Pagdating namin sa Cebu ay kaagad kaming dumiretso sa nasabing hospital. At nang makompirma ni Papa na si Adriana nga ang nakaratay ngayon sa loob ng cardiac care unit ay hindi na siya nag-aksaya ng oras at kinausap ang doctor's team na nag-aalaga sa kapatid ko. Nagpang-abot pa sila ni Tito Mateo pero hindi na ito pinagtuunan ng pansin ni Papa dahil si Dimples naman talaga ang sadya niya sa pagpunta namin dito. Hindi na rin umimik si Tito dahil ayaw nito ng gulo. Nanlumo ako at halos bumagsak na sa sariling mga paa nang makita ang kalagayan ni Dimples sa loob ng CCU. Masakit makita ang nag-iisang kapatid ko sa ganitong sitwasyon. Para siyang lantang gulay sa ibabaw ng hospital bed na may mga tubo na nakakabit sa kanyang katawan na sumusuporta sa kanya para lang manatiling buhay.

