“Haze. Haze!”
Naramdaman ko ang pag-alog ng aking katawan. Ganoon pa man, hindi ako nagmulat ng mga mata. Sinong tumatawag sa akin? Si Theodore? Imposible. Hindi ba at dapat patay na ako?
“Haze!” sa pangatlong pagkakataon na narinig ko ang pagtawag sa pangalan ko ay nagdesisyon na akong magmulat ng mga mata.
Mukha ni Heimdall ang bumungad sa akin. Kaagad akong napabangon sa aking kinahihigaan. Kinapa ko ang aking katawan at tiningnan ang paligid. Nasa ibabaw pa rin ako ng Bifrost!
“Buhay ako?” hindi ko makapaniwalang tanong sa sarili habang kinakapa pa ang katawan ko. Ni wala man lang akong makapang galos sa aking katawan. Nanaginip lamang ba akong nahulog ako sa gilid ng Bifrost? Pero ramdam ko na parang totoong-totoo iyon!
“Buhay ka,” pagkukumpirma ni Heimdall sa akin.
Muli akong tumingin sa kanya. Naguguluhan pa rin sa kung anong nangyari. Paanong buhay pa ako? Nananaginip nga lang ba ako kanina?
“Paano? Iniligtas mo ba ako?” tanong ko kay Heimdall.
Umiling siya. “Kung utos ni Master Odin na ipapatay ka, Haze, hindi ako para hindi sundin iyon at iligtas ka.”
Oo nga pala, lahat ng naririto ay sumusunod kay Master Odin, malapit man sila sa ‘yo o hindi. Kaibigan mo man o pamilya, kapag si Master Odin na ang nagsalita, sa kanya makikinig ang lahat.
“Kung hindi mo ako iniligtas, paanong…” Hindi ko makapa ang tamang salita na dapat kong sabihin kay Heimdall.
“Hindi ko rin alam. Matapos kang ihulog ng mga gwardya at umalis ang mga ito, ilang sandali pa’y nakita na kitang nakahiga rito. Maging ako ay naguguluhan, maging ako rin ay maraming katanungan sa nangyari, Haze,” seryosong sambit ni Heimdall sa akin.
Tumayo siya at inilahad ang kanyang kamay sa akin. Tinanggap ko ito at tumayo rin sa kinauupuan.
“Bakit ka gustong ipapatay ni Master Odin?” tanong niya sa akin, nahihiwagaan.
“Traydor daw ako,” diretsong sagot ko sa katanungan niya.
Pinagmasdan niya ako na para bang inoobserbahang mabuti. Huminga ako nang malalim at kaagad sinegundahan ang aking sinabi kanina.
“Hindi iyon totoo. Kailanman ay hindi ko tatalikuran ang lugar kung saan ako pinalaki at namuhay. Kahit na hindi pa man maganda ang trato sa akin ng karamihan,” agap ko, iniisip na baka isipin niya ngang isa akong traydor. “Siguro dahil sa pamilyang pinagmulan ko.”
“Alam ko iyon. Nakita kitang lumaki, Haze. Subalit hindi rin naman magbibitaw ng ganoong hatol si Master Odin nang walang dahilan. Ang tagal mo na rito, ngayon lamang ba nila iisipin iyan dahil mula ka sa pamilya ni Loki? Mukhang hindi lamang iyon ang pinanghuhugutan ni Master Odin,” saad ni Heimdall.
Hindi ako nakapagsalita kaagad. Hindi ko rin talaga alam ang mga nangyayari. Basta ang malinaw sa akin ay pinadampot ako at hinatulan nang hindi man lang binibigyan ng pagkakataong magpaliwanag at depensahan ang sarili.
“May sinabi ata ang Norns kay Master Odin, pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay ito na ang sunod na nangyari. Hindi ko alam kung anong ibinalita ng magkakapatid dito.”
Hindi na nagsalita si Heimdall matapos kong sabihin iyon. Huminga ako nang malalim inayos na lamang din ang sarili. Ngayon, saan ako pupunta? Hindi naman na ako maaaring bumalik ng Asgard. I can be a fugitive pero alam ko na mahuhuli rin kaagad ako ni Master Odin.
“Saan ang punta mo ngayon?” tanong ni Heimdall sa akin. Bakas sa mukha niya ang awa sa sitwasyong mayroon ako.
“Hindi ko alam,” sagot ko. Muli akong huminga nang malalim.
Tumango-tango si Heimdall sa akin bago ako talikuran. “Kapag tinahak mo ang Bifrost makakarating ka sa ibang mundong nakakonekta rito. Sa dulo ng Bifrost ay ang Midgard, Haze. Hindi ko alam kung gugustuhin mo bang manatili sa mundo ng mga mortal ngunit sa sitwasyon mong wala kang pupuntahan ay mas magandang pumunta ka na lamang doon, unless gusto mong mamatay sa kamay ni Master Odin.”
Muling lumingon sa akin si Heimdall. May pagtataka naman sa aking mukha. Hindi ko kasi inaasahan na tutulungan niya ako.
“Hindi kita tinutulungan dahil kakampi mo ako, Haze. Kapag inutusan ako ni Master Odin na patayin ka ay papatayin kita. Sinabi ko lamang sa ‘yo ito ngayon dahil alam ko naman na ayaw mo ring mamatay na hindi mo nagagawang malinis ang pangalan mo kay Master Odin. Midgard is a good place to hide, hanggang sa magkaroon ka ng pagkakataong makaharap muli si Master Odin at ipaliwanag ang lahat sa kanya.” Matapos niyang sabihin iyon ay nagpatuloy na siya sa kanyang paglalakad papunta sa pwesto niya at bumalik sa pagbabantay ng Bifrost.
Hindi ko na nagawang makapagpasalamat sa kanya pero napangiti ako sa sinabing iyon ni Heimdall. Mahina kong binigkas ang mga salitang “salamat” bago ako maglakbay papunta sa sinasabi niyang dulo ng Bifrost.
Matagal-tagal din ang ginawa kong paglalakbay. Hindi ko alam kung anong oras o ilang oras ang inabot ko dahil mukhang hindi naman ata umiiral ang konsepto ng oras dito.
Sa dulo ng Bifrost ay nakakita ako nang kakaibang liwanag. Una kong inilapit dito ang aking kamay ngunit kaagad ding binawi dahil sa kaba. Huminga ako nang malalim bago muling lingunin ang binaybay kong daan mula sa Asgard.
Hindi ko pa rin maintindihan bakit kailangan mangyari sa akin ang ganito. Wala rin akong ideya kung ano bang nakita ng Norns at sinabi iyon kay Master Odin. Pero sisiguraduhin ko na darating ang araw, mapapatunayan ko sa kanila na ni minsan hindi ko naisip na traydurin ang Asgard. Malaki ang utang na loob ko rito—sa kanila. Dahil kahit ano mang pinagmulan kong pamilya ay pinatira pa rin nila ako…only to be banished now. Masakit oo, pero sa ngayon, kailangan ko iyong tanggapin.
Humarap muli ako sa tila portal sa dulo ng Bifrost. Muli akong humugot nang malalim na paghinga bago tinangkang tumagos sa naturang lagusan.
May kakaibang enerhiya akong naramdaman. Malakas na pressure sa kapaligiran kaya’t naipikit ko na lamang ang aking mata, hinayaan ang lahat kung saan man ako dalhin nito. Nang maramdaman ko na nawala na ang malakas na enerhiyang nakapaligid lamang sa akin ay iminulat ko ang aking mga mata.
Matataas na gusali na ibang-iba sa mga nakikita ko noon sa Asgard. Mga nilalang na ibang-iba ang postura at suot na damit kumpara sa mga nilalang sa Asgard.
Napatingin sa akin ang isang lalaking may kung ano hawak sa kamay niya bago ito mapangiwi at napailing. Nilagpasan niya rin naman ako kaagad.
Napatingin ako sa aking suot na damit. Kakaiba ito sa suot at postura ng mga taong nakikita ko ngayon.
Tinangka kong maglakad nang dahan-dahan at may mga tao akong nakakasalubong na nakangiti sa akin kaya’t ngumiti rin ako sa kanila…only to realized, I was being a laughing stock. Hindi nila ako nginingitian. Pinagtatawanan siguro nila ako dahil kakaiba ang suot kong damit kumpara sa kanila.
Nagdesisyon akong maglibot. Umaasa na makakakuha rin ng tamang pananamit kapag naglibot ako. May mga nakita akong nagtitinda ng kaparehong damit ng mga taga-rito. Nagtanong ako at nang akmang magbabayad gamit ang iilang gintong natira sa akin ay tinitigan lamang ako ng nagbebenta.
“Ano iyan?” tanong niya sa akin.
Napatingin ako sa tatlong gintong nasa kamay ko bago muling tumingin sa lalaki at sagutin ang kanyang katanungan.
“Ginto. Pambayad sa aking ninanais bilhing damit mula sa iyo.” Nakakatuwa na nagkakaintindihan kami. Hindi ko alam kung paano iyon nangyari pero masaya na akong naiintindihan niya ang sinasabi ko at ganoon din ako sa kanya.
“Hindi iyan ang kailangan ko. Ang kailangan ko pera. Pahihirapan mo pa akong magpapalit ng ginto. Mamaya’y peke iyan.” Inismidan ako ng lalaki bago aliwin at kausapin ang panibagong mamimili na lumapit sa kanyang tindahan.
Binawi ko ang kamay kong nakalahad sa kanya bago pagmasdan ang gintong naririto. Pera? Ano naman iyon?
“Anong klaseng uri ng ginto ang pera?” pagtatanong ko sa lalaki. Kung kanina’y nakangiti siyang nakikipag-usap doon sa isang mamimili, ngayon ay wala ka nang ngiting makikita sa kanya nang harapin niya ako.
Pilit akong ngumiti dahil gusto kong makipag-usap nang maayos at magkaintindihan kami.
“Isa pa po, maaari bang magtanong? Ito po ba ang Midgard?” tanong ko sa kanya. Nakita ko ang pagkunot ng kanyang noo, ngunit ilang sandali pa’y malakas itong tumawa.
Pilit akong ngumiti dahil akala ko ay nakikipagbiruan siya sa akin.
“Anong Midgard ang pinagsasasabi mo? Earth ito, hijo! Nasa isang bansa ka ng mundong ibabaw. Ano ka ba? High ka ba? Naka-droga ka ba? Aba masamang bisyo iyan!” sunod-sunod niyang sabi sa akin na ang ilan sa mga sinabi niya’y hindi ko na masundan at maintindihan.
Tumingin ako sa paligid. Ito na nga siguro ang Midgard. Ito na nga ang mundo ng mga mortal. Hindi ko akalain na ganitong klase ito. Na kumpara sa Asgard ay tila ba mas malaya ang mga nilalang na naninirahan dito.
Muli kong binalingan ang lalaki upang magtanong muli. “Paano ko po magagawang pera ang aking ginto? Gusto ko po sanang bumili ng iyong ipinagbebentang mga damit.”
Muling tumingin sa akin ang lalaki. Pinagmasdan niya akong mabuti at halata mang nagsususpetiya sa akin ay kinausap niya pa rin ako nang maayos.
“Totoong ginto ba iyan?” tanong niya sa akin. Tumango ako. Hindi ko alam kung may pekeng ginto ba pero ito kasi ang ipinangbabayad namin sa Asgard sa tuwing may nanaisin kaming bilhin.
“Opo, totoo po ito,” sagot ko naman sa kanya.
Kinuha niya ang isang bagay sa gilid niya at isinuot iyon sa isang mata. Kinuha niya ang isang ginto sa aking kamay at pinagmasdan itong mabuti.
“Kapag ito peke, hahagilapin kita kahit saan ka magpunta. Sige, maaari ka nang kumuha ng damit na gusto mo kapalit ng isang gintong ito.”
Tila lumiwanag ang aking mukha dahil sa sinabi niya. Kaagad akong namili sa mga damit na mayroon siya roon.
“Ilan po ang maaari kong kunin?” Bumaling ako sa kanya at nakita ko ang tuwa sa kanyang mukha. Tila ba masayang-masaya siya sa gintong nakuha mula sa akin.
“Bahala ka kung ilan ang gusto mo.” At dahil sa sinabi niyang iyon ay namili ako ng tatlong pares ng damit. Binigyan niya naman ako ng lalagyan nito at sinabi niya rin sa akin na kung gusto kong magpalit ay pauunlakan niya ako sa isang silid sa kanyang bahay. Hindi ako tumanggi roon at nagpalit ng damit sa sinabi niyang silid.
“Maraming salamat po,” pagpapasalamat ko matapos kong makapagbihis.
“Balik ka ulit!” masayang saad niya bago ako tuluyang umalis doon.
Hindi kagaya kanina ay hindi na ako tinitingnan ng mga nakakasalubong ko. Hindi na rin nila ako pinagtatawanan. Siguro dahil kagaya nila ay hindi na naiiba ang itsura ko. Wala na ring kapuna-puna sa akin.
Naglibot-libot ako sa Midgard. Maraming makikita rito na hindi mo makikita sa Asgard. Gayunpaman, may mga makikita ka sa Asgard na wala rito, kagaya na lamang ng mga lumilipad na gamit dala ng mahika ng isang Asgardian. Ang mundo ng mga mortal ay tila ordinaryo ngunit nakakamangha. Payapa ang mga tao rito at masaya silang naninirahan dito.
Tumikim din ako ng mga pagkain na mayroon sila rito at masasabi ko na ibang-iba ito sa nakain ko na noon sa Asgard. Halos magningning ang aking mga mata sa sarap ng mga natikmamng pagkain.
Marami rin akong napuntahan na nagbigay kagalakan sa akin. Tuwang-tuwa ako sa mga tanawing nakikita ng aking mga mata.
Masaya ako na nakalimutan ko ang nangyari sa akin sa Asgard, na nakalimutan ko ang pagpapalayas ni Master Odin sa akin at halos tangkain pa akong patayin. Masaya ako hanggang maalala ko ang pait ng mga pangyayari sa aking tinuring na tahanan sa loob ng maraming taon.
Napabuntong hininga ako at umiling. Siguro ngayon, kailangan ko na lamang tanggapin na hindi na ako kailanman makakabalik sa Asgard. Na simula ngayon, baka maaari akong manatili na lamang dito at kalimutan ang nakaraan ko.
Nang mapansin ko ang pagdidilim ng paligid ay sumagi sa isip ko na wala pa pala akong tutuluyan ngayong gabi. Wala akong tirahan dito kaya mukhang kailangan kong maghanap. May magmamagandang loob kaya sa aking magpasilong sa kanilang tahanan o kailangan kong magbayad ng salapi upang magkaroon lamang ng matutuluyan?
Habang naghahanap ako ng maaari kong matuluyan ay may nakabungguan akong lalaki. Kaagad akong humingi nang paumanhin kahit na hindi ko naman kasalanan dahil siya ang biglang nagpakita sa kawalan. Ni hindi ko siya napansin kanina.
“Haze,” pagtawag niya sa akin. Napakunot ang noo ko dahil wala naman akong maalala na pinagbigyan ko ng pangalan ko rito simula nang makarating ako.
“Sino ka?”
May suot itong sombrero kaya’t hindi ko makita nang maayos ang kanyang mukha. Nang tanungin ko kung sino ito ay doon lamang siya nagdesisyon na tanggalin ang sombrero na suot niya.
Nakita ko ang mukha ng isang lalaki na tila pamilyar sa akin. Pakiramdam ko ay kilala ko siya pero aaminin ko rin naman na ngayon ko lamang siya nakita.
“Ikaw si…Haze, tama ba?”
Tumango ako. Iniisip ko na wala namang masama kung ibigay ko sa kanya ang aking pangalan.
Nakita ko ang pagngiti niya nang marinig niya ang kumpirmasyon mula sa akin. Isang ngiti na magkahalong pait at saya ang nakapaloob.
“Nice meeting you, Haze, finally.” Saglit siyang tumigil sa pagsasalita bago muling tumingin sa aking mga mata ng diretso at magpakilala ng sarili. “My name is Loki, your mother’s father.”
Halos malaglag ang aking panga sa kabiglaan ng pagpapakilala niya.