“I’M SORRY Hon, sobrang busy ko talaga. Nawala sa loob kong Sabado ngayon at araw ng dalaw ko sa inyo. I spent the whole week working on my Cebu and Iloilo projects. I’ve been really occupied.”
Tahimik lang si Alexa habang nakikinig sa mga paliwanag ng nobyo pero ang totoo, hindi niya nauunawaan ang mga sinasabi nito. Busy ang utak niya sa pagbuo ng isasagot rito matapos nitong maglitanya.
Nang sa wakas ay matapos itong magsalita, tumikhim siya at taas ang noong tumingin dito. “How’s your Monumento day with Angela?”
Tila natigilan itong saglit bago pinilit na ngumiti sa kanya. “What are you talking about?”
“Come on, Giro. You know you couldn’t fool me. Now tell me, how did you win her back?”
“Hon, please…”
“I know everything and I now want to move on. I’m done with you, Giro.”
“Wait, nakikipag-break ka ba sa akin?”
“If you call it that way, well, yes. I am.”
Napabuga sa hangin ang lalaki at lukot ang mukhang tumingin sa kanya. “You love me, don’t you?”
“That’s not the issue here, but okay, for the sake of this conversation, my answer is no.”
“I don’t believe you. Sixteen missed calls, Alexa, sixteen missed calls ang naka-register sa phone ko. And suddenly, you will just call it quits?”
“Boyfriend kita while doing these sixteen missed calls you’re talking about, my dear, but not anymore—as of seven thirty-five,” aniya sabay sulyap sa kanyang relong pambisig. She tilted her head and grinned, then stood up with full confidence. “I’m sorry Giro, pero break na tayo and that is final.”
“Wait,” habol ng lalaki nang tumalikod siya. “Once you leave this place, there’s no turning back, Alexa. I’ll be completely out of your life. Tandaan mo iyan,” banta nito. Saglit lang niya itong tiningnan bago muling tumalikod.
“Goodbye, Giro,” bulong ni Alexa sa sarili habang papalabas ng Coffee Beam.
GIRO GOMEZ was the sixth in Alexa’s list. Pang-anim na boyfriend na siya ang nag-dump. But she always had the same reason for breaking up with those men. Two timer ang mga ito, mga tipo ng lalaking hindi na dapat ipinagse-celebrate ng monthsary. Luckily, she was the type of person who wouldn’t think twice of leaving someone whom she thought didn’t deserve her.
Katwiran niya sa sarili, hindi siya ipinanganak at pinag-aral ng mga magulang para lang paiyakin ng isang lalaki. Ganoon niya kamahal ang sarili. Hindi rin siya nagmumukmok matapos ang break up. She would go out, make friends and date them. At kung may muling magpatibok ng puso niya ay hindi siya nangingiming subukang magmahal muli. Unfortunately, she would always end up being cheated. Tuloy ay humaba na ang listahan ng mga nagiging nobyo niya. Sino ba namang matinong babae ang matutuwang magbilang ng boyfriend? Absolutely not her.
Tama si Candy. Mula nang maghiwalay sila ng unang nobyo ay matagal rin siyang hindi nag-entertain ng manliligaw. Masyado siyang na-frustrate at nasaktan para isipin pa ang muling pakikipagrelasyon sa lalaki. Pero naisip niyang nagiging unfair naman siya sa sarili. Bukod sa matagal na ang pangyayaring iyon na hindi niya halos maikuwento sa iba, natural ay gusto pa rin naman niyang makahanap ng tamang taong mamahalin. So it was just last year that she had decided to entertain suitors again.
Her second boyfriend was Matteo. Inaanak ito ng kanyang ama at childhood friend niya. Their relationship lasted for only three months. Ang dahilan, nahuli niya itong nakikipag-text sa iba. Nang tanungin ay hindi ito umamin. Siyempre pa. Pero sa ikalawang pagkakataong naulit iyon ay hindi na niya pinakinggan ang mga paliwanag nito. She immediately dumped him.
Ganoon din ang nangyari sa ikalawa at ikatlo niyang boyfriend na sina Marc at Kim. Sa simula ay masigasig sa panunuyo sa kanya, pero hindi nagtagal ay lumitaw din ang totoong ugali ng mga ito, mga babaero at sugalero.
Ang ikaapat naman niyang boyfriend ay si Ted. Huli na nang malaman niyang may asawa ito. Mabuti na lamang at may isa siyang kaibigan na nakapagsabi sa kanya na kilala raw nito ang mismong misis ni Ted. Hindi na niya hinintay na sugurin siya ng asawa nito. Ora mismo ay nakipaghiwalay siya sa talipandas na lalaki!
