Ginagamot ko ang sariling sugat ko. Nagamot na naman iyon kanina pero kailangan kong palitan ng gasa ang mga iyon. Mahirap na kung maiimpeksyon pa.
“Wala na ngang sapat na pera ay may inuwi ka pang perwisyo rito sa bahay ko! Saan ka kukuha ng pambili ng gamot para sa mga sugat mo, Haze?!” sigaw sa akin ni Theodore nang malaman niya sa mga sundalong naghatid sa akin sa bahay ang nangyari.
Hindi ako nagsalita kaagad at nilinis na muna ang mga sugat ko. Huminga ako nang malalim bago tumingin sa nanggagalaiting si Theodore.
“Hindi na naman kailangan. Malayo naman sa bituka ang mga sugat na natamo ko,” sagot ko sa kanyang upang matahimik na siya.
“At paano ang mga nabaling buto sa ‘yo? Saan ka kukuha ng panggamot diyan? Sabihin pa ay pinababayaan ka kapag nalaman na hindi ka pinagamot!” Napakamot siya sa kanyang buhok at nagmumurang lumabas ng bahay.
Wala namang manunumbat sa kanya. Wala namang may pakealam sa ‘king kalagayan kaya’t ayos lamang kung hindi niya ako ipagamot.
Naalala ko noong nakita ng mga Asgardian ang nangyari sa akin. Ang iba’y parang ako pa ang sinisisi na nangyari ang lahat kahit na naroroon lamang naman ako upang tulungan sina Rayne. Maganda man ang intesyon ko bakit ako napadpad sa lugar na iyon ay mukha lumalabas na ako pa ang masama.
Ang sabi-sabi kasi ay mula raw talaga sa angkang ng mga Jotun o Frost Giant ang aking pamilya. Orihinal na taga roon daw si Loki na ama ng aking ina bago ito matangpuan ni Master Odin at kupkupin at gawing Asgardian. Iyon din ang tinuturing na rason bakit mabilis daw para kay Loki na traydorin ang Asgard.
Napa-daing ako sa sakit nang maramdaman ko ang hapdi ng paglilinis ko ng mga sugat ko. Hindi naman din kasi kagaya ng ibang Asgardian ay parang wala naman akong kakayahan. Wala akong espesyal na kapangyarihan. Nang una ay inaasahan nila na may kakaiba akong kapangyarihan dahil sa aking ina. Too bad, I don’t.
Naalala ko kung paano ako tinitigan ng Frost Giant na naengkwentro namin kanina. Pakiramdam ko ay inobserbahan niya talaga ako kaya’t hindi ito kaagad na kumilos kanina. Kung hindi siguro ako nakalikha ng ingay at nakatakbo ay baka hindi ko natamo ang mga sugat at bali ng butong mayroon ako ngayon.
Tumayo ako at muling napadaing sa sakit na nararamdaman ng katawan ko. Ganoon pa man ay kailangan kong magpatuloy sa trabaho. Hindi pa tapos ang araw, ibig sabihin ay hindi pa rin tapos ang mga trabahong kailangan kong gawin.
Hirap man ay nagawa kong buhatin ang mga uling na kailangan kong ihatid sa isang kostumer namin. Kung hindi ko ito magagawa ay malamang sandamakdak na naman na pangaral ang makukuha ko kay Theodore.
Kakalabas ko pa lamang ng bahay ay sinalubong na ako nang mapanghusgang mga mata ng mga Asgardian na nakakakita sa ‘kin. Napansin ko rin ang pagbubulungan nila na naririnig ko rin naman iyong iba.
“Ayan na nga ba ang dalang malas ng pamilya ni Loki. Mukhang kasunod nito ay dekstruksyon na at pagkasira ng Asgard. Nakakatakot!” bulong ng isa.
“Dapat talaga ay pinalayas na iyan dito sa Asgard o hindi kaya ay itapon na lamang sa Jotunheim kasama ang mga kauri nila!”
Nang tumingin ako sa kanila ay agad nila akong iniwasan ng tingin. Mariin ko na lamang na ipinikit ang mga mata at hinayaang pagsalitaan nila ako ng mga ganoon.
Nadala ko na ang mga uling sa aming kostumer at pabalik na ng bahay. Hirap man sa paglalakad ay kinakaya ko pa rin naman.
“Haze!”
Napatigil ako sa paglalakad nang marinig ko ang pagtawag sa akin ni Rayne. Nakita ko siya sa hindi kalayuan kaya’t hinintay ko siyang makalapit sa akin.
“Kumusta ka? Hala! Anong nangyari sa ‘yo? Dapat talaga ay hindi kita iniwan doon,” nag-aalalang pagtatanong niya sa akin.
Ngumiti ako sa kanya at umiling. Masaya ako na malamang may nag-aalala sa akin.
