Pagkarating namin sa auditorium kung saan gaganapin ang PTA meeting ng buong batch ng pamangkin kong si Eliz at classmate nitong si Jella, na biglaan kong naging 'future stepdaughter', ay tuluyan nang nawaglit sa isip ko ang tungkol kay Marco at sa problemang hatid nito sa peace of mind ko. Itinuon ko ang buong atensiyon at talento sa bago kong papel bilang girlfriend ng daddy nitong dalagitang kakakilala ko pa lang.
Sana nga lang maliban sa pagsusulat ng mga nobela ay may talento rin ako sa pag-arte.
Huminto ako sa harap ng registration table habang nasa likuran ko naman ang dalawang dalagita. Isang babaeng nasa early 30s ang nakaupo sa likuran ng mesa. Dahil observant ako ay una kong napansin ang maayos na pagkaka-plantsa ng uniporme nito at ang suot na ID. Maganda naman ito, pero mas maganda pa rin ako.
Ako ang bida sa sarili kong kwento kaya walang dapat na kumontra.
Pagkakita sa'kin ng babae ay nakangiti itong nagpakilala bilang si Ms. Arcenas. Napagtanto kong ito iyong homeroom teacher ng pamangkin ko at ni Jella.
Si Eliz iyong naghanap ng attendance sheet niya at iyong teacher naman ang nag-abot sa'kin ng ballpen.
"Guardian for Eliz?" tanong ni Ms. Arcenas habang hindi naaalis ang matamis na pagkakangiti.
"Yes, Tita Claudia niya ako," maikli kong sagot sabay pirma roon sa attendance.
Pero nang ilapit ni Jella ang kaniyang attendance sheet sa'kin, ay hindi nakaligtas sa paningin ko ang biglang pagbabago ng timpla ng mukha ni Ms. Arcenas. Nawala ang matamis nitong ngiti at napalitan ng isang mapanuring tingin na tila ba tinitimbang ang bawat hibla ng suot kong high-neck blouse.
Hinintay kong may sasabihin ito pero nagbawi ito ng tingin at binaling ang atensiyon kay Jella. Pinilit pa nitong ngumiti nang matamis sa bata.
"Jella, dear... where's your Dad?" malambing ang boses ni Ms. Arcenas habang nagtatanong, pero hindi pa rin maikakaila ang himig ng panghihinayang doon. "I thought he'd be the one attending today. He told me last time how much he values these meetings."
Pinilit kong huwag ngumiwi habang nakikinig. Ang arte kasi nito magsalita, tapos parang gustong ipangalandakan na nakakausap nito ang ama ni Jella.
"He's busy po, Teacher," sagot ni Jella, habang pasimple akong sinisiko. "But don't worry, my Dad's girlfriend is here to represent him."
Literal na na-freeze ang ekspresyon sa mukha ni Ms. Arcenas na para bang biglang tumigil ang pag-ikot ng mundo sa loob ng auditorium. Pero iglap lang ay tumuon sa'kin ang matalas nitong titig. Marahan pang pumasada ang mga mata nito mula sa dulo ng sapatos ko hanggang sa pagkaka-pusod ng buhok ko na tila ba hinahanapan ng mali ang buo kong pagkatao.
"Girlfriend?" pag-uulit ni Ms. Arcenas.
Naging matigas ang boses nito, iyong tipong bawat pantig ay parang yelong tumutusok sa balat. Kapansin-pansin din ang biglang pagbabago ng ihip ng hangin. Kung kay Jella ay parang may kasamang background music ng mga anghel at punung-puno ng tamis ang ngiti nito, pagdating sa akin ay parang gusto na nito akong bugahan ng apoy at gawing barbeque on the spot.
Matapang kong sinalubong ang tingin ni Ms. Arcenas. Apprentice pa lang ito sa pagiging dragon habang ako ay graduate na sa School of Fire-Breathing Queens at may PhD pa sa Handling Toxic People.
'Opo, Ma'am. G-I-R-L-F-R-I-E-N-D. May spelling bee po ba tayo ngayon?' bulong ng isip ko, pero siyempre hindi ko pwedeng isaboses iyon dahil lalabas ang pagiging palengkera ko.
Nang muli akong magsalita ay ang mas "refined" na bersyon ng katarayan ko ang lumabas sa'king bibig. "Bakit po, Ma'am? May problema ba sa pagiging girlfriend ko?" nskataas ang isang kilay kong tanong. Hindi ako nagpapatinag kahit pakiramdam ko ay sinusukatan na niya ako ng magiging kabaong ko gamit ang kaniyang mga mata.
Inayos ko ang tayo ko, tinitiyak na bawat anggulo ko ay nagsasabing 'I am here to stay'. Kung akala ng babaeng ay mapapaatras niya ako sa isang matalim na tingin, nagkakamali siya. Sanay ako sa mga komplikadong plot twist, at ang isang tulad niya ay hamak na minor character lang sa kwento ng pag-iibigan namin ng Daddy ni Jella— o kung sino man itong ipinaglalaban ko ngayon.
"That's strange," usal ni Ms. Arcenas sa halip na direktang sagutin ang tanong ko. "I've been Jella's teacher for a while now, and Mr. Amorio—I mean, Jella's father— never mentioned having a... girlfriend. We talk quite often, you see, about Jella's 'academic progress'."
Naturingan akong girlfriend kuno pero kung hindi binanggit nitong teacher ay hindi ko malalaman ang apelyido ni Jella at ng ama nito. Ni hindi ko nga alam kung ano ang first name ng boyfriend ko kuno. Gano'n pa man ay bahagya akong napaisip pagkarinig ng Amorio. Pamilyar ang apelyidong iyon, pero isinantabi ko muna iyon dahil mas mahalaga ang 'academic progress' ng katarayan ko habang kaharap itong si Ms. Arcenas. Halata sa kislap ng mata nito na hindi lang grades ni Jella ang gusto nitong pag-usapan kasama ang Daddy ng dalagita.
"Well, Ms. Arcenaz, right?" panimula ko, isinuot ko ang aking pinaka-eleganteng ngiti—iyong ngiting plastik pero kagalang-galang. "We prefer to keep our relationship private. Hindi naman kasi lahat ng bagay ay kailangang i-anunsyo sa buong paaralan, lalo na kung ang focus naman ng Daddy ni Jella ay ang kaniyang trabaho... at ako."
Kahit hindi ako totoong girlfriend ay nakaramdam ako ng gigil sa dulo ng aking mga daliri, dahil sa tono ng kaharap na teacher. Matalas ang pang-amoy ko sa mga katulad niya.
"I see," sagot ni Ms. Arcenas, sabay pilit na tawa na tunog basag na baso. "It's just that... Mr. Amorio is a very particular man. He's very choosy with the people he lets into Jella's life. Are you sure you're the... official one? Akala ko kasi no'ng una ay... relative lang kayo."
"Excuse me?" Hinarap ko siya nang buong-buo. "I didn't realize that signing an attendance sheet required a background check on my romantic life. But since you're so curious, yes, I am the official one. And believe me, he's very 'particular' indeed—lalo na sa mga taong masyadong maraming tanong na labas na sa lesson plan."
Ang bilis uminit ng ulo ko sa babaeng ito. Para kasing pinapalabas nito na hindi ako mukhang girlfriend material!
Nagtagisan kami ng tingin, kapwa ayaw magpadehado habang kapansin-pansin na iyong tensiyon sa paligid. Kung nakamamatay lang ang titig, kanina pa kami nakabulagta rito. Halatang nanggigigil ito dahil mukhang nabasag ko ang pangarap nitong maging 'Step-Teacher-Mommy' ni Jella.
"Tita, sign na po kayo," bulong ni Eliz, tila natatakot na baka maglabas na ako ng tsinelas sa gitna ng auditorium.
Ito na rin ang nag-abot sa'kin no'ng attendance sheet ni Jella.
Kinuha ko ang ballpen habang hindi hinihiwalay ang matigas na tingin sa nakakainis na teacher. Pumirma ako sa tapat ng pangalan ng Daddy ni Jella. Sinadya kong mas malaki at mas bongga ang pirma ko rito kaysa kanina sa attendance ng pamangkin ko.
"There," sabi ko sabay lapag ng ballpen sa mesa nang may tunog— iyong sadyang malakas para ramdam ng kaharap ko iyong gigil ko. "If you have any more doubts, Ms. Arcenas, feel free to call him. I'm sure he'd love to explain to you why I'm the one wearing his ring— sa puso man o sa daliri."
Iniwan ko si Ms. Arcenas na nakatulala at hindi maipinta ang mukha, iyong mukhang nakakain ng ampalaya na hindi nahugasan. Nagpatiuna na akong maglakad patungo sa upuan sa harap, taas-noo, at puno ng kumpyansa. Naramdaman ko naman ang pagsunod sa akin ng dalawang dalagita na tila ba mga loyal subjects ng isang reyna na kapapasok lang sa palasyo.
Pero deep inside ay gusto ko nang mag-teleport sa kabilang dimension. Hindi ko kasi alam kung saan nanggaling iyong binanggit kong singsing. Girlfriend lang iyong usapan namin ng anak no'ng lalaki tapos may pa-singsing pa akong nalalaman!
Ang totoo niyan, ang tanging "singsing" na suot ko ngayon ay ang marka ng ballpen sa daliri ko dahil sa kakatrabaho sa mga nobela ko. Pero kailangang panindigan ang script! Isang malaking BLUFF ang lahat, pero sa galing kong um-acting kahit ako ay muntik nang maniwala sa sarili kong kasinungalingan.
Lihim pa tuloy akong napadasal na sana ay huwag nitong tawagan ang Daddy ni Jella! At kung sakaling tawagan man nito ay sana ang sumagot ay wrong number o kaya ay 'The subscriber cannot be reached'.
Umupo ako nang may poise, pero ang utak ko ay parang sirang plaka na paulit-ulit na sinesermunan ang sarili dahil sa nasabi lalo na at wala akong suot na singsing! Napatingin tuloy ako sa hubad kong mga daliri at pasimpleng itinago ang mga ito sa ilalim ng aking designer bag.
"Tita, ang tapang ni'yo po!" bulong ni Jella na kumuha sa atensiyon ko.
Nang lingunin ko ito ay bakas sa mukha nito ang pagkamangha. Sa sobrang effective ng acting ko ay mukhang na-convince ko ang isang batang 14 years old, kaya siguradong tiklop din ang 'Step-Teacher- Mommy- Wannabe' na 'yun.
"Ayoko sa lahat ay iyong kinukuwestiyon ang papel ko," paingos kong sagot habang umayos sa pagkakaupo. Lumakas iyong kumpyansa ko sa sarili. "Kahit fake lang 'to, paninindigan ko. Walang teacher-teacher sa akin kapag ang pagiging 'girlfriend material' ko na ang kinukwestiyon!"
Inayos ko ang suot kong salamin at nag-crossed legs pa ako para mas lalong magmukhang donya. Akala siguro ni Ms. Arcenas ay uurungan ko siya. Sa rami ng mga forbidden romance at fake relationship na naisulat ko bilang Midnight Mist, sisiw na sa akin ang ganitong eksena. Ang kailangan ko lang ay panindigan ang karakter hanggang sa matapos ang meeting na 'to.
Naputol ang paglalakbay ng diwa ko nang biglang namatay ang mga ilaw sa loob ng auditorium at tanging ang spotlight sa stage na lang ang natira. Bigla akong napahawak sa bag ko— akala ko ay may surprise concert o kaya naman ay may biglang lulutang na white lady sa gitna ng stage. Tumahimik ang paligid habang ang principal ay tumayo sa tapat ng mikropono, ang awra niya ay parang mag-aanunsyo ng Hunger Games.
First time kong um-attend ng PTA meeting kaya wala akong ideya na ganito pala ka-dramatic ang intro rito. Akala ko ay pirmahan lang ng attendance at singilan ng mga bayarin ang magaganap, pero bakit parang pang-Oscars ang production value?
"Good afternoon, parents," panimula ng principal, ang boses ay seryosong-seryoso.
Napalunok ako. Lumingon ako sa paligid at nakita ang ibang mga magulang na seryoso ring nakikinig, ang ilan ay tumatango-tango pa na parang mga loyal subjects na naghihintay ng utos ng hari. Samantalang ako, heto, mukhang ligaw na bata na naghahanap ng exit sign.
Pinakalma ko ang sarili dahil tiyak na tungkol naman sa pondo ng school ang pag-uusapan at hindi tungkol sa mga 'wild' na imahinasyon ng isang Midnight Mist.
Muli akong umayos sa pagkakaupo at sinusubukang magmukhang kagalang-galang na guardian. Pero sa totoo lang, ang utak ko ay nagsisimula nang bumuo ng eksena. Iniisip ko kung ano ang mangyayari kung biglang may bubukas na pinto at papasok iyong pantasya ng mga kababaihan at tatayo sa gitna ng spotlight?
Parang tuksong biglang lumitaw sa isip ko ang gwapong mukha ni Marco at simpatiko nitong ngiti. Ito talaga ang perfect example ng lalaking pwedeng pagpantasyahan.
Pero, teka! Wait! Bakit si Marco? Paano siyang napasok sa imahenasyon ko?
Mabilis kong iwinaksi ang isiping iyon.
Kailangan kong mag-focus sa meeting, para may maisagot ako sa kapatid ko kung magtatanong siya mamaya tungkol sa napag-usapan!