MALAPIT nang mag-alas sais ng gabi pero maliwanag pa rin ang kalangitan at ang mga tuyong dahon ay nililipad ng hangin. Hindi namalayan ni Catalina na lumandas na ang ilang butil ng kaniyang luha. Hindi niya maiwasan na alalahanin ang masasayang araw nila ni Tiya Delly. Kapag ganitong oras ay tiyak maririnig mo sa bawat sulok ng bahay ang pagrorosaryo ng Ginang, miss na miss niya na ang yumaong tiyahin. Nagpaalam siya sa puntod nito dahil baka hindi niya mapigilan ang sarili at masabi niya rito ang pinaplano niya at tiyak niyang hindi papayag ang tiyahin. Kahit na alam niyang hindi na siya nito mapapagalitan ngunit batid niyang kung nabubuhay lamang ito ay tiyak na iiyak sa harap niya si Tiya Delly. Sa pagbalik niya ay saka niya aaminin ang lahat ng mga kasalanan at magiging kasalanan pa

