na siyang gustong-gustong sakyan ni Aella ngunit ipinagbabawal ng kanilang pinuno. Nang sila ay makarating na roon ay tuluyan nang nalaglag ang panga ni Aella sa gulat pagkat ang matikas na pegasus na kaniyang kasama ay bigla na lamang yumuko sa kaniyang harapan. Tila nag yelo ang batang diwata at hindi mabatid ang gagawin dahilan kung bakit muling napatingin si Denier sa kaniya. “Sa akin ka sasakay, diwata,” paliwanag nito. “Hindi tayo maaaring magsama ng ibang pegasus sa lugarna ating pupuntahan kaya naman huwag ka ng mag-inarte riyan at magmadali na sa pagsakay. Sayang ang oras,” masungit pa niyang dugtong na agad sinimangutan ni Aella. Dali-dali siyang sumakay pagkayukong mli ni Denier at halos maiwan ang kaniyang kaluluwa nang walang sabing bigla na lamang itong lumipad ng matulin. Mabuti na lamang ay agad siyang napakapit at mahusay rin kung lumipad ang nilalang kaya naman hindi siya tuluyang nahulog. Nang tuluyan na ngang makapagbalanse ay unti-unting iniangat ni Aella ang kaniyang dalawang kamay, sinasalubong ang malakas na hanging humahampas sa kaniyang katawan. Marahan niyang iwinagayway ang mga iyon kasabay rin ang pag indayog ng kaniyang mahabng buhok na sumasabay sa bawat pag ihip ng malamig na hangin. “Bakit hindi tayo nagsama ng kahit isang kawal man lang, Denier?” Kuryosong tanong niya pagkatapos ng ilang minutong tahimik na paglipad. “Hindi ba kayo nag-aalala sa ating kaligtasan lalo na’t malayo sa palasyo ang ating patutunguhang lugar?” “Hindi ka ba tiwala sa aking kakayahan sa pakikipaglaban, diwata? Kayang-kaya kitang protektahan sa kahit ano kaya naman wala kang dapat na ipangamba.” Hindi umimik ang batang diwata sa tinuran ng kasama. Batid niyang mahusay nga ito sa pakikipaglaban ngunit iyon ay ayon lamang sa kaniyang mga naririnig sa palasyo sa tuwing pinag-uusapan ang kanang kamay ng pinuno. Hindi pa kailanman nakita ni Aella kung paanong makipaglaban si Denier kaya hindi niya magawang husgahan agad ito. “Isa pa, hindi tayo maaaring magsama ng iba pang nilalang, kahit na kawal pa, pagkat ang lugar na ating patutunguhan ay ipinakiusap lamang ni Lady Pega sa kaniyang kaibigan na siyang may sakop sa lugar na iyon.” Tumango-tango na lamang ang batang diwata kahit na hindi naman siya nakikita ng kausap. Muli niyang iniangat ang kaniyang kamay nang mapansing papalapit sila sa isang ulap at tila isang malamig na tubig ang dumapo sa kaniyang kamay nang tuluyan niyang naabot iyon na agad ding nawala nang pasimpleng iniiwas ni Denier ang daan palayo roon. “Delikado ang iyong ginagawa, Aella. Baka ikaw ay mahulog kung pipilitin mong abutin ang bawat ulap na ating madadaanan,” marahang paalala ni Denier na agad namang sinuklian ng simangot ni Aella. “Batid ko namang hindi mo ako pababayaang mahulog, Denier,” usal nito. “Ang saya naman nito! Tuturuan mo ba akong lumipad?” Naghintay ng ilang segundo ang batang diwata ngunit wala siyang natanggap na tugon mula sa kaniyang kasama. Imbes na magsalitang muli ay mas pinili na lamang ni Aella na aliwin ang sarili sa pamamagitan ng pagtanaw sa bawat lugar na kanilang nadadaanan. Sa ibaba ay tanaw niya ang malawak na karagatan habang sa kanilang likuran ay naroon ang palasyong kanilang pinanggalingan na ngayon ay unti-unti nang lumiliit sa kaniyang paningin. Bawat pagtama nila sa mga ulap na hindi magawang iwasan ni Denier ay nakakaramdam si Aella ng lamig. Ilang minuto pang paglipad ang kanilang ginawa bago dahan-dahang bumagal ang bawat pagaspas ng pakpak ng pegasus kasabay na mabagal na pagbaba ng kanilang lipad. Napakapit ng mahigpit ang diwata nang tuluyan na ngang naiapak ni Denier ang apat niyang mga paa sa lupa. Yumuko ang pegasus upang makababa ang batang diwatang manghang-mangha sa pamilyar na lugar na kanilang kinaroroonan. “Hindi ba’t ito ‘yung…” “Tama ang iyong iniisip, diwata. Dito ka natagpuan noon na walang malay dahil sa iyong kasutilan. Mabuti na lamang at ikaw ay natagpuan at iniligtas ng prinsesa ng karagatan. Sadyang kay buti ng prinsesa para iligtas ang isang gaya mong…” Tinitigan ni Denier ang batang diwata na nakasimangot sa kaniyang harapan, naghihintay sa idudugtong nitong salita. “Sutil.” Sasagot sana ang diwata upang ipagtanggol ang sarili ngunit hindi siya pinagbigyan ni Denier na agad tumalikod sa kaniya at naglakad palapit sa kaliwang bahagi ng dalampasigan kung saan makikita ang mga batong hugis kweba na maaaring pagsilungan. “Ang alam ko’y sakop ng kaharian ng mga sirena ang lugar na ito ngunit ipinagbabawal ng kanilang hari ang pagpunta rito kaya naman naisipan ni Lady Pega na hiramin muna panandalian ito para sa iyong ensayo.” Hirap man sa paglalakad dahil sa buhangin, pinilit pa rin ni Aella na makalapit sa mga bato. “Bakit? Hindi ba nasasayangan ang mga sirena kung hindi nila magamit ang mga ito? Sakop ng kanilang palasyo ang lugar ngunit hindi mapuntahan ng kanilang mamamayan? Isang malaking kahangalan yata iyon, Denier.” Nilingon ni Denier ang diwata na puno ng kuryosidad na nakatitig sa kaniya. “Tama, maaaring isang kahangalan ang tila pagsasayang ng ganito kalawak at kagandang lupain ngunit sa iyong palagay ba, mapapansin pa ito ng mga sirena gayong tignan mo ang karagatan, napakalawak na hindi mo na nanaisin pang pansinin ang kakarampot na lupaing ating kinalalagyan ngayon.” “Ngunit sayang pa rin. Maaari nila itong gamitin upang mas mapagtibay pa ang kanilang kaharian.” Bahagyang ngumiti si Denier bago muling tinalikuran ang batang diwata na hindi yata magpapatalo sa ipinaglalaban. “May punto ka ngunit wala tayo sa posisyon upang kwestyonin ang mga desisyong inilalatag sa kahariang hindi natin kinabibilangan, diwata.” Marahang inihiga ng pegasus ang kaniyang katawan katabi lamang ng mga bato kung nasaan naroon ang kanilang mga gamit at iilang pagkain. “Mas makabubuti kung huwag mo na lamang pakialaman ang batas ng iba para sa iyong kaligtasan at katahimikan ng isipan. Ilaan Mo na lamang ang iyong lakas sa iyong ensayo ngunit sa ngayon, manahimik ka muna upang ako ay makapagpahinga. Pagod ako.” Inismiran na lamang ni Aella ang kasama bago muling tinanaw ang malawak na dagat. Batid niyang nais niya pang makahanap ng tamang eksplanasyon kung bakit hindi na pinapansin ng mga sirena ang lupaing ito ngunit kung para sa katahimikan ng lahat, pipilitin na lamang niyang manahimik at sumunod sa bawat sasabihin ni Denier. Lalo pa’t dalawa lamang silang magkasama sa loob ng isang linggo. Baka pa bitayin siya bigla nito kung paiiralin niya ang pagiging sutil at madaldal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD