Chapter 3

2221 Words
Nagtanong-tanong ako sa mga gwardya at iba pang tauhan ng palasyo ng Asgard upang malaman kung paano ako makakasali sa kompetisyon. Wala akong tiwala sa sarili ko pero wala rin namang mawawala sa akin kung susubukan ko. “Pasensya na po, magtatanong lang po sana ako paano makasali sa kompetisyon—” Napatigil ako sa pagtatanong nang tingnan ako ng gwardya at titigan ako. Tinaasan niya ako ng isang kilay at pinagtawanan. Tinawag niya pa iyong kasamahan niya at sinabi na sasali ako. Matapos iyon ay pareho silang tumawa nang malakas. “Nako, hindi ka pwede. Apo ni Loki, sasali? Huwag ka nang mangarap. Hindi ka pwedeng sumali,” natatawa pa ring batid ng isang lalaki sa akin. Inaasahan ko na rin na makakarinig ako ng mga ganitong salita, ngunit hindi ko akalain na ganitong kaaga. Ni hindi pa nga nagsisimula ang kompetisyon ay mukhang nagsisimula na silang ibaba ang pagkatao ko. “Wala naman pong sinabi na hindi ako maaaring sumali.” Wala naman talagang nakalagay sa kasulatan na nakapaskil doon na hindi ako maaaring sumali.  Natigilan silang dalawa sa pagtawa at tila ba nainis sa aking sinabi. Tamad na itinuro sa akin ng isang lalaki ang isang mahabang pila kung saan sa tingin ko ay pila ng mga kalalakihang gustong sumabak sa kompetisyon at nangangarap ding maging hari. Napalagok ako dahil ang dami ng mga nagbabalak sumali rito. Kakabalita pa lamang na magbibitaw si Master Odin ay ganito na kahaba ang pila. “Salamat.” Hindi ko pa rin nakalimutang magpasalamat sa kanila kahit na hindi maganda ang pakikitungo nila sa akin.  Naglakad na ako patungo roon. Nakakakita pa ako ng ilang sasali na sabik sa magaganap na kompetisyon at sa tingin ko rin, karamihan sa kanila ay may iba’t ibang abilidad. Hindi ko tuloy mapigilang panghinaan ng loob. Ngayon ko lamang napagtanto na normal na mamamayan lamang ako ng Asgard. Na kahit anak ako ng tinaguriang goddess of the dead ay wala akong espesyal na abilidad kagaya ng iba. “Balita ko ay kasali rin daw iyong dalawang anak ni Thor.” Dinig kong sambit ng isang lalaki sa kanyang dalawang kaibigan. “Oo nga, narinig ko rin kanina. Sina Magni at Modi, tama? Parang pinanghihinaan na kaagad ako ng loob. Paniguradong ilalampaso lamang tayo ng magkapatid at sa huli ay sila rin ang magwawagi,” untag naman ng isa. “Nako, baka ginagamit lang tayo para kunwari mamimili pero sa huli sa magkapatid lang pala kukuha ng magiging hari. Syempre, anak iyon ni Thor. Mga apo ni Odin. Lalayo pa ba sila ng pagpili ng susunod na hari—” “Hindi,” pagputol ng isa sa kaibigan, “sa pagkakaalam ko, hindi raw kasi nagawang buhatin ng kahit sino sa magkapatid ang Mjolnir. Kaya hindi malaman kung karapat-dapat ba silang maging tagapagmana ng trono o hindi. Kaya may ganitong kompetisyon para mas makahanap sila nang magiging tamang uupo sa trono.” Nakikinig lamang ako sa kanilang pinag-uusapan at nang mapatingin sila sa akin ay kaagad akong umiwas ng tingin, nagpapanggap na wala akong pakealam sa kung ano mang napag-uusapan nila kanina. Iyong dalawang anak ni Thor? Hindi ko alam kung anong klase Asgardians sila pero ang masasabi ko lang, kung kagaya sila ni Thor, malamang ay hindi nga malabong isa sa kanila ang maupo sa trono. Para akong sinampal ng katotohanan sa naisip. Kung sa mga ito pa lamang nga ay pakiramdam ko wala na akong laban, paano pa sa mga anak ng isang Aesir god na kagaya ni Thor? Sa sobrang lalim ng aking iniisip ay hindi ko namalayan na ako na pala ang nasa unahan ng pila. Kung hindi pa ako itinulak nang nasa likod ko ay hindi ko pa malalaman. Lumapit ako sa isang babae at sinabi ko na sasali ako sa kompetisyon. Kagaya ng ginawa sa akin ng dalawang gwardya kanina ay tinawanan niya ako pero ipinaliwanag niya naman ang kailangan kong gawin. “Isulat mo rito ang pangalan mo at ilagay mo riyan sa kahon. Magbibigay ulit ng anunsyo kung kailang ang unang screening para sa nasabing kompetisyon.” Pinagmasdan niya akong mabuti habang nagsusulat ako sa papel. “Sigurado ka bang sasali ka? Ilalampaso ka lamang ng ibang kalahok, eh.” Natigilan man sa sinabi niya at sa narinig na pagtawa ay hindi ko na iyon masyadong inisip. Kailangan kong tatagan ang loob ko. Gusto kong may patunayan sa kanila. Na hindi ako kagaya ng iniisip nila. Na katulad nila, kapakanan lang din ng Asgard ang iniisip ko at hindi ang ipahamak ito. Makakarinig ako ng pambabatikos ng ibang tao, pero hindi ako dapat magpatalo rito. Nang matapos ako sa pagsusulat ko ay tumingin ako sa babae. Matipid ko itong nginitian na parang hindi ko narinig ang sinabi niya kanina bago ihulog sa kahon ang papel ko. Magalang akong nagpasalamat at nagpaalam.  Naniniwala ako na kung hindi maganda ang pakikitungo ng mga tao sa ‘yo, hindi mo sila kailangang suklian ng kamalian din o kagaspangan ng ugali, bagkus ay ngitian mo sila at ipakita sa kanila na hindi ka naaapektuhan. Iyon ang ganti ko sa kanila. Umuwi na rin ako sa bahay ni Theodore. Wala akong balak sabihin sa kanya ang aking binabalak dahil alam ko naman na hindi niya ako susuportahan doon at hindi niya rin ikatutuwa kung sasabihin ko pa kaya mas pinili ko na manahimik na lang. Mabilis nagdaan ang mga araw dahil siguro sa pagdiriwang na nagaganap. Abala ang mga tao dahil sa naturang festival dito sa Asgard. Bukod sa mga Aesir o mga diyos at diyosa rito sa Asgard, dumalo rin ang mga Vanir gods kagaya ni Frey at Frejya sa pagtitipon. Mula sila sa mundong tinatawag na Vanaheim. Sa pagkakaalam ko ay naghiwalay ang dalawang kampo ng mga gods and goddess noon dahil sa hindi nito pagkakaintindihan ngunit ngayon, magkasundo na ulit sila. Naging abala rin ako sa pagbibigay supply ng kahoy at iba pang produktong ibinebenta ni Theodore sa mga mamimili namin. Halos hindi ko na nga namamalayan ang takbo ng oras. Mabuti na lamang at nakita ko na may nakapaskil na panibagong anunsyo ang palasyo nang mapadaan ako roon. Ang sabi rito ay may sasabihin daw silang mahalagang mga detalye mamayang gabi patungkol sa magaganap na patimpalak para sa pagiging hari.  Huminga ako nang malalim at nagdesisyon na tapusin na kaagad ang natitirang trabaho para mamaya ay hayaan ako ni Theodore na pumunta sa pagtitipon. Malamig ang simoy ng hangin nang gabing iyon at sa may malaking gate ng palasyo ay nagtitipon-tipon din ang maraming tao. Mukhang marami talaga ang naging interesado sa magaganap na kompetisyon. Sino ba namang hindi mawiwili kung maaaring ikaw ang maging susunod na hari. May isang malakas na paghugong ang aking narinig, hudyat ito na magsisimula ang pagtitipon at magbibigay na ng mga detalye para sa naturang kompetisyon. Kinakabahan ako pero kailangan kong lakasan ang loob ko. Hindi man ako sigurado na magagawa kong manalo pero gagawin ko ang lahat sa abot ng makakaya ko. “Magandang gabi, Asgardians,” pagbati ng isang babae na sa tingin ko ay tagapaghatid ng balita ng palasyo. Hinawakan ko ang aking kamay, ramdam ko ang panlalamig nito. Isipin man ng iba na masyadong mataas ang pangarap ko sa kagustuhan kong maging hari ay may gusto rin akong patunayan sa kanila. Na ang kagaya ko, na minamaliit at tila walang kwenta sa mata ng iba ay may pangarap din naman. “Bukas magsisimula ang preliminarya para sa ating kompetisyon. Sasalain ang mga kasali sa patimpalak at kung sino lamang ang magtatagumay rito ay sila lamang ang maaaring lumahok sa susunod na yugto ng kompetisyong ito.” Ibinigay sa amin kung anong oras at kung saang lugar iyon magaganap. Kaagad naman akong umuwi sa bahay upang kahit papaano ay maghanda para bukas. Hindi ako ganoong nakapag-ensayo. Hindi ko rin naman kasi alam kung anong dapat kong gawin. Ako ay may katamtamang laki ng katawan ngunit batak ako dahil sa mga trabahong ipinagagawa sa akin ni Theodore. Siguro naman ay hindi ganoong kahirap ang magiging preliminaries? Ganoon pa man ang aking iniisip ay hindi ako pinatulog ng kaba. Kaya kahit maaga pa ako bukas ay lumabas ako at nagtungo sa likod ng bahay. Nagbuhat ako ng mabibigat na bagay upang kahit papaano ay magkaroon ako ng ehersisyo. Hindi kagaya ng karamihan sa kasali ay wala akong ibang kakayahan. Hindi ako nakakapagpagalaw ng bagay gamit ang aking isipan, hindi ko nakokontrol ang tubig o maging ang kidlat. Wala akong ganoon. Hindi ko nga alam kung tunay ba akong anak ni Hel na siya tinaguriang goddess of the dead. Hindi kaya…kaya kong kumontrol ng patay? Halos matawa ako sa aking naisip. Imposible naman iyon. Siguro hindi lang talaga ako nabiyayaan. Ni hindi ko nga alam kung anong klaseng nilalang ang aking ama. Baka isa siyang mortal at kaya ganito ako…isang ordinaryong Asgardian ay dahil namana ko iyon sa aking ama? Bumuntong hininga ako. Pinapagod ko na nga ang aking katawan ay pinapagod ko pa ang aking isipan. Hindi ko na dapat pang isipin ang mga bagay na hindi ko rin naman makukuhanan ng sagot. Ang mabuti pa’y makuntento na lamang ako sa kung anong mayroon ako. Hindi nga ako nakatulog ng gabing iyon. Panay ang pag-eensayo ko at paggawa ng kung ano-anong bagay habang iniisip kung anong gagawin sa preliminaries. Magpapakitang gilas ba kami? Maglalaban-laban? Tila pinanghihinaan man ng loob na baka mapatalsik kaagad ako ay pilit ko iyong tinanggal sa aking isipan. Kaya ko ito. Kakayanin ko ito. I want to be free from the shackles of my family’s betrayal to the kingdom. Gusto kong kilalanin ako bilang ako at hindi dahil sa kasalanang naiwan ng pamilya ko rito. Pinunasan ko ang pawis sa aking noo at nang mapansin ang pagsikat ng araw ay nagdesisyon na akong maghanda dahil kailangan ko pang pumunta ng Plain of Ida dahil iyon ang napagkasunduang lugar ng pagtitipon. Hindi pa rin nawawala sa akin ang masamang alaala na nangyari sa Plain of Ida noong nakaraan. Pero kung gugustuhin kong maging hari, hindi iyon magiging hadlang sa akin. Kailangan kong tatagan ang loob ko dahil kung papangarapin kong mapunta sa trono ni Odin, mas malalaking problema at nakakatakot na bagay pa ang aking makakaharap. Huminga ako nang malalim at umalis na roon. Nag-iwan na lamang ako ng sulat para mabasa ni Theodore. Panigurado pagbalik ko rito ay hindi na niya ako tatanggapin o baka matinding sermon ang matanggap ko. Mabuti nga sana kung sermon lamang ang makuha ko. Marami na kaagad tao nang makarating ako. Nagsisimula na rin silang magbigay ng ilang gamit na sa tingin ko ay gagamitin namin mamaya. “Maraming salamat po,” sabi ko sa isang gwardyang nag-abot sa akin ng gamit. Hindi niya ako pinansin at nilagpasan na upang mabigyan ang ibang kalahok. Hindi rin iyon nagtagal at agad kaming pinapila. May isang lalaki ang nagpakita sa amin. Napaawang ang aking labi nang makita kung sino siya. “Maganda umaga sa ating magigiting na kalahok. Ako si Bragi at ako ang makakasama niyo para sa preliminaries niyong ito,” pagbati niya sa amin. Hindi na niya kailangang sabihin kung sino siya dahil kilala na namin ito. Bragi, the god of eloquence.  “Ang gagawin niyo para tuluyang makapasok sa komnpetisyon ay malalaman niyo kapag nakarating na tayo sa Asgard Mountains. Simulan na natin ang paglalakbay.” Hindi naman ganoon kalayuan iyon pero ang mga normal na Asgardian kasi ay pinagbabawalan na sa mga lugar makalagpas ng Plain of Ida. Ang sabi ay masyado na raw delikado roon. Habang naglalakbay ay ipinapaliwanag ni Bragi ang mga lugar na nadaraanan namin. “Ito ang lagusan papunta sa Jotunheim. You may want to prevent crossing that passage or else, the frost giants will feast on you.” Malakas siyang tumawa matapos niyang sabihin iyon. Bilang isang taong nakita kung gaano nakakatakot ang frost giants ay sumang-ayon ako sa kanya. Marami nang nagbabantay roon dahil nga sa nangyaring aksidente noon kina Raine. “Sa kabilang bahagi makalagpas ng Sea of Marmora ay ang Valhalla. Anong klaseng lugar nga ba ang Valhalla?” Para kaming nag-aaral dahil sa mga tanong niya. Sabay-sabay namang sumagot ang mga kalahok. “Hall of the Fallen. Dito napupunta ang mga namatay sa gera na pinamumunuan ni Master Odin.” “Good, good,” tuwang-tuwang sambit ni Bragi. “At naroroon din ang lagusan papunta ng Helheim.” Natigilan ako nang banggitin niya ang lugar kung saan kasalukuyang naninirahan ang aking ina. Napabaling ako roon. Kung tutuusin ay para bang ang lapit lamang ng kinaroroonan namin ng aking ina pero hindi. Ibang mundo na ang Helheim at hindi ko alam kung kapag pumunta ba ako roon ay kakayanin ko. Hindi ko na namalayan na nakarating kami sa matatayog na bundok ng Asgard. Hinarap kaming muli ni Bragi at kinilabutan ako nang kasabay nang pagngiti niya sa amin ay nakarinig kami ng malakas na paghugong na nagmula sa isang bundok. Isang pamilyar na hugong na nagbigay sa akin nang matinding takot. “Sa gitnang bundok na iyon ay may malaking kweba, kung saan nakakulong ang isang frost giant na nahuli namin noon. Sa paligid ng kanyang kulungan ay may mga gamit o weapon na nakakalat doon. Kunin niyo ang gamit na nakapangalan sa inyo at kapag nagtagumpay kayong makalabas ng buhay ay pasok kayo sa preliminaries at uusad para sa susunod na kompetisyon.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD