“Hello po, mama?”
“’Nak, tapos ka na ba sa trabaho mo? Kumain ka na ba?”
“Tapos na po ako, ‘ma, pero diyan po ako sa bahay maghahapunan. Bakit po? May papabili po ba kayo?”
“Hindi, anak. Nandito kasi ako sa munisipyo ng kabilang bayan. Dito sa bayan ng Rosa, pumunta ka nga rito, hintayin kita.”
“Bakit po? Ano po ba ginagawa niyo diyan, ‘ma?”
“Kasi nagpirma ako ng papeles dito, eh dinala ko si buchoy.” Habang nakikinig ay inilingan ko ang naka-eye contact kong jeepney driver na pumapasada at hihintuan sana ako, papunta pa naman sana ‘yon diretso sa harap ng street namin pauwi pero mukhang urgent ang sinasabi ni mama sa bayan ng Rosa. Sayang.
“Eh itong makulit na Buchoy, may naka kuwentuhan lang ako saglit, nag-gala na. Itinali ko naman sa bakal ‘yung tali niya, pero nakawala talaga ang pasaway. Hindi ko na makita kung nasaan pero ang sabi ng mga taga-rito tumakbo raw sa kabilang kalsada, hindi ko alam.”
Napangiwi ako. Naiintindihan ko si mama kung bakit siya nag-aalala nang husto sa aso naming si Buchoy. Iyon kasi ‘yung regalo ni papa sa kanya noong birthday niya last two years, tapos ilang buwan lang ay namatay si papa.
“Sige po, ‘ma. Wait niyo po ako.”
Maliit lang naman ang bayan na ‘yon, medyo maalam na rin ako sa lugar na ‘yon kahit papaano dahil doon kami ni Kuya Alex nagpunta kahapon para mag-interview at mag-ulat ng balita.
PAGKARATING ko sa munisipyo ay naabutan ko si mama sa harap, malungkot ang hitsura at parang naiyak pa siguro kanina dahil medyo namaga ang mga mata.
“Ma!” tawag ko rito. “Umiyak ka?”
Hinila nito ang buhok ko saka lalong naiyak. “Bigay ‘yon ng papa mo, parang kapatid mo na ‘yon, hanapin natin ‘yong pasaway na ‘yon.”
Natawa ako kay mama, nalungkot rin ako kasi nami-miss ko rin si papa pero hindi ko na iyon pinakita sa kanya.
Lumipas ang sampung minuto na pagtatanong sa mga kalapit-bahay sa kalsadang tinutukoy ni mama pero hindi talaga namin nahanap si Buchoy.
“Bakit niyo po kasi sinama dito?” tanong ko kay mama habang naglalakad.
“Ayaw ko namang iwan mag-isa sa bahay baka matakot o kaya ay malungkot.”
Napangiwi ulit ako.
Kung ang kaagaw ng ibang anak sa magulang ay halaman, manok, tupperware o payong? Sa akin ay aso.
Tumunog ang cellphone ko kaya mabilis na sinipat ko ang pumasok na text message.
From: Martina (work)
Marikiiiiit, bakit ka maagang umalis. Nakalimutan ko sabihin sayo na may pa-team dinner sila boss, punta ka here!
From: Martina (work)
Wag ka tatanggi! For sure naman naipit ka rin diyan sa traffic,,, baba kana sa jeep! Balik ka!
Napanguso ako. Hindi ako naipit sa traffic, nandito ako ngayon naka-office attire at naghahanap ng aso namin.
“Sige na, umuwi na tayo. Bukas na lang siguro ulit.” Pagbasag ni mama sa katahimikan habang nilalakad namin ang kalye kung saan baka tinakbuhan ni Buchoy.
“Sure ka, ‘ma? Baka ‘di ka makatulog niyan buong gabi.” Biro ko. Mahal na mahal niya kasi ‘yung aso, magkayakap sila matulog bawat gabi. Napapatanong na nga ako minsan kung sino ang anak sa ‘min.
“Oo, madilim na rin. Hindi ka pa naghahapunan, magluluto pa ako.” Aniya saka nagpara ng tricycle. “Bukas na lang ulit ako babalik.” Malungkot na sabi niya.
Ngumiti ako, “Ma, kasi may team dinner kami ng mga workmates ko. Okay lang po ba sumama doon?”
“Ah, oo naman sige.” Mas lumawak ang ngisi ko, inabot ko ang mga bag na bitbit ko sa kanya para isabay na pauwi. “Ang laki laki mo na, alangan namang pagbawalan pa kita. Uwi ka bago mag-eleven o huwag ka lalampas ng twelve midnight.” Aniya saka nag kiss ako sa pisngi niya, sumakay siya ng tricycle at umalis.
Napailing na lang ako. Ayaw pagbawalan pero may curfew pa.
Nakangiting binuksan ko ang cellphone ko para sana replyan si Martina. Nakakailang tipa pa lamang ako ng mga sasabihin sa cellphone na hawak nang may mapansin akong lalaki na humahangos at tumatakbo palapit sa kinatatayuan ko.
Nakataas pa nga ang kaliwang kamay nito at nakaturo sa 'kin ang isang daliri para lang mapukaw ang atensyon ko.
“Ayun! Ma’am, kayo po ‘yong naghahanap noong aso ninyo? Kulay white at black po ba ‘yon?” tanong ni manong nang makalapit sa 'kin.
Pakiramdam ko bahagyang nag liwanag ang reaksyon ko sa binanggit ni manong. “Ay opo, manong. Nasa inyo po ba o nakita niyo po ba?”
Umiling ito nang ilang beses kaya naman halos bumagsak din agad ang mga balikat ko. “Sinabi lang sa akin, ma’am, tinaboy kasi noong asawa ko kanina. Natakot yata at napa-pasok doon sa loob ng gubat, eh nakonsensya naman ako dahil pagkaka mali naman ng asawa ko kaya naman po tulungan na lang kita maghanap. Pasensya na po talaga, ma’am.”
Napalingon ako sa tinutukoy niyang gubat na pinasukan ni Buchoy. Walang kailaw-ilaw, lumakas ang kabog ng dibdib ko... hindi dahil sa takot kay manong ha, kasi mukha naman itong sincere at malakas naman ang pakiramdam ko sa mga ganoong bagay o intensyon ng tao, pero pakiramdam ko lang kasi may iba pa akong pwede makita sa gubat na ‘yon bukod sa hinahanap namin na aso eh.
Iniling ko na lang ang ulo ko nang bahagya at inalis sa isipin ang ganoong bagay. Kung may tumalon man na multo sa harapan ko padaanin niya na lang ako kasi kailangan ko talaga mahanap si Buchoy.
Mas anak ni mama 'yon kaysa sa 'kin eh.
“Doon nalang po kayo sa bandang ‘yon tapos dito ako para sure na mahanap natin, manong.”
Tumango siya saka naglakad sa direksyon na tinuro ko.
Pambihira. Unahin ko na nga lang si Buchoy.