Nagbabalak ng magpakaabala si Keith sa kinauupuan niya nang magsitabi sa kaniya sina Jasmine at Daphne na ilang sandali ay sinundan naman ni Kevin na abot-tenga ang ngiti.
"Grabe, pare! Anong mga pakana ‘yun, ha? Kailan ka pa natutong bumanat ng mga ganoon?" pang-aasar ni Kevin pagkapasok sa classroom.
"Baliw,” gagad niya dito.
"At kelan ka pa naging Mr. Knight-in-Shining Armor?” parunggit pa ni Jasmine.
"Magsitigil nga kayo diyan," asik niya sa mga ito.
"Pero anong dahilan at naisipan mong gawin iyon?" singit naman ni Daphne na nakapaskil ang inosenteng ngiti. Kumpara sa pinsan niya at kay Kevin, mas genuine magtanong si Daphne. Gayunman, wala siyang balak sagutin ang tanong nito kaya umubub na lang siya sa mesa.
“KJ naman nito. Para tinatanong lang,” pangungulit ni Kevin. Kahit hindi niya nakikita ang mukha ng kaibigan ay alam niyang napakalawak na naman ng ngisi nito.
“Kaya nga ga,” sulsol naman ni Jasmine. “Napaisip lang kami kung bakit bigla ay,” tumigil ito bago tumikhim-tikhim. “Oh it’s just a handkerchief,” pagpapatuloy ni Jasmine na pilit ginagaya ang tinig ni Keith kanina. Napaumis si Daphne habang sinenyasan naman ni Kevin na magpatuloy ito.
“May pagawaan ka ba ng panyo, pare?” panunukso ni Kevin.
“Uhuh. Hindi lang iyon,” nangingiting saad ni Jasmine bago lumapit kay Keith at may pang-aasar na nagpatuloy. “And it’s Keith. Do—araayyy!” Hindi na natuloy nito ang sasabihin dahil bigla na lang tumunghay si Keith at hinuli ang ilong ng pinsan.
“Ayaw mo akong tantanan?” nanghahamong saad ni Keith habang pisil ang ilong ni Jasmine. Sinapak nito ang kamay niya kaya binitiwan niya ito.
“Walang hiya ka, Eugene Keith!” singhal ni Jasmine habang hawak ang namumulang ilong.
“Labasi pa ang kulit.”
Sinamaan ng tingin ni Jasmine ang pinsang lalaki. Pisil pa rin ang namumulang ilong. “Tsee. Grabe ang sakit ha!”
"Kulit ninyo kasi."
“Bakit ako lang?” Nilingon ni Jasmine si Kevin na bumalik na sa upuan. Si Daphne naman ay nakangiti lang na pinapanood sila. Halatang siyang-siya itong panoorin silang mag-asarang dalawa.
“Dahil ikaw ang malapit.”
Pinandilatan ito ni Jasmine at padabog na naglakad pabalik sa kaniyang upuan. “Diyan ka na nga!”
“Asar talo!”
“Hoy! Excuse me! Hindi ako asar-talo!”
“See it,” kibit-balikat na saad ni Keith. Sumandal siya sa upuan at itinaas ang dalawang kamay sa likod ng ulo. Hindi niya maiwasang hindi balikan ang nangyari kanina. Mabuti na lang pala at hindi sila umalis ng building para magmeryenda. Kitang-kita niya nang dumating si Arielle kasama ang isang babae sa room hanggang sa parte na kulang na lang ay makipagbugbugan ito kina Nico at Katrina. Nakita niya rin nang umiyak ito. Gustuhin man niyang lapitan ito ay hindi rin siya sigurado sa dapat gawin at sasabihin.
Ngunit nang magkaroon naman siya nang pagkakataon, abot-abot ang pang-aasar na nakuha niya sa mga kaibigan.
“Mukhang malalim na ang iniisip mo, ah?” komento ni Daphne dahilan para mapalis ang ngiti niya.
“Sino ng laman niyan?” singit ni Kevin.
“Neknek mo!”
Natawa lang siya. Akmang babanat na naman ng biro niya si Jasmine nang pumasok sa silid sina Katrina at Nico. Pagpasok pa lang ng huli ay matatalim na ang tinging ipinupukol sa kaniya. Inaasahan niya nang hindi ikakatuwa nito ang ginawa niya kanina pero mas hindi niya ikakatuwa ang magkita ng babaing nasasaktan habang siya ay pinapanood iyon na nangyayari.
Tumaas ang baba ni Nico na tila nanghahamon pero dahil wala siya sa mood para patulan pa ito, binigyan niya lang ito ng ngisi. Darating din ang oras nilang dalawa. Hindi pa lang ngayon…
IYAK NANG IYAK ang mommy ni Arielle nang datnan niya ito sa loob ng hospital room. Nakatitig ito sa nahihimbing na si Margaret. "My..."
"Hayy, Diyos ko! Buti at dumating ka," salubong sa kaniya ng ina
"Ano pong nangyari? Kumusta po si Marj?" hindi mapakaling tanong niya.
Hindi kaagad sumagot ang kaniyang ina kaya humila siya ng isa pang upuan upang maupo sa harap nito na katabi ng hospital bed. Kagyat namang inabot ng ina ang mga kamay ni Arielle at marahang ginanap. "M-marj, tried to kill herself. Sandali lang kaming nawala at nang bumalik kami… Oh God…” Umiling-iling ang kaniyang ina na tila ba hindi na nito gusto pang balikan ang nasaksihan kanina.
"Oh Lord, but why? Paano?” wala sa loob na tanong niya bago sinulyapan ang nahihimbing na kapatid. Bumaba ang tingin niya sa pulsuhan nito na may makapal na benda.Wala pa iyon nang umalis siya kaninang umaga.
“Iniwan namin siyang nagtatalop ng apple kanina. Ganado pa siya kanina na kumain. Nagbabalak pa siyang kainin ang dalang fruit cake ng daddy mo. Pero pagdating namin ay nagkalat na ang cake habang siya…” Tumigil ang ina niya sa pagsasalita kasabay nang mariing pagpikit ng mga mata. “Oh God…”
“Mommy…” usal niya habang hindi mapigilan ang pag-agos ng luha sa mga mata. Hindi niya maunawaan kung bakit kailangang gawin ni Margaret iyon.
"Arielle, baby…" Naramdaman niya ang mabining paghaplos ng ina sa ulo.
"Kumusta daw po siya? Anong sabi ng mga doctor?”
“Malaking bagay na nabalikan kaagad siya or else naubusan na siya ng dugo. Naagapan ng doctor ang sugat na ginawa niya pero mahigpit nilang ina-advise na hindi na siya maiwanang mag-isa, lalo ngayon. Or worst…” Mariing kinagat ng mommy niya ang pang-ibabang labi. “I don’t know, honey… I don’t want to know…”
May intak na sa dibdib niya na makita na ganoon ang kapatid niya ngunit ang makita ang ina na tila bibigay anumang oras ay mas nagpapahina sa kaniya. Tila gusto niyang pagsisihan at sampal lang ang naibigay niya kina Katrina at Nico.
“Nakausap ninyo na po ba si Marj?” tanong niya. Nagi-guilty pa rin siya at hindi niya magawang sabihin sa ina ang tungkol kay Nico. Dahil sa nangyari ay gusto niya nang sabihin sa ina pero paano si Marj? Anong gagawin niya kapag nalaman ng mommy at daddy nila? Baka makadagdag lang sa stress nito kapag nalaman ng mga magulang nila ang lahat.
“Sorry lang ang sinabi niya.”
Nakagat niya ang pang-ibabang labi upang pigilin ang hikbing tila kanina pa gusting kumawala sa lalamunan niya.
"Anak…” Humigpit ang pagkakahawak ng ina sa kamay niya. “Magkapatid kayo, magkaibigan... Please, kausapin mo siya at baka sa'yo makinig siya... Baka this time, sabihin niya sa’yo kung anong problema…"
Sinalubong niya ang nag-aalalang tingin ng ina bago tumango. “Yes, my. I’ll try my best to talk to her.”
And hopefully, makinig si Margaret.
*****
"PWEDE ko bang malaman kung bakit mo ginawa ‘yun, Marj?" mahinahong tanong ni Arielle sa kapatid.
"Ewan ko rin ba kung bakit," simpleng tugon ni Margaret. Nilaro-laro nito ang hiniwa niyang mansanas sa platito.
Ilang oras ng gising si Margaret at ngayon ay pilit kinakausap ito ni Arielle tungkol sa ginawa nito kanina pero para bang wala lang rito ang ginawa kanina.
“Nauunawaan ko kung hindi ka pa handang pag-usapan, pero kung dahil pa rin ito ni Nic—“
“Mahal ko pa rin siya,” putol ni Margaret sa mga sasabihin niya dahilan para mapaawang ng bahagya ang mga labi niya. Binitawan nito ang hawak na tinidor na may mansanas at sumandal sa hospital bed. “Ipokrita ako kung sasabihin kong hindi ko na siya mahal, mahal na mahal ko siya. Siya ang unang lalaking minahal ko, Kimmy. But I had enough. Noong magising ako dito, isa lang ang nasa isip ko… I have to start again… Kung paano? Bahala na pero magsisimula muli ako.” Humugot nang malalim na buntonghininga ito.
“Marj…”
“Gusto ko siyang kalimutan pero hindi madali. Gusto ko siyang alisin sa sistema ko pero para siyang droga na ikababaliw ko kung hindi ako matuturukan…”
Naupo si Arielle sa gilid ng hospital bed at hinuli ang dalawang kamay ng kapatid.
“Madalas niya akong bigyan ng fruit cake dati, Kimmy. Parehas naming paborito iyon.”
Dahil sa sinabi ng kapatid ay naunawaan niya na kung bakit ginawa nito ang bagay na iyon. Gusto nitong takasan ang sakit at ang nasa isip niya ay ang mawala kasama ng sakit na iyon. “Nauunawaan kong hindi madali ang lahat, Marj. Ngunit ‘wag mo sanang kalimutan na nandito lang ako, kami nina mommy at daddy. Hindi ka nag-iisa sa labang ito.”
Tiningala siya ni Marj at mapait na nginitian. “Alam kong hindi ninyo ako papabayaan. Alam ko iyon, Kimmy… Kailanman ay hindi ka nagkulang ng paalala sa akin noon. Pero sina mommy at daddy…”
“Magkasama nating ipapaliwanag sa kanila ang lahat,” pangako niya dito.
Ilang sandaling tinitigan siya ni Marj. “Hindi ka ba galit sa akin, Kimmy?”
Bahagyang nagsalubong ang kilay niya. “At bakit naman ako magagalit?”
"Dahil ang baliw ko. Nagpaloko ako sa kanya tapos idinadamay ko pa kayo, ikaw sa mga nangyayari."
Pinilit niyang ngumiti. "Pamilya ka namin. You're part of us, kaya wag kang mag-isip ng kung anu-anong bagay. Nandito lang kami, ako. Hindi mo kailangang solohin ang sakit."
“Ginawa ko ang gulo na ito kaya dapat ay ako rin dapat ang tumapos nito.”
“Marj… Kasama mo ako mula pa lang sa simula, kasama mo pa rin ako hanggang sa huli…”
Ilang sandaling katahimikan ang mga namayani sa pagitan nila. Nakatitig sila sa isa’t isa. Nang tila hindi na nakatiis si Arielle ay siya na ang kusang bumasag ng katahimikan. “Nangako tayo noon na palagi tayong magkasama. Nangako tayo na hanggang pagtanda, magkasama tayo. Kasama mo ako noong nagsisimula pa lang kayo ni Nico at kasama mo pa rin ako hanggang kung saan ka makarating,” masuyo niyang pahayag sa kapatid, umaasa na maunawaan nitong hindi siya nag-iisa. “At kung hanggang dito na lang kayo, kasama mo pa rin ako.”
"Kimmy…"
Napangiti siya sa naging tawag nito. "Bakit?"
“Can I have a hug?”
“Geez you! Of course!” she blurted and immediately gave her a big hug.
“Thank you, ate…” bulong ni Margaret habang gumaganti ng yakap.
“No worries…”
Mariing ipinikit ni Margaret ang mga mata. Ninanamnam ang bawat sandaling iyon na yakap si Arielle. “Lagi mong tatandaan, mahal na mahal kita… Kayo nina mommy and daddy, mahal na mahal ko kayo," bulong ni Margaret sa kapatid.
“And so we do,” she heard Arielle whisper at the top of her head. “So please, take care of yourself.”
Tumango-tango si Margaret habang yakap pa rin si Arielle, ang babaing kung tutuusin ay hindi siya kailangang kilalanin bilang kapatid. Naging kabit ang nanay niya pero sa kabila ng katotohanang anak siya ng isang kabit. Hindi man lang nito iyon ipinaramdam sa kaniya. Hindi nito ipinaramdam na iba siya. "Pangako, hindi na ako gagawa ng bagay na alam kong makakasakit sa akin, na alam kong malulungkot lang ako o pagsisisihan ko lang sa bandang huli. At sana kung anumang maging desisyon ko... Gusto ko sanang maging masaya kayo para sa akin, ate."
Yakap pa rin itong tumango-tango siya. “Kahit anong gusto mo, pipilitin naming suportahan.”
Bumitaw si Margaret sa kapatid. “Alam ko iyon. Lagi mo naman akong sinusuportahan. Basta, lagi mong tatandaan na kapag may umalis laging may darating… Baka nga mahigitan pa niya kung anong kayang ibigay ng nang-iwan sa yo."
Bahagyang napaisip si Arielle sa sinabi ng kapatid pero dahil tiwala siyang hindi na ito gagawa ng ikakasakit nito, buo ang tiwala niyang wala na itong gagawing masama. "Ikaw nga ang dapat laging nagtatanda niyan hindi ako. Kahit na naghiwalay kayo ni Nico, naniniwala akong may darating na tamang lalaki para sa'yo..."
Hindi tumugon si Margaret at sa halip ay ngumiti lang ito.
*****