Chapter 13

1370 Words
"Hindi ko nga kasi kaya! Ayoko na!" Ibinagsak ni Aella ang espadang hawak niya sa kaniyang tagiliran saka mabilis na nag martsa palapit sa ilalim ng puno na katabi lamang ng kaniyang tinutulugan at naupo roon. "Pagod na ako, at hindi ko kaya ang pinapagawa mo!" Naaawa siyang pinagmasdan ni Denier. Ilang minuto na silang nagtatalo patungkol sa kailangang gawin ng diwata na hindi niya raw kayang gawin. "Kailangan mong magawa pagkat parte ito ng iyong pagsasanay, diwata." Pinulot niya ang espadang ibinagsak kanina ni Aella saka mabilis at malalaking hakbang ang ginawa upang makalapit agad sa kinaroroonan ng diwata. Inilapag niya ng maayos ang espada sa tabi lamang nito bago naupo rin kagaya ni Aella. "Hindi ko kaya. Bakit ba kailangang gawin iyon?" Kahit anong pilit na intindihin ni Aella ay hindi niya makuha kung bakit kailangang gawin ang ipinapagawa sa kaniya. "Ang sabi ninyo ay nag eensayo ako upang magawa kong protektahan ang aking sarili sa laban, ngunit bakit kailangan pa kitang saktan ngayon? Kung nasa totoong laban ba ay kailangan ko ring saktan ang mga kakampi ko? Hindi naman, 'di ba?" Ilang sandaling napayuko ang binata sa tinuran ni Aella. Tama nga naman ngunit ang punto ng gawaing ito ay hindi niya nakuha. "Bakit?" Kasabay ng malalim na hiningang kaniyang pinakawalan ay ang marahang pag-angat ng kaniyanh ulo dahilan ng biglaang pagsasalubong ng kanilang tingin. "Sigurado ka bang kakampi ako?" Ilang beses na napakurap si Aella sa narinig. Binalot ng katahimikan ang kanilang pagitan. Tanging ang pagsayaw lamang ng mga dahon tuwing umiihip ang malakas na hangin ang naririnig. Hindi mawari ni Aella kung ano ang kaniyang sasabihin na siyang dahilan ng unti-unting pagsilay ng ngiti sa labi ni Denier. "Nakuha mo na ba ang punto ngayon, batang diwata? Kaya halikana't ipagpatuloy ang iyong pagsasanay." Sinubukang ialok ni Denier ang kaniyang kamay pagkatayo upang tulungang tumayo si Aella ngunit hindi iyon pinansin ng diwata. Bagkus, ipinatong lamang niya ang kaniyang noo sa kaniyang tuhod. "Ayoko," anito sa tonong tila walang gana. "Kahit anong mangyari, kung ang inakala kong kalaban at kaibigan ay isa pa lang impostor, hindi ko pa rin ito sasaktan..." "Kahit na ang ibig sabihin no'n ay kapahamakan para sa iyo at sa nasasakupan mo?" "Kahit na buhay ko pa ang kapalit." Tila may kung anong humaplos sa puso ni Denier nang marinig ang mga katagang namutawi sa labi ng kaniyang binabantayang diwata. Noon pa man ay alam na niyang busilak ang kalooban nito ngunit hindi niya inakalang sa sobrang busilak ay kayang-kaya niyang ignorahin ang kataksilan ng kaibigan pagkat mas nangingibabaw ang pagmamahal niya rito. Tila nakaramdam din siya ng kaunting hiya pagkat alam niyang hindi ganoon ang pananaw niya. Siya'y matigas. Oras na may gawing masama ang sino man sa kaniya, kahit na kapatid pa niya ito, kung kailangang patayin ay hindi siya mag dadalawang isip na pumatay. "Mas pipiliin mo ang buhay ng impostor kaysa sa buhay mo at ng nakararami, kung ganon?" Muli silang binalot ng katahimikan. Ang bawat segundong lumilipas ay nasasayang, at alam na alam iyon ni Denier ngunit wala na siyang pakialam. Kahit na batid niyang maaari siyang mapagalitan sa ginagawa ay tila hindi niya kayang pilitin ang diwata sa isang bagay na ayaw nitong gawin. Makalipas ang ilang minutong pananahimik ay hindi napansin ng binata na nakatulog na pala ang diwata kahit ito ay nakaupo. Kung hindi pa halos nasubsob ay hindi pa niya mapapansin. Mabilis siyang tumayo mula sa kaniyang kinauupuan at sinakop ang katawan ng diwata saka walang hirap na inilipat sa higaan nito. Ang mahabang buhok ni Aella ay humarang sa kaniyang mukha na agad din naman niyang hinawi na siyang ikinagulat ni Denier. "Salamat sa pagbubuhat. 'Di naman ako tulog, inaantok lang," ani to bago tumagilid at tila balak na talagang ituloy ang tulog. Habang pinagmamasdan ang diwata ay hindi maiwasang hindi maalala ni Denier ang nangyari kanina bago nila ipagpatuloy ang pagsasanay. Todo pigil ang kaniyang pagtawa habang nakatago sa itaas ng puno at pinagmamasdan si Aella na ginagamit ang espada bilang panungkit ng mga mansanas. Ang buong akala pa ni Denier ay sinukuan na nito ang mga mansanas pagkat panandalian niyang iniwan ngunit mali siya. Humanap lamang pala ito ng paraan upang makuha ang mga nasabing prutas. Ikinatuwa iyon ni Denier pagkat isa iyon sa mga nais ni Lady Pega na matutunan ng diwata, ang maging maparaan. Nang makitang tapos na sa pangunguha ang diwata ay mabilis ngunit tahimik na tinalon ni Denier ang puno pababa saka dahan-dahang lumapit sa kinaroroonan ng diwata. Abala ito sa pag-aayos ng mga bungang nakuha niya at nang humarap ay halos maibato pa ang mga ito sa gulat. "Ay mansanas!" Sigaw nito kasunod ang isang matinding sama ng tingin. "Alam mo, hindi ako mamamatay sa gyera kundi sa mga pinapagawa niyo sa akin at sa gulat," ani pa nito na may pagkainis. Inayos niya ang mga mansanas na ibinalot lamnag niya sa kaniyang suot na damit habang yakap-yapak ang mga ito ng mahigpit upang marahil ay hindi mahulog saka taas noong nilagpasan ang kasamang nilalang. "Siguro naman ay wala na itong kasunod na hirap? Halos ibuwis ko ang buhay ko kanina para sa mga mansanas na ito kaya naman hindi na dapat ninyo ipagkain ang kakaunting pahinga sa akin." "O, sige," umaktong tila nag-iisip ang binata, "kapag masabi mo sa akin kung ano ang aral na nais ni Lady Pega na matutunan mo sa aktibidad na ito, papayagan kitang magpahinga ng isang oras." Taas noo siyang hinarap ni Aella kasunod ng isang matamis na ngiting tila panandaliang nagpatigil sa pag-ikot ng kaniyang mundo. Bahagya niyang inialog ang kaniyang ulo upang gisingin ang diwa niyang napupunta sa maling direksyon. "Pagiging matiyaga at maparaan. Kay daling tanong, ginoo. Wala na bang mas mahirap pa?" Ilang araw pang nagpatuloy ang ganoong gawain. Ginigising palagi ni Denier si Aella kahit na hindi pa sumisikat ang araw upang agad na masimulan ng diwata ang pagtakbo bilang pang araw-araw na aktibidad. Pagkatapos tumakbo ay dumidiretso sila sa pagsasanay sa paggamit ng espada at iba pang klase ng sandata gaya ng pana at maliliit na punyal. May ilang araw ring binabato ng mga tanong ni Denier si Aella patungkol sa kanilang kaharian o 'di kaya ay sa kapangyarihan ng diwata na kailangan niyang masagot kapalit ang isang oras na pahinga. Tuwing hapon ay sinasanay naman ni Aella ang pagkontrol sa hangin na siyang kaniyang kapangyarihan. Mas binigyan nila ng pansin ang paglipad pagkat ayon kay Denier, ito ang paraan kung saan pinakamagagamit niya ang kapangyarihan niya at ang pinakamadaling gawin upang mapanatili kahit papaano ang kaniyang kaligtasan. Dalawang araw na lamang ang mayroon sila upang mag ensayo at hindi na siya pinagbigyan pa ni Denier na magpahinga. Pagkagising pa lamang sa umaga ay agad na niyang pinatakbo ang diwata ng doble sa normal na bilang ng takbo na kaniyang ipinapagawa rito. Pagkatapos ay agad niya itong sinusugod kahit alam niyang hindi pa ito handa. Nais niyang hasain amg bilis sa pagkilos ng dalaga kaya niya ito ginagawa. Hindi pa man nabubunot ng dalaga ang punyal na palaging nakasabit sa kaniyang hita ay naitutok na ni Denier ang matulis at payat na talim ng espada. "Mabagal, diwata. Mamamatay ka sa lagay na iyan," pang-aasar niya. Ngunit isang ngisi lamang ang kaniyang nakuha bilang kapalit. Ikinunot niya ang kaniyang noo kasunod ang isang matulis na bagay na naramdaman niya sa kaniyanh kanang tagiliran. Sa pagtama ng araw ay kumislap ang punyal na nakalubog sa kaniyang tagiliran. Kitang-kita ang mapulang dugo na siyang mabagal na dumadaloy mula sa kaniyang katawan patungo sa punyal na agad din namang pumapatak sa lupa. "Diwata..." Usal niya ng may pagtataka. Itinagilid kamang ni Aella ang kaniyang ulo, hindi inaalis o pinuputol man lang ang titigan nila ng binata sa kaniyang harapan. Ilang sandali pa'y mabilis at walang imik na binunot ni Aella ang punyal dahilan ng biglaang pagtalsik ng dugo sa paligid, maging sa kaniyang damit at mukha. Napaluhod ang lalaki na agad din namang tumingala. Muling nagtama ang kanilang tingin ng diwatang walang bahid ng kahit anong emosyon sa mga mata. "Akala mo ba hindi ko alam?" Bakas ang galit sa boses ng diwata nang iusal ang mga katagang iyon kasunod ng mga luhang walang tigil sa pagtulo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD