Chapter 2: Problem solved

2317 Words
Habang wala pa ang mga magulang ni Xeliyah ay naisipan niyang maglinis ng bahay. Hindi niya ugali ang maglinis dahil wala namang kalat ang paligid pero ito lamang ang tanging bagay na pinagaabalahan niya sa tuwing naiiwan siya mag-isa sa bahay. Hinugasan na niya ang mga pinggan na nagkukumpulan sa kusina, nilinis niya rin ang kanilang ref na walang laman kun’di puro sisidlan ng tubig.  Hindi naman gano’n kalaki ang kanilang bahay tamang tama lang para sa tatlong tao. Madalas na wala ang kaniyang mga magulang dahil nagbebenta sila ng isda sa palengke. Minsan ay dinadalaw siya ng kaniyang pinsan na si Jane para samahan ng di mabagot buong araw.        Sa loob ng dalawang buwan na bakasyon walang ginawa si Xeliyah kun’di ang magkulong sa bahay at paminsan-minsan ay sumasama sa gala ng mga kaibigan. Wala rin namang reklamo ang kaniyang mga magulang dahil ‘di naman siya ginagastusan nito. May trabaho din siya sa loob ng dalawang buwan at iyon ay ang pagbabantay sa kaniyang pinsan na isang taong gulang pa lamang pero hindi sapat ang kaniyang sahod dahil gumagastos din ito sa kaniyang pang araw-araw .    Matapos niyang maglinis ay pagod na sumalpak siya sa sofa. ‘Di niya rin namalayan na alas dose na kaya napabuntong na lamang siya ng hininga dahil oras na para magluto. Sa totoo lang kahit labing siyam na siya ay ‘di parin ito marunong magluto ng pagkain. Tanging prito lamang ang alam niyang lutuin minsan ay nasusunog pa. Tamad na tumayo ang dalaga at tinungo ang ref. Kinuha nito ang iniwang sengkwenta ng kaniyang Mama at lumabas ng bahay para bumili ng itlog sa kanto. Pagkarating niya ng tindahan ay nadatnan niya ang kaniyang kapit-bahay na inutangan ng kaniyang mga magulang.   "Nasaan ang Mama mo?" inis nitong tanong kay Xeliyah. ‘Di niya alam kung pano sasagutin ang tanong ng Ale dahil nahihiya ito. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit hindi lumalabas ng bahay si Xeliyah dahil sa mga taong inuutungan ng kaniyang mga magulang. Siya palagi ang napagbubuntungan ng galit at inis sa tuwing hindi sila nagbabayad .   "May pinuntahan po,” sagot nito. Iyon na lamang ang kaniyang nasabi dahil wala naman siyang ideya kung saan nagpunta ang kaniyang mga magulang. Bakas naman sa mukha ng Ale ang inis dahil sa sinagot ng dalaga. Iniisip nito na nagsinunggaling siya at ang totoo ay nagtatago ang kaniyang mga magulang para ‘di  sila masingil.   "Talaga lang ha. Baka naman nagtatago sila? Paki sabi na lang sa kanila kung ‘di pa sila magbabayad sa susunod na araw ipapabaranggay ko na sila,” banta nito. “Utang nang utang ‘di naman nagbabayad. Kapag siningil na magtatago,” galit nitong sabi. Sa kaloob-looban ni Xeliyah ay bakit sa kaniya siya nagagalit? In the first place kasalanan naman niya kung bakit ‘di siya nababayaran. Kung hindi nya sana pinautang ang kaniyang mga magulang edi walang problema. Ang pinaka ayaw nya sa lahat ay ang ipahiya siya sa maraming tao at sumbatan sa bagay na ‘di niya ginawa. Bumuntong hininga na lamang ang dalaga saka tumango. ‘Di na ito nagabala pang sumagot dahil baka ano pa ang kaniyang masabi dahil naiinis na ito. Hindi naman umimik ang Ale at umalis na rin ito.   "Isang itlog nga po,” sabi nito sa tindera. Ilang minuto pa ay naibigay na sa kaniya ang itlog saka nagbayad namam agad siya.   "Iha, pakisabi sa mama mo na kailangan ko na 'yong perang inutang niya noong isang linggo. Sabi niya babayaran niya ako kahapon pero hanggang ngayon ‘di pa rin sila lumalapit dito ni anino nila ay ‘di ko makita,” paalala sa kaniya ng tindera. Halos lumubog sa kinatatayuan si Xeliyah nang pagsabihan din ito ng tindera. ‘Di niya alam kung ano ang sasabihin nito kaya pinili na lamang niyang yumuko at tahimik na umalis. May namumuong  mga luha sa kaniyang mga mata habang naglalakad ito pauwi. Paano kung hindi siya pinanganak? Paano kung mayaman ang lumuwal sa kaniya? Siguro ay magiging masagana at walang kahihiyan siyang mararamdaman sa tuwing lumalabas siya ng bahay. Gusto niya mang sisihin ang mga magulang ay ‘di niya magawa. Alam nito na mas nahihirapan sila kaysa sa kaniya kaya wala siyang magawa kun’di ang kimkimin ang sakit at hirap.   Pagdating niya ng bahay ay napansin nitong naka-parking sa labas ang kanilang habal-habal. Agad naman itong pumasok saka naabutan ang kaniyang mga magulang sa loob. May hinahandang pagkain ang kaniyang Mama habang ang kaniyang Papa naman ay nakaupo lamang sa sofa.   "Ang aga n'yo naman atang nakauwi,” bati nito sa mga magulang. Pagpasok sa loob ay agad siyang dumiretso sa kaniyang Mama sa hapagkainan. Napansin niyang maraming pagkain ang nakalapag sa mesa kaya napataas ito ng kilay.   "Naku, saan ka galing? Bumili ka ba ng ulam mo?" tanong sa kaniya ng ina. Tumango lang si Xel tiyaka nilagay na muna sa ref ang itlog na binili nito.   "Mukhang marami pong ulam natin ngayon ah. Saan galing?" simpleng tanong nito sa ina. Ngumiti lamang ang kaniyang Mama at ‘di sinagot ang kaniyang tanong. Lumapit na rin ang kaniyang Papa sa hapagkainan at tahimik na umupo sa upuan at nagsimula nang kumuha ng pagkain. Biglang nagtaka si Xeliyah sa naging aksyon ng mga magulang pero hindi niya ito inisip pa at umupo na rin.   "Kamusta 'yong pinuntahan n’yo?" tanong ulit nito sa kanila.   "Iyon ba? Naku 'wag na muna nating isipin 'yon. Kumain na muna tayo,” sagot ng kaniyang Mama. Tumango-tango naman si Xeliyah. Dumako ang kaniyang tingin sa kaniyang papa na tahimik pa rin pansin din nito na tulala siya. Gusto nitong tanungin kung ok lang ba siya pero naalala niya na ganiyan siya minsan ‘pag pagod kaya hinayaan niya na lang ito.   "Ikaw ba? Nakuha mo na ba mga requirements mo? Dapat bukas o sa susunod na linggo kompleto na ‘yan." paalala ng kaniyang ma Mama.   "Nakuha ko na po. Balak nga po namin ni Christal na mag enroll na kaso may pupuntahan siya bukas kaya sa susunod na lang." tugon nito habang nginunguya ang pagkain.   "Kompleto na? Akin na ako na ang magtatago baka saan-saan mo pa ilalagay 'yan mahirap ng mawala,” sambit ng kaniyang Mama. Napanguso naman si Xeliyah sa sinabi ng ina. Habang kumakain ay naalala niya ang bilin ni Aling Tasing at Aling Karen tungkol sa utang ng mga magulang. Nagdadalawang isip ito kung sasabihin niya ba o hindi dahil mukhang nasa magandang modo sila at ayaw niya 'yon masira. Nagaalala lamang siya sa sinabi ni Aling Karen na ipapabaranggay sila kung ‘di nila mababayaran ang utang.   "Umm ma?" mahinang tanong nito sa ina. Kinakabahan siya sa sasabihin niya dahil kahit kailan ay ‘di sya nakikisali sa gano’ng usapan lalo na pag dating sa utang.   "Mhmm,” tugon nito. Sasabihin niya ba o ipabukas na lang?   "Ano w-wala. Wala po." ‘taranta nitong sabi. Umurong bigla ang kaniyang dila at nagpapasalamat ito na ‘di niya na ituloy ang sasabihin.   "Ok ka lang ba?" alalang tanong ng ina sa kaniya. Tumango lang ito tiyaka pinagpatuloy ang pagkain.   "Xeliyah,” biglang salita ng kaniyang Papa.   "Po?" sagot nito habang di tinitignan ang ama.   "May lakad ka ba mamaya? May gagawin? Napagisipan kasi namin ng Mama mo na bumili ng mga gamit dito sa bahay pati narin groceries,” wika ng kaniyang Papa. Nag-isip naman si Xeliyah kung may pupuntahan ba o may gagawin siya ngayon pero mukhang wala naman. Ngumiti ito saka umiling. Matagal-tagal narin ‘nong huli silang lumabas na kompleto. Tanging siya lang at ang kaniyang mama ang bumibili ng mga pangangailangan sa bahay kaya masaya ito ngayon dahil sasama ang ama.   "Wala naman,” sagot nito. Nakita niyang napangiti ang kaniyang ama kaya napangiti rin siya.   "Dalian niyo na diyan para makaalis na tayo at ng makauwi agad,” bilin ng kaniyang Mama na tapos na sa pagkain at tumayo na para ilagay ang kaniyang pinagkainan sa lababo. Sumunod na rin tumayo ang kaniyang Papa at gano’n din ang kaniyang ginawa. Matapos nilang kumain ay nag-ayos na sila ng sarili. Si Xeliyah naman ay pumasok sa kaniyang kwarto para kunin ang selpon niyang nagchacharge. Inayos niya rin ang kaniyang pananamit at buhok na nagkalat dahil sa sobrang paglilinis ng bahay. Balak sana nitong maligo ulit kaso mukhang nagmamadali ang kaniyang mga magulang.   ••••••   Habang abala sa pagpili ang kaniyang Mama ng mga bilihin ay abala din si Xeliyah sa kaniyang ginagawa at 'yon ay ang kumain ng French fries. Taga tulak ng cart ang kaniyang Papa habang siya ay palakad-lakad sa likuran nila. Wala rin naman itong natitipuhan sa loob ng SM kaya minabuti na lang niya na ‘wag na lang tumulong.   "Gusto mo bang kumain ng siomai Xel?" tanong sa kaniya ng ina habang pinapakita ang isang pakete ng siomai   "Opo." ‘yon lamang ang kaniyang tugon. Habang namimili ay ‘di nya maiwasang magtaka sa kaniyang mga magulang. Tumingin ito sa cart nila at napanganga siya dahil ‘di niya ito napansin kanina. Puno ang cart na tinutulak ng kaniyang ama at patuloy pa rin sila sa pamimili. Saan sila kumuha ng pera? Ang dami-daming binili kaya alam nito na malaki-laki rin ang babayaran. Walang pera ang mga magulang, alam niya iyon kaya bakit ang dami nilang binili? Pero naalala niya na may pinuntahan nga pala sila kanina. Kaya siguro maganda ang kanilang modo at nakapagshopping dahil nakatanggap sila ng tulong.   "Xeliyah mauna ka na sa clothing section susunod kami ng Papa mo. Pumili ka ng mga magagandang damit doon,” utos sa kaniya ng ina. Napataas naman ang kilay nito. Ngayon naman ay bibili sila ng damit? Gusto na nitong magtanong kaso bigla na lang siya iniwan ng kaniyang mga magulang. Nagtataka na ito sa mga galaw ng mga magulang at mukhang kinakabahan na rin siya pero mas pinili nito na ‘wag na iyon isipin pa. Pagkarating ng clothing section ay agad naman siyang pumili. Sa una ay ayaw nito pero mukhang seryoso ang kaniyang mga magulang. Siya lang yata ang may problema dahil kung ano-ano ang kaniyang iniisip. Dumako naman siya sa mga pantalon. Naalala nito na dalawa lang ang kaniyang pantalon na maong kaya gusto nitong dagdagan kahit dalawa lang. Pagkatapos pumili ay lumipat siya sa mga damit. Mahilig siya sa mga damit na maliliit o tinatawag na croptop. Oo, kinakapos sila sa pera pero may disente siyang mga damit at magaganda rin ang mga disenyo. Pumili siya ng tatlong croptop na kulay pink at isang maluwag na  t-shirt na kulay puti. Gusto nito ang disenyo dahil may maliit na paru-paru na kulay asul sa gitna.   "Iyan na ba lahat?" Napatalon sa gulat si Xeliyah nang biglang sumulpot sa likuran niya ang kaniyang mga magulang.   "Balak niyo ba akong patayin sa gulat!" habol hininga nitong sabi. Tumawa naman ang kaniyang Papa sa naging reaksyon nito.   "Ikaw talaga, 'yan na ba ang lahat?" tanong ulit sa kaniya ng ina. Tumango naman si Xeliyah bilang tugon na oo kahit ang totoo ay gusto pa nitong mamili.   "Ma? Saan po kayo kukuha ng pera? Masyadong marami ang binili natin ngayon,” hiya nitong tanong. Gusto nitong tanungin kapag nakauwi na sila pero ‘di nya maalis sa isip ang mga pinamili nila at ang pera na ibabayad.   "Naalala mo ‘yong sinabi namin sa’yo kanina na may pupuntahan kami ng Papa mo? Well, nakahanap kami ng tao na tutulong sa atin." Ramdam nito ang pressure sa boses ng kaniyang Mama habang sinasabi niya iyon. Para bang nagdadalawang isip itong sabihin. Gano'n din ang kaniyang Papa.   "Gano'n ba? Pero napakarami naman yata ito? Sigurado ba kayong tutulungan tayo o tutulungan tayo dahil may kapalit?" tanong nito sa mga magulang. Nagsisimula na rin itong mainis dahil mukhang 'di maganda ang ginawa nila.   "S-syempre may kapalit anak lahat namang bagay na hinihingi natin na tulong ay may kapalit. Kapag ‘di lumago ang negosyo natin at hindi sila mabayaran kukunin nila ang pwesto natin sa palengke,” kabadong sabi ng kaniyang Mama.   "Aliyah!" suway ng kaniyang ama. Pareho silang nagulat sa sigaw nito kaya lalo pang nagtaka si Xeliyah. Alam nitong nagsisinunggaling ang ina dahil sa reaksyon ng kaniyang ama.   "Ma, hindi ba sabi ko na sa inyo noon na ‘wag na kayong mangutang?" sambit nito sa ina. Gusto nitong umiyak at ibalik ang mga damit na pinili niya dahil nakokonsensya ito dahil mukhang nangutang na naman ang kaniyang mga magulang.   "Xeli anak, hindi kami nangutang ng papa mo. Tinulungan kami ng kaibigan namin,” pagpapaliwanag ng ina sa kaniya. Dumako ang mata nito sa kaniyang ama at tumango ito. Ayaw niyang magpakampante dahil ‘di pa rin ito naniniwala sa sinabi ng ina.   "Maniwala ka anak, gusto ko lang ilagay ka sa mabuting lugar. Gusto ko lang tapusin ‘tong paghihirap natin,” mangiyak-ngiyak na sabi ng kaniyang ina. Nakaramdam naman ng konsensya si Xeliyah sa kaniyang nagawa. Gusto rin nito umayos ang kanilang buhay kaya  hindi niya maiwasan ang mainis kung sakaling nangutang ulit sila dahil dadagdag na namang ang problema. Bigla nitong nilapitan ang ina saka niyakap. Ayaw niyang nakikitang umiiyak ang mga magulang nito, ayaw niyang nahihirapan kaya kahit labag man sa kalooban niya ay inintindi na lamang nito ang sitwasyon.   "Sorry na. Ayaw ko lang kase na dumagdag na naman ang problema ninyo,” sabi nito sa ina. Nakokonsensya ito dahil wala naman siyang ginagawa at ‘di rin tumutulong sa gastusin sa bahay kaya wala siyang karapatan na kwestyunin ang mga desisyon ng mga magulang. Matapos ang ilang minutong drama ay napagdesisyunan na nilang bayaran ang pinamili nilang damit saka lumabas na ng SM at umuwi. Ngayon ay magaan na ang loob ni Xeliyah at naniniwala na tanging negosyo lang ang kabayaran kapag nabigo ulit sila. Naniniwala ito na hindi gagawa ng kung anong kalokohan ang mga magulang na ikapapahamak ng kanilang anak.              
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD