“Denier?” Alinlangang tawag ni Aella kasabay ng nagkukumahog niyang dibdib. Hindi mawari kung ano ang gagawin, dahan-dahan na lamang siyang umatras habang mahigpit na hinahawakan ang balahibong kaniyang napulot.
Hindi kailanman naalis ang kaniyang tingin sa kinatatayuan ng misteryosong nilalang. Ang nilalang ay hindi rin gumalaw, tila kuntento na sa panonood sa kung paanong takot na umatras ang batang diwata palapit sa tolda.
Doon ay mabilisang kinuha ni Aella ang maliit na patalim, na siyang ibinigay ng kanilang pinuno noon. Hindi niya kailanman nabatid na darating ang araw na magagamit niya ang patalim na iyon. Takot ang bumalot sa kaniya ngunit alam niyang kailangan niyang protektahan ang sarili sa panganib na kahaharapin.
“Denier?” Muli niyang sigaw, umaasa na magpapakita na ang tanging kasamahan. Wala siyang alam sa lugar. Ito lamang ang unang beses niyang makarating dito, ng may malay pagkat noong unang mapuntahan niya ang lugar na ito ay kapahamakan din ang kaniyang kinaharap na marahil ay nagtapos na sa kaniyang buhay kung hindi lamang siya sinagip ng sirena.
Mahigpit ang kapit sa balahibo at sa patalim, batid niyang mahihirapan siya kaya naman walang alinlangan niyang iniipit sa kaniyang kasuotan ang balahibo, isinasantabi ang kaisipang itapon iyon.
Napakunot ang kaniyang noo nang makitang sa wakas ay kumilos na ang nilalang sa b****a ng gubat. Rinig na rinig niya ang bawat kaluskos na nililikha ng paggalaw nito. Humigpit pang lalo ang kapit ng batang diwata sa patalim. Batid niyang hindi siya marunong makipaglaban ngunit kailangan niyang gawin ang lahat upang hindi mamatay.
Wala si Denier na siya sanang inaasahan niyang magpoprotekta sa kaniya kaya naman wala siyang ibang magagawa ngayon kundi ang pagkatiwalaan ang kaniyang sarili at gawin ang lahat upang hindi mamatay.
Isang malalim na hininga ang kaniyang pinakawalan, kasabay ng pagkumbinsi sa sarili na kaya niya at malalagpasan niya ang kung ano mang mangyayari ngayong araw. Ayaw man sa digmaan dahil batid niyang dadanak ang dugo, wala siyang magagawa ngayon kung hindi ang lumaban, oras na sugurin siya ng kung sino man ang nasa gubat na nagmamasid sa kaniya.
“Bahala na,” umiiling na saad niya bago mabibilis na kinain ng kaniyang hakbang ang distansiya ng kinaroroonan niya at ng lalaki. Nagulat siya ng doble sa kaniyang bilis ang naging kilos nito at agad na nakalapit sa kaniyang harapan.
Nanlaki ang mga mata ni Aella nang walang alinlangang hawakan ng nilalang ang kaniyang kamay kung saan naroon ang patalim. Hindi mawari ng batang diwata ang gagawin. Pilit na nilalabanan ang hawak ng nilalang. “Sandali,” nanginginig niyang usal, hindi alam kung isasaksak ba niya ang patalim o hahayaang makuha na lamang iyon ng lalaki.
Batid niyang oras na hayaan niyang makuha ang patalim,wala na siyang iba pang magagamit na sandata upang protektahan ang kaniyang sarili. Kaya naman kahit puno ng takot at pangamba, ibinuhos ni Aella ang kaniyang lakas upang masipa sa kaliwang tuhod ang nilalang dahilan ng biglaang pagluhod nito kasabay ng pagbitaw sa kamay ng diwata.
“Masakit, ha,” anang Aella habang marahang hinihimas ang kamay kung saan siya hnawakan ng nilalang. “Sino ka ba?”
