ANG orihinal na plano ni Liam ay hindi nangyari. Kahit naman naiinis ay hindi niya karakter na pabayaan ang taong nangangailangan ng tulong kaya inatasan niya si Alessandro na ito na ang mag-drive para sa dalawang dalagang nakaengkuwentro nila at dalhin ang mga ito sa pinakamalapit na ospital. Siya na lamang, sa halip na ito, bilang personal driver ang magdadala ng sasakyan niya upang sumunod sa mga ito.
Pero nang subukang paandarin ni Allesandro ang kotse ay hindi iyon umandar. Naisip niyang malas talaga siya sa araw na iyon. Dahil papadilim na ay napagdesisyunan nilang iwan na ang sasakyan at isakay na lamang ang dalawang dalaga sa kotse niya. Nagpatawag na lang siya sa bahay ng isang driver na maaaring kumuha niyon at dalhin iyon sa shop ni Sandro.
Sa likuran ng sasakyan lumagay ang dalawang babae habang si Allesandro, sa halip na pumalit sa kanya para mag-drive ay doon naupo sa passenger’s seat—na tila sinadya nitong gawin para lalo siyang inisin. He knew what he was going through. Alam nito ang lahat ng gumugulo sa isip niya at ang pagdagdag ng isang problemang ito, maliit man, ay karagdagan pa ring masasabi.
Si Alessandro ay anak ni Mang Carding, ang matalik na kaibigan ng kanyang amang si Arturo Sebastian, na isang sikat na architect sa kanilang lugar. Bata pa siya nang una niyang makita si Sandro, kasa-kasama ng ama nito sa paggawa ng sasakyan nila. Ang ama nito ay mekanino at karpintero. Sa tuwing mangangailangan ng serbisyo ang kanyang ama ay agad nitong tinatawag ang kumpare nito na lagi namang kasama si Alessandro na noon ay paslit pa.
Namulatan na niya sa kanyang paglaki ang presensiya ng pamilya ni Mang Carding. Ang asawa nitong si Manang Lucia ay namasukan din sa farm na pinamamahalaan naman ng kaniyang inang si Esmeralda. Maaga lang itong nagkaroon ng rayuma kaya iniwan nito ang trabaho, habang si Sandro ay nagpatuloy sa pagsama-sama sa ama nito gayundin ang nakababata nitong kapatid na si Carmen. Si Carmen ay bata ng dalawang taon sa kanya habang magkaedad naman sila ni Sandro.
Higit pa sa pagiging magkababata ang turingan nilang dalawa ni Sandro. Magkaklase sila nito mula elementarya hanggang high school. Sa kolehiyo lang sila nagkahiwalay nito dahil sa America siya nag-aral at nagtapos ng kursong Architecture.
Nang makatapos ay umuwi siya ng bansa at tumulong sa ama sa pag-aasikaso nito ng Sebastian’s AF, ang architectural firm na minana pa nito mula sa mga magulang nito. Tanyag ang kompanya nito sa buong bayan, kaya naman sa kabila ng mahigpit na competion, hindi nawawalan ng proyekto ang Sebastian’s AF.
Nang mangyari ang isang mabigat na pagsubok sa kaniyang buhay ay ipinasya ni Liam na magbalik ng America. This time, agricultural technolody naman ang inaral niya. Dalawang taong kurso iyon at ang ikatlo ay practical studies na.
Gusto pa sana niyang mag-stay sa America at doon gamitin ang mga kursong tinapos pero mapilit ang kanyang ina. Noon pa man ay inuungutan na siya nitong umuwi at pamahalaan ang firm, gayundin ang ekta-ektaryang lupang pinag-aanihan nila ng mga gulay at prutas na inihahatid sa malalaking pamilihan maging sa mga karatig-probinsiya. Tutal ay nakapagtapos rin naman siya ng agricultural technology kaya kayang-kaya raw niyang pagsabayin ang mga iyon.
Nang magbalik mula sa America ay natuwa si Liam nang makitang may auto repair shop na si Sandro. Ang sabi ng kanyang ina, kasabay raw ng pag-unlad ng Bagong Barrio ang paglaki ng shop nito. Mula sa mag-ama, ngayon ay may walo na itong tauhan. Dahil kilala hindi lang sa buong barrio kundi maging sa mga karatig pook, mabilis na dumami ang mga kliyente nito.
Nitong huli ay inalok niya itong mag-buy and sell ng mga sasakyan. Katulong ang kanyang ama at ang mag-amang Carding ay nagtayo sila ng shop sa lupang nabili niya sa kabayanan. Dahil doon ay nabigyan pa nila ng kapaki-pakinabang na libangan ang magkaibigang Carding at Arturo. Magkatulong nilang itinaguyod ang shop at kasabay niyon ay ang kanyang pag-aasikaso sa farm at Sebastian’s AF ng mga magulang.
Nang lumaon ay kinantyawan na siya ni Sandro. Mukhang kahit pag-aahit daw ay hindi na niya magawa dahil sa sobrang kaabalahan sa shop at sa farm na personal niyang pinamamahalaan. Bukod pa iyon sa architectural firm ng pamilya na sinalo na niya ang pamamahala mula s ama.
Dahil doon, ito na rin ang nag-alok na maging personal driver niya. Sa sampung libo kada buwan sila nagsara ng deal pero no cash involved. Sa halip na sumweldo ay isang maliit na lupa ang iniungot nito sa kanya na mabilis naman niyang pinagbigyan.
At dahil halos kapatid na niya si Sandro, bukas rito ang aklat ng buhay niya. Alam nito ang lahat ng problema niya mula sa pamilya, sa negosyo maging sa mga personal na bagay, maliban sa isa na pinakaiingat-ingatan niyang ungkatin kahit kanino.
“Eskyus me, sino sa inyo talaga ang totoong personal driver, mga pogi?” tanong ni Bugs na ikinainit ng ulo ni Alexa. Kung kanina ay hindi niya ito magawang sitahin, ngayon ay sinadya niya itong kurutin sa tagiliran. Umaray ang dalaga habang haplos ang bahaging nasaktan. Lumingon ito sa kaniya nang nakatulis ang nguso. “Grabe ka sa akin, Ati ha. Sumosobra ka na talaga.”
“Tumahimik ka na diyan. Malalagot ka talaga sa’kin pagdating sa bahay,” gigil niyang bulong dito habang nandudumilat sa kasambahay.
“It’s all right. Hindi naman masama ang tanong ni Bugs,” nakangiting sabi ni Sandro habang pasulyap-sulyap sa kanila sa rear-view mirror ng kotse. “Ako talaga ang driver, actually. Pero sinisipag mag-drive itong amo ko ngayon, kaya pinagbibigyan ko lang siya.” Sinundan pa nito ng tawa ang sinasabi.
“Ten minutes at nasa ospital na tayo,” singit ni Liam na walang kangiti-ngiti. Alam mo na ang gagawin mo ‘pag baba, okay. Wala akong maraming oras para tumambay sa ospital.”
Umarko ang kilay niya sa narinig na sinabi ng lalaking nasa harapan. Ano ba ang nasa isip nito? Gusto nilang itong perahan kaya sila pumayag na pumunta ng ospita, ganoon?
“Excuse me, Mister, kayo ang nagpilit na dalhin kami ng ospital, kahit pa sinabi ko nang maayos naman kami. Ano’ng sinasabi mo diyan?”
Hindi tumugon si Liam pero iiling-iling ito at may sarkastikong ngiti sa labis. Gigil na inalis na lang ni Alexa ang tingin mula rito.