Chapter 10

1440 Words
"Napakasarap naman ng pagkain na ito, Denier. Saan mo ba ito nakuha?" Tila isang ginto kung titigan ni Aella ang mga pagkaing nasa kaniyang harapan. Mula sa iba't ibang klase ng prutas, gulay, at mga tinapay, mayroon ding mga inumin na nakikita lamang niya tuwing may espesyal na okasyon. "Mas masasarap pa ang mga ito kaysa sa mga inihanda noong nakisabay si Lady Pega na mag hapunan sa atin," dagdag pa nito. Siguro ay ito ang gantimpala niya pagkat nagawa niyang takbuhin ang magkabilang dulo ng dalampasigan? Marahil. Kaya susulitinniya ang pagkakataong ito dahil baka ito na ng huli. "Inihatid ito kanina ng mga kawal, kasama si Lexi." Literal na nanlaki ang mga mat ni Aella sa narinig. Halos maibuga pa niya ang nginunguyang mansanas nang mapagtanto ang tinuran ng kasama. Hindi makapaniwalang ibinaling ni Aella ang kaniyang tingin dito, "ano? Si Lexi, nagpunta rito? Bakit hindi mo sinabi?" "Bakit ko sasabihin? Hindi ba't bilin ni Lady Pega na hindi mo maaaring makita ang mga kasamahan natin habang ikaw ay nagsasanay?" Walang ibang masabi ang batang diwata kaya imbes na magsalita pa ay nanahimik na lang siya. Alam naman din niya sa sarili niya na wala na siyang magagawa pa pagkat nakaalis na ang kaibigan. Ngunit hindi niya mapagkakaila na may sama ng loob siyang nararamdaman. Kaunti lang naman ngunit maliit man o malaki, ang sama ng loob ay sama pa rin ng loob. "Pagkatapos dito ay matulog ka na, Aella." "Kahit 'di mo naman sabihin ay iyon gagawin ko," bulong ng batng diwata na hindi na lang pinansin ni Denier. Masyado na siyang pagod para patulan pa ang kakulitan ng diwata kaya sige, hahayaan na lamang niya sa ngayon. Tutal ay makakabawi naman siya rito kinabukasan. Ito ang unang pagkakataon na matutulog si Aella sa dalampasigan. Hinahanap-hanap ng kaniyang katawan ang malambot niyang kama sa palasyo pagkat isang manipis na sapin lamang ng mga dahon na pinagsama-sama ang kaniyang hinihigaan ngayon upang kahit papano ay maprotektahan siya sa buhangin. Walang balak matulog ang batang diwata ngunit dahil sa pagod, ang talukap ng kaniyang mga mata'y unti-unting bumibigat hanggang sa tuluyan na itong nagsara. Sa kabilang banda, tahimik na nakaupo si Denier sa mga bato na matatagpuan kabilang dako ng dalampasigan. Malapit iyon sa katubigan kaya naman tuwing umaalon ay tumatama ang tubig sa kaniyang mga paa. Bahagyang nakahiga ang binata sa mga bato, ginagawang unan ang mga braso habang ang atensiyon ay nasa malaking buwan na siyang nagbibigay liwanag sa buong lugar. Ang laguslos ng bawat alon ay siyang sumasakop sa kaniyang mga tainga. Sa kaliwang bahagi sa itaas ay matatanaw ang tila hangganan ng kanilang palasyo na pilit nagtatago sa makakapal na ulap. Taimtim. Payapa. Iyan ang nararamdaman ni Denier habang dinadama ang lamig na dala ng hanging panggabi. Ang buwan ay tila hindi nauubusan ng lakas upang magbigay liwanag sa buong lugar. Tila ito'y nagpapapansin at palaging ipinagmamalaki ang kagandahang taglay. Hindi rin naman masama pagkat talaga namang nakakabighani ang hatid nitong liwanag. Sa paligid niya'y naroon ang mga tila sundalong bituin na handang bantayan at damayan ang magandang buwan. Isang malalim na hininga ang kumawala kay Denier makalipas ang ilang minutong pananahimik. Nais na sana niyang matulog ngunit hindi niya magawa pagkat kailangan niyang bantayan ang diwata. Kung may kasama sana silang kawal ay maaari siyang mamahinga ngunit sa ngayon, siya ang may responsibilidad sa batang diwata at kailangan niyang panatilihin ang kaligtasan nito, kahit sariling buhay pa niya ang kapalit. Kung tutuusin ay kayang-kaya niyang tanggihan ang kanilang pinuno nang alukin siya nitong sanayin ang diwata ngunit isang matinding dahilan lamang ang kinailangan niya upang pumayag. Pagmamahal. "Hindi ko gusto ang mga nilalang na nananatiling nasa labas ng ganitong oras, dito sa laot pagkat hindi ko magawang mamasyal," anang isang tinig mula sa isang banda ng karagatan na siyang nagpagulat sa nananahimik na binata. Binalingan niya ito habang pasimpleng hinahawakan ang kaniyang sandata na nasa gilid lamang niya. Sa gitna ng tubig ay may isang babaeng naroon, tanging hanggang balikat lamang ang kita at ang ibang bahagi ng katawan ay nakatago na sa ilalim ng katubigan. "Prinsesa..." Mabilis na tumayo ang binata at yumuko bilang pagbibigay galang sa nasabing prinsesa ng karagatan. Ang prinsesa ay malimit lamang makita ng ibang nilalang pagkat sa pagkakaalam ni Denier, pinagbabawal sa mga ito ang magpakita sa iba kaya naman gulat ang binata ngayong nasa harapan niya ang prinsesa. "Akala ko'y sasaksakin mo ako." Natatawang biro nito sabay sulyap sa hawak na sandata ni Denier. Dahil doon ay lalong napayuko ang binata, "paumanhin. Akala ko'y kung sino na ang nagsalita kanina. Mabuti na ang handa kaysa ang matagpuang bangkay kinabukasan," ani nito. Isang malambing at mahinhin na tawa ang iginawad ng prinsesa sa kaniya. "Tama nga naman," usal nito. "Mukhang hindi makatulog ang bantay ng diwata? May bumabagabag ba sa iyong isipan, mandirigma?" Gulat man sa itinawag sa kaniya ng prinsesa ay pilit itong itinago ni Denier. Itinatak na lamang niya sa kaniyang isipan na dugong bughaw ang kaniyang kausap at siguradong marami itong nalalaman. "Tila alam ko na kahit hindi mo sabihin," ani pa nito, pinipigilan ang binata mula sa pagsagot. "Kung ako sa iyo ay pakaisipan mong mabuti ang magiging desisyon mo. Maaaring mong sundin ang iyong puso ngunit maaari itong magdala ng kapahamakan...o kabutihan sa inyo. Walang nakakaalam kung walang susubok, binatang mandirigma." Sa gulat ay hindi na nagawang magpaalam pa ni Denier sa prinsesa nang bigla itong nagsimulang lumangoy palayo. Hindi niya lubos akalain na ganoon kalawak ang kaalaman ng isang dugong bughaw. Kinabukasan ay wala pa rin sa sarili ang binata habang naglalakad palapit sa tinutulugan ng diwata. Hindi pa sumisikat ang araw ngunit kailangan na niya itong gisingin pagkat kailangan na nitong magsimulang mag ensayo. Hindi sila maaaring magsayang ng oras kaya naman kahit nakasimangot at panay ang pagdadabig ng diwata ng gising niya ito ay pilit itong iniignora ni Denier. Ito ang pinakaayaw sa lahat ni Aella, ang putulin ang mahimbing niyang pagkakatulog. Takang taka siya kung bakit kailangang simulan na ang ensayo gayong tila kahit isda ay tulog pa sa ganitong oras. Nariyan pa ang buwan at ni isang sinag ng araw ay wala pang nagpapakita kaya bakit kailangan na agad magsimula. "Hindi ba tayo kakain muna?" Halos pulutin niya ang batong nasa harapan niya at ibato sa binatang tila walang awang nakatitig sa kaniya, nagmamatigas, pinipilit na simulan na niya ang pagtakbo. Bumuga ng napakalalim na hininga ang diwata bago padabog na tumayo at walang ganang tumakbo. "Tandaan mo, diwata. Sampung balik at pagkatapos ay didiretso ka sa pag eensayong humawak ng espada!" Iyon nga ang nangyari. Sa kabila ng matinding pagkalam ng kaniyang sikmura ay pinipilit pa rin siya ni Denier na lumaban gamit ang espadang ibinigay nito. "Bakit kailangan nito? Ang akala ko'y tuturuan mo akong gumamit ng kapangyarihan ko ngunit bakit paggamit ng espada ang itinuturo mo?" "Pagkat hindi sa lahat ng pagkakataon ay kapangyarihan ang magpapanalo sa iyo, diwata." Gulat ang batang diwata nang bigla siyang sugurin ni Denier. Ang espadang hawak ng binata ay nakatutok ngayon sa kaniyang leeg habang ang magkabilang kamay niya ay tila nanigas sa kaniyang tagiliran. Alam niyang kailangan niyang lumaban. Humigpit ang pagkakakapit niya sa hawak niyang espada ngunit hindi niya ito magawang iangat. Pakiramdam niya'y may kumokontrol sa kaniya. "Madaya..." Nauutal niyang saad, "Bawal gumamit ng kapangyarihan. Hindi ako makagalaw..." Doon tila napagtanto ni Denier ang nangyayari. Mabilis niyang ibinaba ang sandata at luminga sa paligid. Sa malayong dako ng dalampasigan ay nakatayo ang isang babaeng may suot na mahabang bistida at natatago ang mukha. Tanging ang nakangiti niyang labi lamang ang nakikita. Ang kaniyang kanang kamay ay nakataas at nakatutok sa dalawang nilalang na kanina pa niya pinapanood. Ang babae ay nakatago sa gitna ng malaking puno. Mula sa kaniyang pwesto ay tanaw na tanaw niya ang lahat ng kilos ni Denier at Aella. Lalong lumawak ang kaniyang ngiti nang magtama ang tingin nila ng lalaki. Bago pa man ito tuluyang makalapit sa kaniya ay mabilis na siyang umalis sakay ang isang itim na pegasus. Sa kabilang banda, tila nawalan ng dugo si Denier habang pilit na hinahanap sa paligid ang babaeng nakita. Kilala niya iyon. Alam niyang hindi maganda ang nangyari. Nang hindi na matanaw ang babae ay mabilis na binalikan ni Denier ang batang diwata na napaupo sa buhangin at tila nawalan ng lakas. "Kailangan na nating bumalik sa palasyo. Paumanhin ngunit mukhang maaantala ang iyong pagsasanay." Nagtatakang tingin ang ipinakita ng nanghihinang Aella sa kasama. "Paumanhin kung hindi kita na protektahan ngayon. Pangako, hindi na mauulit pa. Kaligtasan mo ang prayoridad, kahit buhay ko pa ang kapalit kaya tayo na, bumalik na tayo sa palasyo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD