NAHINTO sa pagnguya si Roxan. Napatitig kay Rav. “May hindi ka ba gusto sa mga ipinasa ko sa `yong suppliers? Sa details? Sa venue? Sa mga sponsors? Sa number of people na invited? Simple at private lang talagang wedding ang gusto ko. Family and friends lang, Rav…” Wala namang comment ang lalaki sa ipinadala niyang organized files. Naka-compile na lahat ng kailangan nitong malaman tungkol sa magiging kasal nila. Mula sa pinili niyang month at date hanggang sa venue ng reception. Two pairs of principal sponsor at ang list ng groomsmen na lang ang kulang. Ibinigay na niya kay Rav ang pagpili ng groomsmen at best man. Isa lang ang feedback nito—ang dapat na prenup photo shoot, hindi gustong gawin ng lalaki. Gagawin daw nilang ‘postnup’ shoot. Hindi nag-explain si Rav kung bakit. Hindi na rin nagtanong si Roxan. Naisip din kasi niyang less stress pa nga iyon. Hindi sila magpapanggap na in love sa isa’t isa sa camera. Ang ceremony sa simbahan lang naman talaga ang gusto ni Roxan na maging perfect. Gusto niyang maranasang ikasal at gusto niyang makita ni Cedric na kasal na rin siya.
Nag-o-offer ba ng share si Rav dahil wala itong ‘say’ sa magiging kasal nila? May mga hindi gusto sa choices niya? Hindi na siya nagtanong kasi siya naman talaga ang may ‘dream’ sa kasal na iyon. Naging parang accessory lang na in-invite niya si Rav at pumayag. May hindi nagustuhan ang groom to be niya?
“Wala,” kaswal na sagot ni Rav. “Okay sa akin lahat.”
“Bakit gusto mo nang mag-spend ng pera?”
“Kasasabi mo lang na share tayo sa annulment kanina,” ang sinabi nito. “Sa annulment, shared expenses pero sa wedding hindi?”
“Kasi nga, dream wedding ko `to, `di ba? Ako lang naman ang may gusto sa kasal. Choice ko lahat mula sa wedding singer hanggang supplier ng flowers, kaya fair lang naman na sa akin ang expenses—”
“At ako, accessory lang?” agaw ni Rav sa usual na mababang boses nito. “Hinatak lang para tumayo sa harap ng altar?” hindi niya alam kung kaswal lang ang tanong o may ibang nakapaloob na emosyon. Pantay lang naman kasi ang tono nito.
“Medyo hindi ko makuha ang point mo, Rav.” Sabi ni Roxan, inabot ang baso at uminom ng tubig. “Pag-usapan natin para clear sa atin both. May gusto ka bang i-suggest para sa wedding?”
“Fifty-fifty tayo sa expenses,” ang sinabi nito. “‘Yon lang naman.”
“May suggestions ka nga para sa wedding?” ulit ni Roxan.
“Wala. Okay sa akin lahat ng gusto mo.”
“Wala?” balik ni Roxan. Duda siya sa sagot ni Rav. Para kasing may gustong mangyari ang groom-to-be niya. Medyo nagtaka siya. Ang ‘free’ wedding nga ang sinabi nitong dahilan ng mabilis na pagpayag, hindi ba? Bakit gusto nang mag-spend ng half ng magiging wedding expenses nila?
“Kasal ko rin naman `to, Ann. Tama lang na mag-spend din ako, right?”
“Sure kang gusto mo lang ng shared expenses at wala kang hindi gusto sa mga gusto kong mangyari sa wedding?”
“Sure.”
“Talaga?”
Tumango ito.
“Okay. Fifty-fifty.” At ngumiti si Roxan. “Ba’t `di mo naman sinabi agad?” at playful na inirapan niya si Rav. “Siyempre gusto ko ng ka-share sa expenses!”
Ilang segundong nakatingin lang sa mga mata niya si Rav. Mayamaya ay ngumiti. “Sa honeymoon, sino’ng sasagot sa expenses?”
“Ikaw lang,” agad sabi niya at lumapad ang ngiti. “Ikaw ang nakaisip ng honeymoon, eh. Wala sa list ko `yan. Hanggang wedding lang ang concern ko.”
“Wedding na walang honeymoon?”
May kakaibang kinang ang mga mata nito kaya umangat ang isang kilay ni Roxan, naisip sakyan ang trip ni Rav.
“Idea mo `yan, sagot mo ang expenses!”
“Husband and wife na tayo no’n, Ann. Hindi ba dapat share tayo sa lahat?”
“Except sa honeymoon expenses!” At bumungisngis. “Hindi pa kita na-test kiss, eh. `Pag sweet ang kiss mo sa wedding day, baka mag-share pa ako sa honeymoon expenses. Saan ba?”
“Ikaw, saan mo gusto?” hindi nawawala ang kakaibang kinang ng mga mata nito.
“Dagdag-savings na lang ang i-a-allot natin sa honeymoon expenses, Rav. Sa bahay na lang kaya tayo?”
“Hindi na lang sabihin na ayaw mag-honeymoon,” sabi ni Rav, kaswal na tumayo para umalis. Biglang nagtampong groom ang peg. Natawa si Roxan. Ang saya talagang kasama ni Rav. Sa mga ganoon kasimpleng usapan, ibang gaan ang hatid nito sa puso niya.
