Nahihiwagaan man sa mga sinabi ni Loki ay hindi na ulit ako nagsalita tungkol doon. Mas maganda sigurong hindi na nga lang kami makisali lalo na’t wala na naman ako sa Asgard ngayon.
Nang magliligpit ng mga pinagkainan ay tinangka kong tumulong ngunit dahil hindi ko naman alam ang mga gagawin ay nahulog ko lamang ang ilang gamit sa kusina. Tinawanan ako ni Loki at tinuruan ako ng mga bagay na dapat kong malaman.
“Solong anak niyo po ba ang aking ina?” tanong ko sa kanya habang naglalakad-lakad kami sa labas. Naisipan niya kasi akong igala rito sa Midgard para maging pamilyar ako sa mga bagay-bagay.
Nakita ko ang matipid niyang pagngiti at pag-iling. “Hindi, may dalawang nakakatandang kapatid si Hel.”
Tumango-tango ako sa sinabi niya. Dati kasi ay may naririnig na rin ako na may kapatid ang aking ina pero base sa mga naririnig kong iyon gusto ko na lamang isipin na hindi ito totoo at kathang isip lamang ng karamihan. Ngayong si Loki mismo ang nagsabi nito sa akin ay paniniwalaan ko na.
“Nasaan po sila ngayon? Naririto rin po ba sila sa Midgard?” tanong ko. Tumigil kami sa isang pamilihan na tila puro prutas at gulay. Iba man ang mga itsura nito sa Asgard ay masasabi kong hindi naman ganoong nagkakalayo.
Ngumiti lamang muli si Loki sa akin ngunit hindi na nagsalita. Kitang-kita ko ang lungkot at pait sa kanyang mga mata kaya naman napagtanto ko na huwag na lamang magtanong pa tungkol doon. Baka ayaw niyang pag-usapan.
Marami pa kaming pinuntahan at kada lugar na pupuntahan namin ay may sasabihin siya na parang history ng lugar na iyon. Nakikinig naman ako sa mga sinasabi niya kahit na minsan ay nalilito pa.
Nang dumating ang tanghali ay nagdesisyon kaming kumain. Dinala niya ako sa paborito niyang kainan dito dahil ang sabi niya ay masarap daw ang pagkain. Hinayaan ko lang naman ang gusto niya dahil wala naman akong ibang alam na puntahan.
Tiningnan kong mabuti si Loki. He looks like he doesn’t age. Parang hindi siya tumatanda. Kung tutuusin, kapag magkasama kami ay aakalain mo na mag-ama kami o baka nga magkapatid lamang dahil sa itsurang mayroon siya. Sabagay, he’s a god. Baka awtomatiko na sa kanila iyong hindi tumatanda.
“Kumusta naman ang pamamalagi mo sa Asgard noon? Did they threat you well? Saan ka nakatira noong nasa Asgard ka pa?”
Bukod nga pala sa ilang naikwento ko sa kanya tungkol sa nangyari sa pagitan namin ni Master Odin ay wala pa akong ibang nasasabi.
Sinabi ko kay Loki na may umampon sa akin. Na bukod sa ilang mapangmatang tao ay maayos naman ang naging buhay ko. Wala nga lang akong masyadong naging kaibigan.
“Isa pa, may naengkwentro akong frost giant isang beses! Akala ko nga ay mamamatay na ako buti na lang at dumating si Thor. Niligtas niya ako.” Bakas sa aking mukha ang pagkamangha na naman dahil sa naalala kong kagitingan ni Thor. Hindi pa rin nawawala ang pangarap ko na maging kagaya niya.
“Si Thor, huh?”
Napatingin ako sa kanya at tumatango-tango pa sa kanya. “Malapit po ba kayo ni Thor o hindi maganda ang samahan niyong dalawa?”
“Magkasundo kami ni Thor…noon. Pero syempre, kay Odin pa rin naman kakampi iyan dahil iyon ang kanyang ama. But we used to be buddies,” natatawang sagot niya sa akin.
Napangiti rin ako. Gusto kong saliksikin ang kanilang samahan noon pero baka hindi rin gustong pag-usapan pa ni Loki kaya’t itinikom ko na lamang ang aking bibig.
Kung titingnan mong mabuti si Loki, ibang-iba siya sa mga sinasabi ng mga Asgardians. Sa mga naririnig kong bagay laban sa kanya.
“Mahilig ka raw manloko ng mga tao sa Asgard, totoo ba iyon?”
Muli ay narinig ko ang pagtawa ni Loki dahil sa sinabi ko. “Madalas oo, mahilig akong manloko. I used shapeshifting to trick some Asgardians, just for fun. Pero maging iyon ay ginamit nina Odin para ipanglaban sa akin.”
Para akong nalungkot sa sinabi niya. Ngayon ay napagtatanto ko na baka ang mga bagay na kinalakihan ko tungkol sa pamilya ko ay maaaring mali. Maaaring gawa-gawa lamang para siraan sila at nakakahiya na minsan ay tinanggap ko ang mga panlalait sa kanila dahil iniisip ko na baka…may kasalanan talaga ang aming pamilya.
Hindi ko na naisip na magsalita pa ulit simula noon dahil ayokong may mali akong masabi. Sa tingin ay hanggang doon na lamang muna ang kadaldalan ko ngayong araw.
“Noong nasa Asgard ka pa, may mga naging kaibigan ka ba?” tanong sa akin ni Loki na siyang ikinatigil ko.
Napalagok ako sa aking sariling laway. Hindi alam kung anong tamang isagot sa katanungang iyon. Naiisip ko pa si Raine dahil siya lamang naman ang kahit papaano’y pinakitunguhan ako nang maayos.
“May mga naging kaibigan naman po.” Hindi ko lang sigurado kung maituturing bang kaibigan iyong handa kang talikuran kapag sinabi ni Master Odin na talikuran ka.
“Masaya akong marinig na naging maayos naman ang iyong pamamalagi sa Asgard—”
Hindi na natapos ni Loki ang kanyang sasabihin nang tila ba may sumagi sa isipan niya. Kumunot ang noo niya at ang masayang ekspresyon na suot niya kanina ay naglaho.
“May problema po ba?” nagtatakang tanong ko rito.
Tumingin siya sa akin at kita ko ang pangamba sa kanyang mukha. Hindi niya sinagot ang aking katanungan bagkus ay tumayo siya sa pagkakaupo niya.
“Haze, aalis na tayo.” Matigas ang pagkakasabi niya nito sa akin na kaagad kong ipinagtaka. Tumayo rin ako sa aking kinauupuan at naguguluhan pa ring nakatitig sa kanya, naghahanap ng eksplanasyon at kasugatan sa kanyang ikinikilos.
Tumingin ito sa akin, para naman akong nalagutan ng hininga sa kanyang paninitig sa akin.
“May tumawid mula sa lagusan na nakakonekta mula sa Asgard at Midgard. Hindi pa lamang ako sigurado kung sino pero…hindi maganda ang kutob ko rito.”
Dali-dali kaming umalis sa lugar na iyon dahil sa sinabi ni Loki. Habang pauwi kami’y pinoproseso ko sa aking isipan ang lahat ng sinabi niya.
Alam ko na nararamdaman niya kung may tumatawid sa lagusan na nakakonekta sa Midgard at Asgard, kung paano’y hindi ko rin alam. Ang sabi niya kanina ay may naramdaman siyang muli? Pero sino naman kaya at anong dahilan ng pagpunta niya rito?
Malapit na kami sa bahay nang may maisip akong itanong kay Loki.
“Baka naman gusto lamang nitong aliwin ang sarili kaya nagdesisyon siyang pumunta rito?”
Binilisan ni Loki ang kanyang paglalakad kaya’t nilakihan ko rin ang bawat hakbang ko upang makasunod sa kanya. Hindi siya nagsalita hanggang sa makarating kami sa bahay na tinitirhan niya.
Kaagad niyang isinara ang pinto at may kung anong sinabi na hindi ko naintindihan. Nilingon niya ako at ngayon niya lamang sinagot ang katanungan ko kanina.
“Hindi basta-basta nakakapunta sa lagusan ang kahit sinong taga Asgard kung walang pahintulot ni Odin, dahil sa gate pa lamang ng Asgard ay haharangan na sila ni Heimdall,” sambit niya sa akin habang naiiling, halatang may iniisip na malalim.
May punto siya roon, dahil ako, nakapunta lamang naman ako rito dahil sa instruksyong ibinigay sa akin ni Heimdall noon.
“Isa pa, hindi rin sila bibisita rito kung walang malalim na dahilan. Hindi nababa sa lupa o sa mundo ng mga mortal ang mga gods and goddesses dahil para sa kanila ay wala naman silang mapapala kung pupunta sila rito kung hindi ang maaksaya lamang ang kanilang oras,” dagdag niya sa pahayag niya kanina.
Natigilan ako at napaisip din. Sino kaya ang mula sa Asgard ay tumawid ng lagusan? Ano naman kayang pakay niya rito?
“Sigurado ka bang walang nakakaalam na buhay ka pa?” tanong ni Loki rito. Umiling ako dahil wala naman akong maalalang may ibang nakakaalam bukod kay Heimdall.
“Si Heimdall lang po,” magalang na sagot ko, “hindi kaya, inilaglag niya ako kay Master Odin—”
Umiling si Loki kaya’t napatigil ako sa binabalak sabihin. “Hindi ganoon si Heimdall. Sa tingin ko ay hindi ka naman niya ilalaglag. Kasi kung gusto ka niyang iharap kay Odin ay hindi ka na sana niya tinulungan pa.”
Sumang-ayon ako sa kanyang sinabi. Kilala ko rin naman si Heimdall. Habang lumalaki ako ay siya iyong isa sa mga parati kong nakakausap. Wala man sa akin ang loyalty niya, ngunit alam ko rin na hindi niya para ilaglag din ako.
“Baka nalaman na ni Odin. Hindi rin naman malayong mangyari iyon, na malaman niya kaagad na buhay ka, pero inaasahan ko na hahayaan ka na naman niya as long na wala ka sa Asgard. Baka mali lamang ang kutob ko, baka hindi naman ikaw ang ipinunta rito at may iba silang gagawin. Iyon na lamang siguro ang ating isipin sa ngayon.”
Maybe my grandfather is overreacting when he felt that presence. Pero hindi na rin masamang mag-ingat. Siguro naman ay kung sakali man malaman ni Master Odin na buhay ako, hahayaan niya na lang ako rito sa Midgard. Siguro iisipin niya na kung hindi naman ako manggugulo ay hahayaan niya siguro akong mabuhay.
Hindi pa nakakalipas ang ilang sandali nang maisip ko iyon ay kaagad akong hinigit ni Loki upang dumapa. Hawak niya ang ulo ko at pareho kami ngayong nakadapa sa sahig. May malakas kaming narinig na pagsabog at ang sunod na nakita ko ay halos mawala na ang kalahating parte ng bahay ni Loki.
“Sayang! Akala ko ay hindi niyo na iyon maiiwasan.”
Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Hinanap ko pa siya sa paligid pero hindi ito nakita hanggang sa mapagtanto ko na nasa ere ito. Tiningnan ko siya at kaagad akong napalagok sa aking laway nang mapagtanto kung sino ito.
“Frey,” pagtawag ni Loki sa pangalan ng lalaking nagpasabog ng bahay niya.
Malakas na tumawa si Frey. Siya ang kapatid ni Freyja at ang god of peace and rain.
“Long time no see, Loki. Hindi ko inaakala na magkikita tayo sa ganitong pagkakataon,” sambit ni Frey bago dahan-dahang tumapak sa lupa.
“Anong ginagawa mo rito?” Hindi pinansin ni Master Loki ang ginawang pagbati ni Frey sa kanya kanina at diretsahang itong tinanong.
Nagkibit balikat si Frey at ngumuso. “Ipinadala ako ni Master Odin.”
Ipindala siya ni Master Odin dito? Para saan? Anong dahilan? Binabalak ko pa lamang sanang sambitin ang mga katanungan kong iyon ay naunahan na ako ni Loki.
“Bakit ka niya ipinadala rito sa Midgard, Frey?” tanong ni Loki rito. Ibang-iba ang tono ng pananalita niya sa kung paano siya makipag-usap sa akin.
“Come on, Loki! Don’t be like that. Hindi mo man lang ba ako paanyayahang magkape sa bahay mo? Kumusta ang buhay mo rito sa Midgard? Hindi ka ba…nahihirapan?” sarkastikong tanong ni Frey kay Loki. Napakunot ang noo ko dahil maging ako ay hindi nagustuhan ang tono ng pananalita niya.
“May katanungan akong sinabi sa ‘yo. Bakit hindi na lamang iyon ang pagtuunan mo nang pansin at sabihin sa akin ang dahilan bakit ka naririto?” seryosong pag-uulit ni Loki sa kanyang katanungan kanina.
Ang mapaglarong ekspresyon na suot ni Frey ay dahan-dahang nawala. Napalitan ito ng isang ekspresyong madilim. Ang mga mata niya ay lumalim. Hindi na siya ngayon nakikipagbiruan. Halata na rin ang pagkaseryoso ng mukha niya.
“Hindi pa ba halata ang dahilan matapos kong halos pasabugin nag buong bahay mo, Loki?” tanong ni Frey kay Loki.
Nanatili akong tahimik. Kahit naman gustuhin kong sumabat at magsalita ay sa tingin ko mas maganda nang manahimik na lamang muna.
Nararamdaman ko ang pamumuo ng tensyon sa pagitan ng dalawa nang muli ay magsalita si Loki at batuhin si Frey ng isang katanungan.
“Bakit ka ipinadala ni Odin dito? Anong dahilan niya?” Wala kang mararamdamang emosyon sa tono ng pananalita ni Loki. Halatang ayaw na niyang ubusin pa ni Frey ang oras niya at ang natitira niyang presensya.
Ngumisi si Frey. Kaagad akong kinilabutan sa pagngisi niyang iyon. He may not be a powerful god but he’s still a god. At naririyan siya sa posisyon niya ngayon dahil may angking katangian pa rin siya. Katangian na wala ako.
“Bakit…hindi mo alamin ang kasagutan sa tanong mo, Loki? Sa tingin mo, bakit ako ipapadala ni Master Odin dito?”
Napansin ko ang pagkuyom ng kamay ni Loki. Ramdam ko rin na may kakaibang bigat ng presensya na rin ang pumapaligid sa kanya. Bahagya akong napaatras.
“Ipinadala ba kayo ni Odin dahil kay Haze?” Walang pagdadalawang isip na tanong ni Loki rito. Muli ay kumurba ang isang ngisi sa labi ni Frey.
Nang akala ko ay magsasalita ito ay kaagad siyang nawala sa harapan namin. Ililibot ko pa lamang sana ang paningin ko upang hanapin siya nang maramdaman kong may humawak sa aking leeg mula sa likod.
“Ipinadala ako ni Master Odin dito upang damputin ang rebeldeng si Haze at iharap sa kanya.”
Shit! Hindi ako makahinga.