Ang lalaki’y matangkad at may kayumangging kulay. Ang buhok ay itim na may halong pula sa iilang hibla. Kamangha-mangha, sa isip ng dalaga. Ang mga mata nito ay bilog na bilog at tila palaging gising at alerto habang ang kaniyang mga labi ay namumula. Sa tingin pa lang ay mawawari mo ng ‘sing lambot ng mga ulap ang mga labi nito, sa kabila ng kulay nitong maihahalintulad sa mapusyaw na dugo.
Walang suot na pang-itaas, kitang-kita ng batang diwata ang makisig na hubog ng katawan ng nilalang. “Ano ang iyong ngalan at bakit ka narito, estranghero?” Bakas ang takot sa mga huling salita, pinilit pa rin ni Aella na itago iyon sa pamamagitan ng mapagmataas na tinging ipinukol sa estrangherong nilalang na nakaluhod sa kaniyang harapan ngayon. “Kung tingin mo’y takot ako dahil sa nanginginig kong boses, nagkakamali ka,” dugtong pa nito kasunod ang pasimpleng paglunok upang bahagyang mapakalma ang sarili.
Huwag kang lalaban, huwag kang lalaban… Paulit-ulit na mantra ng batang diwata sa kaniyang isipan. Oras na kumilos at manlaban pa ang binata ay baka tuluyan ng lamunin ng takot at kaba si Aella. Kapag nagkataon, baka isuko na lamang niya ng kusa ang kaniyang buhay. Maiintindihan naman siguro iyon ni Lady Pega pagkat hindi pa siya marunong lumaban.
Sa sitwasyong ito niya napagtanto kung bakit sila narito ngayon ni Denier. Kung bakit ipinilit ni Lady Pega na dalhin siya rito at mag-ensayo. Ang sitwasyong kinalalagyan niya ngayon ang nagmulat at nagpaunawa sa kaniya kung gaano kahalaga na alam niyang protektahan ang kaniyang sarili, lalo na’t ngayon ay wala siyang ibang maasahan kundi ang kaniyang sarili lamang.
Sa ilang minutong paninitig sa nilalang na nakaluhod sa kaniyang harapan, hindi maiwasan ng batang diwata na isipin kung nasaan si Denier na siyang dapat pumrotekta sa kaniya ngayon. Nasaan ang nilalang na lubos na pinagkakatiwalaan ng kanilang pinuno. Bakit sa oras ng kagipitan ay bigla na lamang itong naglaho na parang bula.
Agad na napaatras si Aella nang walang anu-ano’y biglang iwinasiwas ng nilalang ang kanang kamay niuto, nagtatangkang mahampas ang diwata. Mabuti na lamang ay naging alerto ito at agad na napatalon paatras. “Kumalma ka,” anang Aella, hindi mawari kung ano ang dapat gawin at sabihin. “Maaari mong sabihin ng maayos sa akin kung ano ang iyong pakay, nilalang. Ayokong may dugong dumanak sa maputing buhangin ng dalampasigan,” dugtong pa nito, nagba-bakasakaling makumbinsi ang estranghero na huwag lumaban.
Tila walang narinig, mabilis na humakbang palapit sa batang diwata ang estranghero habang paatras naman ng paatras ang diwata. Mahigpit nitong hinawakan ang patalim na siyang tanging maggaamit niya upang maprotektahan ang sarili. Ang isip nito’y hindi matigil sa pakiusap na sana’y dumating na si Denier.
Isang malakas na sigaw ang bumalot sa kapaligiran nang akmang hahampasin siya ng estranghero kasunod ang mabilis na pagwasiwas ni Aella sa patalim habang mahigpit na nakapikit ang mga mata, takot makita ang kung ano mang posibleng kahinatnan niya.
Ilang segundong hindi nakagalaw sa takot ang batang diwata at nang imulat ang mga mata, ang nakaangat niyang kamay na may hawak na patalim ang unang sumalubong sa kaniyang paningin. Napakurap na lamang siya habang pinapanood ang pulang likido na tumutulo mula sa patalim, patungo sa maputing buhangin sa kaniyang harapan.
Wala na roon ang nilalang. Tanging ang dugo na lamang ang nandoon. Nanginginig na iniikot ni Aella ang kaniyang paningin, naghahanap ng kung anong senyales na nandoon ang estranghero ngunit tanging ang kanilang gamit, ang gubat, at dagat na lamang ang kaniyang natatanaw. Agad na napaluhod ang batang diwata at walang atubiling tumulo ang kaniyang mga luha.
Kasabay ng ihip ng hangin, umindayog ang iilang sanga ng malaking puno hindi kalayuan sa kinaroroonan ng batang diwata. Tahimik na pinagmamasdan ng lalaki ang batang diwatang nakatakip ang mukha habang nakaluhod sa buhangin at bahagyang nanginginig ang mga balikat.
Isang malalim na hininga ang kaniyang pinakawalan bago tahimik na tinalon ang distansiya ng puno at buhangin. Walang kahit anong ingay na ginawa, mataman niyang nilakad ang pagtan nilang dalawa ng batang diwatang tahimik na umiiyak. “Magaling, diwata,” marahang usal nito na agad pumukaw sa atensyon ni Aella.
May luhaang mga mata, mapulang pisngi at ilong, at mahihinang hikbi ang isinalubong ni Aella sa lalaki. Akmang pupulutin na ni Aella ang patalim ngunit agad siyang pinigilan ng nilalang. “Binabati kita pagkat nagawa mo ang unang pagsubok na ibinigay sa iyo,” anito na siyang nagpataka kay Aella. “Nagawa mong ipamalas ang iyong katapangan. Tiyak na ikatutuwa ito ng pinuno.” Nagtatakang tinitigan ng batang diwata ang nilalang. Nasulyapan ng batang diwata ang sugatang kamay ng lalaki ngunit pilit niyang ibinalik ang kaniyang tingin sa mukha nitong nakangiti, malayong-malayo sa itsura nitong tila galit sa mundo kanina.
“Pinuno? Ano ang iyong ibig sabihin?”
Isang tila musikang halakhak ang pinakawalan ng lalaki na siyang nagpakaba ng bahagya kay Aella. ‘Kay kisig ng kaniyang tawa, sa isip ng batang diwata. Hindi tuloy nito maiwasang isipin kung gaano nakakapagpakalma sa pakiramdam ang tawa ng binatang nilalang na nasa kaniyang harapan ngayon.
Kung tutuusin, hindi masagwa ang itsura nito. Masaabing tunay na pinagpala ang nilalang na ito, kung itsura at pangangatawan ang usapan. Maswerte ag niallang na mamahali– agad na ipinilig ni Aella ang kaniyang ulo, pilit iinawaksi ang kung anong kahibangang kaniyang naiisip. Maghunos-dili, Aella! Bulyaw niya sa kaniyang isipan.
Napakurap ng mabilis si Aella nang maglahad ng kamay ang nilalang habang matamis na ngiti pa rin ang nakapaskil sa kaniyang mukha. “Denier nga paa, batang diwata. Ang makisig na kanang kamay ni Lady Pega”
Kahit ilang oras na ang lumipas, tila sirang plaka kung umulit-ulit sa isipan ni Aella ang tawa ni Denier, maging ang maginoo nitong boses nang siya’y magpakilala rito. Tila panaginip, kung tutuusin. Sino nga ba ang mag-aakalang ang pegasus na si Denier ay may kakayahang magpalit ng anyo?
Hindi tuloy maiwasang mapatanong ng batang diwata patungkol sa mga bagay na hindi pa niya alam. Ano-ano pa ba ang mga ito? Gaya ba ni Denier, kakayanin ding magpalit ng anyo ni Aella kung siya’y makikinig at magsasanay? Ano pa ba ang mga bagay na kayang gawin ni Denier? Ni Lady Pega? Ng iba pa nilang mga kasamahan?
