Nakangiting umuwi ako sa bahay namin nang makita ang mga gamit ko sa labas. Mabilis na pumasok ako sa loob at nakita si Mama at Manong tila nag-aaway pa.
“Ano’ng nangyayari rito?” untag ko sa kanila. Kaagad na napatingin si Nanay sa ’kin.
“Vanessa,” aniya, halata sa mukha niya na may nagawang hindi maganda. Nagmamakaawa ang mukha eh.
“Bakit nasa labas ang gamit ko?” tanong ko pa ulit.
“Ano ba? Sagutin niyo naman ako,” inis kong ani. Napapikit pa si Mama.
“Ano ba? Manong?” asik ko. Lumapit siya sa akin at huminga dahilan para masira ang mukha ko sa sama ng amoy. Nalintikan na talaga.
“Ipinambayad na namin itong bahay,” sagot niya. Pakiramdam ko ay nabingi ako sa narinig. Nakatingin lang ako kay Mama.
“Totoo ba?” tanong ko sa kaniya. Nakatingin lang ako sa nanay ko. Hanggang ngayon hindi ko alam kung bakit naging gan’to ang buhay namin? Mahinang tumango naman siya.
“Alam niyo namang ito na lang ang natitirang alaala ni, Papa sa atin. Ano ka ba naman, Ma?” singhal ko sa kaniya. Hindi ko na talaga mapigilan ang sarili ko. Naiiyak na rin ako habang nakatingin sa bahay.
“Ilang taon na ‘to bakit niyo pinakialaman?” umiiyak kong wika.
“Makukulong ang Mama mo kung hindi natin mababayaran ang inutang niya sa isang lending corporation,” ani Manong.
“Natin?” singhal ko. Napahawak ako sa upuan at pakiramdam ko ay matutumba ako. Labis-labis na ‘tong galit sa puso ko. Hindi ko na yata kakayanin.
“Ate? Ano’ng nangyayari? Bakit nakaimpake na ang mga gamit natin?” tanong ni Mary. Lalo lamang akong nalungkot nang makita ang mga kapatid ko.
“Ang magaling nating ina nangutang sa isang lending corporation ayun ginawang collateral ang bahay na hindi naman sa kaniya ibinilin. Alam mong akin ang bahay na ‘to, Ma. Ibinilin ito sa akin ni, Papa. Pero ano’ng ginawa mo?” malungkot kong saad. Pakiramdam ko pinipilipit ang puso ko sa sakit. Huminga ako nnag malalim at pilit iniintindi ang nangyayari. Subalit kahit ano’ng intindi ko hindi ko kaya.
“Aalis na tayo rito? Saan na tayo titira?” tanong ni Maria. May dala pang pasalubong mula sa chowking. Buti pa ‘tong bruha na ‘to may pa-chowking.
“Babayaran din kita ‘nak,” aniya sa ’kin. Inis na kinuha ko ang aking mga gamit at kinarga iyon.
“Tapos na ako, pagod na ako. Hindi ko na kakayanin pa. Sinira mo na nga ang kinabukasan ko, ginawa mo pa akong ATM at ngayon naman ginawa mo pang collateral ang bahay na ibinilin sa ’kin. Mas mabuti pang umalis na lang ako. Noong una kaya ko pa eh. Naiintindihan ko pa, pero inuubos niyo ang kabaitan ko. Ginawa niyo na akong puhunan. Maghiwa-hiwalay na lang tayo. Ubos na ubos na ako. Tama na ang ginagawa niyo sa ’kin. Wala na kayong mahihita sa ’kin. Alagaan niyo lang ang mga kapatid ko,” sambit ko at tumalikod na. Narinig ko pa ang paghikbi ni Mary.
“Vanessa,” tawag sa ’kin ni Manong. Tumigil naman ako sa paglalakad.
“Baka may sinto-singkuwenta ka riyan pahiram muna. Pangako babayaran ko sa sahod ko. Wala kasi akong pera rito pamasahe papunta sa Tiyo nila Mary,” aniya.
Naikuyom ko ang aking kamao at huminga nang malalim. Humugot ako ng pera sa bulsa ko at binigyan siya ng singkuwenta.
“Iyan na lang ang pera ko, huwag niyo na pong utangin, nakakahiya naman kung sa kabilang buhay hindi niyo pa rin naman ako babayaran. Pati si satanas maiinis kahihintay kung kailan kayo magbabayad,” ani ko at padabog na umalis. Bitbit ko ang aking dalawang travel bag na may laman ng mga damit ko’t may butas pa sa gilid. Hindi ko mapigilan ang sariling huwag maiyak sa sakit ng puso ko. Napaupo ako sa gilid ng kalsada at napahagulgol. Hindi ko alam kung bakit sa ganda ng childhood memories ko binawi ngayong dalaga na ako. Hindi ko alam kung paano pa ‘to lalabanan.
Sobrang sama ng loob ko kay Mama. Para bang kay dali lang sa kaniya na gawin iyon. Mahalaga sa akin ang bahay na ‘yon. Tanging alaala namin ni Papa ay nandoon.
“Bwesit,” mura ko. Para akong tangang umiiyak rito sa gilid ng daan. Ilang saglit pa ay tumunog pa ang langit. Litseng buhay ‘to oh, sumabay pa sa kulog ang pagtunog ng tiyan ko.
“Diyos ko! Ano ba namang buhay ‘to? Binigyan niyo ako ng kagandahan pero ipinagkait niyo naman sa akin ang karangyaan,” sigaw ko. Ilang saglit pa ay napatakip ako sa taenga ko nu’ng kumulog nang malakas.
Napatingin ako sa daan nang magsimulang umulan.Napatingin ako sa itaas at napapikit. Wala akong masandalan wala pang masilungan. Tumayo ako at inayos ang aking sarili.
“Heto ako ngayon, nag-iisa, naglalakbay sa gitna ng dilim,” kanta ko. Ikakanta ko na lang ang sakit ng puso ko. Bitbit ang dala kong bag ay pumunta ako sa labas ng salon. Alas-dose na rin naman ng hatinggabi. Kaunting oras na lang at pasukan na naming sa trabaho. Titiisin ko na lang ang lamig sa labas. May waiting area naman sa labas. Puwede na rin iyon. Handa na rin ang aking kutsilyong nabili ko pa sa dibisorya para kong saka-sakaling may baliw na susugod sa ’kin hindi ako dehado.
“Hoy! V, ano’ng ginagawa mo riyan?” ani Ryle at mukhang hindi pa in-expect na makita ako.
“Bakla,” mahinang saad ko at umiyak na.
“V, ano ba ‘yan? Tara doon tayo sa loob. Ano’ng nangyari? Pinalayas ka ba sa inyo?” tanong niya sa ‘kin. Tumulo ang uhog ko kaya mabilis na pinunasan ko iyon.
“Hindi lang pinalayas, wala na talaga kaming bahay kinuha na ng lending corporation na pinagkakautangan ni, Mama,” sagot ko. Nagtimpla siya ng milo at ibinigay sa akin. Kaagad na ininom ko iyon. Buti na lang talaga at malakas ang immune system ko. Hindi ako madaling magkasakit.
“Kawawa ka naman,” aniya.
“Sinabi mo pa,” sagot ko.
“Ano na plano mo?” tanong niya sa ’kin. Napakamot ako sa ulo ko. Mabuti pa siguro itong ulo ko may kuto pero iyong bulsa ko butas pa sa butas.
“Ewan ko, Ryle. Wala nga akong pera rito ni piso. Hindi ko alam kung paano ako magsisimula ulit,” problemado kong saad. Huminga siya nang malalim.
“Eh, ‘yong mga kapatid mo?” tanong niya pa.
“Hindi naman nila iyon pababayaan, punong-puno na ako Ryle. Minsan naiisip ko na lang na magpatiwakal sa sobrang sama ng loob pero kapag naiisip ko ang Mama kong gannoon ka walang kuwenta at ang Amain ko naaawa ako sa mga kapatid ko. Ayaw ko namang magsipag-asawa iyon nang maaga lalo namang matulad sa akin,” sagot ko.
Napatango-tango naman siya.
“Oh sige, dumito ka muna habang wala ka pang trabaho. T’saka may kakilala akong nag-o-offer ng easy money. Baka gusto mo sabihan mo lang ako,” aniya pa. Napakunot naman ang noo ko.
“Weh? Baka naman gawin niyo akong killer huwag na. Pagod lang ako sa buhay ko pero hindi pa ako nagsasawa.”
“Loka-loka, hindi ganoon. Iyong agency nila ay hindi permitted pero matunog iyon lalo na sa mga bilyonaryo na gustong magkaanak. Gagawin kayong baby maker kapalit ng malaking halaga,” paliwanag niya sa ’kin. Kaagad na napasimangot ako.
“Alam mong wala pa akong ni isang jowa tapos magpapa-kiyod lang ako kung kanino na hindi ko kilala? Huwag na lang,” wika ko.
“Choice mo naman ‘yan, V. T’saka walang pumipilit sa ’yo, pero malaking tulong iyon ha para makaluwas sa kahirapan. Ang daming gumanda ang buhay matapos mabuntis,” saad niya. Napaisip naman ako.
“Basta kapag, walang-wala ka na puwede mo akong sabihan. Kung gusto mo lang naman,” aniya pa. Tumango naman ako.
Easy money nga iyon. Bandang alas-siete ng umaga ay nakapag-ayos na ako. Siyempre masakit pa rin ang dibdib ko. Nag-aalala rin ako sa mga kapatid ko. Mabuti na lang at mabait itong si Ryle. Minsan na ring sumasagi sa isip ko na kapitan iyong offer niya pero hindi talaga puwede iyon eh.
Maayos naman ang buhay ko. T’saka ko lang naramdamang okay rin pala na hindi ako nai-stress kada uwi. Isang buwan na ako sa salon na nakatira. Naghihintay na lang ako sa sahod ko ngayong buwan para makahanap ng rerentahan. Wala na rin akong komunikasiyon kina Mary. May kalayuan kasi ang bahay ng Tiyo nila. Na-mi-miss ko na rin sila. Isinara ko na ang mga pinto ng salon at alas-sais na ng gabi. Nang may mga kumpol ng kalalakihang nakasuot ng itim na damit at nagyoyosi pa ang mga ito.
“Ikaw ba si, Vanessa alyas V?” tanong nung lalaking naka-topknot ang buhok. Amoy inidoro in fairness. Tumikwas naman ang kilay ko.
“Sirado na po kami mga, Sir. Hindi po kami cosmetic surgery clinic, rebond, massage at manicure, pedicure lang po kami. Balik na lang po kayo bukas,” ani ko.
“Nagpapatawa yata ‘to eh,” ani nu’ng kalbo. Inis na hinarap ko naman siya.
“Kung nagpapatawa ako sana sinabi kong pumasok ka sa loob at ire-rebond ko iyang ulo mo,” inis kong sabi. Akala mo naman. Alam ko namang popormahan lang nila ako. Kaagad na nagtawanan naman ang mga tagasunod ni Piccolo.
“Hoy Miss, nandito kami para singilin ka. Lagpas na sa pangako mo ang pagbabayad,” aniya.
Kaagad na kumunot naman ang noo ko.
“Wala akong utang ha, huwag mo akong anuhin. Lintek na ‘to, umiiwas ako sa utang na litseng ‘yan. Umuwi na nga kayo, huwag niyo akong pag-trip-an, wala akong pera,” ani ko. Dumagdag pa ‘tong mga olopong na ‘to sa problema ko.
“Hindi kami nanti-trip, ayan oh. Lagpas na sa palugit ang utang mo,” ani nu’ng kalbo. Napatingin ako sa papel na hawak niya at kinuha iyon. Kaagad na binasa ko iyon at nanlaki ang mata. Napahawak ako sa dibdib ko. Ang laki ng bayarin.
