Napangiti ako nang makita ang bahay namin. Mabuti na lamang at concrete iyon. Nu’ng buhay pa si Tatay ay siya ang nagpanday ng bahay namin kaya alam kong hindi ito basta-bastang masisira. Napahinga ako nang malalim at kumatok na. Alas-onse na pero marami pa ring gising na kapit-bahay dahil sa mga pasugalan. Walang curfew rito kasi si Chairman ang pasimuno ng tong-its at bingo.
Ilang saglit pa ay binuksan naman iyon ng kapatid kong si Maria na manang-mana sa Amain kong ambisyoso pero sugarol.
“Gising ka pa?” tanong ko sa kaniya. Minsan kasi si Nanay o si Manong ang nagbubukas.
“Hindi pa kasi nakauwi si, Mama at Papa,” sagot nito pero ang mga mata niya ay tutok sa cellphone. Ngumingisi pa na parang baliw.
“Sino ang ka-chat mo? Makangisi ka riyan. May nobyo ka na siguro no? Naku! Umayos ka sa pag-aaral, Maria. Ang hirap ng buhay ngayon,” sambit ko. Inirapan niya lang ako.
“Si Papa nga walang say na may boyfriend na ako, ikaw pa kaya na half-sister ko lang,” malditang sagot niya. Kaagad na napaangat ang bibig ko sa sinabi niya.
“Ano’ng sabi mo?” inis kong saad. Nilapitan ko siya at pinanlisikan ng mata.
“Hoy! Ano ‘yan? Bakit mo inaaway ang anak ko?” ani ni Manong na kararating lang. Mukhang lasing pa yata. Malayo pa lang alam kong nandiyan na siya. May kakaiba siyang amoy na mapapalingpon ka na lang. Amoy na nakakahilo.
“Eh ‘tong si Ate, Pa oh. Galit nang sinagot kong hindi ka nagalit na nag-nobyo ako,” sumbong ng kapatid kong ang sarap tirisin ng bigas sa mukha.
“Bata ka pa, kailangan mong mag-aral nang mabuti,” giit ko. Nagulat naman ako nang itulak ako ni Manong.
“Ikaw, huwag na huwag mong pakikialaman ang anak ko ha. Anak ko ‘yan, walang problema sa akin ang ganiyan basta nag-aaral lang nang mabuti,” ani niya. Napapikit ako nang tumama ang amoy ng bunganga niya sa ‘kin. Siya nawa, ang baho ng hininga. Ewan ko rin kay Mama at saan siya nahumaling dito?
Napailing naman ako. Nakalimutan ko saglit na kunsintidor pala itong Amain ko.
“Sana man lang inisip niyo ang pagod ko sa pagtatrabaho para lang matustusan ang pag-aaral niyo, Maria. Ikaw naman Manong, sa susunod na mangonsenti ka siguradohin mo ring nasa tamang landas pa iyang anak mo,” inis kong wika at iniwan na silang dalawa. Pumunta ako sa kusina at gutom na gutom na ako. Narinig ko pa ang pagdating ni Nanay.
Binuksan ko ang kaldero at baka may natira pang pagkain at ulam subalit wala. Parang dinaanan pa ng dila ng aso sa sobrang linis. Imbis na magreklamo ay kinuha ko na lang iyon, hinugasan at magsasaing na lang ako. Lumapit ako sa bigas at napakunot-noo.
Hinanap ko pa kung saan-saan pero wala talaga akong makita.
“Nay? Bakit wala nang laman ang bigasan natin? Kabibili ko lang kahapon ah,” saad ko. Hindi ko na mapigilan ang sariling mainis nang tingnan niya lang ako na parang wala lang.
“Ah, ‘yon ba? Nanghiram kasi si, Kumareng Lydia kawawa naman kasi kaya binigyan ko,” sagot ni Mama. Kumukulo ang tiyan ko sa gutom pero wala akong maisaing.
“Sana man lang Nay, bago kayo naawa sa iba naawa kayo sa pamilya mong wala nang masaing na bigas.”
“E ‘di bumili ka,” aniya na para bang may pinatataguang pera sa ’kin. Pagod na pagod ako at gutom. Tinitipid ko ang pera ko para lang may maitabi. Pero heto at pamilya ko pa yata ang dahilan para mamatay ako nang maaga. Pumasok ako sa kusina at napaupo. Nakatingin lang ako sa bigasan namin at napasinghot. Hindi ko na napigilan ang sarili ko na mapaiyak. Pakiramdam ko nilalakumos iyong dibdib ko sa sakit. Pagod at gutom at masama ang loob ko. Hindi ko na maintindihan kung ano pa ang kailangan kong gawin. Pakiramdam ko ubos na ubos na ako. Sa loob ng halos walong taon hindi ko naramdamang naging masaya nang lubusan. Ganito na lang palagi. Problema, problema, problema. Kahit ano’ng gawin ko ganoon pa rin.
“Ate?”
Mabilis na pinunasan ko ang aking luha at napangiti nang makita si Mary. Itong kapatid ko na lang ang dahilan kaya patuloy akong kumakapit at lumalaban.
“Oh, ano’ng ginagawa mo rito? Nagising ka ba?” tanong ko sa kaniya. Halata sa mukha niya ang pag-aalala sa akin. Ngumiti siya at may iniabot.
“Ano ‘yan?”
“Burger, binili ko kanina pag-uwi ko. Alam ko namang paborito mo ang minute burger eh. May naipon akong pera kaya binilhan kita, happy birthday,” nakangiting saad niya. Nakagat ko ang labi ko at hindi na napigilan ang sariling mapahagulgol. Mabuti pa si Mary at naalala pa ang birthday ko. Nakatingin lang ako sa burger at kinagat iyon. Ang sarap.
“Sa susunod dadamihan ko, mag-iipon ako ulit para may pambili,” saad pa niya. Napatingin ako sa kapatid ko at niyakap siya.
“Huwag na, ipunin mo ‘yan para sa ’yo. Okay lang ako, hayaan mo, kapag nakaluwag-luwag na ako ipapasyal ko kayo sa mall. Bibilhin ko lahat ng gusto mo,” sambit ko.
“Talaga?”
“Oo naman, lahat gagawin ni Ate para sa inyo,” ani ko. Napatitig siya sa ‘kin at niyakap ako ulit.
“Ate, maligo ka muna bago matulog ha,” bilin niya bago ako tinalikuran. Napasinghot ako sa kili-kili ko at okay pa naman ang amoy. Medo maasim at parang bagoong na lang ang kulang, charot. Punyemas namang buhay ito. Napatingin na naman ako sa bigasan namin. Lalo lang akong namomroblema, mabuti sana kung kami-kami lang ang kaso may mga kapatid akong magugutom. Kinuha ko ang one-fifty sa bulsa ko at makakabili pa ito ng tatlong kilong bigas. Bukas na lang ako kakain. Medyo nabusog din naman ako sa burger na bigay ni Mary.
“Dadamihan ko na lang ang pag-angkat ng mga frozen products bukas para may kita ako kahit papaano.”
Napapikit ako at napasandal sa upuan nang biglang masira iyon at natumba. Napapikit ako sa sakit ng beywang ko. Lintek na upuan!
“Sirain mo na lang lahat ng gamit, Vanessa!” sigaw ni Mama mula sa kuwarto nila. Sa inis ko ay kinagat ko na lang ang labi ko.
Kinabukasan ay maaga akong nagising. Naligo na ako at nagsaing. Nagluto na rin ako ng specialty kong sardines with misua. Nagprito na rin ako ng tuyo pangbaon ko sa salon. Isa pa ‘tong tuyo kaamoy ang ingrown ni Raj. Ang suki kong Indiano na may-ari ng 5’6. Lagi nga kaming tinutuksong dalawa, pero siyempre may taste naman ako. Hindi dahil sa mahirap na ako ay aasawahin ko na siya. Kawawa naman kung ganoon. Matapos ang lahat ay lumabas na ako at pupuntahan ko pa si Aling Caridad.
“Kaya mo bang bitbitin ‘yan, Vanessa?” tanong niya sa akin.
Napatingin naman ako sa malaking ice bucket. Nandoon ang mga frozen products na ipagbibili ko mamaya.
“Oo naman po, oh paano? Alis na ako. Basta one week to pay ito, Manang ha,” ulit ko. Ngumisi naman siya.
“Oo nga, sige na ingat ka,”
Tumango naman ako at kinarga na iyon. Dadalhin ko iyon sa salon tapos sa mga kaibigan ko. Saktong pagdating ko sa salon ay tagaktak ang pawis ko. Siyempre may panlaban akong jhonssons baby powder na kulay pink at jhonssons baby cologne na kulay yellow green. Napangiti ako fresh na ulit. Lumabas na ako at nakita ang aking mga kasama na pumipili ng mga produkto ko.
“Grabe ka, Vanessa. Ikaw na ang raketera ng taon,” komento sa akin ni Ryle. Ang baklang head ng salon. Nagpapasalamat din ako dahil hinahayaan niya kaming rumaket sa loob basta hindi lang napapabayaan ang customer.
“Kailangan kumayod kasi may binubuhay. Alam mo na, hindi baleng walang ulam basta may bigas na masasaing,” sagot ko.
“Tama, pero asawahin mo na lang kasi si, Raj. Alam naming may amoy siya pero paliguan mo lang araw-araw puwede na ‘yon. Guwapo rin naman si, Raj ah. Mabait, matulungin, at higit sa lahat may business. Paniguradong makakaalis ka na sa kahirapan, Vanessa,” sabat naman ni Janice. Totoo naman ang sinasabi niya ang kaso, wala akong pakialam. Wala sa bokabularyo ko ang manggamit ng ibang tao. Hindi bale nang magtatrabaho ako habang buhay ang importante ay hindi ako nagpadala sa isang masamang hangarin. Nginitian ko lamang sila at bumalik na sa pagbebenta.
"Ibenta mo na lang ang kidney mo girl," suhestiyon ni Riyan. Napakamot naman ako sa ulo ko.