"Anong ibig mong sabihin, diwata?" Bakas ang kalituhan sa mukha ni Denier. Ang dugo sa kaniyang tagiliran ay napupunta na ngayon sa kaniyang kamay na siyang ipinanghahawak doon, tila iniisip na makakatulong iyon upang mapatigil ang pagdugo.
Matapang lamang siyang tinitigan ni Aella. Ang dating mukhang inosente at tila hindi kayang manakit ay naglaho. Parang ibang nilalang ang kaharap ngayon ng duguang Denier.
"Bakit, diwata?" Nagsimulang umubo ang walang labang si Denier. Kasabay ng kaniyang pag-ubo ay ang biglaang paglabas ng iilang dugo mula sa kaniyang bibig. "Bakit mo ito nagawa sa akin? Ang akala ko ba'y hindi mo kayang manakit ng kakampi?"
"Hindi nga. Kaso, hindi ka naman kasi kakampi," usal nito kasunod ang biglaang pag-ambang sasaksakin muli ang binata. Dahil nakaupo, tumama ang punyal sa balikat nito na siyang naging dahilan ng kaniyang tuluyang pagkakadapa.
Makalipas lamang ang ilang sandali ay tila abong nilipad kasama ng hangin ang katawan ni Denier. Napaupo na lamang ang batang diwata nang tuluyang maglaho ang katawan sa kaniyanh harapan. Maging ang bakas ng mga dugo ay wala na sa kaniyang punyal at sa lupa.
Sa kabilang banda ay tila sobrang kagalakan ang nararamdaman ng isang binatang nakatago sa itaas ng malaking puno. Natatakpan siya ng iilang sanga at mga dahon.
Kitang-kita niya kung paanong lumapat ang punyal ng batang diwata sa katawan ng lalaking nasa harapan nito. Wari'y walang pag-aalinlangang naramdaman ang diwata lalo na nang hugutin nitong muli ang punyal makalipas lamaang ang ilang segundo pagkatapos niya itong ibaon sa tagiliran ng lalaki.
Nang tuluyang sumabay sa lipad ng hangin ang itim na abo nang lalaki ay agad siyang tumalon mula sa kaniyang pinagtataguan.
Agad na tumama sa kaniya ang walang emosyong mga mata ni Aella habang mahigpit na nakakapit sa punyal at nakaluhod sa lupa.
"Masaya ka na?" Sa tono pa lamang ng kaniyang boses ay tila nanuot sa bawat ugat ng binata ang poot at galit ng diwata. "Ikinatutuwa talaga ninyo ang paghihirap ko?" Hindi makapaniwalang usal pa nito.
Marahang humakbang ang binata palapit sa kinaroroonan ni Aella at nang tuluyang magkatapat ay walang pagdadalawang-isip itong lumuhod at kinuha ang punyal mula sa mga kamay nito.
"Ikinatutuwa namin sa tuwing ika'y nagtatagumpay, diwata, at hindi sa tuwing ika'y nahihirapan."
Naging mabilis ang pagbagsak ng mga luha mula sa mata ng diwata. Animo'y ilang libong taon niyang inipon ang mga iyon at ngayon lamang nagkaroon ng pagkakataong makatakas sa kaniyang magagandang mga mata.
Bawat patak ng luha ay katumbas naman ng ilang milyong punyal na isinasaksak ng paulit-ulit sa dibdib ang nararamdamang sakit ng binata habang pinapanood ang pagtangis ng batang diwata sa kaniyang harapan. Tunay nga, hindi niya kayang mnakikitang nasasaktan ang babaeng nasa kaniyang harapan.
"Ngunit ang hirap..." isang hikbi na puno ng sakit at pagod ang kumawala sa kaniyang labi, "ang hirap ng inyong mga pinapagawa..."
"Mahirap ngunit ang resulta ay napakaganda, diwata. Tandaan mo na ang bawat bagay na dumadaan sa matinding hirap ay gumaganda sa huli, gaya na lamang ng diyamante," anito, umaasang kahit papaano'y mapakalma ang naghihikahos na diwata.
Kung tutuusin ay maging siya ay hindi sang-ayon sa ipinagawang aktibidad sa diwata kanina. Pakiramdam niya'y hindi pa panahon para roon ngunit dahil pinuno na mismo nila ang nag-utos, wala siyang magagawa kundi ang sumunod.
Gabi bago ang araw na iyon nang matanggap ni Denier ang utos. IKinagulat niya ang pagpunta ni Lady Pega sa Bundok Hasaya upang ibigay ng personal ang kaniyang kautusan na gumawa ng isang pekeng imahe na kamukhang-kamukha ni Denier na siyang kanilang gagamitin para sa huling pagsubok ng diwata bago tuluyang bumalik sa palasyo.
