Chapter 5

2253 Words
Nakaupo ako sa isang silya sa dulong bahagi ng silid na ito habang nakikinig sa isang lalaki na ipinapaliwanag sa amin ang pinagmulan ng mundong mayroon kami. Binibigay ko naman ang buong atensyon ko rito dahil bukod sa napukaw nito ang atensyon ko ay iniisip ko ring baka maging mahalagang parte ng kompetisyon ang mga impormasyong makukuha namin dito. Habang hinihintay raw kasi namin ang pagdating ni Master Odin dito sa malaking hall ng tinutuluyan naming lugar ay ipapaliwanag muna sa amin ang history ng Asgard at ng iba pang mundong konektado rito. “Noong unang panahon, wala pang nilalang na nabubuhay rito. Wala pa tayong tinatawag na mundo. Ang mayroon lamang ay ang Ginnungagap. Ito iyong sa salita natin ngayon ay tinatawag nating kawalan. Sa Ginnugagap na iyon may malamig na parte na purong yelo, tinatawag natin iyong Niflheim at sa kabilang bahagi ay nag-aapoy na parte na tinagurian naman nating ngayong Muspelheim. Nang umihip ang mainit na hangin mula sa Muspelheim papunta sa malamig na lugar ng Niflheim ay may natunaw na yelo mula rito na siyang pinanggalingan ng kauna-unahang nilalang sa mundo. Siya si Ymir, the father of all giants. Siya ang ancestor nating lahat. Sa kanya rin nagmula sina Master Odin,” pagpapaliwanag ng lalaking nasa unahan. Napansin ko ang aking mga kasamahan. Mayoria sa kanila ay hindi nakikinig. Ang iba pa ay nakapikit ang mga mata, ang ilan naman ay tila may mga sariling mundo. Parang ako lamang ang interesado sa sinasabi ng lalaki. “Mula sa katawan ni Ymir, doon nalikha ang iba’t ibang nilalang dito. Kasama na riyan si Bor, siyang ama ng great god nating si Master Odin. Isang araw habang naglalakbay si Master Odin, nakasalubong niya si Ymir. Nang mga oras na iyon, nasaksihan ni Master Odin na sinisira ni Ymir ang lahat ng nilikha ni Ymir. Doon nagdesisyon si Master Odin, kasama ang mga kapatid niyang sina Ve at Vili na wakasan ang ginagawang iyon ni Ymir.” Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Narinig ko rin kasi kanina na sinabi niyang walang kapantay ang kakayahang mayroon si Ymir, na maging ang isang kagaya ni Master Odin ay hindi mananalo rito, kaya paanong nakalaban nila ito. Itinaas ko ang aking kamay at napatingin sa akin ang lalaking nasa unahan. Kaagad kong ibinigay sa kanya ang katanungan ko. “Natalo nina Master Odin si Ymir? Ngunit paano po?” Hindi ko maiwasang tanong, nahihiwagaan kung paano nagawa nina Master Odin na magtagumpay kung sila ang naririto ngayon at hindi si Ymir. Ngumiti sa akin ang lalaki. Parang ito ang unang pagkakataong may ngumiti sa akin dahil natuwa sila sa ginawa ko. “Kahit na si Ymir ang pinakamalakas na nilalang, ang kanyang pag-iisip ay maikukumpara mo sa isang insekto. Walang direksyon, walang paroroonan. Ginawang advantage iyon nina Master Odin at ng kanyang dalawang kapatid upang matapos si Ymir at nagawa nga nila iyon.” Ngumiti siyang muli bago ipagpatuloy ang sinasabi. “Dahil sobrang laki ng katawan ni Ymir, doon naisipan nina Master Odin na lumikha ng iba’t ibang mundo. Mula sa katawan ni Ymir nagmula ang ngayo’y tinaguriang Nine Worlds.” Alam ko kung ano ang tinutukoy niyang Nine Worlds. Ito ay ang mga sumusunod: ang Asgard, kung saan nakatira ang mga Aesir gods kagaya nina Master Odin, Thor, Tyr, Loki, at iba pang magigiting na gods. Sunod rito ay ang Vanaheim, ang mundong kinabibilingan ng mga gods and goddesses of fertility, and wisdom. Pangatlo ay ang Alfheim, na tinitirhan ng mga nilalang na tinatawag na light elves. Ang pang-apat naman ay ang Nioavellir, the realm of the dwarves or dark elves. Ang pang-lima naman ay ang Midgard o ang mundo ng mga mortal. The world of humans. Ang pang-anim, Jotunheim, dito nakatira ang mga frost giants na siyang mortal na kalaban ng mga Aesir gods. Ito rin ang pinaniniwalaang pinagmulan ng aking pamilya. Sinasabi na napulot ni Master Odin noon ang aking lolo na si Loki at dinala ni Master Odin si Loki rito sa Asgard kaya’t naging Asgardian ito. Ang pang-pito naman ay Niflheim. Ang mundong purong yelo at sinasabing isa sa mga naunang mundo bago ang lahat na naririto. Ang pang-walo ay ang Muspelheim. Pinamumunuan ito ni Sutr na isang giant din. Kabaligtaran ng Niflheim ay purong apoy naman ang mundong ito. Ang panghuli at ang pang-siyam ay ang Helheim o kilala ring bilang underworld. Ito ay kasalukuyang pinamumunuan ng aking ina. Dito napupunta ang mga namayapa na. Ibig sabihin, ang mundong kinagagalawan namin ngayon ay nilikha nina Master Odin mula sa katawan ni Ymir. Ganoon siya kalaki? Wow! Narinig ko ang pagtawa nina Magni at Modi. Napatingin ako sa kanila, maging ang mga kasamahan naming kanina ay tila walang pakealam sa mga nangyayari ay napatingin sa kanila. “Ibig sabihin lang niyan, mahina si Ymir. Idadahilan niyo pa ang pamamaraan ng pag-iisip niya. Hindi siya matatalo nina Master Odin kung kagaya ng sinasabi niyo ay sobrang lakas niya.” Umiiling-iling si Magni habang may ngisi sa kanyang labi. Sumang-ayon naman kaagad sa kanya ang kapatid. Napakunot ang noo ko pero hindi iyon pinatulan. Sa hindi malamang dahilan ay nainis ako sa sinabi niya. Magsasalita pa lamang sana iyong lalaki nang may magpatigil sa kanya. May mga gwardyang pumasok sa loob ng hall at kaagad na inanunsyong naririto na raw si Master Odin. Nanlaki sa gulat ang aking mga mata. Na parang hindi ako handang makita siya ng personal at malapitan. Na ang haring naririnig ko lamang mula sa mga kakilala ay ngayon harapan ko nang makikita. Dumami ang tao sa loob ng hall dahil maraming kasama si Master Odin. Ang karamihan sa kanila ay mga gwardya ng palasyo na sa tingin ko ay nagbabantay sa kanya. Tumayo ang lahat nang muling bumukas ang double doors ng hall. Napatayo rin ako at inabangan ang pagpasok ng pinakaimportanteng panauhin ngayong araw.  Si Master Odin. Binati siya ng lahat at iniyuko nila ang kanilang mga ulo, tanda ng paggalang. Ginawa ko rin iyon. Ramdam ko pa ang pagbigat ng paakiramdam sa kapaligiran dahil sa presensyang dala ni Master Odin. Matapos ang pagbati ay itinunghay na rin muli namin ang aming mga ulo. “Magandang umaga,” bati sa amin ni Master Odin. Nanginginig ang aking tuhod kahit wala siyang ginagawa. Ganyan nakakatakot ang awrang mayroon siya. “Magandang umaga rin, Master Odin,” sabay-sabay namang pagbati ng mga kalahok sa kanya. Si Master Odin ay may iisang mata lamang. Ang isang mata niya’y may takip at hindi ko alam kung anong nangyari roon.  