Chapter 9

2208 Words
Halos hindi ako makahinga dahil sa paghigpit ng pagkakahawak ni Frey sa aking leeg. Akala ko ba ay ihaharap niya ako kay Master Odin? Bakit pakiramdam ko ay gusto na niyang tapusin ang buhay ko. “Frey!” May inihagis na armas si Loki papunta sa direksyon ni Frey. Kaagad akong bintawan ni Frey at iniwasan ang nasabing armas ni Loki. Lumayo ito sa pwesto namin at nakita ko ang pagngisi niya. “Scary, Loki. Muntikan na akong mahagip ng scepter mo, ah? Kung nagkataon, tsk, mahirap na. Baka hindi na ako tuluyang makauwi.” Puno ng pagiging sarkastiko ang kanyang tono, na kahit si Loki ang kausap niya ay maging ako naiinis dito. “Ano ba talagang kailangan niyo kay Haze?” malamig na tanong ni Loki kay Frey. Nakita ko naman ang pagkibit balikat nito. Napatingin din ako sa kung ano mang inihagis ni Loki kanina para lumayo sa akin si Frey at nakita kong isa nga iyong scepter. Kung anong kakayahan nito ay hindi ko pa alam sa ngayon. “Pinapasundo nga siya ni Master Odin. Dalhin ko raw ito sa Asgard.” Nagkibit balikat si Frey. “Inutusan niya akong dalhin sa kanya si Haze…buhay man ito o hindi na.” Kinilabutan ako sa huling sinabi niya. Pakiramdam ko ay desidido talaga si Master Odin na ipapatay ako pero bakit? I am harmless. Ni wala akong kakayanang sirain ang Asgard. Gumalaw ang scepter at kaagad iyong lumapit kay Loki. Hinawakan naman iyon ni Loki bago itutok ang tulis nito kay Frey na ngayon ay para bang natatawa sa nangyayari. “Woah, woah,” sabi niya habang itinataas ang dalawang kamay sa ere. “Hindi ko alam na kaya mo na pala ulit i-summon ang scepter mo.” Hindi iyon pinakinggan ni Loki at muling pinagbantaan si Frey. “Aalis ka rito nang walang galos o ako mismo ang tatapos sa ‘yo, Frey. Hindi ako nagbibiro.” Napatingin ako kay Loki. Kitang-kita ko sa mata niya na hindi nga ito nagbibiro. Gagawin niya kung ano ang sinabi niya kay Frey. Hindi ko pa alam kung ano bang tunay na kakayahan ni Loki pero alam ko na maging si Master Odin ay takot  sa kanya. Kaya nga mas pinili nitong paalisin na lamang si Loki sa Asgard. “Fine, fine. Ang sabi ko naman kay Master Odin ay hindi ako para sa trabahong ito.” Ibinaba niya ang dalawang kamay na nakataas sa ere kanina at nagkibit balikat. “Hindi ko rin alam na magkasama na pala kayong dalawa. Hay, mukhang huli na ng aksyon si Master Odin.” Nawala ang hawak na scepter ni Loki nang mapansin niya na hindi na manlalaban si Frey. Tumingin si Frey sa akin bago ilipat muli kay Loki. “Pasalamat ka, Loki, ako ang unang pinadala rito. At least, alam niyo na nga na pinapahanap iyang apo mo ni Master Odin.” Tumawa-tawa si Frey. Hindi mo malaman kung tunay ba siyang natatawa sa sitwasyong mayroon kami o hindi. “Pero paalala lang din, baka hindi ako ang huling ipadala niya rito.” Matapos niyang magbigay sa amin ng makahulugang ngiti ay umalis na rin siya.  Nakahinga ako nang maluwag nang mawala si Frey ngunit naglaho rin iyon kaagad nang maalala ko ang ginawa niya sa bahay namin. Napabuntong hininga ako. Maaayos pa naman siguro namin, hindi ba? “Mag-aayos lang ako, Haze. Siguraduhin mo na wala kang gamit na maiiwan dito. Kung may dala kang gamit ay kunin mo na.” Paalis na si Loki sa tabi ko nang tawagin ko siya upang magtanong. “Bakit po?” nagtatakang tanong ko sa kanya. Nilingon niya ako at mabigat na bumuntong hininga. “Hindi na tayo maaaring magtagal pa rito. Kailangan na nating lumayo sa lugar na ito. Narinig mo naman ang sinabi ni Frey kanina, hindi ba? Maaaring hindi lamang siya ang ipadala ni Odin dito upang ipakuha ko o mas malala ipapatay ka pa. Hindi natin alam kung ano ba talagang pinaplano ni Odin pero nakakasigurado na tayo ngayon na alam niyang buhay ka at hindi niya patatahimikin ang buhay mo sa kung ano mang rason niya. Kailangan nating magtago. Kailangan nating umalis, malayo rito, malayo sa kanila.” Umalis si Loki sa harapan ko upang kumuha siguro ng mga kagamitan na kakailanganin niya. Ako naman ay nagtungo sa silid na tinutuluyan ko upang kunin ang iilang gamit na dala ko kahapon nang magkita kaming dalawa. “Handa ka na ba? Dala mo na ba ang lahat ng gamit na kailangan mo? Hindi na ulit tayo babalik dito, Haze.” Tumango ako sa sinabing iyon ni Loki dahil wala na naman talaga akong ibang gamit bukod dito sa iilang damit na binili ko kahapon sa isnag tindero. “Saan tayo pupunta?” Marami kaya siyang ari-arian na kahit biglaan ay may ibang lugar o bahay siyang mapupuntahan? Siguro. Matagal na rin siya rito sa Midgard kaya’t hindi na dapat ako magtaka pa. “Kahit saan, Haze. Basta malayo rito. Magbibigay ng balita si Frey kay Odin at ano mang oras ay maaaring magpadala na naman si Odin ng maaaring magdala sa ‘yo sa Asgard. Pasalamat na lamang tayo sa ngayon na si Frey lamang ang naisipan niyang ipadala rito. In terms of battle power, he’s in the disadvantage because Frey isn’t a battle god. Kaya sumuko agad siya lalo na nang makita niyang kasama mo ako pero kung kagaya nina Tyr o Thor ang ipapadala niya, baka magtagumpay sila.” Nagdilim ang ekspreyson ng mukha niya bago kami sumakay sa isang sasakyan na pinara ni Loki. “Ibig sabihin…hindi niyo kayang kalabanin si Tyr or si Thor?” Alam ko na sila ang malalakas na gods ng Asgard pero inaasahan ko na kabilang din si Loki roon noong mga panahong hindi pa siya napapatalsik sa Asgard. Huminga siya nang malalim. Nagsabi siya nang isang pangalan ng lugar sa driver ng sasakyan bago sagutin ang katanungan ko.  “Kaya ko pero…hindi natin alam kung saan hahantong ang labanang iyon kapag nagkaharap ang alin man sa aming tatlo.” Tumingin sa akin si Loki. “Isa pa, nakakasigurado ako na kapag nagkaharap kaming tatlo o isa man sa kanila ang makita ko ulit sa personal, magkakpatayan kami, Haze.” “Dahil sa akin?” gulantang kong tanong sa kanya. Natawa si Loki sa sinabi ko ngunit agad din iyong naglaho. Umiling siya at tumingin sa harapan. “Hindi,” panimula niya, “dahil gusto nilang maghiganti sa ginawa ko noon.” May parte sa akin na ayaw na lang magsalita pero may parte rin sa akin na gustong makahanap sa kasagutan. Ang sabi sa akin ni Loki kanina ay malapit naman sila ni Thor noon ngunit anong nangyari? Bakit parang hindi na? “Anong…ginagawa mo rati?” Hindi ko na nga napigilan ang sarili ko at naitanong ko iyon sa kanya. Ngumiti siya sa akin. Sa ngiting nakita ko ay dalawang nakapaloob na ibig sabihin. Ang isa ay pait at ang isa naman ay hindi ko mawari. “I killed Baldr. Kapatid siya ni Thor at malapit kay Tyr. Alam ko na gusto nilang bigyan ng hustisya ang ginawa ko kay Baldr noon.” Ngumiti si Loki, mapait na naman ang mga ngiti niyang iyon. “May isang paraan pa para magising muli si Tyr, para mabuhay siyang muli ngunit pinipigilan kong mangyari.” Nagtaka ako sa sinabi niya. “Bakit?” Tumingin siya sa akin ngunit hindi ako binigyan ng kasagutan. Ngayon tuloy ay naguguluhan ako. Hindi ko malaman kung mabuti ba si Loki o hindi. But sudden realization also hits me. Sa bawat aksyon ng isang tao, may dahilan. Hindi mo sila maaaring sumabatan sa kung ano mang mga ginawa nila sa nakaraan nila.  Hindi ko na pinilit si Loki na ibigay sa akin ang kasagutan sa katanungan ko dahil maging ako rin naman ay may mga bagay na gusto na lang itago para sa sarili ko. Ganoon naman ang lahat ng tao. May mga bagay tayong gustong tayo lamang ang nakakaalam at mayroon namang gusto nating ibahagi sa iba. Nakarating kami sa isang lugar na walang masyadong nakatirik na bahay. Tila gubat dahil papalibutan lamang iyon ng mga puno. Ni wala nga akong makitang kahit na anong bahay rito sa malapit. “Anong ginagawa natin dito?” Tiningnan ko pa ang paligid. “Dito ba tayo maninirahan ngayon? Pero…wala akong nakikitang bahay?” Sumagi sa isip ko na baka gagawa kami ng panibagong bahay ngunit wala rin naman kaming gamit na dinala para roon. “Oo, rito.” Loki looked at my direction as he snapped his fingers. Matapos niyang gawin iyon ay kaagad na nagkaroon ng isang bahay sa isang bakanteng lupa na kanina lamang ay walang laman. Napaawang ang aking labi sa kanyang ginagawa, namamangha. Hindi na dapat ako mabigla dahil alam ko na makapangyarihan si Loki pero alam ko rin na ang kakayahan ng mga gods at goddesses ay may hangganganan at limitado lang din depende sa kanilang nasasakupan. Ngunit ngayon…mukhang walang limitasyon ang kakayahang mayroon si Loki. “Tara na?” Sinenyasan niya akong pumasok sa loob ng bahay na iyon kaya’t kaagad akong sumunod. Nang makapasok kami sa loob ay lalo lamang akong namangha sa kanya. Kumpleto ang gamit dito, na akala mo ay hindi lamang ito ginawa ni Loki kani-kanina lamang. “Paano mo ito nagawa, Loki? Wala bang limitasyon ang kakayahan mo?” Sa pagkakaalala ko ang sinabi niya sa akin noon ay shapeshifting ang kakayahan niya pero mukhang hindi lamang iyon dahil bukod sa scepter na inilabas niya nang magpakita si Frey ay kaya niya ring magpatubo ng bahay sa wala. “May limitasyon ang kakayahan ko. Siguro dahil na rin sa aking pag-iisip ay nasisira ko ang mga limitasyong iyon.” Itinuro niya pa ang kanyang ulo. Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon. Alam ko rin na malawak ang pag-iisip ni Loki. Iyon ang isa sa mga naririnig ko noon sa Asgard. Naupo ako sa sofa. Sobrang komportable nang pagkakaupo ko roon na hindi ko napapansin na napapapikit na pala ang aking mga mata. “Haze.” Kaagad kong iminulat ang aking mga mata at hinanap ang tumawag sa pangalan ko. Nakita ko si Loki na naupo sa tapat ko. “Bakit po?” tanong ko. Sumeryoso na naman kasi ang mukha niya at alam ko na hindi magandang indikasyon iyon. “Kailangan nating mag-isip ng plano. Hindi natin alam baka bigla na namang may sumugod sa atin dito o magpakitang sugo ni Odin. Kailangan mong ihanda ang sarili mo. Hindi sa lahat ng oras, makakaya kong protektahan ka. Nakakasigurado rin ako na mag-iisip ng paraan si Odin para ihiwalay ako sa ‘yo. Alam niyang baba ang pag-asang makuha ka niya kung kasama mo ako.” Nagpakawala siya nang malalim na paghinga. “Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ayaw ka niyang hayaan dito. Malayo ka na naman sa Asgard at wala ka namang magagawa. Sabi mo nga, habang lumalaki ka ay wala kang nakikitang kakayahan na maaaring makasira ng Asgard. Iniisip ko rin kung ano ba ang sinabi ng Norns sa kanya para mabagabag siya nang ganoon sa ‘yo.” Natahimik ako. Hindi ko rin alam. Hanggang ngayon ay itinatanong ko rin iyan dahil gusto ko rin mahanap ang kasagutan sa kung bakit nangyayari ang lahat ng ito sa akin ngayon. “Ano sa tingin mo ang kailangan kong gawin?” tanong ko kay Loki. Tumingin siya nang diretso sa akin. Ang ekspresyon ng kanyang mukha ay hindi ko mabasa. “Kailangan mong magsanay, Haze. I will train you.” Napalagok ako sa kanyang sinabi pero tumango lang. Hindi naman ako magrereklamo. Sa totoo lang ay sa tingin ko mas magandang may kaya akong gawin para protektahan ang sarili ko at tulungan din si Loki. Hindi naman pwedeng basta na lamang ako umasa sa kanya. “Kakayanin mo ba?” tanong niya sa akin, may panghahamon. Tumango akong muli sa kanyang sinabi. “Handa po ako.” Kahit mahirap. Kahit sa tingin ko ay hindi ko kaya. Kahit para akong susuko sa maaari man niyang ipagawa sa akin. Pipilitin kong kayanin. Pipilitin kong maging malakas. “Good. Magpahinga ka na. Bukas ay sisimulan na natin ang training mo. Wala ka mang ibang kakayahan, susubukan natin iyang bawiin sa pisikal na lakas na maaaring ibigay sa ‘yo ng katawan mo. After all, you’re still Hel’s child and my grandson.”  Tumayo si Loki kaya’t sinundan ko siya ng tingin. “Ilang araw rin siguro bago tayo matunton nina Odin at magpadala siya ng panibagong alagad niyang kukuha sa ‘yo. Sa mga araw na iyon, mag-eensayo tayong dalawa para kahit papaano, maging handa ka.” Tumayo na rin ako sa pagkakaupo at magalang na tumango kay Loki. “Naiintindihan ko, Master Loki.” I said to him with pure respect. Nakita ko ang pagkagulat niya sa pagtawag ko sa kanya pero dahan-dahan ding ngumiti. Tinapik niya ang aking balikat bago ito maglakad patungo sa kanyang silid upang makapagpahinga na rin siguro. Napatingin ako sa aking palad. Sa ngayon, alam kong mahina ako at walang kwenta, pero sana…pagkatapos ng magiging pagsasanay ko sa pamumuno ni Master Loki, wala nang sino man maging si Master Odin man ang basta na lamang ako tatapakan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD