CHAPTER FIVE

3218 Words
CHAPTER FIVE   SUNDAY ngayon kaya day off ko, two days magmula noong meeting. Sa totoo lang medyo nailang ako kay Martina magmula noon pero hindi naman nagbago ang pakikitungo niya sa akin. Parang normal pa rin, pero ‘yun lang nga na parang nag-iba ang Martina na kakilala ko noong gabing ‘yon. “Ano namang ikakapag alala mo sa mga naiinggit na ka-trabaho mo, ‘nak, ginagawa mo lang naman ang trabaho mo.” Pagpapatuloy ni mama habang naghahanda ng pagkain sa mesa.  “Kaya nga, ‘ma. Parang kasalanan pa po kapag napapansin ang trabaho ko, ng mga boss namin.” Sumbong ko habang naka-nguso at naghahalo ng gatas sa tasa. “Ay naku, hayaan mo ‘yang mga ‘yan. Pagbaliktarin man ang mundo, eh, wala tayong magagawa sinuwerte ka sa tita Miranda mo eh. Sorry na lang kamo.” Natatawang sabi ni mama. “Yabangan ko na lang, ‘ma, ‘no? Mamatay na lang sila sa inggit at inis?” biro ko saka kami lalong nagtawanan ni mama.  “Puro ka tawa diyan, bilisan mo ang kain nito tumulong ka sa mamihan doon sa labas, maraming customer, day off ‘yong katulong ko roon.” Pabirong hinawi ko ang buhok ni mama habang nakangisi. “Naks naman ang mama ko na ‘yan, masarap kasi magluto, eh, baka sumikat na ang mamihan mo niyan, ‘ma ha. ‘Wag mo ‘kong kakalimutan!” “Ay naku shunga ka talagang bata ka, syempre naman anak kita bakit kita kakalimutan!” Tumahol tahol bigla nang maingay si Buchoy, lumapit kay mama saka nagpapansin. Masayang hinaplos naman ito ni mama saka pinaghanda ng masarap na pagkain.  “Naku nagseselos itong bunso ko ha,” ani mama. Nanlalaki ang mga mata na dinungaw ko ang nilalagay ni mama sa kainan noong aso.  “Uy mama!” sigaw ko habang tumatayo mula sa pagkakaupo sa harapan ng dining table. Pumameywang ako, ready to scold my own mother. “Ano ka ba diyan, nakakagulat ka naman!” “Ba’t pork ulam niyan ni Buchoy, ‘ma! Tapos sa ‘tin chopsuey lang!” sita ko habang nakanguso, tawang tawa naman si mama! “Ma, napaka daya mo! Gusto ko rin niyan!” Tumatawang naghugas ng pinggan si mama. “Hayaan mo lang, ‘nak, mapili kasi ‘yan sa ulam siya.” “Ma, sino ba ang anak mo?” LUMAGPAS ng alas dyes ng umaga ang mga kamay ng orasan kaya binuksan namin ni mama ang business na mamihan, nasa tapat lang ito ng bahay namin nakapwesto. As usual maraming customer agad ang nagpunta, sunod-sunod at ang iba ay nagpa-take out na lang. Sarap kasi ang luto ni mama. Humahalimuyak pa sa buong paligid ‘yong amoy ng mainit na sabaw. “Ma, umamin ka na,” pangungulit ko kay mama habang nasa counter kami pareho. Kinalabit ko pa ito kaya nabwisit at padarag na nilayo ang braso. “Hay naku, Marikit! Tantanan mo ako sa kakulitan mo!” Tawang tawa ako sa reaksyon ni mama habang naglalagay ng mga plastik sa isang litrong basyo ng bote. Para lang ready kuhanin kapag may magpapa-take out. May nagdatingan naman na bagong grupo ng mga customer, mukhang nasa lima ang bilang nila at agad ko silang nilapitan para i-assist sa bakanteng lamesa. Habang nakangiti dahil sa aliw sa pang aasar kay mama ay inabot ko sa lamesa nila ang limang menu, bukod kasi sa mami na specialty ni mama dito ay may mga kanin at ulam din pati drinks. Bumalik ako sa counter saka sinuklian ang nagbabayad na mga customer. Sila Earl pala ‘to tyaka mga pinsan niya, mga feeling NBA ng lugar namin. Kaedad ko lang pero mababait at magagalang kay mama kaya mabait din ako sa kanila. “Ano ‘yan Aling Perla inaapi mo na naman beauty queen ko,” biro ni Earl na kinairap ko sa kanya. Bwisit din ang isang ‘to palagi ako inaasar. Minsan tuloy napapaisip ako kung sinasabi niyang beauty queen dahil feeling beauty ako o maganda talaga ako? Charot. “Tanong nang tanong kung ampon ba raw siya at ang tunay ba na anak ay si Buchoy,” Nag-hagalpakan kami ng tawa nila Earl. “Alam niyo ‘yan! Umamin kayo!” Natatawa at naghahanap ng kakampi na sabi ko kila Earl habang tinuturo pa sila magpipinsan. Nahuhuli nila kasi si mama na hinehele si Buchoy tapos ipinapa suot pa minsan ang mga crop top ko! Stressed talaga ako paminsan! “Aling Perla naman aminin mo na kung ampon ito, kakaiba rin kasi ang beauty walang minana sayo,” tukoy sa ‘kin nila Earl. Napa busangot ako sa sinabi nila magpipinsan, kanya kanyang asar pa! “Sasakalin ko kayo isa-isa, lumayas na kayo,” Nagpaalam sila na masaya at nagpapasalamat kay mama as usual kasi suki sila at palaging may pasobra sa order.  Nang maalala ‘yong mga bagong dating na customer ay nilingon ko ang gawi nila. Sakto naman na nagka-tinginan kami noong babae na sobrang puti, ngumiti siya sa ‘kin saka ako sinenyasan na oorder na sila. Feeling ko sa sandaling ‘yon, nagka-crush ako sa kanya. Ang ganda ganda niya! Ang puti puti pa! Straight naman talaga akong babae pero ang ganda niya talaga! Napa-ayos tuloy ako ng buhok, naconscious bigla sa sariling ganda. My goodness, pahinging ganda! Nagmamadaling lumapit ako hawak ang mini notebook at ballpen para isulat ang order nila. Nakangiting bumati. “Good morning! Anong order niyo po?” masiglang bati ko sa kanila. Mukhang dalawang babae, tapos tatlong lalaki. At lahat sila good-looking! ‘Yung isa hindi ko lang makita ang mukha dahil nagtitingin pa sa menu pero mukhang lalaki ito na matangkad. “Sa ‘kin, gusto ko ‘yung pinaka specialty niyo dito sana. I assume mami?” sabi noong magandang babae. Natawa ‘yong isang babae at lalaki. “Of course, Margarita, kaya nga mamihan ang tawag. Hay nako.” Ani noong isang babae. “Malay mo may iba pa, kasi marami ang nasa menu?” singit noong isang lalaki. Pinalakpakan naman siya noong tinawag nilang Margarita. “Ganon ‘yon, e, diba? Nakapunta na ako sa mga ganito dati, meron ba ‘yung orange egg?” Napaawang ang bibig ko, nataranta saglit kakaisip kung ano ‘yong orange egg daw? “Uhm, ano po?” ulit ko. Binalingan ko si mama, nakangisi lang ito na parang natatawa sa naririnig sa grupong ‘to. Ma, happy ka diyan? Tulungan mo ‘ko dito. “Para kayong ewan, korni talaga kapag mga anak ng dugong ginto.” Salita noong isa pang lalaki sa gilid.  “Orange egg daw nga. Kwek-kwek ‘yon, aral ka muna, Mint.” Ani isa pang babae. Nagtawanan sila habang inaasar ‘yong isa. Ako naman ay awkward na nakatayo lang sa harapan nilang lima. Waiting, hehe. “Umorder na kayo, nakakahiya kayo pinaghihintay niyo.” Ani noong Margarita, ‘yong maganda. “Basta I’ll have the mami specialty,” humagikhik ito. Nakangiting tumango naman ako saka isinulat ‘yon. “Ano pa po?”  “Hmm,” bumaling iyong isang lalaking naka-salamin doon sa isang lalaki na natatakpan ang mukha. “Kung ano kay Lethal, iyon na lang din akin. Tiwala ako sa taste nito, eh,” nginitian niya ako kaya nahihiyang napayuko tuloy ako sa hawak na ballpen. Not to mention na they are all good-looking, parang anak-mayayaman nga na naligaw sa lugar namin. Ibinaba noong lalaki iyong menu saka humarap sa ‘kin. “I’ll have this sisig with egg.”  Halos mabato ako sa kinatatayuan ko! Multo! Hindi! Malala pa sa multo! Napaawang talaga ang bibig ko sa gulat. Pakiramdam ko rin ay nagkakarera na sa bilis ang pagtibok ng puso ko. Takot? Meron din! “I-Ikaw...” mahinang sambit ko. Siya ‘yong lalaki sa gubat! ‘Yong agaw-buhay dahil may tama ng bala ng baril sa tagiliran... ‘yong may apoy sa mga kamay! Ngumisi ito nang matipid saka inilagay ang daliri sa harap ng labi, senyas na huwag akong maingay.  Napalunok ako sa takot. O-Okay, madali naman akong kausap. Nanlalamig ang mga kamay na kinuha ko ang mga order nila saka sinulat ‘yon, inabot ko pa ang mga menu mula sa kamay noong isang babae habang nanginginig. “You okay, girl? You look... terrified?” Pinilit ko na lang ilabas ang mga ngipin ko sa ngiti pero sa loob loob ko? Natatakot talaga ako doon sa lalaki! Paano kung masama pala ang ugali non? Tapos patayin niya ako? O sunugin niya ang business namin ni mama? Baka saktan niya si mama? “Akin na nga ‘yan, napaka bagal mo naman kumilos bata ka maraming customer na dumating,” Bungad ni mama pagka-lapit ko sa loob ng counter. Sinalang agad namin ‘yong mga order sa kawali pero parang nawala na yata ako sa sarili kakaisip ng masama tungkol sa lalaking ‘yon! Hindi mapigilan, nilingon ko ulit ang gawi nila. Naka-side view mula sa paningin ko ‘yong lalaki. Nag-uusap usap silang magkakaibigan, normal lang, nagtatawanan. Pati ‘yong lalaki ay nakikingiti sa kanila... na parang wala lang talaga! Hindi kaya alien sila? Na nagkukunyaring normal tapos alien invasion after ilang days?! Tapos biglang naalis ‘yong ngiti sa mukha noong lalaki, nilingon niya ako na parang naramdaman niyang may nakatitig sa kanya. Tinitigan niya ako nang matagal. Sa takot ay ako na lang ang nag-iwas ng tingin! Tumalikod ako para harapin ulit ang niluluto! Pakiramdam ko hindi maalis ang nginig ko sa takot sa kanya. Sobra talaga! Kung alam lang ni mama kung ilang gabi akong binabangungot ng mga nakita kong kakaiba na ‘yon! “Ma...” bulong ko kay mama na katabi kong nagluluto sa isang stove. Hinawakan ko ito sa braso. “May alien tayong customer... magsara na kaya tayo?” bulong ko. “Ano ka ba, Marikit! Ano ba ang pinagsasabi mo diyan, ang lamig naman ng kamay mo! Giniginaw ka ba- Marikit! Suskopo!” Nagdilim na ang paligid at namanhid na ang buong katawan ko.  NAGISING ako sa ingay na naririnig ko. Pagmulat ko ng mga mata ko ay kumirot pa sandali ang sentido ko.  “Hala, aling Perla gising na si Marikit!” “Huh? Talaga?!” boses ni mama, pagkakita ko ay lumapit ito sa ‘kin. “Ano, ano masakit sayo, ‘nak? Dyos ko ano ba ang pinag gagawa mo sa buhay, anak, tigilan mo ang pagdo-droga!” Muntik ako masamid ng sariling laway. Kita ko naman sa gilid sila Earl na natatawa.  Mukhang nasa ospital kami ngayon. Sinubukan kong alalahanin ang mga nangyari at rumehistro naman agad ang mukha noong lalaki na kinakatakutan ko. Makita ko pa lang siya sa isip ko gusto ko na ulit himatayin sa takot! “Marikit! Magsalita ka! Ninenerbyos ako sayo!” “Aling Perla, ‘wag nyo po pwersahin baka mastress ulit.” Nakaisip tuloy ako ng kalokohan, natatawa kasi ako kay mama ngayon. Umupo ako. “Sino ako?” sabi ko kay mama. Napaurong naman ang leeg nila Earl, alam na pinagti-tripan ko ang nanay ko. Gusto ko na tuloy matawa ngayon. “Hoy, dyos ko santisima! Na-amnesia na itong unica hija ko, dyos ko! Wala na akong pamalit dito, ibalik niyo ang anak ko!” akmang magwawala na si mama kaya pinigilan ko na ito. “Ma, naalala ko na. Ako pala ‘to, anak mong miss universe.” Natulala si mama saka piningot ako nang pagka-diin diin! “Hindi ka nakakatuwa ipapatapon na kita sa mga bumbay!” Nagpahinga lang ako saglit sa hospital bed habang chinichika sila Earl at mama kung ano bang nangyari. Nahimatay raw ako bigla dahil hindi ko raw kinaya na ampon ako at ang tunay na anak ay si Buchoy. Si mama talaga ang layo sa realidad ng mga naiisip na dahilan.  