“ATI, saan ba kasi talaga tayo pupunta?” tanong ni Bugs na nakaupo sa front seat ng kanyang kotse.
“Huwag ka nang maraming tanong diyan. Matulog ka pa nang gumanda ka,” aniya rito habang ang atensiyon ay nakatutok sa daan.
“Ikaw na ang drayber na hindi marunong pumreno, Ati.” Sumimangot ito. Sasagot pa sana siya pero bigla siyang napatili nang ibalik ang tingin sa kalsada. Isang itim na kotse mula sa likuran ang nag-overtake sa kaliwa niya. Dahil sa pagkagulat ay bigla siyang napapreno. Napapikit siya nang mariin pero lalong napasigaw nang may bumangga sa likuran ng kanyang sasakyan. Sapo niya ang ulo nang magmulat ng mga mata.
“Ati, okay ka lang?” tanong ni Bugs.
Nahihilo siya pero nang pakiramdaman niya ang sarili ay ayos naman siya. Noon niya sinulyapan ang katabi. “Ayos lang ako. Ikaw, nag-seat belt ka ba kanina?”
Umiling ito at itinuro ang noo nitong unti-unti nang pinamumuuan ng bukol. Marahil ay tumama sa dashboard ng kotse. Napapalatak siya sabay haplos sa bukol na sa noo nito. Sinuri niya ang kabuuan ng mukha ni Bugs kung bukod sa bukol ay may pinsala pa ito. Thank God at okay naman ito though she noticed one thing. Napatitig siya sa nunal nito. Magtatanong na sana siya nang makarinig ng malalakas na katok sa kanyang bintana. Nang lumingon ay isang lalaki ang nakatayo sa tapat ng salamin niya. Ibinaba niya ang salamin ng bintana at sinino ang taong iyon.
“Hey, marunong ka bang magmaneho? Hindi komo probinsiya ito ay bigla ka na lang magpipreno oras na maisipan mo!” mataas ang boses nitong sabi, ngunit hindi nalingid sa dalaga na natigilan ito pagkakita sa kaniya. Gayonman ay madali itong nakabawi. Napaawang naman ang mga labi niya sa matinding pagkabigla. “May lisensiya ka ba?” sita nito sa kaniya.
“Please lower your voice, okay. Nakita mo naman sigurong may nag-overtake—”
“Hindi bawal iyon! Ang bawal ay ang ginawa mo!” putol nito sa sinasabi niya.
“I’m not saying that! What I was saying is that I didn’t...okay, that car was not—”
“That car was not what? Sa tingin ko ay hindi mo napansin ang kotseng iyon! Hindi ka kasi nag-iingat—”
“Hey!” aniyang pumutol naman sa sinasabi nito. “Are you saying I do not know how to drive?”
Hindi ito sumagot pero umatras ng isang hakbang at obvious na sinulyapan ang hulihang bahagi ng sasakyan niya. Inilahad pa nito ang kamay habang nagsasalita. “Look at your car and the damage it has caused mine. Now tell me you really know how to drive!”
Dahil sa inis ay hindi nag-iisip na inalis niya ang seatbelt sa katawan at saka bumaba ng kotse. Noon lang niya na-realize na mali ang ginawa niya. Why, she wanted to go back inside the car the moment she stood beside this rude man!
Maling-mali, Alexa!
“Sa pagkakatingin ko, Mister Yabang, ikaw ang bumangga sa kotse ko! Ikaw ang nag-cause ng damage dahil ikaw ang hindi tumitingin sa unahan mo! Mabuti nga at wala kaming pinsala ng kasama ko, kung hindi ay magpapagamot ka pa!”
“Sir, pag-usapan niyo na lang nang maayos iyan. Baka ma-late na kayo sa meeting ninyo.”
Noon lang napansin ni Alexa ang isa pang lalaking nakatayo sa likuran ng antipatikong kaharap. Sinamantala na niya ang pagkakataon at sinuyod ng tingin ang dalawa. These two men were of opposite preferences. Hindi man sa lahat, pero natitiyak niyang may malaking pagkakaiba ang dalawa.
The man beside her whom she refused to identify was obviously an executive. White long sleeves ang suot nito at may necktie pang itim. Huhulaan niyang may baon itong coat sa kotse nito. She looked down and saw his black slacks paired with a pair of shiny shoes. Itim din ang mga iyon.
The other guy was ruggedly handsome. Marumi itong tingnan kung tutuusin dahil puting kamiseta ang suot nito pero hindi na halos mabakas ang pagiging puti niyon. Maong pants ang suot nito na gula-gulanit na rin sa bandang binti at tuhod. Ankle strapped sandals naman ang suot nito sa paa na ang kulay ay hindi na niya matukoy kung itim o dark brown. Hindi mahirap hulaang trabahong bukid kundi man auto mechanic ang trabaho nito. Magkagayon man, hindi niya maikakaila sa sariling parehong guwapo ang dalawang ito.
“Hi,” bati niya sa lalaking marungis. “Pakisabihan nga itong kasama mo na magbaon muna ng manners bago makipag-usap sa isang babaeng tulad ko.”
Humakbang palapit ang lalaki at saka tinapik ang balikat ng kanyang kaharap. Tumingin sa kanya ang masungit na lalaki. Tila nagbabadya ng galit ang mga mata nito pero wala naman itong isinagot sa kanyang sinabi.
“Pagpasensiyahan mo na itong kasama ko, Miss. Stressed lang sa trabaho at maraming iniintindi kaya ganyan.”
Hindi pa ito natatapos ay tumalikod na ang katabi nito. She even heard him murmured something—hindi lang niya matukoy kung ano. Yumuko ito sa gilid ng kalsada at may kinuha na nang lumaon ay na-realize niyang bato. Inihagis nito iyon sa bukid kasabay ng isang malakas na sigaw.
Nang balikan niya ng tingin ang kaharap ay napapailing na lang ito habang nakatingin sa kanya.
“Pasensiya ka na sa kasama ko. Naparami yata ang kape kanina kaya nagkaganoon.”
Natawa siya at naalala si Bugs nang banggitin nito ang tungkol sa kape. “Ayos lang. Kasalanan ko rin naman talaga. Hindi ko lang magawang humingi ng dispensa dahil naunahan ako ng pride. Ang sungit kasi ng kasama mo.”
“Mabait ‘yan. May problema lang talaga. Ayos ka lang ba? Hindi ka ba nasaktan?”
“Hindi naman pero—”
“Ako, nasaktan! Ang sakit-sakit ng bukol ko, Ati! Saka ano…bali yata ang tadyang ko, oh may gulay!”
Nang malingunan niya si Bugs ay nakatayo na ito sa kalsada at nakasandal sa kanyang kotse. Kung makapilipit ito ng katawan ay daig pa nito ang sawang nakalingkis sa sanga ng puno.
“Kasama mo?” tanong ng lalaki.
“Oo. Siya nga pala si Bugs. Ako naman si Alexa, Alexa Marie Rosales.” Iniabot niya ang kamay sa lalaki na mabilis naman nitong tinanggap.
“Allesandro,” anito. “Please call me Sandro. Liam naman ang pangalan ng kasama ko aka Mister Yabang.”
“Alam ko.”
“What?”
“I mean, alam kong mayabang talaga ang kasama mo. Halata naman, ‘di ba.”
“Mamaya na kaya kayo mag-nice meeting yu moment diyan, pwede? Dalin nyo muna ‘ko sa doctor!” talak ni Bugs na madali niyang sinawata.
“Ay hindi na! Ako na ang bahala sa kanya, Sandro. Ako na lang ang magdadala sa kanya sa ospital.”
“No, no! Mukhang malaki nga ang pinsala niya at kailangang magamot.”
“Malaki talaga ang pinsala niyan pero sa utak at hindi sa katawan, huwag kang mag-alala,” biro niya. Pinanlakihan niya ng mga mata ang kasama.
“Nagyayaya siya sa ospital, Ati, pabayaan mo siya. Hindi ba, Allesandro?” Lumapit ito kay Allesandro at saka kumapit sa bisig nito. “Hayaan mong panagutan niya ako, Ati.”
“Ano’ng panagutan ang pinagsasasabi mo diyan? Tumigil ka nga, Bugs!” gigil niyang sabi rito bago muling humarap sa lalaki. Nakita niyang bahagyang yumuyugyog na ang balikat nito sanhi ng pagtawa. Lalong lumitaw ang kakisigan nito dahil sa paglabas ng kudlit sa magkabila nitong pisngi. “Ako naman talaga ang may kasalanan kaya hindi ko na kayo bibigyan ng problema. Ako na ang bahala sa lukaret na ito. Here’s my calling card just in case you need me, though I’m sure, maganda ang insurance ng kotse ng kasama mo.”
Isang simpleng ngiti ang ibinigay ni Allesandro bago ipinamulsa ang card na iniabot niya. “Dadalhin pa rin namin kayo sa ospital. Kahit ano pa ang lakad namin, mas mahalagang masiguro nating pareho kayong ligtas nitong si Bugs. Ang cute naman ng name mo,” napapangiti pang sabi nito sa tila kinilig niyang kasambahay. Pasimple niya itong kinurot sa tagiliran.
“Sandro!”
Napalingon silang lahat sa kotseng nasa likuran nang sumigaw ang supladong lalaking sakay niyon.
“Gagabihin na tayo. Drive them to the nearest hospital now!” sigaw nitong muli.
Nakita ni Alexa na mula sa passenger’s seat ay lumipat naman ito sa driver’s seat ng sasakyan. Hindi niya naiwasang mapangiti habang naglalakad pabalik sa kanyang kotse.