Pinanood mismo ni Lady Pega ang paraan kung paanong binuo ni Denier ang emaheng kamukha niya. Ang imaheng iyon ang nakalaban at napatay ni Aella na siyang naging daan upang maging matagumpay ang kaniyang huling pagsubok.
Sa halip na manatili roon sa bundok hanggang bukas ay mas napabilis ang kanilang pag-alis. Sa araw ring iyon ay nakabalik ng ligtas ang dalawa sa kanilang palasyo.
Masayang-masaya ang lahat sa pagbabalik ni Aella, lalong lalo na ang mga matatalik niyang kaibigan na si Lexi at Amanda.
Halos hindi maihiwalay ang dalawa sa diwata at pilit pang kinukumbinsi na ipakita ang mga bagay na kaniyang natutunan na siya namang taas noong tinugunan ni Aella.
Walang araw na pinalalampas ang tatlo sa paglipad. Kung noon ay nagagawa pa nilang asarin ang diwata pagkat hindi ito marunong lumipad, ngayon ay mas mabilis na sa kanila ito na siyang ikinatuwa ni Aella. Sa wakas ay makakasabay na siya sa mga kaibigan sa tuwing naglalaro ng habulan, sa isip niya.
Nang linggo ring iyon ay nagsimula na siyang pumasok sa paaralan kung saan nakakita at nakasalamuha siya ng iba't ibang klase ng nilalang.
Ang akala niyang magiging nakakatakot na karanasan ay naging masaya pagkat mas dumami pa ang kaniyang mga naging kaibigan.
"Sa dalampasigan na muna tayo!" anang isang lalaki na may kakayahang gumamit ng apoy. Isa ito sa mga naging kaibigan ni Aella sa kanilang paaralan at ito rin ang pinakamalapit sa kaniya pagkat ito ang unang-unang estudyanteng kumausap sa kaniya. "Mamaya ka na umuwi, Aella. Samahan mo na muna akong magpalipas oras sa dalampasigan," anyaya pa nito.
Matinding iling ang iginawad ng diwata sa kaniya, "hindi maaari pagkat mapapaglitan ako," paliwanag pa nito.
Ang kabilin-bilinan kasi ni Lady Pega sa kaniya ay ang umuwi agad pagkatapos sa eskuwela upang hindi na mapalpit pa sa posibilidad ng kapahamakan.
Seryoso itong sinusunod ni Aella pagkat ayaw niyang masira ang tiwala sa kaniya ng pinuno. Isa pa, hindi rin naman siya makakatakas pagkat kahit hindi sinasabi ay alam niyang palagi siyang sinusundan at binabantayan ni Denier.
"Bakit hindi pwede? Saglit lang naman!" Pagpupumilit pa ng kaibigan na mariin pa ring tinanggihan ni Aella.
Bukod kasi sa posibilidad na siya ay mapagalitan, abala na rin ang buong palasyo sa paghahanda pagkat ilang araw na lang ay ika-labinpitong kaarwan na niya.
Iyon ang araw na kaniyang pinakahihintay pagkat ayon sa pinuno nila ay may matatanggap siyang kakaibng regalo sa araw na iyon. Isa pa, pakiramdam niya'y mas bibigyan na siya ng kalayaan mula sa araw na iyon.
Dahil sa pagpupumilit ng kaibigan ay bahagyang nahuli ang diwata sa oras na dapat ay nasa palasyo na siya.
Habang pauwi ay ikinagulat niya ang biglaang pagsulpot ni Denier mula sa kung saan. Sa kabila ng kaalamang palaging nagmamatyag ang pegasus ay hindi pa rin nagawang pigilan ni Aella ang takot t gulat sa biglaan nitong pagpapakita.
"Magaling, diwata. Nagawa mong umiwas sa tukso," panimula nito. "Mukhang humuhusay ka na ngang talaga, ah? Kay galing ko talagang magsanay."
Inismiran siya ni Aella nang mabakas ang bahagyang yabang sa tono nito. Kahit na totoo at sang-ayon siya sa tinuran ng pegasus ay hindi niya ito kailanman aaminin na sang-ayon siya. Kahit na mamatay pa siya, hindi niya kayang isaboses ang kaniyang mga naiisip lalo na kung pumapabor ito kay Denier.
Pagdating sa palasyo ay agad siyang dumiretso sa kaniyang silid upang magbihis bago bumabang muli upang makipaglaro sa mga kaibigan.
Ang buong akala niya ay maghahabulan silang muli ngunit dinatnan niyang nagbabasa ng isang luma at makapal na aklat ang mga ito habang nakatago sa kumpol ng mga bulakalak.
Walang alinlangang lumapit doon ang nakangiting si Aella, "ano iya?" tanong niya.
"Isang aklat na nahukay ko kanina sa likod ng palasyo," wala sa sariling usal ni Lexi.
"Patungkol sa?"
"Kay Esterial at sa nawawalang palasyo..."