Si Renato ang ikalima niyang nobyo. Akala niya ay magtatagal na sila nito dahil umabot ng tatlong buwan ang relasyon nila at hindi pa sila nag-away nang matindi nito. Pero sa hiwalayan rin nauwi ang lahat nang matuklasan niyang tatlo pala silang nobya nito: ang boss nito, ang sekretarya ng boss at siya. Tatlong matutunog na sampal ang inabot ng palikerong iyon sa kanya.
At ngayon ay si Giro. All the while, she thought he was different from her exes. Guwapo, simpatiko at mabait, may magandang trabaho. Wala na siya halos maipintas rito—liban sa isa. Ex boyfriend ito ng kapitbahay niyang si Angela. Ang totoo ay ito nga ang dahilan kung bakit niya nakilala ang lalaki. Madalas niya noong nakikita sa tapat ng bahay nito si Giro. Nang minsang makita niya ito sa coffee shop at nag-smile ito sa kanya, hindi na siya nag-atubiling makipangngitian rito. Well, alam na niya noon na split na ito kay Angela—according to her reliable source, si Bugs. So the story went on and here they are, mag-ex na rin ngayon. Sa huli ay babalik rin pala ang hinayupak na iyon sa piling ni Angela.
She heaved a sigh and sipped her coffee. What’s wrong with her? Siya ba talaga at hindi ang mga lalaking iyon ang problema? O tama si Venus na hindi siya dapat magmadali? Na dapat ay maghintay siya ng tamang lalaking darating sa halip na hanapin agad ang lalaking papalit sa ex niya just to move on. Muli siyang napahugot ng malalim na paghinga.
“Ati, hinay-hinay lang sa kape. Nakakatamad gumawa, ayaw mo naman ng instant.”
Napasulyap siya kay Bugs na galing sa kusina. “Dala mo ba ‘yung hinihingi ko?” tanong niya rito at sinipat pa ang kamay nitong may hawak na tray.
“Oo, Ati. Narito na ang mga kontrabando mo.”
Bahagya siyang natawa sa sinabi nito. Itinaas niya ang kanang binti sa kinauupuang sofa habang ang isa ay nakabaluktot at may nakapatong na throw pillow. “Bakit ikaw, lagi kang masaya, Bugs? Wala ba sa bokabolaryo mo ang maging malungkot?”
Ipinatong ni Bugs sa lamesitang nasa harap niya ang hawak nitong tray at saka naupo sa kabilang sofa. Chocolate cake ang laman ng tray, dalawang platito, at dalawang tinidor. Muntik na naman siyang matawa. Talagang at home ang ‘secretary’ niya, hayun at talagang kasalo niya sa kanyang merienda.
“Alam mo, Ati, hindi dapat naimbento ang salitang lungkot eh. Nakaka-stress lang ‘yan. Lukatmi, I’m always pretty. Hindi kasi ako sumisimangot.”
Tinawanan niya ito pero bahagya siyang natigilan nang mapagmasdan ang nunal nito sa gawing baba. “Ano’ng nangyari sa mole mo? Parang naging black? Brown ‘yan, hindi ba? Saka parang lumaki?” kunot-noo niyang tanong rito.
“Ati, walang pakelaman ng nunal. Yu heb yor own, dis mole is mi, okey.” Tinakpan nito ng kaliwanang kamay ang baba nito at saka ito dumukwang upang iabot ang platito at tinidor sa kanya. “Ikaw na ang maghiwa ng keyk mo para maging bisi ka naman pamensan-mensan, Ati.” Tumayo na ito bitbit ang sarili nitong platito na may lamang isang slice ng cake.
“Saan ka pupunta?”
“Sa kusina, Ati,” sagot ng sekretaryang pabalik na ng kusina.
“Bilisan mo at may lakad tayo.”
Noon lang ito lumingon sa kanya, namumuwalan pa sa cake na subo nito. “Shopping, Ati?”
“Nope,” iling niya.
“Spa salon?”
Muli siyang umiling.
“Parlor, coffee shop, gym?”
“Umiling pa rin siya, ngali-ngaling matawa.
Ito naman ang umiling. “Hindi na ko sasama, Ati. Bureng ang lakad mo.”
Noon siya humagalpak ng tawa. Inihagis niya kay Bugs ang throw pillow na hawak niya. Napatili ito nang naabot ng unan ang likod nito.