chapter 7

1624 Words
"Wait, Tita Claudia!" tawag sa'kin ni Eliz. Napatigil ako sa paglalakad at nilingon ito. Tsaka pa lang ito naglakad palapit sa'kin habang hila-hila ang classmate na si Jella. "Bakit?" nagdududa kong tanong. Sa hitsura nilang dalawa ay mukhang may problema, at sa kamalas-malasan ay mukhang ako iyong magre-resolba dahil ako lang naman iyong matandang nandito! "Kasi po... si Jella," panimula ni Eliz, ang boses ay mahina at puno ng pakiusap. "Tumawag po kasi 'yung Daddy niya kanina. Hindi raw po makakarating. May biglaang meeting daw po sa work at hindi makakaalis." Lalong nangunot ang noo ko habang namumuo na sa isipan ko ang mabilisang pagtanggi sa anumang hihinging pabor nitong pamangkin ko at ng kaibigan niya. Masyado na akong mabait sa araw na ito upang pagbigyan lahat ng mga nangangailangan ng tulong. "Tita... please?" maagap na dugtong ni Eliz, bago pa ako makapagsalita. "Puwede po bang kayo na lang din ang mag-represent kay Jella? Para hindi siya mag-isa sa loob. Para may guardian pa rin siyang kasama." Napasulyap ako kay Jella, at naisip ko na kaya siguro gano'n ito makatingin sa'kin kanina dahil balak nitong makiusap sa'kin. "Wala bang ibang dadalo para sa kanya?" bulalas ko, ang dalawang kamay ko ay kusa nang napapunta sa aking baywang. "Alam namang PTA meeting ngayon, tapos hindi man lang naghanap ang tatay niya ng kahit na sinong pwedeng proxy! Sabi ng Mama mo ay isang buwan na itong naka-schedule. Tapos ngayon idadahilan ng tatay niya ang trabaho? Bakit, mawawala ba ang opisina nila kung liliban siya ng dalawang oras para sa anak niya?" Nauna nang umarangkada ang pagiging talakera ko at nawaglit sa isip ko na kaya ako nandito ngayon dahil trabaho rin ang dahilan ng mga magulang ng pamangkin ko. "Ang mga tatay talaga ngayon, akala nila sapat na ang magpadala ng pera at pambayad sa tuition," hindi na nagpaawat kong pagpapatuloy. "Priorities, Jella! Sabihin mo sa Tatat mo, ang priorities ay hindi lang nasa excel sheets at boardroom meetings! Ang priority ay ang mga ganitong moment na kailangan siya ng anak niya. Paano kung may mahalagang announcement? Paano kung kailangang pirmahan ang report card mo? Ano, ipapa-Lalamove niya ang pirma niya?" Pansin kong buong atensiyon na nakikinig sa'kin si Jella kaya itinuloy ko ang ang pagnenermon, hindi ko na mapigilan ang sarili ko, "Dapat ay matuto silang balansehin ang buhay," pahayag ko. "Hindi pwedeng laging 'busy.' Lahat tayo busy! Pero kapag pamilya na ang usapan, dapat ay naka-highlight 'yan sa kalendaryo. Isang malaking red circle dapat 'yan! Hindi 'yung kung kailan andito na sa pintuan ng school, doon magsasabing hindi pwede. Aba, napaka-unprofessional naman ng Tatay mo!" Napahinto lang ako nang mapansin kong nakatingala sa akin si Jella habang nakalarawan sa mukha iyong pagkamangha sa halip na maiyak o magalit sa wala sa lugar kong panenermon para sa tatay niya. Hindi ko kilala ang tatay niya at lalong hindi ko sila kaano-ano upang magbigay ako ng opinyon sa buhay nila. Nadala lang naman ako ng emosyon ko, pero hindi inaasahang ganito ang makukuha kong reaksiyon. May kakaibang kislap sa mga mata ni Jella na muli ay ikinilang ko. Sinadya kong tumikhim upang alisin ang amazement sa mukha nito. "Kung iyong Daddy may trabaho, nasaan iyong Mommy mo?" mapang-usisa