"Seryoso ka ba?" Natatawang usal ni Diana habang pilit na hinahabol si Aella na napakatulin kung maglakad. "Hoy!" Sigaw pa nito sa gulat nang kahit sa pagtawid sa kalsada ay walang pakialama at tuloy-tuloy lamang ang diwata.
"Huwag kang maingay." Mabilis na huminto si Aella bago pa man siya tuluyang makapasok sa kanilang unibersidad. "Oras na may marinig akong nag-uusap patungkol dito ay ikaw ang malalagot sa akin."
Tumango si Diana ngunit ang bakas ng tawa sa kaniyang mukha ay hindi nawawala.
"Hindi ako nagbibiro, Diana." Pahabol pa ni Aella bago mabilis na ipinagpatuloy ang paglalakad.
Nang tuluyang makapasok sa unibersidad ay nilakbay niya ang kahabaan ng pathway bago lumiko pakanan kung saan bumungad ang dalawang palapag na gusali.
Inakyat niya ang gusaling iyon pagkat naroon sa dulo ng second floor ang silid kung saan siya naka-assign para kumuha ng pagsusulit.
Halos kalahating araw ang naubos sa pagsusulit lamang na iyon. Mahirap ang exam ngunit dahil nag-aral, kahit papano ay kampante ang diwata na mapapasa niya iyon.
Pagtuturo ang kaniyang kinukuhang kurso at kung papalarin, nais niyang magturo sa mga batang nasa high school level. Iyon kasi ang edad kung kailan kinailangan niyang ihinto ang pag-aaral upang magtungo sa mundong tinutuluyan niya ngayon.
Pagkasabi pa lamang ng taga bantay na maaari na silang umalis ay wala na ngang inaksaya pang oras si Aella. Dali-dali siyang lumabas mula sa napakainit na silid na iyon. Pakiramdam niya ay isang taon siyang pinagkaitan ng hangin sa sobrang init sa loob at tila isang gintong patimpalak ang hanging sumalubong sa kaniya nang tuluyan na ngang makalabas.
Ngunit ang tuwa niya ay agad ding nawala nang ang matinding sikat ng araw ay tumama sa kaniyang maputing balat.
Ramdam niya ang tingin ng ibang mga kamag-aral niya. Kahit sino naman siguro ay talagang mapapalingon pagkat agaw atensiyon ang kulay ng ng kaniyang balat. Ito ay tila nagliliwanag ngayong nasisikatan ng haring araw.
Aakalain mong anak mayaman pagkat ang ganda niya ay hindi normal. Ang kaniyang suot na maong na pantalon na tinernuhan niya ng isang puting polo ay talaga namang bumagay sa kaniya.
Ang mahaba niyang buhok ay kaniyang tinalian upang hindi ito maging sagabal sa hangin. Ang suot niyang puting sapatos ay tila naging kulay kayumanggi na pagkat napuno na ito ng mga alikabok.
"Miss, alam mo ba kung nasaan ang registrar dito? At alam mo po ba kung tumatanggap pa sila ng enrolee?" Nahihiyang napakamot sa ulo ang isang lalaking bigla na lamang lumapit kay Aella dahilan kung bakit napahinto ang diwata sa gitna ng daan, nabibilad sa haring araw.
Tinaasan ito ng kilay ni Aella at masungit na tinignan, "naroon sa kabilang building ang registrar at hindi ako nagtatrabaho roon kaya hindi ko alam kung tumatanggap pa ba sila," saka niya itinuro ang building kung saan matatagpuana ng Registrar at walang sabing umalis.
Tulala at laglag ang panga ng lalaking nagtanong sa kaniya habang pinagmamasdan si Aella na maglakad papalayo, pinaoaypayan ang sarili gamit ang mga kamay.
Dumiretso ang diwata sa labas ng paaralan at nagtungo sa isang sikat na kainan sa tabi lamang nito.
Hindi pa ito nakakakain ng tanghalian kaya naman ang tiyan niya'y tila isang dambuhalang dragon kung umungol. Kung hindi pa siya kakain ay siguradong malilipasan na siya, na siyang pinakaiiwasan niya dulot ng mga nakaraang karanasan nang minsang malipasan siya ng gutom.
Pagpasok sa kainan ay agad siyang umupo sa paborito niyang pwesto, ang dulong bahagi kung sana malayo sa mga tao.
Ilang taon na ang nakalipas ngunit may mga pagkakataon pa ring naninibago siya sa mga kilos ng mga taong nakakasalamuha niya. May iilang bagay pa ring magpahanggang ngayon ay hindi niya maintindihan kung para saan gaya na lamang ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Base sa kaniyang mga napag-aralan mula nang pumasok siya sa paaralan ng mga tao ay tila natural lamang sa mga ito ang gawing libangan ang paninigarilyo at pag-inom ngunit kahit anong isip at pagbabasa ay hindi pa rin niya makuha kung para saan ba talaga iyon.
Alam niyang hindi maganda ang dulot niyon ngunit bakit tila hindi magawang ihinto ng mga tao?
Gaya ngayon, kahit na malapit sa paaralan at maraming estudyante ang nakakakita, lakas loob pa ring pumasok ang isang matandang lalaki habang kaswal na hinihithit ang sigarilyong hawak niya.
