Kinabukasan ay lulugo-lugo akong nagising. Magdamag akong ginambala ng mga pangyayari kahapon at dumagdag pa na sumakit ang tiyan ko. Hindi yata umayon sa pangmayamang pagkaing nakain ko roon sa pinagdalhan sa'king restaurant ni Marco.
O baka hindi lang ako natunawan dahil sa gulo ng isip ko. Hanggang ngayon nga ay parang nalalasahan ko pa ang halik ni Marco, partida naka-ilang toothbrush at mouthwash na ako simula kagabi. Tila ba tumatak na sa utak ko iyong lasa ng mga labi niya.
Kaya ngayon, umaga pa lang ay iritable na agad ako. Kulang na nga sa tulog, nanghihina pa dahil nagpabalik-balik sa banyo!
"Tita Claudia, good morning," masiglang salubong sa'kin ni Kelvin pagkababa ko ng hagdan.
Prente siyang nakaupo sa sals namin na tila ba hinihintay talaga akong bumaba.
Wala na nga ako sa mood ay siya pa ang unang bumungad sa'kin. Makita lang siya ay naaalala ko na agad iyong best friend niyang si Marco kaya lalong nasira ang umaga ko.
"Anong nakaka-good sa morning?" walang gana kong tugon sa kanya.
Nilampasan ko na siya at dumiretso na sa kusina. Pakiramdam ko ay nailabas ko na lahat ng laman ang tiyan ko kagabi kaya kumakalam na ngayon ang sikmura ko dahil sa gutom. Kailangan kong kumain upang maging malakas sa muling paghaharap namin ni Marco.
Mukhang wala namang paraan upang matakasan ko siya, kaya kailangan ko na lang paghandaan ang muli naming pagkikita.
"Umagang-umaga, Tita,ang sungit-sungit mo," komento ni Kelvin at sumunod pa talaga ito sa'kin sa kusina. "Ikaw rin, maaga kang tatanda niyan."
Hindi ko na siya pinansin at naghanap na ako nang makakain. Mag-aalas-otso na ng umaga kaya sigurado akong tapos na kumain sina Mama at Papa. Sa ganitong oras ay tiyak kong naroon na sila sa maliit naming grocery store malapit sa palengke. Nakakapanibago ngang wala ngayon dito iyong maliliit kong mga pamangkin gayong ginagawang tambayan ng mga iyon ang sala namin.
"Bakit ka ba nandito?" lukot ang mukhang tanong ko kay Kelvin nang matapos kong magsandok ng ulam at kanin ay naroon pa rin siya at ngayon ay prente nang nakaupo harap ng dining table namin.
"Ayaw mo ba sa'kin dito?" madrama niyang tanong at nagkunwari pang nasasaktan.
"Pwede ba, kung may kailangan ka ay sabihin mo na agad," nayayamot kong sabi. "Marami akong gagawin ngayong araw. Nakakaisturbo ka."
Naupo na ako sa tapat niya upang makapagsimulang kumain. Hindi na ako nag-aksaya ng panahong yayain siyang kumain dahil kung gusto niya ay pwede naman siyang kumuha ng para sa kanya.
Napansin kong titig na titig pa siya sa'kin habang sumusubo ako kaya napalitan akong huminto upang salubungin ang tingin niya.
"Gusto mong kumain?" labas sa ilong kong tanong sa kanya.
Kapag sinagot niya ako ng 'oo' ay nakahanda na iyong pabakang kong isasagot. Hindi naman kasi siya putol ang kamay niya upang pagsilbihan ako. Kung sa kanila ay may gunagawa niyon sa kanya, rito sa bahay namin ay wala siyang maid. At lalong hindi ako ang yaya niya.
"Tapos na po ako," sagot niya kaya tinuloy ko na ang pagkain. Salamat naman at dagdag hugasin ko pa kung kakain siya.
"So, anong pinunta mo rito?" tanong ko habang seryosong sumusubo. "Hindi ka naman siguro dumaan dito para lang i-check kung humihinga pa ang Tita mo, 'di ba? O baka naman na-miss mo lang ang sermon ko?"
"May hihilingin sana akong pabor, Tita," panimula niya.
Napatigil ako sa pagsubo at tinaasan siya ng kilay. Himalang hindi pinansin ang pasaring, mukhang importante talaga ang pakay sa'kin.
Unang beses din na lumapit siya sa'kin para sa isang pabor kaya medyo nakakaintriga.
"Pabor? Kelvin, alam mo namang busy ako sa trabaho," sabi ko. Kumota na ako sa pagbibigay ng pabor sa linggong ito. "At kung pera 'yan, pasensya na, ang budget ko ngayon ay saktong-sakto lang pambili ng kape at pambayad sa mga bayarin sa kuryente, tubig, internet at—"
"Hindi naman pera, Tita," kamot-ulo niyang putol sa akmang pag-isa-isa ko sa mga bayarin namin. "Tungkol sana kay Marco."
Muntik na akong mabulunan. Marco na naman?! Parang kabute talaga ang pangalang iyon, kahit wala ang may-ari ay sumusulpot sa usapan.
"Anong pabor 'yan? At siguraduhin mong hindi 'yan pabor na magpapahamak sa akin o magpapakulo ng dugo ko," masungit kong dagdag habang idinidiin ang tinidor sa pagkain.
Dapat ay diretsahan na agad ang pagtanggi ko dahil ayokong gumawa ng kahit na anong bagay na may kaugnayan sa pesteng magnanakaw ng halik na lalaking iyon
"Dahil kung kasama riyan ang pakikiharap sa best friend mong bilyonaryo o kung anumang kalokohan ni'yo, itigil mo na," matalim kong pagpapatuloy. "Mas gusto ko pang makipag-usap sa pader kaysa sa isang iyon."
Kung kagabi ay inihanda ko na ang sarili sa muli naming paghaharap ni Marco, ngayon ay medyo nag-aalangan na ako. Pakiramdam ko ay kailangan ko muna ng mahaba-habang panahon upang tuluyang maging handa. Masyado pang fresh sa isipan ko iyong naganap na halik, magdamag ba namang nag-replay iyon sa utak ko!
"Tita naman, seryoso 'to," hirit ni Kelvin habang ang mukha ay parang tuta na nanghihingi ng pagkain. "Promise po, hindi ito kalokohan." Tinaas pa niya ang kanang kamay na tila nanunumpa.
Umismid lang ako, dahil kapag galing sa isang lalaki ang gano'ng pangako na may kasamang gesture ay dapat talagang pagdudahan. Dumagdag pa na wala akong tiwala roon sa kaibigna niyang pwede nang tawaging kriminal sa sarili kong diksyunaryo dahil hindi lang files ko at lihim ang ninakaw nito kundi pati ang first kiss ko! Tapos ang hinayupak ay balak pa yata akong i-blackmail gamit ang mga impormasyong napag-alaman niya tungkol sa'kin. Kung hindi ba naman galawang kriminal iyon ay ewan ko na lang!
"Tsaka importante po 'to para sa kaibigan ko," dugtong ni Kelvin na nagpabalik sa naglalakbay kong diwa sa kasalukuyan.
Napahinto ako, at bigla ay sumagi sa isip ko na kung gusto kong makawala mula kay Marco ay kailangan kong makahanap ng bagay na maaari kong ipanglaban sa kanya. Hawak niya ang sikreto ko, kaya dapat siguro ay may malaman din akong sikreto niya. Para naman magkaroon kami ng trade-off ng mga lihim.
Isang ideya ang pumasok sa isip ko habang nakatingin sa pamangkin kong si Kelvin. Best friend siya ni Marco kaya posibleng may alam siya tungkol sa lalaki na magagamit kong pantapat sa hawak nito laban sa'kin.
Agad kong inayos ang pagkakaupo ko, ibinalik ang poise, at seryosong sinalubong ang tingin ni Kelvin.
"Dali, sabihin mo sa'kin kung anong pabor 'yan," sabi ko sa kanya.
Pinilit kong gawing casual ang boses ko, iyong tipong "napilitan lang" pero ang totoo ay handa na akong mag-imbestiga. Ayokong mapansin niya ang biglaang pagbabago ng ihip ng hangin sa utak ko. Bilang isang manunulat, alam ko na ang bawat impormasyon ay ginto—at sa pagkakataong ito, si Kelvin ang mine site ko.
"Kasi Tita..." panimula ni Kelvin, hindi mapakali sa upuan niya. "May gagawing charity auction sa Sabado. High-profile event 'yun, and most of the guests are people from Marco's circle. He... I mean, we need someone who can handle the registrations and the guest relations. Kagalang-galang ka naman tignan at napaka-professional mo... baka pwede pong ikaw na?"
Napatigil ang tinidor ko sa ere. Charity auction? Kasama ang mga "circle" ni Marco? Ibig sabihin, doon din sa event na iyon ay makikita ko ang mga business associate niya, ang kaniyang mga dating kakilala, at baka pati ang kaniyang mga kalaban sa negosyo. Ito na ang pagkakataong hinihintay ko! Kung gusto kong makahanap ng dumi laban kay Marco, doon ako dapat pumunta sa lungga niya.
Pero siyempre, kailangang panindigan ko ang papel ko bilang masungit na Tita. Hindi pwedeng magmukhang excited ako.
"Charity auction? Kelvin, alam mong mas gusto kong kausap ang laptop ko kaysa sa mga taong amoy-pera at puro pagyayabang lang ang alam," matabang kong sagot sabay inom ng tubig. "Bakit hindi na lang kumuha si Marco ng professional event coordinator? Bilyonaryo siya, 'di ba? Kayang-kaya niyang bumili ng isang buong team ng coordinators kung gusto niya."
"Busy kasi lahat, Tita," sagot ni Kelvin. "At tsaka, sabi ni Marco... ayaw niya raw ng taga-labas na baka mag-leak ng mga private details ng mga guests. Since tita kita at kaibigan ko siya, mas panatag daw ang loob niya sa 'yo," paliwanag pa niya.
Muntik na akong mapabunghalit ng tawa dahil sa asar. Malinaw sa sinabi ni Kelvin na ideya ng best friend niya ang pagkuha sa'kin dahil panatag daw ang loob nito sa'kin.
Kung alam lang ni Kelvin na ang tanging dahilan kung bakit "panatag" ang loob ni Marco ay dahil hawak nito ang leeg ko sa pamamagitan ng blackmail! Pero sige, lalaruin ko ang laro ng damuhong iyon!
"Fine. Isang gabi lang, ha? At siguraduhin mong hindi ako magmumukhang yaya roon," sabi ko, pilit na itinatago ang kislap sa mga mata ko. "Pero bago ako pumayag nang tuluyan, kailangan kong malaman kung sino-sino ang mga dadalo. Alam mo naman, kailangan kong i-prepare ang 'prim and proper' self ko. Kwentuhan mo muna ako tungkol sa event na 'yan... at tungkol na rin sa mga kasosyo ni Marco. Baka mamaya ay may mga maka-atraso ako roon nang hindi ko alam."
Sumandal si Kelvin, mukhang nakahinga nang maluwag dahil pumayag ako.
"Naku, Tita! Napakalaking tulong nito," masaya niyang bulalas. "Maraming salamat talaga! Si Marco na raw ang bahala sa gown mo at sa lahat ng kailangan mo."
"Gown? Huwag na. Mayroon ako rito sa cabinet na hindi pa nagagamit," mabilis kong pagtanggi. Ayokong magkaroon pa ng utang na loob sa lalaking iyon. "At teka, 'wag mong sasabihin sa kaniya na masyado akong nag-uusisa, ha? Professional curiosity lang ito dahil ayokong mapahiya sa harap ng mga kaibigan mo."
Mukha hindi naman nagduda ang pamangkin ko dahil nagsimula na itong magkwento.
Habang nagkukwento siya tungkol sa mga magaganap sa auction ay tahimik akong naglilista sa isip ko. Bawat pangalan, bawat detalye ng buhay ni Marco na nababanggit niya ay iniipon ko. Ang goal ko ngayon ay ang makahanap ng butas sa tila perpektong buhay ni Marco Axel Laraza.
Kung akala niya ay siya lang ang marunong mag-imbestiga at humawak ng sikreto, nagkakamali siya. Dahil si Tita Claudia, kapag nag-research, hindi lang basta plot ng nobela ang nabubuo... pati ang mga lihim ay nahuhukay.