Marahang naglakad si Aella palapit sa mga bato kung nasaan si Denier habang hindi iniaalis ang paningin sa asul na dagat. Ang kaniyang mahabang buhok ay umiindayog kasabay ng tila payapang awit na binubulong ng hangin sa bawat ihip nito. Maging ang suot niyang bestida ay hindi matahimik sa paglipad.
Nang tuluyang makalapit sa batuhan ay tahimik na lamang naupo ang batang diwata habang pinagmamasdan ang tila walang katapusang kulay asul na dagat sa kaniyang harapan. Tahimik. Payapa. Tanging ang lagaslas ng mararahas na alon lamang ang siyang nagbibigay ng ingay sa buong lugar.
Sa himpapawid ay makikita ang dilim at liwanag na tila nag-aagawan sa malawak na kalangitan. Ang malaking buwan ay tila ayaw pagbigyan ang araw na unti-unting nagpapakita upang magbigay ng ibayong liwanag sa buong lugar na tila ba hindi iyon naibibigay ng malaki at bilog na buwan.
Sa isip ng batang diwata, maaari kayang gawin din ng pinuno ng isang kaharian ang ginagawang hatian ng buwan at araw? Maari bang magkaroon ng dalawang pinuno ang isang kaharian upang sila ay magtulungan sa pagbibigay ng liwanag sa kanilang nasasakupan? Siguro. Ngunit gaya ng buwan at araw, maaari ring may isa o pareho silang mapunta sa pagkasakim na magreresulta sa pag-aagawan, gaya ng nangyayari ngayon. Gaya kung paanong kahit oras na upang ang araw naman ang magbigay ng liwanag ay nandiyan pa rin ang buwan, tila ayaw umalis at magbigay daan sa kaibigan.
Bhagayang gumalaw mula sa pagkatulog si Denier na siyang umagaw sa atensiyon ng batang diwata. Aagd na nagtama ang kanilang mata at ilang saglit pa ay marahang tumayo ang pegasus. Ipagsasawalang bahala na sana iyon ni Aella ngunit walang nagawa nang hinarapan na siya ng kasama.
“Oras na upang simulan ang iyong ensayo, diwata,” anito, hindi iniaalis ang maotoridad na tingin sa diwata. “Upang masubok ang lakas ng iyong katawan, nais kong takbuhin mo ang dalampasigan mula rito, hanggang sa dulo, bago ang kakahuyan.”
Nilingon ng batang diwata ang itinuro ni Denier at sa layo niyon ay tila kay-liit lamang sa kaniyang paningin ng mga matatayog na puno ng kakahuyan, “Iyon? Ang layo!” reklamo nito.
Hindi makapaniwala ang batang diwata sa pinapagawa ni Denier. Bakas sa mukha nito ang inis ngunit walang magawa kundi ang sumunod pagkat sa paraan pa lamang ng tingin ni Denier ay pakiramdam niya, pinaparusahan na siya nito. Padabog siyang tumayo mula sa kinauupuang bato saka inismiran ang kasama bago mabagal na sinimulan ang pagtakbo.
Hindi pa man nakakalayo ay muling namutawi ang nakakainis na boses ng nilalang na siyang lalong nagpasimangot sa diwata. “Dalawampung balik ang kailangan mong gawin, diwata. Kung mabigo ka, tanging tubig lamang ang mamaari kong ibigay sa iyo!”
Bawat hakbang ay ramdam na ramdam ni Aella ang hirap dahil sa pinong buhangin ng dalampasigan. Halos himatayin sa pagod ang batang diwata nang marating niya ang kabilang dulo ng dalampasigan. Nakatuko ang dalawang kamay sa tuhod habang hinahabol ang hininga, tanaw niya mula roon ang nakamasid sa kaniyang si Denier na tila ba hindi natutuwa sa nangyayari.
Ilang minutong nanatili ang diwata roon bago nagpasyang tumakbong muli pabalik sa kinaroroonan ng kasamang pegasus. Bawat hakbang ay tila ba bumabaon sa kaniyang paa ang maliliit na bato at miminsang mga kabibing nakatago sa pino at puting buhangin.