“Hihimatayin yata ako,” ani ko. Tinaasan lang ako ng kilay nu’ng apat.
“O-one hundred thousand?” ani ko.
“Wala akong ganiyang kalakaing pera at lalong wala akong utang. Hindi ako umutang sa kahit sino,” inis kong sambit sa kanila.
“Huwag ka nang magmaang-maangan, Miss. Nandiyan nakalagay ang pangalan mo, sinabi ni Mando binigyan mo siya ng authorization letter para siya ang mag-loan ng pera kay bossing Bogart,” wika nu’ng naka-topknot.
“Mando?” ani ko. Tumango naman ang kalbo. Letsugas, mabilis na sumigaw ako sa sobrang inis.
“Ahh!”
“H-hoy, hindi ka namin inaano, bakit ka sumisigaw riyan?” ani nu’ng naka-topknot. Hinarap ko siya at inirapan.
“Ano’ng gusto mo, tawanan ko ang one-hundred thousand na ‘yan ha? Abnormal ka ba? Sumigaw ako kasi gusto kong ilabas ang sama ng loob ko pero dumagdag ang mukha niyo sa sama ng loob ko. Hindi ko alam kung saan ako nagkulang? Bakit ayaw akong tantanan ng problema? Hindi ako umutang pero bakit may utang ako?” singhal ko sa kaniya. Natigilan naman ang kalbo nang makita kong natalsikan pala siya ng laway ko. Umayos ako saglit at huminga nang malalim.
“Puwede ko bang makausap ang boss niyo?” tanong ko. Kaagad na tumango naman ang naka-topknot.
“Ano pangalan mo?” tanong ko sa kaniya.
“Ako si Chipogs, itong kalbo naman si Tubol, iyang dalawa naman si Boy Tinga at Boy Totpek,” sagot niya. Kaagad na napangiwi ako.
“Sakay ka,” aniya sa akin. Sumakay naman kaagad ako sa dyip na sira-sira na. Mukhang mababait naman kahit parang kampon ng demonyo ang mukha. Matitiis pa naman.
“Nandito na tayo,” wika ni Tubol. Tumango naman ako at sumunod na sa kanila.
“Huwag kang matakot kay boss, puwede ka namang makiusap kasi maganda ka naman,” ani Boy Tinga. Tumango naman ako. Pumasok kami sa isang abandonadong building. Pula ang ilaw at napakunot-noo siya nang may makitang mga kababaehan doon. Tila siniserbisyohan ang mga lalaking halatang mayayaman naman.
“Boss, nandito na siya,” ani Chipogs.
“Pasok ka na raw,” aniya. Tumango naman ako at binuksan ang pinto.
“Ikaw pala si Vanessa alyas V,” aniya pa. Napataas ang kilay ko. Nagsisigarilyo ito ng tabako. Punggok ang katawan, malaki ang tiyan at maliliit ang binti. Nakaupo ito. Malayong-malayo sa kinatatakutang mga loan shark.
“Ako si Bogart Waituli,” aniya, Kaagad na lumuwa ang mata ko sa sinabi niya.
“Ang tanda mo na hoy! Wala ka pa ring tuli?” anas ko. Kaagad na kumunot ang noo niya. Lalo tuloy bumaon ang ilong niyang napakaliit. Ang kapal pa ng labi. Mahabaging Bogart. Akmang bababa siya ng upuan nang nahirapan pa.
“Gusto mo tulungan na kita?” tanong ko sa kaniya. Kaagad na kinuha niya ang kaniyang baril na kuwarenta y singko subalit nahulog sa kamay niya nang itutok niya sa akin.
“Putang-ina!” mura niya. Hindi siguro nakayanan ang bigat.
“Bakit ka nakatingin? Natatawa ka siguro? Huwag mong maliitin ang height ko. Malaki ang kargada ko,” saad niya na ikinaismid ko.
“Saan na ang bayad mo?” tanong niya. “Lagpas ka na sa palugit ko.”
Ako naman ngayon ang natahimik. Lintek! Mapapatay ko na talaga ang Amain kong walang kuwenta.