Kahit anong pilit na pag-alala, walang matandaan ang batang diwata na may nabasa siya patungkol sa pagpapalit ng anyo ng mga pegasus sa librong kaniyang binabasa sa palasyo. Ang mga nandoon lamang ay ang mga simpleng kakayahan gaya ng paglipad at pakikipaglaban kaya namang tunay na nakakagulat ang kaniyang nasakihan ngayong araw.
Natulog ang diwata na ganoon ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Maging sa kaniyang ehersisyo kinabukasan ay tila wala siya sa sarili habang pabalik-balik na tinatakbo ang magkabilang dulo ng dalampasigan. Kasabay ng paulit-ulit na pagbuga ng malamig na hanging pang-umag, ng mga along pabalik-balik sa paghalik sa maputing buhangin ng dalampasigan, ng mga paa ni Aella na alang tigil sa pagtakbo, ay ang paulit-ulit ding mga tanong sa isipan ni Aella.
“Kailangan kong itanong ito kay Lady Pega pagkabalik sa palasyo,” bulong nito sa sarili habang patuloy pa rin sa kaniyang ginagawa.
Maaaring ang kakayahang ito ng mga pegasus ay hindi naitala sa aklat na kaniyang binabasa, sa isip niya habang wala sa sariling kinakagat ang mansanas na ibinigay sa kaniya ni Denier na magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik sa anyong pegasus. Maaari nga bang may hindi maitala sa aklat, lalo na kung isa itong mahalagang impormasyon? Siguro? Siguro ay kagaya lamang iyon ng hindi niya pagkakaalam sa bahaging ito ng palasyo ng mga sirena sa kabila ng pagbabasa niya ng maraming aklat, hindi ba? Maaaring hindi lahat ng impormasyon ay maitala kaya kahit anong dami ng mga librong kaniyang nabasa ay may mga impormasyon pa rin siyang hindi alam at maaring hindi na kailanman malaman, hindi ba?
Tinitigan ni Aella si Denier na abala sa pag-aayos ng kanilang mga pagkain. Maaari nga ba? Kung ganoon ay para saan pa ang mga aklat? Para saan pa ang mga aklat kung kulang lang din naman ang mga impormasyong nakasaad sa mga iyon?
Napatigil sa pagnguya angbatang diwata nang may sumagi sa kaniyang isipan. Agad niyang nilunok ang laman ng kaniyang bibig sa gulat. Hindi kaya impostor ang kasama niya ngayon? Pagkat kahit anong isip niya ay tila mali na isiping kulang ang mga impormasyong nasa aklat na kaniyang binabasa lalo pa’t karamihan sa mga iyon ay nakukuha niya sa silid aklatan ng kanilang palasyo. Tiyak na ilang nilalang na ang gumamit at nakabasa ng mga iyon kaya naman imposibleng may impormasyong makaligtaan na dapat ay mailathala sa mga aklat.
Mabilis siyang tumayo na siyang pumukaw sa atensyon ni Denier. Akmang kukuhanin na sana ni Aella ang patalim na nasa bulsa ng kaniyang damit nang kisap matang nawala sa kaniyang harapan ang nilalang at mabilis na itinutok angpatalim sa kaniyang leeg.
Nanigas sa kinatatayuan niya si Aella at walang ibang magawa. Oras na gumalaw siya’y siguradong walang alinlangang ibabaon ng nilalang ang patalim sa kaniyang leeg. Hindi tuloy maiwasang magsisi ng batang diwata sa kung bakit huli na niyang napagtanto iyon. Estupida.
Napapitlag siya nang maramdaman ang bahagyang pagtusok ng patalim sa kaniyang leeg. “Ibigay mo ang iyong katapatan sa amin, talikuran mo ang mga pegasus, kapalit ng iyong kaligtasan, batang diwata.”