“Tila yata sinasamantala mo’t ginagawang pahingahan ang kabilang dulo, diwata,” bungad ni Denier nang mapaupo sa kaniyang harapan ang hapong-hapo na si Aella. “Nais ko lamang ipaalala sa iyo na hindi ka maaaring magpahinga ngunit dahil unang subok mo ito, pagbibigyan kita.”
Napairap sa pagod ang batang diwata. “Bakit ba kasi kailangan ganito? Ang hirap at nakakapagod!”
“Kailangang palakasin ang iyong katawan upang maging handa sa ano mang mangyari, diwata. Alalahanin mo na ang mga katulad nating nilalang ay hindi maaaring magpahinga at tumigil sa pag-eensayo lalo na kung gusto mong tumagal sa kahit anong gyerang iyong mapasukan,” mahinahong paliwanag nito habang tinatanaw si Aella na ngayon ay nakahiga na sa buhangin. “Kaya kung gusto mong makakain mamayang tanghalian, bumangon ka na riyan at ipagpatuloy ang pagtakbo.”
Padabog na umupo ang batang diwata. “Ngunit hindi ko gusto ang mga labanan, at kailanman ay hindi ko magugustuhan iyon,” aniya ng nakasimangot.
“Sino ba ang may gusto, batang diwata? Wala. At wala ring may gusto na mag-ensayo araw-araw ngunit kailangan itong gawin para sa kapakanan ng lahat kaya ako ay nakikiusap, tumayo ka na ryan at tumakbo. Huwag mong hintayin na ang pasensya ko ang masagad.”
Walang nagawa si Aella kundi ang tumayo at ipagpatuloy ang pagtakbo. Tuluyan nang naagaw ng araw ang kaninang posisyon na kinalalagyan ng buwan at tagaktak na rin ang pawis ng batang diwata ngunit tila walang awang nararamdaman ang kaniyang bantay na mataman lamang siyang pinapanood.
Sa ikalabing-isang balik niya ay tuluyan na ngang nanlambot ang kaniyang mga tuhod dahilan ng pagkakadapa nito sa buhangin. Napadaing siya nang maramdaman ang tila pagbaon ng isang basag na kabibe sa kaniyang siko. Pagkatayo’y agad niyang tinignan iyon at bumulaga sa kaniya ang maliit na sugat kung saan lumalabas ng kaunti ang pulang likido.
“Aella, ayusin mo!” Ikamamatay mo kung ipagpapatuloy mo ang katamaran sa pag-eensayo! Hindi ka makakaligtas kung ikaw ay sasabak sa labanan kung ganiyan ang ikikilos mo!” Galit na bulyaw ni Denier habang masamang tinititigan ang batang diwata na nakatayo sa gitna ng dalampasigan.
Binalingan siya ni Aella, hindi nagpapatinag sa sama ng tinging natatanggap niya sa kasama. “Ngunit ayoko nga sa mga labanan!”
Sa huli, kahit puno na ng sugat ang paa at may iilang galos sa kamay galing sa ilang ulit na pagkakadapa, walang nagawa ang mga reklamo ni Aella sa matigas na utos ng kasama. Halos abutin na sila ng tanghali at unti-unti na ring sumasakit sa balat ang sinag ng araw ngunit ang diwata ay hindi pa rin nakukumpleto ang labindalawang balik.
Nang muling makalapit kay Denier pagkatapos ng ikalabing-pitong takbo ay agad itong binulyawan ni Aella. “Madaya ka,” hinihingal na usal iyo at napaupo na lamang sa batuhan habang pilit na hinahabol ang hininga. Ramdam na ramdam niya ang bawat pagtulo ng pawis sa kaniyang buong katawan. “Hindi ka ba marunong mag bilang? Sa bilang ko’y nasa tatlumpu't walong takbo na ako ngunit sayo ay hindi pa umaabot sa dalawampu?”
Pakiramdam niya ay anumang oras ay hihimatayin na siya sa pagod. Kahit anong gawing malalalim na paghinga ay pakiramdam niya, hindi sapat ang mga hanging pumapasok sa kaniyang katawan.
“Kung sana ay maaga kang nagsimula at hindi pahinto-hinto, maaga ka rin sanang natapos,” ismid ni Denier sa kaniya. “Kung sana’y hindi hinahaluan ng reklamo ang bawat gawain. Bakit ba kasi ayaw makinig ni Lady Pega sa akin noon,” bulong-bulong pa nito na hindi pinansin ng batang diwata.
Batid niyang sa bilang ni Denier ay hindi pa dapat tapos ang kaniyang pagtakbo ngunit ipinagsawalang bahala na lamang niya iyon pagkat kung ipagpapatuloy pa niya ay talaga namang pagtakbo ang magiging sanhi ng kaniyang kamatayan at hindi ang pakikipaglaban sa giyera.
Iniinda ang sakit ng likod, hinayaan na ng batang diwata na hatakin siya ng bato at tuluyang nahiga roon sa kabila ng init na dala ng araw. Ilang saglit na katahimikan ay narinig niya ang pamamaalam ng kasama ngunit sa pagod ay inignora na lamang niya iyo.
Sa isip niya’y pabor sa kaniya kahit na magtagal pa si Denier sa kung saan man ito magpunta pagkat ang ibig-sabihin lamang niyon ay magtatagal din bago maipagpatuloy ang ensayo. Kaya naman nang tuluyan na ngang nawala ang presensya nito ay hindi na nagpapigil pa ang batang diwata at hinayaan na lamang ang sarili na makatulog sa ilalim ng initan.
Nagising na lamang siya pagkalipas ng ilang oras nang maramdaman ang tiyan niyang kumakalam na sa gutom. Marahang pag-upo sa batuhan, inilibot ng batang diwata ang kaniyang paningin sa paligid. Hindi niya lubos akalain na masyadong malalim at mahaba ang kaniyang magiging tulog na umabot na sa puntong hindi man lang niya namalayan ang pagkilos ni Denier.
Sa gilid lamang ng mga batuhan ay may mga nakatayong tolda na hula niya’y magsisilbing tulugan niya mamayang gabi at hindi kalayuan sa harap noon ay may mga kahoy na nakasalansan. Batid niyang sisindihan niya ang mga iyon upang magbigay init sa darating na malamig na gabi.
“May saging diyan sa tiklis, diwata. Kung ikaw ay nagugutom, kumuha ka lamang doon .” Binalingan niya ang tiklis na nasa tabi lamang ng tolda saka umismid.
“Saging lang?” May bahid ng panunuya sa kaniyang pananalita. “Ang tindi ng pagod at gutom ko ngunit saging lamang ang iyong ipapakain? Sa tingin mo ba’y mapapawi ng saging ang aking gutom?”
Tinignan lamang ni Denier ang diwata na tila ba pagod na siyang makasama ito. Sa paraan ng pagpapakawala niya ng napakalalim na hininga ay tila ba ipinapahiwatig ng nilalang na hindi na niya kakayanin pang makasama ng matagal ang batang diwatang puno ng reklamo sa katawan.
“Kakain ka ng saging o wala ka talagang kakainin ngayong araw. Iyon lamang ang pagpipilian, batang diwata.” Akmang sasagot pa lamang sana ito ngunit agad siyang binara ng pegasus. “Iyon ang bilin ng pinuno at iyon ang masusunod.”
Sa isip ng diwata ay sana pala ibinalot niya ang mga natirang pagkain sa munting salu-salo kagabi. Kung alam lang sana niya na pahihirapan siya ng ganito ngayong araw, sana ay naihanda pa niya ang kaniyang sarili.
Nakasimangot at may sama ng loob na tumayo si Aella upang lumapit sa tiklis. Kumuha agad siya ng apat na saging sa takot na hindi na siya makakuha pang muli kung isa-isa ang kaniyang pagkuha. Hawak ang mga saging, tahimik niyang nilakad ang distansya palapit sa tubig. Naupo siya sa buhangin kung saan nasa tamang distansya lamang upang hindi siya abutan ng alon, taimtim niyang kinain ang unang saging.
Kung sana ay maagang ipinaalam sa kaniya na magsisimula na siyang mag-ensayo, mas naihanda pa sana niya ang kaniyang sarili ngunit hindi. Binigla siya ng kanilang pinuno na siyang hindi niya inaasahan. Lalo pang nakakagulat ay ang mga mahihigpit nitong habilin sa kaniyang kanang kamay.
Hindi niya maisip kung ito ba ay ensayo o parusa. Marahil ay parusa nga. Marahil ay sumobra na ang kaniyang pagiging makulit at madaldal kaya napagpasyahan na ilayo muna siya sa palasyo upang makapagpahinga ang mga nilalang doon. Upang panandaliang tumahimik ang palasyo.
Habang tumatagal, unti-unting nababalot ng katahimikan ang paligid. Maging ang huni ng mga ibon ay unti-unting nawawala, tila inaabandona ang naghihikahos na alon sa dagat.
“Walang tirang pagkain kagabi. Naubos lahat kaya hindi ako nakapagbaon, pasensya na.”
Mabilis ang naging paglingon niya sa kaliwang bahagi nang magsalita mula roon si Denier. Akala ng batang diwata ay natulog o umalis ito pagkat ilang minuto na ng lumipas nang magkausap sila.
“Seryoso?” Hindi makapaniwala na naubos ang mga pagkain pagkat kagabi ay talagang napakarami ng mga pagkain na inakala niyang aabutin pa ng ilang araw bago tuluyang maubos.
Tumango ang pegasus at patagilid na tinignan ang diwata. “Mukha ba akong nagbibiro?”
Nagkibit na lamang siya ng balikat at nagpasyang tapusin na ang araw nila. Mabilis niyang pinagpagan ang kaniyang puwitan at mga binti na puno ng buhangin bago marahang lumakad palapit sa tolda.
“Magandang gabi, Denier,” anito sa marahang boses bago tuluyang iniwan ang kasama sa labas. Hindi niya batid kung saan matutulog ang pegasus ngunit mas pinili na lamang ng batang diwata na hayaan iyon. Isang magiting na kawal si Denier at ilang beses na niyang napatunayan ang kaniyang sarili sa kanila, lalo na kay Lady Pega kaya naman hinuha ng diwata na hindi na problema pa para sa kasama ang tulugan nito. Hindi naman siguro siya pagkakatiwalaan ng ganito ni Lady Pega kung simpleng pahingahan lang ay hindi niya kayang gawan ng paraan, hindi ba?
Sa loob ng tolda ay may banig at maliit na unan at kumot. Wala ng kahit ano pa bukod doon. Madilim din sa loob nito pagkat kahit maliit na kandila ay wala upang magbigay sana ng kaunting liwanag. Nagpasyang muling lumabas ang batang diwata.
Maalamig na simoy ng hangin ang bumungad sa kaniya at sa kaniyang harapan ay ang malawak ngunit nababalot ng dilim na karagatan. Ang bawat lagaslas ng alon ay tila sadyang nakakagaan sa pakiramdam.
“May problema ba, Aella?” Agad siyang napalingon nang marinig ang marahang tinig ng kaniyang kasama.
Katabi ng mga bato, hindi kalayuan sa kinatatayuan ng tolda, nakahiga sa sahig ang kanang kamay ng pinuno na tila ba handa na ring tapusin ang kaniyang araw. “Itatanong ko lang sana kung walang ilaw sa loob? Hindi ako makatulog sa dilim,” anang diwata.
“Wala. Ang ilaw na dala ko ay kakailanganin ko upang mabantayan ng mabuti ang kapaligiran.”
Halos mapairap sa ere ang batang Aella sa narinig. “Kung ganon ay bakit dalawa lamang ang lamparang dinala mo? Hindi mo man lang ba ako naisip? Batid ng lahat na may kaunting takot ako sa kadiliman ku-”
“Naisip, diwata,” pagputol nito sa kaniyang sinasabi. “Ngunit nang itanong ko kay Lady Pega ang tungkol diyan, aniya’y isa sa mga kailangan mong matutunan ay ang maging matapang kahit na nababalot na ng kadiliman ang iyong paligid. Ayon sa kaniya, kailangan mong matutunang maging matapang kahit na ang mundo mo ay mabalot sa dilim pagkat hindi palaging nariyan ang liwanag, diwata.”
Natahimik na lamang si Aella sa haba ng tinuran ni Denier. Sa haba nito ay pakiramdam niya, wala na siyang karapatan pa upang tumutol doon. Isang malalim na paghinga ang kaniyang pinakawalan at tinanggap nalamang ang katotohanang kailangan niyang piliting matulog sa dilim.
“Kung ganoon ay tingin ko’y wala na akong ibang magagawa pa,” mataman niyang turan. “Ngunit may isa pa akong katanungan.”
“Ano iyon? Siguraduhin mong isa lang pagkat nais ko na ring magpahinga, binibini.”
Tumango si Aella. “Bakit ganito ang aking tulugan? Ngayon lamang ako nakakita ng ganitong klaseng…silid…” Pinagmasdan niya nag kabuuan ng tolda. Hugis kalahating bilog iyon at may mga kakaibang kahoy na nakatusok sa bawat sulok. Kahoy na kulay…tanso?
“Galing iyan kay Lady Pega at nakuha niya sa mundo ng mga tao. Iyon lamang ang maaari kong sabihin. Magandang gabi, Aella.”
Wala na ngang nagawa pa ang bata kundi ang manahimik at bumalik sa loob ng tolda. Madilim ngunit wala siyang magawa. Ipinikit na lamang niya ang kaniyang mata ngunit hindi rin nagtatagal ay muling napapadilat sa dala ng pakiramdam na tila may nakamasid sa kaniyang gilid.
Ibinaling ang katawan sa kaliwang gilid, pagkatapos ay sa kanan, ngunit agad din bumalik sa pagkakatihaya. Halos maikot na niya ang buong higaan ngunit hindi mapakali ang batang diwata. Wari niya’y kalahating oras na ang lumipas mula nang siya ay mahiga ngunit wala pa ring nararamdamang antok.
Maya-maya’y muli siyang napabaling sa gilid nang unti-unting mabalot ng kaunting sinag ng liwanag ang loob ng kaniyang tolda. Umaga na ba? Tanong niya sa kaniyang isipan. Ngunit hindi sinag ng araw ang unti-unting naghari sa manipis niyang tolda. Napagtanto niya iyon nang kaunting maaninag ang aninong pamilyar sa kaniya.
Maaga pa at halos nagsisimula pa lamang sa pagsikat ang araw nang magising ang batang diwata. Dali-daling tumayo at lumabas sa tolda upang mapanood ang kamangha-manghang pagpapakitang gilas ng haring araw. Agad na nagbigay ng ginhawa sa kaniya ang malakas ngunit kay sarap sa tainga’ng tunog na dala ng mga alon. Hindi na inalintana pa ng diwata angkaunting takot na dala ng kadiliman pagkat batid niya sa kaniyang sarili na maya-maya lamang ay muling mababalot ng liwanag ang paligid.
Isang hakbang na ang kaniyang nagawa palapit sana sa dagat nang mapagtantong masyadong tahimik ang paligid at wala siyang nakuhang bati mula sa kasama. Agad niyang inilibot ang kaniyang paningin sa paligid. Wala si Denier. Tanging ang kanilang mga gamit lamang ang nandoon at ang lamparang may kaunting usok pa na naroon halos katabi ng kaniyang tolda. Marahil ay iyon ang nagbigay ng liwanag sa kaniya kagabi.
Muli niyang iniikot ang tingin sa paligid habang marahang naglalakad palapit sa batuhan kung saan huli niyang nakita si Denier. Doon ay tanging isang balahibo lamang ang kaniyang nakuha na tiyak na galing sa kasama.
Agad na humigpit ang hawak sa balahibo at nag-angat ng tingin nang may marinig na kaluskos sa dulong bahagi ng gubat, ma kalapitan sa kinatatayuan niya. Agad na kumabog ang kaniyang dibdib at hindi mawari ang gagawin nang doon ay may natanaw siyang anino ng tila lalaking nilalang. Sa tayo nito’y batid niyang sa kaniya nakaharap ang lalaki. Unti-unting bumaba ang kaniyang tingin at halos lumabas ang kaniyang puso sa dibdib nang maaninag ang mahabang espada na hawak nito.