“Maayos naman ako—”
“Rayne!”
Napatigil ako sa aking pagsasalita nang may tumawag sa pangalan ni Rayne. Pareho kaming napatingin doon at nakita namin ang kanyang ina. Kaagad niyang nilapitan si Rayne at hinila papalayo sa akin.
“Hindi ba at sinabihan na kitang lumayo sa kanya? Kaya ka napapahamak, eh!” suway sa kanya ng kanyang ina. Tumingin ito sa akin at nakita ko ang galit sa kanyang mga mata. “At ikaw naman, Haze, maaari bang huwag mo nang lalapitan pa ang anak ko? Kapag lumalapit siya sa ‘yo ay parati siyang napapahamak! Ikaw ang dahilan bakit parating may gulong nangyayari rito sa Asgard!”
Hinila niya si Rayne papalayo sa akin. Tumingin pang muli sa akin si Rayne at sinabi sa akin na walang boses ang salitang “patawad”.
Masakit man sa aking loob na ang isa sa mga kaibigang itinuturing ko ay mukhang hindi ko na makakasama pa ay wala na rin naman akong magagawa. Ganito naman palagi.
Isang linggo ang nagdaan. Napansin ko ang kumpulan ng tao sa harapan ng palasyo ng Asgard. Nang una ay iniisip kong baka may anusyo tungkol sa magaganap na pagdiriwang sa susunod na araw, ngunit nang mapansin na halos kalalakihan ang naroroon ay napukaw rin nito ang aking atensyon.
Lumapit ako at hinintay lamang na makasingit upang mabasa ang nakapaskil na anunsyo roon. Nang magawa kong makalapit ay kaagad kong binasa ang nakasaad sa gintong papel.
Tungkol iyon sa pagreretiro ni Master Odin bilang hari ng Asgard at ngayon ay naghahanap sila ng mga Asgardian na maaaring pumalit sa kanya. Hindi ko maiwasan na umasang makakasali ako roon kahit alam kong imposible ang ninanais ko. Ang ibang detalye raw ay sasabihin sa pagdiriwang bukas ng gabi.
“Sasali ka ba, Haze?”
Napatingin ako sa dalawang matandang babae na kapitbahay namin. Hindi nila ako madalas kausapin at kung kakausapin man ay makikita mo ang tila pandidiri sa kanilang mukha na para bang ayaw talaga nilang makihalubilo sa kagaya ko.
“Hindi ko pa po sigurado. Parang imposible naman po kasi sa isang kagaya ko—”
“Talagang imposible!” natatawang sambit ni Aling Mette.
“Sasali ang mga anak namin diyan at nakakasigurado ako na hindi kagaya nila, hindi ka makakapasok sa screening. Pero sige, bakit kaya hindi ka sumali? Malay mo, may himala’t makasali ka pa sa mga magiging kandidato,” natatawang sambit naman ni Aling Ebbe.
Panay ang pagtawa nila sa akin. Ang pagbibiro na sumali raw ako para naman kung sakali ay may mapatunayan ako kahit imposibleng mapabiling ako sa pagiging kandidato ay hindi matigil.
Napatingin akong muli sa gintong papel na nakadikit sa may gate ng palasyo. Binasa kong muli ang mga nakasaad doon at wala namang restrictions na nagbabawal sa isang kagaya ko.
Tumingin ako kina Aling Ebbe at Mette. Natigilan sila sa pagtawa at tumingin sa akin. Tinaasan nila ako ng isang kilay at ako naman ay ngumiti sa kanila.
“Maraming salamat po sa pag-eengganyo sa akin na sumali rito. Makakaasa po kayong sasali ako.” Matapos kong sabihin iyon ay magalang akong nagpaalam sa kanila at umalis na.
Mukha mang imposible para sa kanila ang binabalak kong gawin ay sasali ako. Gusto kong mapatunayan na ang isang kagaya ko ay may pangarap din. Na ang isang tinatapakan at kinukutya ay maaaring makamit ang pinapangarap niya.
Kung magiging hari ako, sisiguraduhin kong magiging isang mapayapa at magandang mundo ang Asgard. Isang mundo kung saan ay pantay-pantay. Isang mundo kung saan walang napag-iiwanan. Isang mundong may pagkakaisa at pagtutulungan. Walang nakakataas at walang mahihirap.
Gusto kong gumawa ng isang mundo kung saan kahit ang mga normal at ordinaryong mamamayan na kagaya ko ay maaaring mangarap ng mataas.
Tumingin ako sa malaking palasyo kung saan naninirahan ang mga kilalang gods at goddesses ng Asgard. Huminga ako nang malalim. Buo na ang desisyon ko. Balang araw ay makakapasok din ako riyan. Hindi bilang bisita, kung hindi ang bagong haring tatanghalin ng lahat.