kong tanong. Hindi ko alintana na nagtunog tsismosang kapitbahay na ako. "Siya iyong dapat na nandito. Huwag ni'yong sabihing busy rin sa work—" "Wala po akong Mommy," walang kurap-kurap na pahayag ni Jella na pumutol sa pagsasalita ko. Bigla akong natigilan at napalunok habang nakatitig sa mukha ng dalagita. Wala naman akong naaninag na lungkot doon, pero hindi ko pa rin mapigilang makonsensya dahil sa kawalan ko ng preno sa pagsasalita. "P-patay na ang Mommy mo?" maingat kong tanong. Nakaramdam ako ng awa rito, hindi ko ma-imagine kung isa sa mga pamangkin ko ang mawalan ng nanay. Sa tanda ko ngang ito ay kailangan ko pa ang pag-aaruga ng isang ina, paano na lang kaya itong si Jella? "Hindi po," natatawa niyang sagot na agad na nagpagaan sa bumigat kong loob. "Hiwalay na po sila ng Daddy ko simula no'ng baby pa ako kaya mag-isa po akong pinalaki ni Daddy." Mabuti na lang pala at buhay pa. Gano'n pa man ay hindi pa rin nabawasan ang awang nararamdaman ko para kay Jella. Nakaramdam din ako ng simpatiya sa ama nito dahil mag-isa nitong naitaguyod ang anak at mukhang maayos naman ang pagpapalaki nito rito kay Jella. Medyo naiintindihan ko na ang pagiging busy ng Daddy nito. Napabuga ako ng hangin bago muling kinausap ang dalawa, "Anong gagawin natin ngayon?" tanong ko. "Sabi ng Mama ni Eliz ay iyong mga malapit na kamag-anak lang at appointed guardian ang pinapayagang dumalo." May attendance ang magaganap na meeting kung saan pipirma ang mga dadalo. Hindi ako pwedeng pumirma bilang guardian ni Jella dahil hindi naman kami magkaano-ano. May profile ang paaralan tungkol sa pamilya ng mga estudyante nila at alam nilang hindi magkamag-anak itong pamangkin ko at si Jella. Hindi kami pwedeng magsinungaling sa part na iyon. "May naisip na po akong ideya, Tita," pukaw ni Jella sa pag-iisip ko kaya napabaling ang atensiyon ko rito. Nagpalitan pa sila ng tingin ni Eliz bago muling bumalik sa'kin ang atensiyon nito. Tahimik ko namang hinintay kung ano ang naisip nitong ideya at bakit parang may pagdadalawang-isip akong nahagip sa ekspresyon ng pamangkin ko. "Pwede ko pong sabihin na girlfriend kayo ng Daddy ko," tila siguradong-siguradong pahayag ni Jella. Muntik pa akong nasamid dahil sa narinig. Napamulagat akong napatitig sa seryosong ekspresyon ni Jella. "Girlfriend?!" halos pabulong kong sigaw, pero sapat na para mapatalon si Eliz sa gulat. "Jella, anong klaseng nobela ba ang binabasa mo at naisipan mong gawin akong instant girlfriend ng Daddy mo? Alam mo bang pwedeng ma-expel kayong dalawa ni Eliz— at ako naman ay makasuhan ng falsification of documents —dahil sa pagsisinungaling sa pagpirma sa attendance?" Sa gulat ko ay kung anu-ano na lang ang lumabas sa bibig ko na nag-by-pass sa utak ko. Hindi ko na nga alam kung tama ba ang mga pinagsasabi ko o itong si Jella ang may malalang tama dahil sa naisip na ideya. "Tita, malabo pong mauuwi tayo sa korte," katuwiran ni Eliz habang pilit na tinatago ang naglalarong ngiti sa mga labi. "Isipin ni'yo na lang po, character role-play lang ito. Wala pong ibang makakaalam." Wala raw, pero malalaman naman no'ng teacher at tiyak ng ibang mga magulang na dadalo sa PTA meeting. "Magsisinungaling tayo?" salubong ang kilay kong usal. Ako dapat iyong magtuturo sa kanila na huwag magsinungaling, hindi iyong magiging kakutsaba pa nila ako. Sunud-sunod ang mabilis na pagtango ni Jella habang hindi hinihiwalay ang titig sa'kin. "Ngayon lang naman po," inosente pa nitong wika. "Iyon lang ang naisip ko na paniniwalaan at matatanggap ng teacher namin." "Paano ang Daddy mo?" hindi komportable kong tanong. Walang kamalay-malay iyong tao na bigla nagkaroon na ito girlfriend na dumalo sa PTa meeting ng sariling anak. Parang gusto kong matawa sa naisip na ito ni Jella. Ayos din ang batang ito, galing mag-isip, pang-nobela iyong atake. "Hindi po iyon magagalit, at hindi rin naman niya kayo kilala," tila siguradong-sigurado na sagot ni Jella. "Kung sakaling malaman niya ang tungkol dito ay baka pasalamatan pa kayo ni Dad kasi sinalo ni'yo ang responsibilidad niya. Please, Tita Claudia? Just for today? Para lang po may pirma ang attendance sheet ko at hindi ako mapag-initan ng teacher namin na laging naghahanap ng guardian." At nakiki-Tita Claudia na nga ito na para bang legit ko siyang pamangkin o kaya ay future stepdaughter. Napahilot ako sa sentido ko habang pinag-iisapan ang dapat na gawin. Mga ganitong plot twist ng totoong buhay ang isa sa mga dahilan kung bakit ayokong lumabas ng bahay, eh. "Tita, sige na po," panggagatong pa ni Eliz. "Bagay naman po kayo ni Tito, base sa description ni Jella. Gwapo at classy raw po ang Daddy niya, at kayo naman... well, classy rin naman po kayo basta hindi kayo nakahawak ng tsinelas." "Isa ka pa, Eliz!" nandidilat kong baling sa pamangkin ko, pero naramdaman ko na ang pagrupok ng pagmamatigas ko. Huminga ako nang malalim. Tumingin ako sa paligid... sa mga magulang na masayang nagkukuwentuhan at sa mga estudyanteng kasama ang kani-kanilang mga guardian. Ang hirap tumanggi sa bata, lalo na kung ang kapalit ay ang kaniyang kaligayahan at kumpyansang haharap sa ibang tao na kukwestiyunin ang kawalan niya ng guardian. "Fine! Ngayon lang ito, ha?" pagsuko ko na naging sanhi ng sabay na pagtili ng dalawa dahil sa tuwa. "Pero tandaan ni'yo, kapag tinanong ako ng teacher niyo, 'partner' lang ang sasabihin ko. Ayokong gamitin ang salitang 'girlfriend,' masyadong pabebe pakinggan sa edad kong ito!" "Yes! Thank you, Tita-Mommy!" biro ni Jella sabay yakap sa akin. "Hoy, anong Tita-Mommy?!" naeeskandalo kong bulalas. "Tita Claudia lang!" pagtatama ko rito, pero hindi rin mapigilang mapangiti lalo na at nakakahawa ang sayang nakikita ko sa mukha nito. "Sige po... Tita Clau," malaki ang pagkakangiti nitong wika. Ewan ko ba pero parang ang gaan bigla ng loob ko para sa batang ito. Kung kanina ay naiilang pa ako sa titig nito, ngayon ay mas naging malinaw sa'kin iyong maliit na kislap ng pangungulila sa mga mata nito... mukhang para iyon sa pag-aalaga ng isang ina na hindi nito naranasan. "Pero, Tita Clau, dapat po ay girlfriend iyong sasabihin natin," maya-maya ay giit ni Jella. "Kasi po,'pag partner ay baka isipin ni teacher na live-in na kayo ng Daddy ko." Napaisip ako bigla at napagtantong may punto rin naman ito. "Sige na, girlfriend na kung girlfriend," pabuntonghininga kong pagpayag. Ilang oras ko lang namang gampanan ang papel na iyon kaya titiisin ko na lang. Pagkatapos ng meeting na ito ay tapos na rin ang gawa-gawang koneksiyon ni Jella sa amin ng Daddy niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD