Chapter 7

2362 Words
“Loki…” Pinaulit-ulit ko sa aking isipan ang pangalan na iyon. Nang una ay iniisip ko pang mabuti kung sino ito dala na rin siguro sa pagkabigla, hanggang sa mapagtanto ko na pangalan iyon ng ama ng aking ina. Nanlaki ang aking mga mata sa kanyang biglaang pagpapakita at pagpapakilala sa akin. Parang ang hirap paniwalaan na bigla na lamang nagkrus ang landas naming dalawa. “Nagsasabi ka ba ng totoo? Na ikaw si Loki? Pero paanong…” “Nagsasabi ako ng katotohanan, Haze. Nang may tumawid sa lagusan na konektado sa Bifrost ay naramdaman ko ito kaagad at kagayang-kagaya ito ng presensya ni Hel. Hinanap kaagad kita at dito ako dinala ng aking mga paa. Nakumpirma kong hindi ako nagkakamali sa aking nararamdaman, naandito ka nga Haze.” Nakita ko ang pagliwanag ng kanyang mukha, tila masaya at nagagalak na makita ako. Hindi pa rin ako makapaniwala na nakikita ko siya ngayon. Wala akong alaala na nakasama ko si Loki noon kaya’t hindi ko sigurado kung ganito ba talaga ang itsura niya. Ganoon pa man, isa lang ang sigurado ako. Ang nararamdaman kong familiarity sa kanya. Na tila ba kahit hindi ko nakilala ang pamilya ko ay alam ko na si Loki nga itong nasa harapan ko. “Anong ginagawa mo rito sa mundo ng mga mortal? Hindi ba’t dapat ay nasa Asgard ka?” tanong niya sa akin, mas lumapit sa kinaroroonan ko. “Si Master Odin,” panimula ko. Naalala ko naman ang lahat ng nangyari. Kung paanong bigla na lamang akong ipinadampot ni Master Odin sa mga gwardya ng Asgard nang hindi binibigyan ng pagkakataon na makapagsalita o makapagpaliwanag man lang. “Pinatapon niya ako mula sa Asgard. Muntikan na akong mamatay kanina dahil inihulog nila ako sa gilid ng Bifrost. Sa hindi malamang dahilan naman ay buhay pa rin ako.” Nakahinga ako nang maluwag na para bang isang himala pa rin na buhay pa ako ganoong naramdaman ko kung paano ako nahulog sa gilid ng Bifrost kanina. Nakita ko ang pagbabago ng ekspresyon ni Loki sa sinabi ko. Tinapik niya ang aking balikat at inanyayahan na sumama sa kanya. “May tinutuluyan akong bahay rito sa Midgard. Sumama ka na muna sa akin. Magdidilim na rin at alam ko na kakailanganin mo ng tutuluyan.” Pumayag ako sa gusto niya. Masaya ako na makita ang isang miyembro ng pamilya pero hindi ko ganoong maipakita iyon dahil naaalala ko kung anong mga sinasabi sa kanila ng mga tao sa Asgard. Totoo kayang traydor sina Loki? Kung oo, bakit pakiramdam ko ay mabubuti naman sila—siya? Siguro ay ganito nila ako itrato dahil pamilya nila ako. Ano naman kayang rason bakit gusto nilang pabagsakin ang Asgard? Pinaupo niya ako sa isang sofa. Malaki ang kanyang tinutuluyan. Naghagis siya ng kahoy sa fireplace at nagningas ang apoy mula rito. Naging mainit kahit papaano ang paligid na siyang ikinakomportable ng aking pakiramdam. Nakita ko si Loki na kumuha ng maiinom. Inalok niya ako ng makakain ngunit tumanggi ako dahil nakakain na naman ako kanina at hindi pa ako nakakaramdam muli ng gutom. Naupo siya sa tapat ko nang mailagay ang isang tasa ng kape sa harapan ko. Nagpasalamat naman ako sa kanya. “Ano nga ulit nangyari at napadpad ka rito, Haze?” tanong ni Loki sa akin habang sumisimsim sa kanyang tasa.  Huminga ako nang malalim at muling sinabi sa kanya ang nangyari. Lahat nang dapat niyang malaman ay sinabi ko. Inisip ko na lang na okay lang naman kung magsabi ako sa kanya ganoong kamag-anak ko naman siya. Unless, patunayan niya sa akin ang sinasabi ng karamihan sa kanya na hindi dapat siya pagkatiwalaan. Tumatango-tango lamang naman siya habang nakikinig sa lahat ng sinasabi ko. Parang iniisip niyang mabuti ang mga dahilan ng aksyon na iyon ni Master Odin. “Pinalayas ka at tinangka ka pang pataying ng mg kawal ng Asgard, tama?” pangungumpirma niya sa akin. Tumango naman ako sa kanya bilang sagot. “Hindi man lang nila ako binigyan ng oras makapagpaliwanag. Ni hindi ko maintindihan ang akusasyon nila. Hindi kaya…dahil sa iniisip nilang binabalak niyo?” Hindi ko napigilan ang aking sarili sa pagtatanong. Napatingin sa akin si Loki kaya’t agad kong pinagsisihan ang sinabi. “Hindi, malabo iyon. Isa pa, alam ni Odin na hindi na ako makakagawa ng kahit anong gusto kong gawin sa kanya o sa Asgard man dahil hindi na ako makakabalik doon. Hindi pa sa ngayon.” Tumingin siya ng diretso sa akin. “May kasunduan pati kami, Haze, kaya nakakasigurado ako na hindi ka niya papaalisin dahil lamang sa iniisip niyang traydor ka. Kung iniisip niya iyon, matagal na siyang kumilos.” Natigilan ako sa kanyang sinabi. Ibig sabihin may mas malalim na dahilan si Master Odin? Pero ano? Wala talaga akong maisip dahil tahimik lamang naman ang buhay ko sa Asgard. Hindi ako nangengealam sa mga bagay-bagay roon. Naalala ko ang isang salitang sinabi ni Loki kaya agad ko iyong binalikan. “Anong kasunduan niyo po ni Master Odin?” Bumuntong hininga si Loki, halatang nagdadalawang isip siya kung sasabihin niya ba sa akin ang sagot sa aking katanungan o huwag na lamang. “Bago ako pumayag na umalis ng Asgard noong inaakusahan din nila akong traydor ay nakipagkasundo ako kay Odin na huwag na huwag kang gagalawin at hayaan kang manirahan nang tahimik sa Asgard. Pumayag siya. We made a pact. Kaya hindi ko maintindihan bakit bigla niya itong ginawa. Hindi kaya may ginawa ka?” tanong niya pabalik sa akin. “Wala po akong ginagawa. Baka po sadyang ganoong katiwala si Master Odin sa Norns.”  Hindi nakapagsalita si Loki sa huling sinabi ko. Hindi ko rin akalain na may ganoon silang kasunduan ni Master Odin. Hindi ko tuloy alam kung matutuwa ba ako o hindi. “Totoo po bang…gusto niyong patalsikin sa trono si Master Odin? Gusto niyo po ba talagang sirain at pabagsakin ang Asgard? Tinutulungan niyo po ba talaga ang mga Jotun para sirain ito mula sa loob kahit na ang loyalty niyo ay dapat na kina Master Odin?” sunod-sunod kong tanong sa kanya. Marami talaga akong katanungan noon pa man. Ito na ang mga bagay na kinalakihan ko sa Asgard kaya ngayong kaharap ko siya, gusto kong makahanap ng kasagutan. Napatulala siya sa akin noong una hanggang sa matawa na lamang siya. Ibinaba niya ang hawak niyang tasa at tumingin sa akin. “Ayan ba ang sinasabi nila sa ‘yo roon? Ganyan ba ang mga naririnig mong sinasabi ng Asgardians sa akin?” Nahihiya man ay tumango ako sa kanya bilang sagot. Muli kong narinig ang kanyang pagtawa. Napangiwi ako dahil hindi ko alam kung bakit siya tumatawa.  “Gusto kong paalisin si Odin sa trono dahil may sarili akong dahilan. Hindi dahil tinutulungan ko ang Jotun. Ni hindi nga ako nakakapunta sa Jotunheim.” Pinakalma niya ang sarili mula sa pagkakatawa bago muling magsalita. “Sa palagay ko ay mali ang pagpapalakad ni Odin sa Asgard. Alam ko na siya ang dahilan bakit may iba’t ibang mundo tayo pero sa tingin ko ay hindi pantay-pantay ang pagkakatrato niya sa lahat. May mga paniniwala siyang hindi ko nagustuhan. I gave out suggestions, but they treat me as a traitor. They treat my action as treason. Ang bagay na pinipigilan ni Odin noon kaya niya sinasabing tinapos niya si Ymir ay siyang ginagawa niya ngayon sa kanyang nasasakupan,” sagot niya sa akin kasabay ang isang malalim na buntong hininga. Natahimik ako. Buong buhay ko hindi iyon ang inisip ko. Nanatiling tikom ang aking bibig sa mga pangungutya ng ibang tao sa akin at sa aking pamilya dahil iniisip ko na baka nga sadyang kasalanan namin…pero ngayong naririnig ko ito sa kanya ay parang mali ang lahat ng ipinipintas laban sa aking pamilya. “Mas maganda kung dito ka na muna manatili. Hindi ka naman kaagad makakabalik ng Asgard lalo na’t mukhang may galit na rin sa ‘yo si Odin ngayon.” Pumayag ako sa kanyang alok at pinasalamatan siya. Naging makahulugan ang gabing iyon sa akin. Na parang isa iyon sa pinakamasayang nangyari sa buhay ko. Na sa loob ng ilang taon kong namumuhay sa Asgard, ngayon ko lang talaga maipo-proklamang may matatawag akong tahanan. Natulog ako sa isang silid sa bahay ni Loki na may ngiti sa aking labi. Hindi ko alam kung makakabalik pa ba ako sa Asgard pero…kung hindi na, masaya na akong makasama ang isa sa aking pamilya sa mundong ito. Masarap ang naging tulog ko noon. Naalala ko pang napaginipan ko ang aking ina. Kung paano siya ilarawan sa akin ni Loki kanina ay ganoon ko siya naisip at nakita sa aking panaginip. Ang tahimik at masaya ang buhay ko sa panaginip kong iyon kasama ang pamilya ko. Nanalangin pa ako na sana ay hindi na ako magising at manatili na lamang doon. Tumama ang sinag ng araw sa aking mukha kaya’t nagising ako. Napabalikwas pa ako nang maalala  kong kailangan ko pa nga pa lang magtrabaho dahil magagalit si Theodore kung hindi ako kikilos agad. Sasabihin na naman nito na ang kupad-kupad ko. Habang naglalakad papunta sa aking damitan ay roon ko lamang napansin na hindi ito ang kwarto ko sa bahay ni Theodore.  Iginala ko ang aking mga mata at doon lamang napagtanto na nasa Midgard na nga pala ako at wala sa Asgard. Na nasa bahay ako ni Loki at wala sa bahay si Theodore. Na kahapon ay pinalayas na ako sa Asgard dahil sa kung ano mang ibinalita ng Norns kay Master Odin. Hindi ko pa rin matanggap na ganoon na lamang nila ako itrinato, na parang napatunayan nilang talagang may ginagawa akong hindi maganda. Nagdesisyon na ako lumabas ng silid. Iniisip ko pa kung anong gustong kainin ni Loki upang maipagluto ko siya. Pambawi man lang sa pagpapatira niya sa akin dito. “Magandang umaga, Haze!” Napatingin ako sa may hapag kainan nang may bumati sa akin. Magalang ko siyang tinanguan at nilapitan na rin. Naandito na si Loki at naghahanda para sa umagahan. “Magandang umaga rin po.” Tinulungan ko siya sa paghahanda ng umagahan. Sinabi niya naman sa akin ang mga maaari kong maitulong. Tahimik lamang kaming kumakain noong una hanggang sa magsalita siya. Ibinigay ko naman ang buong atensyon ko sa sinasabi niya. “Naalala kong sinabi mo sa akin kagabi na tinangka kang ihulog sa Bifrost? Alam na ba ulit ni Odin na buhay ka pa?” tanong niya sa akin. Napaisip ako roon kaya’t hindi muna ako sumagot. Iniisip ko pa kung sinabi ba ni Heimdall na buhay ako. Na hindi ako namatay nang mahulog ako sa gilid ng Bifrost at bumalik lamang sa ibabaw na ito.  “Isa pa, Haze, paano ka nakaligtas doon? Anong kakayahan ang mayroon ka?” Muli ay hindi kaagad ako nakasagot. Hindi ko pa nga naiisip ang sagot sa naunang katanungan ay may karagdagan agad. “Hindi ko alam kung alam ba ni Master Odin na buhay pa ako. Baka hindi, maaaring oo.” Nagkibit balikat ako. Tumaas ang isang kilay niya. “Kasi nakita ako ni Heimdall na buhay at nakahiga sa Bifrost nang walang malay matapos akong ihulog. Hindi ako sigurado kung sinabi niya ba o inilihim niya.” Sa ngayon ay wala na akong mapagkatiwalaan sa Asgard. Alam ko naman kasi na si Master Odin ang kakampihan ng lahat at walang papanig sa akin, walang makikinig sa akin. Kaya kahit itinuring kong kaibigan si Heimdall, hindi ko alam kung ilalaglag niya rin ba ako…subalit tinulungan niya rin naman ako. “Sa pangalawag tanong, hindi ko rin alam paano ako nakaligtas. Nagising na lamang ako ay nakahiga na ako sa Bifrost kahit na malinaw sa akin na inihulog ako.” Nagkibit balikat ako. Totoo naman ang sinabi ko. Huminga nang malalim si Loki at tumango. Tinitigan ko lamang naman siya. Halatang malalim ang kanyang iniisip. “Siguro hahayaan ka na lamang naman ni Odin…sana.” Nagkibit balikat siya at nagpatuloy na sa pagkain.  Sana nga. Siguro dapat na lang din akong matutong mamuhay sa mundong ito. Kung si Loki nga ay nagawa, siguro ay magagawa ko rin. Bukod naman sa iilang bagay ay hindi naman ganoong kaiba ang Midgard sa Asgard. Siguro ay masasanay rin ako. “Ano pa lang ginagawa mo rin sa Midgard? Ipinatapon ka rin noon ni Master Odin?” At iyon ang katanungan kong nagpatigil sa kanyang muli. “Hindi. Kusa akong nagpunta rito. Kaysa magkagulo pa sa Asgard. Kaya rin hinayaan ka nilang manirahan doon dahil sa kasunduang mayroon kami ni Odin bago ako umalis. Kaya lamang…iba na ang nangyayari ngayon.” Bumuntong hininga siya na tila dismayado sa isang bagay. “Sinabi mo na magbibitaw si Odin bilang hari? Nasabi ba niya ang dahilan?” Nagkibit balikat ako. “Wala naman pong nabanggit. Basta at naghahanap sila ng papalit sa kanya. Sumali ako pero ito lang ang nangyari.” Gusto kong tawanan ang sarili. Ang taas-taas pa nang aking pangarap bago ako sumali para lamang lumagapak ang lahat sa isang iglap. Ang sakit pa nang pagkabagsak ko. “Something’s fishy, pero sa tingin ko ay hindi na dapat tayo manghimasok. Hindi na natin iyan problema. As long as we’re not involve, huwag na nating isali ang sarili natin. You, Haze, can live here in Midgard. Kahit naman nasa pamumuno pa rin ni Odin ang mundong ito, mas malaya ka rito kumpara sa Asgard.” Matipid akong ngumiti sa kanya at tumango ngunit hindi natinag sa pagtatanong. “Anong ibig niyong sabihin sa sinabi niyo? Bakit parang nagulat kayong magpapalit na ng hari ang Asgard?” hindi ko muli mapigilang tanong. Matipid siyang ngumiti sa akin. “Simula nang mabuo ang mga mundo, simula nang mabuo ang Asgard, ni minsan hindi nagpalit ng hari, Haze. Si Odin na ang nakaupo sa trono una pa lamang kaya bakit ngayon ay nagpasiya siyang bumaba ng kanyang trono? Hindi ba nakakapagtaka?” Bigla akong napaisip sa sinabi niyang iyon. Ngayon ko lamang din naisip iyon. Ayoko mang isipin pa pero hindi ko mapigilan. Hindi ko akalain na ang pag-iisip ko sa mga sagot sa katanungan sa isip ko ay ang magdadala pala sa akin sa mas mapanganib na sitwasyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD