“Tumayo ka, Haze!”
Nagsisimula na kami ngayon ng pagsasanay at parati na lamang akong natutumba o tatalsik sa kung saan. Ni hindi ko man lang mahawakan si Master Loki kahit hindi siya gumagamit ng kahit anong kapangyarihan niya.
Ramdam ko na ang sakit sa aking katawan pero ginawa ko pa rin ang tumayo. Kailangan ko naman kasi talaga ito. Tingnan mo kung gaano ako kahina. Hindi ko akalain na ganito pala ako kalampa tapos ay ang lakas pa ng loob kong sumali sa paligsahan para maging hari.
Napahawak ako sa aking tagiliran dahil iyon ang napuruhan ng suntok ni Master Loki kanina, kaya lumipad ako at kanina lama’y nakaupo sa lupa.
“Sumusuko ka na ba?” tanong niya sa akin. Ramdam ko ang panunuya at panghahamon sa kanyang tono. Kaagad akong umiling. Hindi ito ang oras at panahon para sumuko. Kung kailangan kong halos mamatay para lamang mapagtagumpayan ang ensayong ilalatag ni Loki sa akin ay tatanggapin ko. Kailangan kong maging malakas, kailangan ko iyang isaisip.
“Hindi,” matigas kong sambit sa kanya. Inayos ko ang sarili bago buong tapang ulit na tumingin kay Loki. “Hindi ako susuko.”
Nagsimula akong sumugod sa kanya. Kung saan-saan ko isinusuntok ang aking kamao para lamang matamaan ko siya pero para bang bago ko pa lamang gagawin ay nalalaman na niya kaagad kung anong gagawin ko. Tila ba nababasa niya ang bawat kilos ko at napi-predict niya ang mga susunod na galaw ko.
Napatuon ako sa aking tuhod nang kahit ano atang tangka kong matamaan siya ng kamao ko ay hindi ko magawa. Panay ang paghahabol ko sa aking paghinga at pagpahid ng pawis dahil pagod na pagod na ako. Pakiramdam ko ay ako lamang ang nasasaktan at napapagod sa ginagawa namin ni Loki dahil siya, parang wala lang sa kanya kahit ilang oras na simula nang magsimula kaming mag-ensayo.
“Magpahinga muna tayo, Haze,” sabi ni Loki bago magpasiyang pumasok sa loob ng bahay.
Napatayo ako ng tuwid, handa nang mag-apila nang tumigil siya sa kanyang paglalakad at nilingon ako.
“Kailangan mo munang magpahinga. Pagod ka na at baka hindi kayanin ng katawan mo. Babalik tayo sa pag-eensayo pagkatapos nating kumain ng tanghalian.” Nagpatuloy na siya sa kanyang paglalakad papasok sa loob ng bahay matapos niyang sabihin iyon sa akin.
Hindi na rin ako umangal. Pagod na rin ako at kinakapos na sa paghinga. Sa tingin ko ay kailangan ko ang pahingang sinasabi ni Master Loki. Kailangan ko ring mag-isip ng panibagong estratehiya paano siya magagawang mahagip ng aking kamao.
Iyon kasi ang naging unang kailangan kong gawin. Matapos ang iilang basic na ehersisyo kaninang umaga ay sinabihan ako ni Master Loki na ang unang kailangan kong gawin, is to land a punch on him. Kapag nagawa ko iyon ay tsaka kami dadako sa susunod na ensayong inihanda niya. Nang una ay masaya pa ako dahil akala ko madali lang pero nagkamali ako. Kahit isang beses ay hindi pa dumadampi ang aking kamao sa kanya.
Humugot ako nang malalim na pahinga bago ako sumunod kay Loki sa loob ng bahay. Nakita ko ito na naghahanda ng aming pananghalian. Nagdesisyon akong tulungan siya pero pinigilan niya ako.
“Maupo ka na lamang, Haze. Mas kailangan mong makapagpahinga para may lakas ka mamaya.”
Napakamot ako sa aking ulo dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam kung mahihiya ba ako dahil doon o susundin na lamang ang sinabi niya. May pagkaseryoso din kasi ang kanyang pagkakasabi nito kaya’t hindi ko malaman kung binibiro niya ba ako.
Sa huli ay sinunod ko ang kanyang sinabi. Naupo muna ako sa sofa at nagpahinga habang si Loki ay naghahanda ng aming kakainin ngayong tanghalian.
Ipinikit ko ang aking mga mata habang nag-iisip kung paano ba ako magtatagumpay laban kay Master Loki. Kahit anong pagbabago ko sa strategy ko ay nalalaman niya kaagad at nababasa ang galaw ko. Ang ending ay ako na naman ang mapapabagsak niya.
Hindi ko namalayan na halos makatulog na pala ako sa kakaisip kung paano ako magtatagumpay laban kay Master Loki. Kung hindi niya pa ako tinawag ay hindi pa ako babalik sa sarili ko.
Tumayo na ako mula sa pagkakaupo ko nang may mapansin ako sa sarili ko. Iyong mga parte ng katawan ko na kanina lamang ay masakit ay tila nawala na…tila naghilom na.
Kinapa ko ang sarili upang mapatunayan na mali ako. Na baka iniisip ko lamang na hindi na masakit ang katawan ko kahit na masakit pa rin naman ngunit nang hawakan ko ang tagiliran ko, isa sa mga parte kanina na sobrang sakit dahil sa pagkakatama ko sa puno, wala na. Hindi na iyon masakit.
Naramdaman ko rin na para bang bumalik na sa rati ang lakas ko. Hindi ko na ramdam ang pagod na kanina lamang ay nararamdaman ko pa.
“Haze, may problema ba? Halina’t kumain na para may oras ka pang makapagpahinga ulit bago tayo dumako sa pag-eensayo mamayang hapon.”
Tumingin ako kay Master Loki bago dahan-dahang tumango. Lumapit na ako sa hapag kainan at nagsimula na kaming kumain.
Tahimik lamang ako habang si Master Loki ay may mga sinasabi sa akin. Hindi ko na iyon mapakinggan, para akong may sariling mundo.
Nagdadalawang isip din ako kung dapat ko pa bang sabihin sa kanya na parang maayos na ulit ang kalagayan ko. Na wala nang masakit sa katawan ko, ngunit mas pinili ko na manahimik na lamang muna. Gusto ko pang pag-aralan kung ano itong nangyayari sa akin. Ayokong mag-isip at umasa na may kakayahan akong gamutin ang sarili.
“Nakikinig ka ba, Haze?”
Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Sinalubong ako ng nakataas na kilay ni Master Loki. Halatang hindi niya ata nagustuhan ang tila pagkawala ko sa sarili at ang hindi pakikinig sa kanya.
“Pasensya na po, Master Loki. May iniisip lang ako kanina. Ano pong sinabi niyo?” Kaysa naman magpanggap ako na narinig ko siya, mas magandang sabihing hindi.
Napatulala pa siya sandali sa akin bago huminga nang malalim. Umiling ito at kinuha ang baso sa kanyang gilid bago iyon inumin.
“Wala naman. Hindi importante.” Pinahid niya ng table napkin ang kanyang labi bago muling tumingin sa akin ng diretso. “Ano bang iniisip mo, Haze, at parang kanina ka pa wala sa sarili? Kailangan mo bang matulog? Gusto mo bang ipagpabukas na natin ang ensayong ito—”
“Hindi po!” agap ko. Agresibo pa aking umiling dahil hindi ko naman gustong huwag matuloy ang ensayo mamaya. Gusto kong makahanap ng paraan paano matatalo si Master Loki roon. “Kaya ko po mamaya. Siguro ay sadyang napagod lamang ako kanina.”
Tumango si Master Loki habang ako naman ay nakatingin lamang sa pinggan ko. Pinilit ko pa ang sarili na ubusin ang pagkaing nasa harapan ko dahil alam ko na kakailanganin ko ng lakas mamaya.
“Hindi mo ba ako tatanungin paano ko nalalaman ang mga susunod na galaw mo? Na nagagawa kong iwasan ang mga suntok na ibabato mo sa akin? Na kahit anong pag-iisip mo ng panibagong estratehiya ay nagagawa kong lusutan pa rin iyon?” sunod-sunod na tanong sa akin ni Master Loki.
“Gusto po.” Gusto kong malaman. Did he trick me? Did he use his power na hindi ko nalalaman kaya’t nagawa niyang mabasa ang aking galaw o sadyang mabilis lamang akong mabasa.
Pinagsalikop ni Master Loki ang kanyang kamay bago iyon ipatong sa lamesa. Ako naman ay nakatingin lamang sa kanya habang naghihintay ng sasabihin niya.
“The first part of your training, which was earlier, was just an assessment. Para malaman ko kung anong kulang sa ‘yo at kung anong kailangan nating pagtuunan ng pansin.” Huminga siya nang malalim bago ngumiti sa akin.
“Alam ko pong maraming kailangang pagtuunan ng pansin sa aking kakayahan—”
“That’s not it, Haze. Bilib ako sa stamina na mayroon ka. Normally, sa ginawa natin na halos ilang oras na walang pahinga sa pag-sparring ay bibigay na ang mga normal na tao pero ikaw, napagod ka man pero kinaya mo pa rin, kinaya pa rin ng katawan mo. And look at you now, ilang sandali ka pa lang nakakapagpahinga ay parang bumalik na kaagad ang lakas mo. That’s something to be recognize, Haze.”
Hindi ako nagsalita pero natuwa ako sa sinabi niya. Master Loki, my grandfather, is complimenting me and you wouldn’t hear that every day!
Sumandal siya sa kanyang silya at ngumiti muli sa akin. “Siguro hindi pa mo pa lamang natutuklasan, but you have a talent, Haze. May kakayahan ka na maging ikaw ay hindi aware rito. That…we will find it out here, in you training.”
Nabuhayan ako sa sinabi niya. Na para ang kawalan ko sa sarili dahil sa pag-iisip ng kung ano-anong bagay na wala na.
“But first, I need to give you my assessment. You’re easily to predict. Your movement can easily read. Bakit? Dahil sa mga mata mo at facial expression na ibinibigay mo, na kahit ang mga taong walang kakayahang bumasa ng isip ay mababasa ka kung magaling silang magbasa ng ekspresyon ng isang tao. We need to do something about that.”
Hinawakan ko pa ang mukha ko. Siguro nga kaya mabilis akong mabasa ng ilan dahil sa pagbibigay ko ng ekspresyon. Madalas kasi ay ipinapakita talaga ng ekspresyon ko ang tunay na nararamdaman ko, ganoong ang iba naman ay nagagawang huwag magpakita ng tunay na emosyon nila. Siguro ay kailangan ko iyong matutunan.
May mga bagay pang sinita sa akin si Master Loki na siya namang tinanggap ko. Kailangan kong matuto kaya lahat ng sasabihin niya ay hindi ko dapat masamain. Tumatango-tango lamang ako sa kanya habang pinapakinggang mabuti ang mga sinasabi niya sa akin.
Isa pa raw sa kulang sa akin ay ang mannerism ko na parating unang ikikilos ang kanang bahagi ng aking katawan, na sa isang laban, kapag nagtagal ay mababasa at malalaman na kaagad ng kalaban ko. Kailangan ko raw iyon baguhin. Dahil sa mga sinabi niya sa akin ay lalo akong naging excited sa magiging pagsasanay namin mamaya.
Kaya naman matapos ang sandaling pagpapahinga namin matapos kumain ay kaagad na ulit kaming bumalik sa bakuran upang ipagpatuloy ang aming pag-eensayo.
Inisip ko na huwag magpakita ng kahit anong emosyon. Pinuna rin ni Loki sa akin kanina ang mga mata ko. Ang sabi niya ay nalalaman din daw niya kung saan ako unang aatake sa kung saan unang titingin ang mata ko kaya nalalaman niya at naiiwasan. Kaya ang ginawa ko upang hindi niya ako mabasa ay sa ibang direksyon ako titngin at sa ibang direksyon din magmumula ang pag-atake ko.
Nang una akala ko ay magagawa ko ngunit nagulat na naman ako nang maharang ni Master Loki ang aking kamay. Anong nangyari? Wala naman akong suot na emosyon sa aking mukha tapos ay sa ibang direksyon ako tumingin at hindi sa direksyon kung saan ako aatake. Bakit nagawa niya pa ring pigilan ang kamay ko?
“You’re movements are too stiff, Haze. Mabilis ka pa ring mababasa ng mga kalaban. Dahil masyado mong pinapahalata naman ang kung anong iniisip mo. Iniisip mo na sa ibang direksyon ako titingin blah…blah…blah. Malalaman pa rin ng kalaban mo ang binabalak mong gawin kahit magkaiba ang direksyon ng mga mata mo sa direksyon ng pag-atake mo. May emosyon ka man o wala. You need to stop overthinking what you have to do next. Just focus. Huwag kang ma-pressure,” pagbibigay gabay sa akin ni Master Loki.
Huminga ako nang malalim. Masyado akong natamaan sa mga sinabi niya dahil totoo iyon. Masyado rin akong naging cautious sa gagawin kong pag-atake dahil iniisip ko na baka mabasa lang niya. Kailangan kong ikalma ang sarili ko.
Ipinikit ko ang aking mga mata, as I clear my head. Pakiramdam ko pa ay nakaramdam ako nang paghampas ng hangin sa akin ngunit nang magmulat naman ako ng mata ay hindi malakas ang hangin sa paligid.
“Handa na po ulit ako.”
Sa mga susunod na pag-atake ko kay Master Loki, mas naging maayos iyon kumpara sa mga nauna. Hindi pa rin ako nagtagumpay na mailapit ang kamao ko sa kanya ngunit mas naiilagan ko na at nababasa ko na rin ang pag-atake niya.
Habang tumatagal kami ay mas nagiging maayos ang bawat pagkilos ko. I’m adapting. Nagagamay ko na rin ang bawat paggalaw ni Master Loki kaya nang makakita ako nang butas ay kaagad ko iyong kinuha at hindi na pinalagpas pa.
Nang tumira ako sa kaliwa niya ay naiwasan niya iyon kaya agad kong iginalaw ang aking kamao mula sa ibaba pataas at laking gulat ko nang tumama iyon sa kanyang baba.
Napalayo at napaatras siya sa aking ginawa at kahit hindi ko siya napatumba ay natuwa ako dahil matapos ang ilang beses na pagsubok ay tumama rin ang kamao ko sa kanya.
Maging si Master Loki ay hindi inaasahan ang nangyari. Ilang sandali pa siyang nagulat sa nagawa ko pero hindi rin naman nagtagal ay ngumiti.
Halos magtatalon ako sa tuwa. Simpleng bagay lamang iyon pero masaya ako sa nakuha kong achievement. I am nothing like I was few hours ago. This time, I am better, because I improved. Hindi na ako makapaghintay sa mga susunod na pagbabago sa akin.