Tahimik ang buong kapaligiran matapos iyong itanong ni Master Loki. Ang tanging maririnig mo lamang ay ang hampas ng maliliit na alon sa dalampasigan at ang paghuni ng mga ibon na lumilipad. Bukod pa roon ay wala na. Pakiramdam ko sa sobrang tahimik ng lugar ay maririnig mo ang pintig ng puso namin dito. Hindi sumagot si Jormungandr sa sinabi ni Master Loki. Sa tingin ko ay napaisip siya roon. Bumuntong hininga si Master Loki nang mapansin ang pagyuko ni Jormungandr. Kahit nakakunot noo pa rin ito ay makikita mo ang kalungkutan sa ekspresyon nito ngayon. “Hindi kita hinahanap para patayin, Jormungandr. Hindi ko iyon magagawa sa inyong magkakapatid. Hindi ko alam kung tunay ba iyong nakita ng Norns o sinisiraan lamang nila ako. Ni hindi tayo sigurado kung si Verdandi nga ba talaga ang na