“May walk out moment talaga?” si Roxan, tumayo siya at hinabol ang lalaki. Nahawakan niya ang braso nito. “Arte nito. Nag-uusap pa kaya tayo!”
Para silang character sa teleserye na naka-freeze sa last scene. Nakatalikod sa kanya si Rav, hawak niya naman ang isang braso nito para pigilan ang pag-alis.
“Hindi arte `yon,” sabi ni Rav. “Tapos na talaga ako. Ikaw ang maghuhugas at magliligpit sa kitchen—`yan ang kahulugan ng ‘walk out’ ko.””
Sabay ng pag-awang ng bibig niya ang pagharap ni Rav. Ang lapad ng ngiti nito. Napatitig muna si Roxan sa mga mata ng lalaki bago natawa. “Di pa nga tayo kasal, inaalipin mo na ako?”
“Rule mo `yan,” at nananadyang hinaplos pa ang buhok niya. “Ano nga `yon? Huli-Kain-Hugas-Linis act of twenty-fourteen?” umangat-baba ang kilay nito.
Natawa na lang si Roxan. Talo na naman siya. Hugas plato na naman ang ending niya. Dati naman ang bagal nitong kumain, bakit ngayon lagi na lang nauunang matapos?
Pero okay lang naman. Nasa Victoria siya, ibig sabihin, may Manang Fina na magliligpit ng dining at kitchen.
Binitiwan na niya ang braso nito para bumalik sa mesa at tapusin ang pagkain. Si Rav naman ang pumigil ka kanya—kamay niya ang hinawakan ng lalaki. Paglingon ni Roxan, seryoso na si Rav. Wala na ang playful na tingin at nakakahawang ngiti.
Ilang segundong tinitigan lang siya nito bago kumilos, inilapit ang sarili.
“Last sem ko na sa VCC, Ann.” Victoria Central Colleges ang nire-refer nito. “Nag-resign na ako.”
“Ha?” Nagulat si Roxan. “Bakit?” hindi naman nito nababanggit na planong mag-resign. Ang alam niya, mahal nito ang teaching kaya nga mas piniling maiwan sa Pilipinas kaysa sumunod sa mga magulang.
“Early next year, susunod na ako kina Dad sa US,” naramdamam niya ang bahagyang paghigpit ng hawak nito sa kamay niya. “Last event na pupuntahan ako sa Pilipinas, wedding natin. Last holiday, Christmas,” dugtong nito sa mas mababang boses. “I think… you should know. Hindi ko gustong magulat ka or sa iba mo pa malaman.”
Tumango na lang siya. Ang tagal na hindi siya nakaimik. Hindi alam ni Roxan kung bakit mas hinigpitan niya ang hawak sa kamay ni Rav kasunod ang paghilig sa katawan nito. Hindi siya handa sa naramdamang lungkot. Ang ibig sabihin ng sinabi nito, mag-iisa na siya sa Pilipinas. Wala na lahat ang itinuturing niyang pamilya.
Perfect ang sitwasyon sa isang hindi ‘normal’ na kasal gaya sa kanila. Pagkatapos ng masayang seremonya, maghihiwalay rin sila. Tama lang naman na ganoon. Hindi naman talaga sila magpapakasal para magsama habang-buhay, hindi ba? Pero hindi itatanggi ni Roxan na naisip rin niya ang pagbuo ng pamilya kasama si Rav—na kailangan pala niyang itapon agad ang ideya dahil aalis rin ang lalaki. Hindi naman sila couple kaya wala siyang karapatang pigilan ito. At ang pagtupad lang ni Rav sa dream wedding niya bago aalis ng Pilipinas, napakalaking bagay na.
“Maiiwan na pala ako talaga,” sabi ni Roxan, hindi naitago ang lungkot. “Alone…” mas humilig siya sa katawan ni Rav, inekis ang mga braso sa baywang nito. “Kumustahin mo naman ako lagi `pag nasa US ka na, Rav. Baka naman maalala mo lang ako kapag gusto mo na ng annulment, ah?”
Hindi sumagot si Rav, humigpit lang ang yakap at mariin siyang hinalikan sa bandang itaas ng sentido. “Kaya hindi ko sana gustong sabihin,” narinig niyang sinabi nito. “Hindi pa man, nami-miss ko na `to.”
Magaang tumawa si Roxan. “Ako rin, eh…” Pa’no ba mag-let go agad sa super kind friend s***h groom to be s***h hubby na mang-iiwan din? Sa isip ay dugtong niya, napabuntong-hininga kasunod ang pagpikit. Next year pa naman. May ilang buwan pa silang magkasama. Mas alam na niya ngayon ang dapat gawin—mag-iipon siya ng maraming pictures…at masasayang alaala.
“Mami-miss kita, Rav.”
“Ang lungkot mo na agad.”
“Mang-iiwan ka na, eh.”
“Dapat ba, hindi?”
“Kung real pagiging husband and wife natin. Hindi naman kaya, okay nga `yon. Basta bawal ang kabit, ah? Kung may girl ka na do’n, annulment muna, okay?”
“Okay, bride.”
Huminga na lang siya nang malalim. “Ingat ka do’n.”
“Next year pa `yan dapat, Ann.”
“Nalungkot na ako ngayon, eh. Kasalanan mo.”
Hindi na umimik si Rav pero naramdaman niya ang paghigpit ng yakap—at ang halik sa ibabaw ng ulo niya.