May ilang sinabi si Master Odin na hindi ko na naintindihan dahil abala ako sa paninitig sa kanya. Ganito ang presensya ng isang hari. Kagalang-galang at wala talagang may kakayahan na mang-api sa kanila. Hindi ko mapigilang humanga sa kanya. “Naririto ako ngayon upang ako mismo ang maghatid ng mga impormasyon at detalye para sa susunod na pagsubok niyo. Hindi kagaya sa nauna, mas mahirap ito,” maawtoridad nitong sambit sa amin. Napalagok ako sa aking lalamunan. Nakarating ako rito kaya hindi ako dapat panghinaan ng loob. Bukod dito, mas marami pang mahirap na pagsubok na kahaharapin ako sa hinaharap. Magsasalita pa lamang sana ulit si Master Odin nang may isang gwardya ang magalang siyang pinutol upang may ibigay na balita. Napatingin kaming lahat sa kanya habang sila naman ay inihahatid ang balitang natanggap. “Master Odin, bumisita po ang Norns,” magalang nitong sabi kay Master Odin na siyang nakapagpatigil sa lahat nang nakarinig nito. Ang Norns o ang goddesses of fate. Sila ay tatlong magkakapatid na sina Urd, Verdandi, at Skuld o masasabi ring past, present, at future. Sila ang nakakapagbigay ng iba’t ibang propesiya o nakakakita ng hinaharap ng mga nilalang dito. Ibinabalita nila kaagad kay Master Odin ang mahahalagang nakikita nila. At mukhang ngayong araw ay may nakita silang dapat ibahagi kay Master Odin. Tumango si Master Odin. “Papasukin sila.” Hindi ko alam kung swerte ba akong matatawag dahil ang dami kong nakikitang diyos at diyosa na rati lamang ay naririnig ko lang ang mga pangalan. Gusto kong matuwa pero nakakaramdam ako ng kaba. Muli bumukas ang malaking double doors ng hall na kinaroroonan namin at tatlong babae ang pumasok. Magalang nilang binati si Master Odin bago rin kami batiing lahat. “Master Odin, may hatid kaming balita sa iyo, ngunit sa tingin namin ay hindi ito angkop sabihin sa harap ng nakararami,” sabi ng nakakatanda sa magkakapatid na si Urd. Kaagad silang sinang-ayunan ni Master Odin at nagtungo sa isang pribadong silid upang doon sila magkausap. Tila nakahinga ako nang maaayos matapos nilang umalis sa kinaroroonan namin. Narinig ko rin ang ilan na may mga bagay na pinag-uusapan at dahil wala naman akong kakilala o malapit na kaibigan sa mga kasama ay hindi na ako nagsalita pa. Medyo naging matagal ang kanilang pag-uusap at nang lumabas si Master Odin mula sa silid ay iba na rin ang presensyang dala nito. Kung kanina ay nakakatakot na ang kanyang awra, ngayon ay mas dumoble iyon. Mas nakakatakot, mas mabigat ang dala niyang presensya. Sa gitna ng silid na kinaroroonan namin ay tumayo si Master Odin habang iginagala ang kanyang paningin, tila ba may hinahanap sa loob ng silid. Nang magtama ang paningin naming dalawa ay nakita ko ang biglaang pagkunot ng kanyang noo. “Haze, son of Hel,” malamig pa sa malamig ang kanyang pagkakabanggit sa akin pangalan. Napalagok ako sa aking sariling laway at tangkain ko mang kumawala sa kanyang paninitig ay hindi ko magawa. Nagdilim ang kanyang paningin habang nakatitig pa rin sa akin at hindi nagsasalita. Mabilis namang nagtataas baba ang aking balikat dahil sa aking paghinga. Sa sobrang buhos ko ng atensyon sa pamamaraan ng pagtitig sa akin ni Master Odin ay hindi ko na napansin pa na may mga gwardya ng Asgard na pa lang nakapaligid sa akin. Nagtataka kong ibinalik ang aking atensyon kay Master Odin, naghahanap ng maaaring kasagutan kung bakit may mga gwardya sa paligid ko. “I, Odin, the All-father and king of Asgard, disqualify you from the competition. Hinahatulan din kita na umalis dito sa Asgard at kailanman ay hindi na makababalik. Iyan ay sa kadahilanang isa kang parte ng isang grupo ng rebeldeng tinatangkang pabagsakin ang Asgard!” Nanlaki ang aking mga mata sa narinig. Hindi ko kailanman naisip na pabagsakin ang Asgard. Nang una ay hindi ko pa iyon maintindihan, hanggang sa maproseso ito ng aking isipan. Ni hindi ko naisip sumali sa kahit anong grupong gusto itong sirain. Kaya bakit? Bakit nangyayari ito sa akin? Kaagad akong dinampot ng mga gwardya at hinila palabas ng hall. Nakita ko pa ang iba, lalo na sina Magni at Modi na umiiling, tila ba tumama ang iniisip nila sa akin kahit alam ko na hindi ako traydor. Tumingin ako kay Master Odin na ngayon ay kausap ang isang gwardya. Tumango ang gwardya bago ito lumapit din sa akin.  Gusto kong magpaliwanag, gusto kong sabihin sa kanila na hindi iyon totoo pero alam ko rin na wala akong boses pagdating dito. Hindi ako pakikinggan ni Master Odin dahil bakas iyon sa kanyang mukha, na kahit ano pa mang lumabas mula sa aking bibig ay pinal na ang kanyang desisyong palayasin ako sa Asgard. Para akong nanghina habang papalapit kami sa malaking gate ng Asgard. Hindi ko alam kung saan ako pupunta matapos nila akong itapon palabas at hindi ko rin alam saan iyon napulot ng Norns para ibalita ito kay Master Odin. Nadaanan pa namin ang kinaroroonan ni Heimdall. Ni hindi ko napansin na malapit na kami sa Bifrost dahil sa rami ng tumatakbo ngayon sa isipan ko. Nakita ko rin na sinusundan kami ni Heimdall ng tingin. Itinulak nila ako sa labas ng gate ng Asgard. Ang gwardya na kanina lamang ay kausap ni Master Odin ay lumapit sa akin at laking gulat ko nang hawakan niya ang kwelyo ng damit ko at higitin ako papalapit sa gilid ng Bifrost. Nanlalaki ang aking mga matang tumingin sa kanya nang mapagtantong tinatangka niya akong patayin. “H-Hindi ako traydor! Hindi ako rebelde! Bakit niyo ito ginagawa sa akin—” “Manahimik ka! Utos ito ni Master Odin. Nakatanggap siya ng balita mula sa magkakapatid.” Mas itinulak niya ako papalapit sa gildi ng Bifrost. Kaunti na lamang ay wala nang aapakan ang aking paa at mahuhulog na ako sa kinaroroonan ko. “Baka nagkakamali lamang ang Norns. Hindi ako traydor—” “Hindi pa kailanman nagkamali ng hula ang magkakapatid. Ikaw, bilang apo ni Loki, hindi malayong nakikipagtulungan ka sa kanya para pabagsakin ang Asgard at si Master Odin, at bilang utos ni Master Odin, kinakailangan mong mabura sa mundong ito.” Buong lakas niya pa akong itinulak at nang makita niyang wala na akong tinutungtungan ay kaagad niya akong binitawan. Gusto kong sumigaw ngunit dala nang pagkabigla ay hindi ko na nagawang ibuka pa ang aking bibig.  My life flashed before my very eyes. Ganoon ata talaga kapag malapit ka nang mamatay, nakikita mo ang buong buhay mo. At sa lahat ng mga nakita ko nang sandaling iyon, lahat ito, hindi maganda. Hindi ko madadala sa kabilang buhay. Ipinikit ko ang aking mga mata at hinayaan na lamang ang mapait na kapalaran ko. Saan kaya ako mapupunta? Sa Valhalla? Baka maging sa lugar na iyon ay wala akong lugar. Helheim? Sana nga ay mapunta ako sa lugar na iyon, para kahit papaano naman, kahit sa kabilang buhay ay makita at makasama ko ang aking ina. Baka sakaling maramdaman kong may lugar akong maaaring matawag na tahanan kasama siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD