Magulo. Iyon ang dinatnan ni Aella at Denier sa kanilang palasyo nang araw ring iyon. Hindi na nila hinintay pa na sikatan ng araw at mabilis na silang umalis sa dalampasigan pagkat ayon kay Denier, kailangan nilang magmadali.
Hindi mawari ni Aella kung paanong nangyari basta nagulat na lamang siya nang makitang nagpalit ulit ng anyo ang kasama.
"Anong oras naganap?" Sinulyapan siya ni Lady Pega nang makababa na siya kay Denier.
"Hindi ko pansin ang eksaktong ngunit hindi pa nag-iisang oras mula nang makita ko siya," sagot ng binata na sinuklian ng isang tango ng pinuno.
"Sumunod ka sa silid aklatan. Naroon ang ibang mga opisyales para sa ating pagpupulong." Halos mapatalon ang nagtatakang diwata nang ibaling sa kaniya ni Lady Pega ang atensyon nito. "Pumunta ka sa iyong silid at isara mo ang lahat ng maaaring daanan papasok mula roon. Huwag ka munang lumabas. Ipapadala ko si Lexi at Amanda roon, kasama ang iilang aklat bilang libangan."
Walang nagawa si Aella kung hindi ang sumunod. Ang bawat kawal ay pabalik-balik sa bawat sulok at b****a ng palasyo.
Mas dumami rin ang mga ito kumpara sa huling natatandaan ni Aella bago siya umalis para magsanay.
Nais mang magtanong ay hindi niya magawa pagkat wala siyang makausap. Ang lahat ay abala sa kani-kanilang mga gawain. Wala rin ang mga kalaro niya sa hardin.
Isang kawal ang lumapit sa kaniya at inanyayahan siyang ihatid sa kaniyang silid. Gusto sanang umalma at magtanong ngunit nang mabaling sa pinuno nilang nanonood sa kilos niya ay hindi na niya itinuloy. Pakiramdam niya ay isa ito sa mga pagkakataong kailangan niyang magseryoso at kalimutan ang laro.
Hindi pa man siya nakakalayo ay napahinto siyang muli nang tawagin ni Denier. Nilingon niya ito, "huwag mong ipagsasabi kahit kanino ang tungkol sa ginawa ko sa dalampasigan at..." kumunot ang noo ng batang diwata, pilit iniisip kung ano ang ibig sabihin ni Denier sa kaniyang tinuran, "at sundin mo ang bawat utos ni Lady Pega ngayon pagkat para iyon sa kaligtasan mo. Hindi maaaring maulit ang nangyari kanina, naiintindihan mo?"
Pakiramdam niya ay wala siyang karapatang humindi. Wala sa sarili siyang napatango bago ipinagpatuloy ang paglalakad papasok sa palasyo kasama ang isang kawal.
Isang araw... Dalawa... Tatlo... Hanggang sa umabot na ng isang linggo ay hindi pa rin natatahimik ang palasyo. Kaliwa't kanan pa rin ang mga kawal na naglilibot at nagmamasid sa paligid. Isang linggo na rin mula nang huling makita ni Aella ang labas pagkat pinagbabawalan siya kahit na sumilip man lang.
Hindi niya maintindihan kung ano ba talaga ang nangyayari. Walang paliwanag na natanggap ang diwata kaya ang kaniyang kuryosidad ay nag uumapaw.
Sa isang linggong pananatili sa kaniyang silid ay nagawa na niyang basahin ang lahat ng aklat na ipinadala ni Lady Pega sa kaniyang kwarto kasama ni Lexi at Amanda. Isang linggo na rin siyang nagtitiis kasama ang mga ito.
Maging ang kanilang pagkain ay ipinapadala lamang sa kanilang silid. Kahit ang magtanong ay ipinagbabawal din ni Lady Pega kaya walang magawa ang batang diwata.
"Paulit-ulit naman ang mga kwentong nababasa ko," reklamo nito nang makatanggap ng panibagong mga aklat patungkol sa mga prinsesa at prinsipeng sa huli ay nagkakatuluyan din. "Wala bang iba? 'Yung makakatulong sa akin? Akala ko ba'y kailangan kong matuto sa paggamit ng kapangyarihan ngunit bakit hindi nila ako bigyan ng aklat na maaaring makatulong sa akin? Aanhin ko ang prinsipe at prinsesang paulit-ulit lang din ang kwento," mahabang lintaya niya sa dalawang kaibigan.
Nakatayo at nakapamaywang ang batang diwata habang tinatanaw ang mga aklat na inilapag sa sahig. Kadarating lang ng mga ito at sa sobrang dami ay wala na siyang mapaglalagyan pa.
Si Amanda naman ay nakahiga sa gitna ng kama, walang pakialam at tila inaantok pa habang si Lexi ay pilit na nilalaro ang isang maliit na mansanas.
"Ano ba kasi talaga ang nangyayari?" Tanong pa ni Aella ngunit wala pa ring pumansin sa kaniya.
Ang isang linggo ay nadagdagan pa ng tatlong araw bago siya nakatanggap ng mabuting balita.
Kinatok sila ng isang kawal, isang umaga at ibinalitang maaari na siyang lumabas ng kaniyang silid ngunit kasunod nito ay maituturing niyang isang masamang balita.
Kasama ng kawal ay si Denier na nakatayo at tila nag aabang sa kaniya. Katabi nito ay si Lady Pega na binibigyan siya ng matamang tingin.
"Aella, kailangan mong mamaalam sandali sa iyong mga kaibigan," panimula ng pinuno. "Kailangan mong lisanin ang palasyo at magtungo sa bundok ng Hasaya upang doon ipagpatuloy ang iyong pag eensayo kasama si Denier..."
Masamang masama ang loob mg batang diwata nang pilitin siyang sumakay sa pegasus. Bitbit ang kaniyang mga gamit ay malungkot siyang kumaway sa mga kaibigan habang unti-unting tumataas ang lipad nila.
Mas matagal ang kanilang byahe pagkat mas malayo ang bundok ng Hasaya kumpara sa dalampasigan na nasa ibaba lamang ng kanilang palasyo kaya hindi mawari ni Aella kung bakit doon pa niya kailangang magsanay gayong ayon sa kaniyang obserbasyon, may masamang nagyari nitong nakaraang mga araw.
Kung hindi naging maganda ang unang pagsasanay niya, bakit itutuloy pa ito at sa malayong bundok pa kung saan tiyak na matatagalan ang mga kawal kung sakaling kailanganin nila ng tulong?
Hindi naman sa wala siyang tiwala sa kasamang pegasus ngunit hindi maiwawaksi ang katotohanang muntikan na siyang mapahamak noong nakaraan kahit na kasama niya si Denier.
Pagdating sa bundok ay hindi maiwasang hindi mamangha ni Aella. Mas marami ang puno rito ngunit may espasyo pa rin para sa pag eensayo. Hindi rin gaanong nasisinagan ng araw pagkat matatayog ang mga puno.
Mas malambot din ang inaapakan nila dahil sa mga tuyong dahon na naipon. Kung iipunin lalo ay maaaring gawing kama ni Aella ang mga ito. Tiyak na hindi magiging katigas kung hihigaan.
"Hindi pa ito ang tuktok ngunit hanggang dito lamang ang maaari nating puntahan," usal ni Denier. Nang lingunin siya ni Aella ay hindi na naman napigilan ng diwata ang kaniyang gulat. Iba na naman kasi ang anyo nito. "Huwag kang lalayo kung ayaw mong mapaha-"
"Napahamak ako noon kahit hindi ako lumayo at kahit na kasama kita."
Katahimikan ang bumalot sa dalawang nilalang na naglalaban ng titig. Ilang sandali ay pairap na iniiwas ni Aella ang kaniyang tingin at ibinigay na lamang ang buong atensyon sa pagtatayo at pagaayos ng kaniyang tutulugan.
Hindi na lang din umimik ang binata at nagsimula na rin sa pag-aayos ng kaniyang puwesto, pati na rin ng kanilang mga pagkain.
Ngunit hindi maitatanggi na nasaktan ang binata sa tinuran ni Aella. Hanggang ngayon ah may pagsisisi pa ring nararamdaman ang binata sa nangyari.
Pakiramdam niya ay kasalanan niya ang lahat. Kasalanan niya na hindi niya napansing may kalaban sa paligid. Kasalanan niya na halos mawalan na ng kapangyarihan si Aella dahil hindi siya naging alerto at masyado niyang ibinigay ang buong konsentrasyon niya sa paglalaban nila ng diwata.
Aaminin niya, nalibang siya sa pakikipaglaban dito kahit na laro lamang iyon at parte ng pagsasanay. Kakaibang saya ang ibinigay ng sandaling iyon sa kaniya. Saya na noon lamang niya naramdaman ng buong-buo.
Ngunit ang kasiyahang iyon ay agad ding naputol at napalitan ng kalungkutan at pagsisisi.
"Maaari ba akong magpahinga muna? O kailangan kong tumakbo ng sampung beses, mula sa magkabilang dulo ng gubat?" Malamig na usal ni Aella habang nililingon ang magkabilang dulo ng kinaroroonan nila.
Ilang sandali siyang pinagmasdan muna ni Denier bago nagpakawala ng malalim na hingina at isang marahang tango.
"Kung gusto mo, sige at magpahinga ka muna. Ihahanda ko pa ang iyong mga kakailanganin para sa pagsasanay..."
Tahimik na humiga ang diwata sa tulugang ginawa niya. Batid niyang nahihirapang makitungo si Denier sa inaasal niya ngayon ngunit masyadong namamayani ang inis at kalungkutan niya.
Kaya ba ikinulong siya sa kaniyang silid kasama ang dalawang matalik na kaibigan pagkat iyon na ang paraan ni Lady Pega upang ipabatid na kailangan niyang mamaalam sandali sa mga ito?
Kung alam lang sana niya ay hindi na sana niya inubos ang mga oras niya sa pagbabasa. Sana ay sinulit na lamang niya ang oras kasama ng mga kaibigan niya.