"Maligayang bati, maligayang bati..." Masayang sigaw ng bawat nilalang habang ang diwatang si Aella ay nakaharap sa kanila, malawak ang ngiti sa kaniyang labi, at sinasabayan ng bahagyang pag-indayog at palakpak ang bawat pagkanta ng mga kasama niya.
Si Lady Pega ay nasa kaniyang kanang banda at sa kaliwa ay ang kaibigang si Lexi at Amanda na siyang mga nangunguna sa pagkanta.
"Nasaan po si Denier?" Bulong ni Aella habang hindi nawawala ang ngiti, pilit itinatago ang pagkausap niya sa pinuno.
"Nasa loob ng palasyo, masama raw ang pakiramdam."
Isang tango lamang ang isinagot ng diwata bago muling ibinaling ang atensyon sa mga nasa haraoan niya ngunit laking gulat ng lahat nang may isang maingay na pagsaboh mula sa likurang bahagi ng palasyo.
Ang kaninang masayang pagkanta ng lahat ay napalitan ng hiyaw na puno ng takot at pangamba.
Mabilis na kinagat ni Lady Pega ang damit ng diwata at agad itinakbo papasok sa kanilang palasyo hanggang sa makarating sa silid nito.
Doon ay inabutan nila si Denier na nakadungaw sa bintana, tila walang narinig na kaguluhan.
"Denier, oras na," anang Lady Pega na siyang hidni agad naintindihan ni Aella.
Madilim ang kapaligiran, patay ang lahat ng ilaw at ang mahabang kurtina sa kaliwang bahagi ng isang silid kung saan natutulog ang diwata ay patuloy sa paggalaw kasabay ng bawat pag-ihip ng hangin.
Ang mukha ng natutulog na diwata ay napupuno ngayon ng pawis. Ang kaniyang ulo ay paulit-ulit na bumabaling pakaliwa at kanan kasabay ng mabagal na pagtakas ng iilang butil ng luha sa kaniyang mga mata.
Isa na naman ang gabing ito sa iilang gabing pilit siyang binabalikan ng mga alaalang nais na niyang kalimutan.
Mga alaalang sa kabila ng pilit niyang pagkalimot ay tila lalo pang bumabalik at bumabaon ang mga ito sa kaniyang pagkatao.
"Aella," isang boses na sobrang pamilyar sa diwata ang siyang nagpalingon sa kaniya.
Ang palasyong puno ng iba't ibang klase ng palamuti at kasiyahan noon ay nababalot na ngayon ng usok at mga dugo.
Sa paglingon ng diwata ay siya namang pagbaon ng isang espada sa katawan ng kaniyang kaibigang si Lexi na siyang dahilan ng biglaang paghinto ng kaniyang mundo.
Malakas na sampal ang gumising sa diwata. Agad siyang napaupo at naghabol ng kaniyang hiningan.
Isang magandang babae ang siyang sumampal sa kaniya. Noon una ay hindi pa niya mawari kung sino iyon ngunit hindi naglaon ay naalala rin agad noya. Ito ay kaniyang kasama sa appartment na siyang tinutuluyan niya.
"Binabangungot ka na naman, Aella. Hindi ka na naman siguro nagdasal bago natulog, ano?"
Sa gulat at kaba ay tila hindj magawang magsalita ng batang diwata kaya naman para hindi magmukhang bastos ay tumango na lamang ito.
Isa pa, laking pasasalamat na rin niya na ginigising siya ng babaeng ito sa tuwing siya ay nananaginip pagkat nakakatakas siya sa mga masasamang alaalang iyon.
Nilingon ni Aella ang kalendaryong nasa kanilang dingding. Nobyembre bente-nuebe. Iyon ang araw na siyang nakabilog na pula. Binalingan naman niya ngayon ang kaniyang cellphone na nasa gilid lamang ng kaniyang kama at naka-charge. Four thirty AM. Iyon ang ipinapakitang oras ng kaniyang cellphone.
"Mamaya na nga ang entrance exam natin," anang Diana, ang babaeng kasama ni Aella sa kwarto. "Hindi kaya sa kaba mo kaya ka palaging binabangungot? Hindi ba't mula nang mag-review tayo, saka lang nagsimula iyan?"
"Baka," malamig na tugon ni Aella. "Matutulog na muna ako. Pakigising na lamang ako mamayang alas siete tutal ay alas otso pa lang naman ang pasok," aniya pa bago mabilis na humigang muli at tinakpan ng kumot ang buong katawan hanggang ulo.
Habang nakapikit ay hindi mapigilang hindi alalahanin ni Aella ang mga naiwang kaibigan sa kanilang mundo.
Tatlong taon na ang nakalipas mula nang magtungo siya sa mundo ng mga tao ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nakukuhang balita sa kung ano na ang kalagayan ng kanilang palasyo.
Ang pangakong pagdalaw ni Denier ay kailanman ay hindi natupad. Bawat araw na lumilipas, mula nang ihatid niya si Aella, ay pilit na nagtutungo ang diwata sa gubat upang tignan kung dumating ba ang kaibigan ngunit bigo lamang itong umuuwi palagi.
Mariing ipinikit ni Aella ang kaniyang mga mata kahit na alam niyang tawagin man niya ang lahat ng santo ng mga tao ay hindi na siya makakatulog pang muli.
Tila sirang plaka kung umulit ang imahe ng kaibigan niyang si Lexi. Ang paraan kung paanong bumaon ang mahabang espada sa tiyan ng kaibigan niya ay sobrang linaw sa isipan ni Aella.
Matinding galit at sakit ang kaniyang nararamdaman. Batid niyang wala na ang kaniyang kaibigang aso pagkat kahit sinong saksakin ng napakatindi gaya ng ginawa sa kaniyang kaibigan ay hindi makakaligtas.
Bukod doon, nagagalit ang batang diwata pagkat wala siyang magawa at makausap upang alamin kung ano ang nagyari sa iba pa nikang kasamahan, lalong lalo na sa isa pa niyang matalik na kaibigang si Amanda at sa pinakamamahal nilang pinuno na si Lady Pega.
Maliwanag na sa labas nang maramdaman niyang muli ang marahang pagtapik ni Diana sa kaniyang braso. Kaswal lamang na inalis ni Aella ang kumot na siyang tumatabon sa buo niyang katawan saka walang imik na tumayo at dumiretso sa banyo para maligo.
"Bakit ka pa ba nagpapanggap na bumabalik sa tulog pagkatapos mong bangungutin eh alam ko namang hindi ka na nakakatulog kapag ganon!" Sigaw ni Diana na hindi sinagot ni Aella. O hindi narinig pagkat nasa loob na ito ng banyo.
Ngayon ang araw ng entrance exam nila para sa kolehiyo at kahit na katiting na kaba ay walang nararamdaman ang diwata kaya hindi niya magawang kumbinsihin ang sarili na baka tama nga si Diana, baka dahil sa kaba kaya pilit siyang binabagabag ng mga alaalang iyon.
Kung tutuusin ay hindi naman kailangang mag-aral ni Aella sa mundo ng mga tao. Ang bilin lamang sa kaniya ng kanilang pinuno bago sila magkahiwalay noon ay ang magtago siya at tuwing may pagkakataon ay siguraduhin niyang magsasanay siya sa paglaban ngunit nang makita ang paraan ng pamumuhay ng mga tao ay naisip ni Aella na kailangang niyang makisabay sa mga ito upang mabuhay. Kailangan niyang gayahin ang paraan ng pamumuhay ng mga tao kung gusto niyang magtagal dito.
Pagkatapos maligo ay dinatnan niyang kumakain ng tinapay si Diana. Maliit lamang ang kwartong kanilang tinutuluyan pagkat mura lamang ang bayad dito.
Sa kaliwang bahagi matatagpuan ang pintuan palabas ng silid. Pagpasok ay maliit na sala lamang ang makikita kung saan may isa pang pintuan na siya namang magdadala sa kwarto kung saan matatagpuan ang higaan ng dalawa.
Parehong nasa kanang bahagi ng kwarto ang kanilang kama at katapat ng mga iyon ay ang pintuan patungong banyo. Sa gilid noon ay may maliit na mesang pandalawahan lang kung saan sila nag aaral o 'di kaya ay kumakain.
May isa pang pintuan sa tapat noon na siya namang magdadala sa isang maliit na teresa kung nasaan naroon ang kanilang lutuan, gamit pang kusina, at ang lugar kung saan nila nilalabhan madalas ang mga damit lalo na kung natatambak na.
"Kain," anyaya ni Diana kahit na batid niyang hindi rin naman siya sasagutin ng kasama. Ni hindi na rin siya nag-abala pang mag-angat ng tingin dito pagkat abala siya sa pagbabasa ng kaniyang reviewer.
Sa kabilang banda, matinding kaba ang nararamdaman ng isang lalaki habang paulit-ulit na binabasa ang kaniyang notebook na siyang reviewer niya para sa nasabing pagsusulit.
Payat lamang ang lalaki at tila isang ihip lang ng hangin ay tatangayin siyang agad nito. Maputla at aakalain mong may sakit kahit na malusog naman ito.
Hindj naman sana mahirap ang pag-aaral para sa nasabing lalaki kung hindi kang sana paulit-ulit na bumabalik sa kaniyang isipan ang kalokohang ginawa ng isang babae sa kaniya noong isang araw.
Ang malakas na tawa ng babaeng iyon ay siyang bumabagabag sa lalaking ito dahilan kung bakit hindi niya maibigay ang buong atensyon sa kaniyang inaaral.
Eksaktong alas otso nang magpasyang sabay na umalis si Aella at Diana sa kanilang tinutuluyan para magpunta sa paaralan.
Lingid sa kaalaman ni Aella na paglabas niya ng silid ay siya ring paglabas ng isang lalaking nakapagpabalik ng kaniyang tawa makalipas ang ilang taon.
Nang magtama ang kanilang tingin ay hindi na napigilan pa ni Aella ang bumungisngis na siyang nagpagulat kay Diana at sa lalaking nasa harapan nila.