"Kilala mo ba iyon?" Kakaibang gulat ang naramdaman ni Aella nang may magsalita sa kaniyang likuran.
Literal na nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita kung sino iyon. Ito 'yung lalaking pinagtripan niya noong minsang nakita itong nagba-baskteball ni Aella.
Tahimik na nakaupo sa isa sa mga benches sa gymnasium ng kanilang paaralan si Aella habang pinagsasabay ang pagbabasa ng kaniyang notes para sa PE class niya at panonood sa mga lalaking nag-eensayong maglaro ng basketball nang aksidenteng mapunta sa harapan niya ang bola.
Walang alinlangan naman niya itong pinulot at wala sa sariling hinagis. Lingid sa kaniyang kaalaman, nasa harapan na pala niya ang isa sa mga lalaki at saktong tumama ang bola sa kaniyang mukha na siyang dahilan ng pagkakaupo nito sa sahig.
Nanlaki ang mga mata ni Aella nang mapansin ang nangyari. Iba't ibang klase ng reaksiyon ang ipinakita ng mga tao at isa na roon ay ang hindi napigilang tawa ni Aella.
Sa kauna-unahang pagkakataon, tila nakaramdam ng kaginhawaan ang diwata nang mapagtantong kaya pa pala niyang tumawa sa kabila ng mga pinagdaanan niyang paghihirap.
"Base sa tingin mo, mukhang naaalala mo ako," anang lalaking ngayon ay abala na sa kaniyang pagkaing kabibigay lamang ng tindera.
Nagkibit balikat lamang ang diwata kasunod ang pagbulong niya ng pasasalamat sa babaeng nag abot sa kaniya ng pagkain. Sizzling porkchop at fried rice, paboritong order-in ni Aella sa kainang ito.
"Hindi ka man lang ba hihingi ng paumanhin?"
Tila tumigil ang mundo ni Aella nang biglang mag-angat ng tingjn ang binatang nasa kaniyang harapan. Pakiramdam niya'y ninakaw nito ang lahat ng hangin kaya naman tila hirap siyang huminga ngayon.
Tuluyan na ngang hindi napigilan ng diwata ang pagsinghap nang magpakawala ang lalaki nang isang mahinang tawa.
Ang mga mata nito'y naningkit at ang mapupulang labi ay biglang ipinakita ang mga itinatagong mapuputing ngipin. May mumunting diple sa kaliwang pisngi nito ang sumilay na siyang umagaw ng atensyon ni Aella.
Hindi mapigilan ng diwata ang sarili kung hindi titigan ang bagay na iyon. "Kulang ba ang iyong ngipin kaya may maliit na hukay sa iyong pisngi?" Inosenteng tanong nito.
Lito siyang tinitigan ng lalaki hanggang sa unti-unti itong tumango na tila nakuha na ang ibig sabihin ni Aella ngunit hindi maipagkakaila ng kaniyang mga mata ang pagkalito.
Bahagyang iniangat ni Aella ang kaniyang kamay at itinuro ang dimple sa kaliwang pisngi ng lalaki. Doon pa lamang nawala ang pagtataka sa mukha nito at napalitan na ng pagkamangha.
"Ito?" Itinuro pa niya ito para makasigurado. Isang marahang tango ang isinagot ni Aella sa kaniya. "Ah, hindi. Dimple ang ta-"
"Alam ko. Boring at magulo akong kausap kaya sa susunod, wag ka ng lumapit sa akin. Bye." Mabilis na tumayo ang diwata at walang sabing umalis saka lumipat sa ibang mesa, malayo sa kinauupuan niya kanina.
Napakurap-kurap na lamang ang lalaki habang nakamasid kay Aella na tila walang nangyari kung kumilos. Tutok na tutok lamang ito sa kaniyang pagkain at tila walang pakialam sa paligid.
Hanggang sa pag-uwi ay hindi mawala sa isipan ng lalaki ang nangyari. Gulong-gulo ito sa kaiisip nang kung ano ba talaga ang problema ni Aella sa kaniya. Una, binato siya ng bola at ngayon naman ay tila pinagmukha pa niya itong tanga.
Nakuha naman niya ang nais iparating ni Aella kanina ngunit pakiramdam niya ay napahiya siya ng bongga gayong sila lang namang dalawa ang nakarinig ng kanilang pinag-usapan.
Sa kabilang banda, agad na ibinabad ni Aella ang sarili sa ilalim ng umaagos na tubig ng kanilang shower pagkauwi. Ito ang isa sa mga naging paraan niya upang makatakas sa mga magugulong bagay sa kaniyang isipan at ito rin ang naging daan niya upang makaayos ang kaniyang isipan.
Batid niyang hindi siya magtatagal sa mundong ito ngunit tila habang tumatagal ay tila unti-unting nabubuo ang kaniyang takot na bumalik sa pinagmulan.
Pagkatapos maligo at magbihis sa banyo ay agad na siyang lumabas. Isang nilalang ang kaniyang dinatnan na nakatayo sa tapat lamang ng kaniyang higaan.
"Kamusta na, diwata?"