Sabi naman ng mga doktor, stressed daw kaya nahimatay. Naalala ko ‘yong lalaki na customer namin, sure na sure talaga ako na doon ako na-stress! Kulang na lang ay maihi ako sa short sa sobrang nginig ko at takot at kaba! Umuwi na rin naman kami agad sa bahay dahil mahal ang bayad ng bawat oras o araw sa hospital, okay na rin naman ako kailangan lang ng pahinga.  Pero sa totoo lang ayoko pa sana umuwi sa bahay. Knowing na doon ko nakita ‘yong lalaki, alam niya kung saan ako nakatira. Galit ba siya? Tinulungan ko siya ha!  Biglang sumagi sa isip ko ‘yong picture niya sa phone ko habang nagliliyab ang mga kamay niya. Nanginginig na pinindot ko ang delete button para sa litrato na ‘yon. Hindi ko ikakalat, okay? Sinabi niyang huwag, edi huwag. Gaya ng palagi kong sinasabi madali akong kausap, ‘wag niya siya magpakita ulit! Praning na pinagsasara ko pa ang mga bintana sa bahay pagka-uwi namin. Si mama nga ay nakikipag chismisan pa sa labas kanina pero halos ipagtulakan ko na para pumasok ng bahay kasi... baka hindi safe! “Ma, ‘wag ka magbubukas palagi ng pinto ha. Baka maraming... masasamang loob diyan-“ Nakangiwi si mama habang pinagmamasdan ako. “Bakit po?” “Diyos ko ganyan ang mga nalulong sa droga, anak! Pakiramdam nila may papatay sa kanila anytime!” hinatak ako nito kaagad sa sofa, sa may sala. “’Nak umamin ka nga, hindi naman magagalit si mama. Ano, gusto mo ipa-rehab kita? Palaging may second chance, anak, magbago ka-“ “Ma, naman!” Gusto kong matawa tuloy. “Ma, matino pa ang pag-iisip ko, hindi ako gumagamit! Nag-iingat lang ako!” Hindi adik pero praning na oo. Huhu. KINABUKASAN ay maaga akong pumasok sa trabaho. As usual nag-cover kami ni Kuya Alex ng balita sa isang lugar, nag-interview. Ginawa ko ang headline na ini-assign sa akin ng big boss namin, medyo naooverwhelm nga ako kasi sa totoo lang ay pang-maexperience na ang mga ibinibigay sa akin pero nagtitiwala sila sa kagaya kong walang gaanong karanasan sa ganito. Ilang buwan na rin naman ako dito pero ang sinasabi lang nila... tiwala sila kay tita Miranda at sa pagrekomenda sa akin. Sobrang thankful talaga ako! Kaya binibigay ko rin ang best ko palagi. Okay ako sa mga boss ko habang ang environment ko naman sa opisina ay kabaliktaran. Pa-toxic nang pa-toxic! “At least hindi ako nakapasok lang dahil kinaawaan lang, Winona, ha! Tandaan mo ‘yan!” ‘yon ang bukambibig ng katrabaho kong binabae pagkapasok ko pa lang sa silid. Napasulyap ako sa kanila na nagtutumpukan sa desk noong Winona, apat sila na nagtatawanan at panaka-naka ang sulyap sa gawi ko. “Sipsip nga ako sa boss natin, Winona, para palagi akong may icocover na espesyal ha!” Alam ko naman ‘yon, ako ang pinupuntirya nila. Araw-araw natetest ang pasensya ko sa kanila kasi patindi ng patindi ang parinig, pero iba naman ang turo sa akin ni mama. Di baleng sila ang problema ko kaysa mga boss ko.  Madali lang naman, kung hindi ko sila aatupagin at magpapa apekto sa kanila hindi naman kawalan. Bahala sila mainis sa ‘kin at sa paglago ko sa larangan ng pag-uulat. Hindi naman sa kanila naka-salalay ang promotion ko hihi. Napansin ko rin na hindi ko masyadong naaabutan si Martina. Parang palagi kaming nagkaka-salisi. Kapag nasa ibang lugar ako ay mukhang narito siya sa opisina, kapag naman nasa opisina ako ay hindi ko talaga siya nakikita rito dahil may icinocover siyang balita sa ibang lugar. Hay! Nang magpaalam ang araw mula sa kalangitan ay nagpasya akong dumaan muna sa malaking grocery store bago umuwi sa bahay. Pagod at gutom man pero masayang nag-grocery ako ng mga kailangan sa bahay, pati mga gusto kong lamunin kapag nagutom ako sa madaling araw. Inilagay ko sa cart ang mga paborito namin ni mama kainin, pati ingredients ng mga lulutuin kong ulam para kay mama. “Para naman hindi lang si Buchoy ang may masarap na pagkain sa araw-araw.” Napapailing na bulong ko habang inaabot ang masarap na white cheese spread sa pinaka-mataas na estante. Kaso masyadong mataas talaga. “Ang hirap naman maging hindi katangkaran!” singhal ko habang nakapameywang at sinasamaan ng tingin ang white cheese spread sa pwestong hindi ko maabot. “Sinong nag-patong sayo diyan sasakalin ko talaga!” duro ko sa cheese na parang sasagot ito sa tanong ko. Sinilip ko na lang ang paligid kung may pwede ako pakiusapan na abutin iyong cheese kaso wala masyadong employee ng store maliban sa mga customer na abala sa pinamimili. Nakakahiya naman makaistorbo. 5’4 lang kasi ako tapos maiksi pa ang haba ng braso at medyo payat pa.  Naisipan ko na lang patungan ‘yong ibabang bahagi ng cart pero gumagalaw-galaw ito pagka try ko kaya nakakatakot. Kaso natatakam talaga ako noong cheese spread na ‘yon kaya pumatong pa rin ako doon sa ibabang bahagi ng cart. Inistretch ko ang braso ko para abutin ‘yong cheese spread kaso umangat ang kabilang bahagi ng cart, sapat na para ma-out of balance ako dahil marami pa namang laman na nag-gulungan din sa isang side ng cart! Impit na napatili na lang ako saka pumikit. Praying na sana hindi gaano mawala ang poise ko pagka-bagsak, pero mukhang imposible ‘yon, so sana wala na lang makakitang ibang tao sa katangahan ko rito lalo employees kasi dito ako palagi namimili! Ang lakas ko pa naman mag-maganda sa lugar na ‘to kasi feeling ko ang ganda ko kapag nag-momodel sa section ng mga biskwit at condiments. Ilang segundo pa pero hindi naman ako bumagsak sa sahig at may nasandalan ang beywang at kamay ko na kung ano sa gilid ko. Minulat ko agad ang mga mata ko saka mabilis na tinignan kung ano o should I say sino ‘yon! Nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Nagbaling din kasi ito ng tingin sa akin! Naka-yellow shirt ito ngayon kumpara noong nakaraan na naka-itim siyang polo. Hindi pinag-isipang reaksyon, naitulak ko ito palayo kaya tuluyan akong nalaglag sa sahig.  So masakit sa pwet halos hindi ako maka kilos nang ilang segundo kahit gusto ko na tumakbo palayo sa lalaking ‘to, ang bobo ko lang siguro talaga sa pagkaka-tulak ko sa kanya. Siya ‘yong lalaki na niligtas ko sa gubat. Iyong alien! Inoffer niya ang kamay niya para tuluyan akong tumayo, tinitigan ko lang ‘yon, sa totoo lang ay natatakot ako! Napahiya yata siya dahil ilang segundo nang nakalahad ang kamay niya pero wala akong kilos na ginagawa, ni hindi rin ako makatingin sa mga mata niya! Binawi niya ang kamay niya saka umupo at hinarap ako. Kalebel ang mga mata ko.  Lord, hihimatayin ulit ako sa nerbyos, please! “Marikit, tama?” Nakagat ko ang labi ko. Nang mapilitan akong tumingin sa mga mata niya ay nahiya na akong lumihis pa ng tingin.  “L-Layuan mo ‘ko... please, h-hindi ko naman ipagsasabi or... or ikakalat ‘yung ano, ‘yung ano mo p-picture. Promise talaga, p-promise!” Nanginginig na sabi ko. Nilabas ko ang phone ko mula sa suot na sling bag. “Ito oh. Dinelete ko na nga, eh!” nanginginig ang kamay na nagtipa ako sa cellphone para sana ipakita pero ibinaba niya lang ang kamay ko. “I know I can trust you. You can trust me, too.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD