Tila namanhid ang aking paa sa narinig. Ni hindi ko maramdaman ang binti ko. Gusto kong sumuko nang marinig ang mga salitang frost giant. Kung ano-anong sumagi sa isipan ko. Na parang gusto ko na lang umatras.
“Lilinawin ko lamang ang instruksyon ng preliminaries na ito. May frost giant sa loob. Iwasan niyo na magising ito upang makuha niyo ang mga bagay na kakailanganin niyong makuha. Sabay-sabay kayong papasok sa loob at maaaring maligaw ang ilan sa inyo kung hindi kayo maingat. Ang sampung kalahok na unang makakalabas ay silang makakausad sa susunod na kompetisyon.” Ngumiting muli si Bragi sa amin. Imbis na makahinga nang maluwag sa ngiti niyang iyon ay lalo lamang akong kinilabutan. “Iyon lamang, good luck!”
Nagsimula nang pumasok ang mga kalahok. Sampu lamang sa amin ang makakapunta sa susunod na stage ng kompetisyon? At ang iba ay maaari pang hindi makalabas ng buhay dahil pwede silang maligaw sa loob ng kweba.
Nilunok ko ang takot at ikinalma ang sarili. Kailangan kong kayanin ito. May mga bagay akong gustong patunayan kaya’t kailangan kong mapagtagumpayan ito. Hindi ako maaaring ma-eliminate ng ganitong kaaga.
“Hoy, ikaw!”
Papasok pa lamang ako ng kweba nang may kumuha kaagad ng pansin ko. Nilingon ko sila at nakita ko ang dalawang lalaki. Lumapit sila sa akin habang ako naman ay nagtataka dahil hindi sila pamilyar sa akin.
“Hindi ba’t mula ka sa pamilya ni Loki?” tanong sa akin ng isa. Napalagok ako pero tumango bilang sagot.
Nagkatinginan silang dalawa bago nangungutiyang tumingin muli sa akin. Nilapitan ako ng isang lalaki na mas matangkad sa kasama niya.
“Kami sina Magni at Modi,” pagpapakilala niya na siyang ikinabigla ko. Sila iyong mga anak ni Thor!
Gagawaran ko sana sila ng isang ngiti nang makita ko ang hindi kagandahang ngiti ng dalawa.
“Sana hindi ka makalabas ng buhay mamaya.” Nilagpasan ako ni Magni matapos niya iyong sabihin ay dinanggi naman ako ni Modi nang mapadaan siya sa gilid ko.
Ilang sandali pa akong natigilan sa sinabi nila bago magpasiyang pumasok na rin sa loob. Dapat ay inaasahan ko nang ang mga dugong bughaw na kagaya nila ay hindi matatanggap ang isang kagaya ko.
Madilim ang kweba kaya’t kumuha ako ng isang torch upang may makita naman akong liwanag habang naglalakabay sa loob. May bumangga pa sa akin kaya’t bahagya napaatras. Pinauna ko na muna sila bago ako kumuha ng sarili kong torch ngunit pagtingin ko ay wala nang natira sa akin.
Narinig ko pa ang tawanan ng mga lalaking hindi pa nakakalayo na tansya ko’y inubos ang torch upang wala akong magamit.
“Kaya mo ‘to, Haze,” bulong ko sa sarili at naglakad na ako papunta sa loob ng kweba kahit walang magsisilbing liwanag sa aking paglalakbay.
Habang naglalakad ako ay may napagtanto ako. Nang unang pasok ko ay wala talaga akong makita kung hindi ang kadiliman ng kweba ngunit hindi tumatagal ay tila ba nag-a-adjust na rin ang aking mga mata at kahit papaano, sa gitna ng madilim na kapaligiran ay may nakikita ako na siyang ikinatuwa ko.
Wala na akong mga kasabayan. Nakakapagtaka dahil hindi naman gaanong kalayo ang pagitan ng pag-alis nila sa akin ngunit nang makarating ako sa isang lugar ng kweba kung saan may tatlong lagusan ay hindi na ako nagtakang wala na ang mga nauna.
Base sa mga lagusan na ito ay kinakailangan naming mamili. Hindi ko alam paano namin malalaman kung anong tamang lagusan pero ito siguro ang isa sa pagsubok ng preliminaries na ito.
Tinangka kong magpunta sa kaliwang lagusan at nang papasok na ako rito ay may narinig na naman akong hindi kalakasang pag-ungol na sa tingin ko ay galing sa frost giant. Hindi ko na sana iyon papansinin nang may maalala ako.
Sinabi ni Bragi kanina na ang mga kukunin naming kagamitan ay malapit sa kulungan ng frost giant. Ibig sabihin, kung saan nagmumula ang ingay na iyon, doon dapat kami magpunta dahil naroroon ang frost giant, hindi ba?
Tumigil ako sa aking pagtatangkang pumasok sa loob ng kaliwang lagusan at pinakiramdaman muli kung saan nagmumula ang paghugong na iyon ng frost giant. Ipinikit ko ang aking mga mata at nang muli kong marinig ang kanyang paghuni ay iminulat ko ito. Nagpunta ako sa kanang lagusan at hindi na pinansin ang gitna at kaliwa. Nakakasigurado ako na rito nagmumula ang ingay na iyon.
Mabilis ang aking paghinga nang magdesisyon na pumasok sa loob.
Madilim na kapaligiran na naman ang sumalubong sa akin ngunit ilang sandali lamang ay nakakita na ulit ako. Hindi ako sigurado kung sadyang ganoon ba talaga o ito ang kakayahang mayroon ako na ngayon ko lamang nadidiskubre?
Napatigil ako nang sa hindi kalayuan ay may nakita akong liwanag. Sa tingin ko ay mula iyon sa mga tatsulok ng ibang kalahok. Tumakbo ako papunta roon at nakakita ako ng siguro ay nasa labing-pitong lalaki na naroroon. Kabilang sa mga ito sina Madi at Mogni.
Kaagad na umalis ang tatlo dahil nakuha na nila ang kanilang mga kagamitan. Kinabahan ako dahil kung hindi ako aalis kaagad ay mauunahan ako ng iba at maaaring mabigo akong mapasalang sa susunod na stage nito.
Naghanap ako ng kung anong maaari kong makuha ngunit iilan na lamang ang natitira. Nang makapagdesisyon akong kunin ang sa akin ay may dumapot nito kaya’t napatingin ako sa kanya at nakita ko si Modi, isa sa mga anak ni Thor.
“Gusto mo ito?” tanong niya sa akin. Kukunin ko pa lamang ito sa kanya nang kaagad niya itong itapon sa kung saan. “E ‘di kunin mo.”
Malakas na humalakhak sina Magni at Modi bago umalis. Hindi na rin naman nagtagal ang ilan at umalis na rin kaya’t naiwan akong mag-isa rito.
Nagpalinga-linga ako upang mahanap kung saan itinapon ni Modi ang aking gamit. Hindi ako mapalagay dahil kung magtatagal pa ako rito ay paniguradong matatanggal ako sa kompetisyon. Kailangan ko nang magmadali.
Natigilan ako nang isang madilim na kulungan ang sumalubong sa akin. Nilapitan ko ito at natigil lamang nang tila may lumiwanag sa itaas. Tumingala ako at kaagad kong napagtanto kung ano ang liwanag na iyon. Ito ang mga mata ng frost giant. Kung kanina ay tahimik lamang ito ngayon ay tila handa na niya akong lapain dahil inistorbo ko ang kanyang pagpapahinga.
Umusok ang ilong nito nang magtama ang paningin namin. Natigilan ako at nanginig ang aking tuhod sa nakita ko. Hindi ito ang unang pagkakataon na makakita ako ng frost giant pero nararamdaman ko pa rin ang takot sa unang engkwentro ko sa kanila. Gayunpaman, kahit papaano ay panatag akong nakakulong ito ngayon. Ngunit…gaano katibay ang kulungan?
Nakita ko sa may paanan ng frost giant ang gamit na dapat ay kukunin ko kanina. Tumingin akong muli sa kanyang mga mata bago ito ituro.
“Nais ko lamang makuha iyong gamit ko. Maaari ba?” Wala akong ideya kung maiintindihan niya ba ako pero wala ring masama sa pagbabaka sakali.
Nakarinig ako nang mahinang pag-ungol niya kasabay ang muling pag-usok ng kanyang ilong. Sabi ko nga hindi kami magkakaintindihan.
“Gusto ko lang naman manalo rito pero siguro nga masyadong mataas ang pangarap ko. Hindi naman talaga ako nababagay sa ganito.”
Gumalaw ang frost giant. Nang ihakbang niya ang kanyang paa ay gumalaw ang paligid kaya’t muntikan na akong matumba.
Nakita ko ang pagkuha niya sa gamit ko na siyang ikinagulat ko. Balak niya ba iyong sirain o…ibigay sa akin? Malayo mang mangyari ang huling inisip ko ay hindi ko mapigilang umasa.
“Hmm-hmm…” Dinig kong tinig ng frost giant. Napatingin akong muli sa kanya at nakita ko ang paglalabas ng kamay niya sa kulungan at ipakita sa akin ang mga kagamitang may panglan ko na nasa loob ng isang bag.
Inilahad niya ang kanyang kamay at nakita ko ang liit nito sa kanyang palad. Napatingin ako rito bago mag-angat ng tingin sa kanya.
“Ibibigay mo sa akin ito?” Naiintindihan niya ako? Hindi ko alam kung ang mga Asgardian at Jotuns ay may iisang lenggwahe pero mukhang naiintindihan niya ako!
“Hmm-hmm.” Inilapit niya pa sa akin ang kamay niya, tila pinapakuha sa akin ang maliit na bag. Napalagok ako dahil natatakot pa rin ako. Baka nililinlang niya ako.
Nag-angat pa ako ng tingin sa kanya nang isang beses bago isugal ang lahat at abutin ang bag mula sa kanyang palad.
Ipinikit ko ang aking mga mata. Natatakot na bigla na lamang niya akong saktan habang malapit ang kamay ko sa kanya. Ngunit nahawakan ko na ang bag ay hindi niya pa ako sinasaktan.
Nagmulat ako at kinuha na nang tuluyan ang bag mula sa kanya. Naguguluhan pa akong tumingin sa kanya at napansin ko ang muling pag-usok ng kanyang ilong.
“S-Salamat…” namamanghang sabi ko sa kanya bago tumingin sa bag ko. Ngayon pwede na akong umalis dito.
Muli akong nagpasalamat sa kanya at umalis na roon.
Tuwang-tuwa ako habang nagmamadaling lumabas ng kweba nang mawalan kaagad ang kagalakan ko nang may dalawang lagusan na naman akong nakita. Wala naman ito kanina rito, ah?
Kagaya ng ginawa ko kanina ay nilakasan ko lamang ang pakiramdam ko. Inalala ko kung anong mga naririnig ko sa labas ng kweba kanina. Kailangan ko lamang gawin ang ginawa ko kanina para malaman ang tamang daanan. Hindi ko alam kung magagawa ko ba ulit katulad kanina pero umaasa ako.
Nagmulat ako nang aking mga mata nang marinig ko ang boses ng ilang kasamahan at ni Bragi sa kaliwang bahagi ng kweba. Iyon ang pinili kong tahakin at hindi nga ako nagkamali. Dahil sa dulo ng tinatahak kong daan ay isang liwanag na magdadala sa akin patungong labas ng kweba.
Hinahapo ako nang makalabas ng kweba. Kaagad ko namang nakuha ang atensyon ng lahat. Nakita ko ang ilang gwardya ng Asgard, si Bragi, at siyam na lalaking nakatayo sa hindi kalayuan. Nakita ko pa ang gulat na reaksyon ng magkapatid na Magni at Modi.
Napangiti si Bragi nang makita ako. “Kumpleto na ang mga nagtagumpay sa preliminaryang ito!” sigaw niya.
Hindi ko pa magawang matuwa dahil hinahapo pa ako. Ganoon pa man, masayang-masaya ako dahil nagawa kong mapagtagumpayan ito.
Lumapit ang dalawang anak ni Thor sa akin. Nakakunot ang noo nila at halatang maraming katanungan sa akin.
“Paanong buhay ka pa?” Tumingin sila sa hawak kong bag. “At paano mo iyan nakuha? Ni wala ka man lang galos? Paano mo nakuha iyan ganoong inihagis ko ito sa loob ng kulungan ng frost giant?”
Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang mga katanungan nila. Dapat ko bang sabihin na naintindihan nito ang sinabi ko? Sila kaya, maintindihan nila iyon?
“Perks of being the grandchild of Loki, I guess?” nakasimangot na sagot ni Magni. Nailing ito bago hilahin ang kapatid papalayo sa akin.
“Ginawa nila iyon?” tanong ni Bragi na nasa gilid ko na pala. “Itinapon nila ang bag mo sa loob ng kulungan ng frost giant at nagtataka sila na nakuha mo ito nang walang galos? Napasunod mo ba ang forst giant?”
“Hindi ko rin po maintindihan ang nangyari,” sagot ko sa kanya.
Humalakhak si Bragi sa aking sinabi bago tumango-tango. “Hindi na rin ako magtataka. Si Loki, ang iyong ina, at ang dalawa pang anak ni Loki ay mula sa angkan ng mga frost giants. Hindi na ako magugulat na nagkaintindihan kayo nito.”
Nanuyo ang lalamunan ko sa narinig. Tinapik niya ang aking balikat kaya’t muli akong napatingin sa kanya.
“Don’t feel insulted. It’s a compliment, Haze. Hindi lahat, maging si Master Odin man, hindi nila napapasunod ang mga frost giant. Kaya magandang nagagawa mo ito. Umaasa akong makikita pa kita sa mga susunod na pagsubok sa kompetisyon na ito, son of Hel.”
Matapos sabihin sa akin ni Bragi iyon ay kaagad siyang naglakad papalayo. Nagsimula na rin silang maglakad pabalik ng syudad ng Asgard. Ang ilang kalahok na naiwan sa loob ng kweba ay pinapahanap. Ngunit kung hindi mahanap ay hahayaan na lamang sila roon. Hindi man magandang sapitin iyon pero ganoon talaga. Sa isang kompetisyon, it’s to win or to die. No in between.
Nang makabalik kami sa syudad ay binigyan ng matutuluyan ang mga nakapasok sa preliminaries. May sari-sarili kaming kwarto at doon kami mamamalagi habang naghihintay ng announcement.
Kakahiga ko pa lamang sa kama upang magpahinga nang may marinig kaming ingay na senyales na pinapatawag kami. Pagod man sa lahat ng nangyari ay kaagad akong nagtungo sa meeting place. Sa may dining area.
“Hello,” bati niya sa amin. Isang magandang babae ang aming nakita. Lahat kami ay namangha sa angking kagandahan niya na wala ka talagang ipipintas. “I am Freyja and I’m here to give you the details for the next stage of this contest.”
Freyja, a Vanir goddess; the goddess of fertility and beauty. Hindi ko akalain na may araw na makikita ko siya nang ganitong kalapit.
“Una sa lahat, gusto kong batiin kayo dahil nakapasok kayo ngayon dito at napagtagumpayan ang preliminaryang isigawa sa inyo upang isala ang mga kalahok.” Ngumiti siya sa amin bago buksan ang isang papel. “Ang susunod niyong pagsubok ay hindi naman masyadong mahirap. Kinakailangan niyo lamang gamitin ito.” Itinuro niya ang kanyang ulo.
Mind games? Hindi kaya?
“Sa ngayon iyon lamang ang maaari kong ipahiwatig sa inyo. Ang buong detalye ay ibibigay ni Master Odin sa inyo bukas. Magpahinga na kayo sa ngayon at mamaya ay may kailangan kayong daluhan. Ipapatawag na lang ulit kayo.”
Muli akong namangha sa sinabi niya. Si Master Odin ang magbibigay ng buong detalye para sa susunod na pagsubok? Hindi ko pa siya nakikita ng personal pero marami na akong narinig tungkol sa kanya.
Ang alam ko, siya lamang naman ang dahilan bakit may tinutungtungang mundo ngayon ang bawat nilalang dito sa mundo. Dahil kay Master Odin, may Asgard, Vanaheim, Helheim, at iba pang mga mundo.
Tuwang-tuwa ako nang malaman ko iyon, hindi ko alam, doon na pala magsisimula ang mapait na trahedyang nakaukit sa kapalaran ko.