March 2016
THREE weekends na hindi nakauwi sa Victoria si Roxan. Nagkasunod-sunod ang site tripping schedule niya at parang naging lucky weeks niya yata ang mid-February hanggang second week ng March. Nagsunod-sunod rin kasi ang tawag ng mga prospective clients na mga busy lagi at hindi siya pinapansin. Gusto tuloy isipin ni Roxan na lucky charm niya si Rav. Mula kasi ng mag- ‘yes’ ito bilang groom niya, sunod-sunod na ang blessing. Dalawa sa limang clients niya na nag-site tripping, agad agad na nagbayad ng down payment. Tatlo agad ang sales niya ng February samantalang isa lang per month ay sobrang saya na niya. Hindi kaya birong mag-close ng sale ng residential lots at units sa panahon ngayon. Gaya ng mahirap din baguhin ang mindset ng karamihan sa mga Filipino tungkol sa Insurance.
Four years na siyang part time property sales agent at three years na license financial advisor ng kilalang Insurance company. Napagsabay niya ang dalawang trabaho at sobrang naging okay ang resulta. Na-meet niya ang financial goals sa sarili.
Masasabi ni Roxan na lucky siya sa career kahit hindi talaga focus sa selling ang course niya. BS Food Technology—na aminado siyang kinuha lang niya para sa college diploma. Ang knowledge at skills na bitbit niya ngayon para makipagsabayan sa mga kasamahan, utang ni Roxan kay Andrea. Si Andrea ang friend niyang broker na ten years older sa kanya pero masesesante siya kapag tinawag niyang ‘Ate’. ‘Nakaka-old’ daw kasi ang Ate. Mula second year college si Roxan, tine-train na siya nito sa pagbebenta ng property. Third year college ang first sale niya. Pagka-graduate, handang-handa na siyang humarap sa mundo ng pagbebenta. At tama si Andrea, nasa selling ang mundong bagay sa kanya. Naging top agent siya ni Andrea year one pa lang na nag-focus siya sa pagbebenta ng property. Mula sa first sales commission na nakuha niya, mahigpit na sinunod ni Roxan ang budget na ginawa sa sarili. May certain percentage sa savings, investments, tithe, insurance at expenses. Na-realize ng dalaga na kailangan niyang gawin iyon para sa sarili. Mag-isa siya at walang pamilya. Kailangan niyang planuhin ang magiging buhay niya in the near future. Hindi niya gustong makita ang sariling walang narating after twenty or thirty years.
Friday morning pa lang, tinapos na ni Roxan ang trabaho. Ang mga nag-request ng tripping ng weekend, nagawan niya ng paraan na mas agahan at nagtagpo rin ang schedule nila. Ang dalawang dating college classmate na nag-ayang mag-coffee at pinag-iisipan nang kumuha ng Insurance policy ay na-meet na rin niya nang nagdaang gabi. Free na ang weekend ni Roxan sa wakas. Excited siyang umuwi at mag-spend ng weekend kasama ang kanyang groom to be.
Sa three weeks na nagdaan, sa maiikling text messages lang sila nagkausap ni Rav. Busy rin yata sa school ang lalaki. Nag-text siya nang nagdaang gabi kung magiging busy ang weekend nito. Napangiti siya sa sagot ni Rav—handa daw i-free ang busy schedule kung uuwi siya. Simpleng ‘okay’ at smiley lang ang sagot ni Roxan.
Tamang-tama sa lunch time ang dating ni Roxan kaya nagbitbit na siya ng lunch good for four persons. Baka hindi pa rin kumain ang mag-asawang katiwala sa bahay, sina Manong Simo at Manang Fina.
Twelve fifteen, nasa tapat na siya ng gate. Hindi lang para kay Manong Simo ang pagbusina niya, para kay Rav din kung nasa kabilang bahay ito.
Binuksan na ni Manong Simo ang gate. Sabay ng pag-usad ng sasakyan papasok ang pag-ring ng kanyang cell phone. Si Rav ang tumatawag.
“Hello, bride?” ang pamilyar na mababa at buong boses nito. Kung ang ‘bride’ o ang boses nito ang dahilan ng ngiti niya, hindi sigurado ni Roxan. Nakapag-park na siya pero hindi muna pinatay ng dalaga ang makina ng kotse.
“Nasa bahay ka lang, groom?” balik niya, ngiting-ngiti na rin.
“Yes, bebe ko. Iniisip ka.”
Natawa si Roxan; muntik nang maubo sa ‘bebe ko’ ni Rav. “May gano’n ka nang hirit ngayon, ha? Ano’ng ginagawa mo niyan?”
“Sa terrace, nakatanaw dapat sa kotse mo pero wala ka na pala sa labas ng gate. Nag-lunch ka na, honey?”
Natawa na naman si Roxan. Balak yata ng kanyang groom-to-be na ubusin ang lahat ng endearment nang araw na iyon.
“Hindi pa nga, eh. Pero may dala akong food. Lipat ka, Rav. Lunch tayo—”
“Three minutes, sweetheart!”
Nawala na si Rav sa kabilang linya. Nakangiti pa rin na pinatay ni Roxan ang engine ng sasakyan. Tinulungan siya ni Manong Simo na ibaba ang mga gamit na nasa kotse. “Nag-lunch na ba kayo Manong? May pagkain akong dala.”
“Tapos na, `Nak.” Nakasanayan na nitong tawagin siyang “Nak”. Parang kapamilya na rin ang turing niya sa mag-asawa. Mula nang nag-migrate sa US ang parents ni Rav, ang mga ito na ang kasama niya kapag umuuwi siya ng Victoria ng holidays—at si Rav tuwing hindi busy kay Sitty or hindi umalis ng Pilipinas para mag-spend ng holidays sa pamilya.
Three years nang nasa US ang parents ni Rav. Base sa natatandaan ni Roxan, sa three years na iyon, isang Christmas lang niya nakasama sa Noche Buena ang lalaki—last year.
“‘Yong fruits, Manong Simo, sa inyo ni Manang `yan.”
Nahuli ng mga mata niya ang pagngiti nito. “Salamat, `Nak.”
Magkasunod na silang pumasok sa bahay. Sumalubong na rin si Manang Fina na nakangiti rin. Napansin agad ni Roxan ang clear eyeglasses na suot nito. “Kumusta ang bagong salamin, `Nang?”
“Ayos na ayos, `Nak. Maayos na ang pakiramdam ko.”
“Hindi na kayo na nahihilo at nasusuka?”
“Awa ng Diyos, hindi na. Aba’y nag-alala na talaga ako. Ito kasing magaling kong asawa, nanakot pa! Kung hindi raw ako magpapa-check up, mamamatay ako nang maaga! Gustong-gusto `ata ni Simo na mauna ako, para makahanap agad ng bago! ” Sinulyapan nito ang asawa at inirapan. Halata namang nagpigil ng tawa si Manong Simo bago napaubo. Matagal nang alam ni Roxan na nenenerbiyos si Manang Fina kapag pupunta ng doktor. Mas gusto nitong magtiis na lang kaysa magpa-check up. Nadadaan naman ni Manong Simo sa pananakot ang asawa kaya napapasunod. “Salamin lang pala ang kailangan, akala ko kung ano na ang sakit ko. Matagal pa ang buhay ko, Simo!”
Natawa na talaga si Manong Simo. Namula ang mukha nito sa katatawa sa mabilis mapikon na asawa. Madalas ang mga ganoong scene ng mag-asawa at naaaliw si Roxan.
“Tama ako, `Nang, `di ba? Mas malinaw pa ang paningin n’yo niyan!” Si Roxan na nakangiti. Siya ang nag-suggest na patingnan ang mata nito.
Nakangiting tumango si Manang Fina at nagpasalamat na naman sa perang iniwan niya para sa check up nito. Nabanggit sa kanya ni Manong Simo na madalas mahilo at nasusuka si Manang Fina noong huling uwi niya. Ang dinaramdam nitong iyon ang dahilan kaya nag-stay nang ilang linggo sa bahay ng anak at hindi nakapasok sa trabaho.
Tumuloy na si Roxan sa sariling kuwarto habang inihahanda ni Manang Fina ang mesa para sa lunch.
“HI, babe!”
Mula sa pagbabasa ng text convo nila ni Rav—na maiikling ‘good morning’ lang ang lagi nitong sine-send at hindi pa araw-araw—ay nag-angat ng mukha si Roxan. Parang automatic na ang ngiti niya nang magtama ang mga mata nila. Napansin niyang may dalang bowl ang lalaki.
“Lahat talaga ng endearment balak mong gamitin ng isang araw lang?” si Roxan, bumaba sa dala nitong bowl ang tingin. “Ano’ng dala mong food?”
“Ginataang manok,” sagot ni Rav, nakangiti rin nang ilapag sa mesa ang bowl. “Na maraming malunggay, Sugar. Para healthy ang maging baby natin.”
Nagkatunog na ang tawa ni Roxan sa hirit nito. “Baby na talaga agad, eh. `Upo ka na nga, puro ka joke diyan!” kaswal siyang inakbayan nito at hinalikan sa gilid ng sentido. Nasagap agad ng sense of smell niya ang pamilyar na cologne nito. Napatingin tuloy siya sa lalaki—at napansing cute ito sa suot na worn-out bluish T-shirt at white shorts. Hindi mukhang college professor. Parang twenty-something cool guy next door lang. Biglang bumata at mas guwapo. Ang hirap tuloy pigilan ang sariling tumitig. Napansin na rin kasi niya na ang daming magagandang features si Ram.
“Kumusta naman ang almost a month na hindi umuwi ang bride ko?”
“Maraming blessing,” sagot ni Roxan, bumaling kay Rav at ngumiti. “Iniisip ko nga, ikaw siguro ang lucky charm ko. Since naging fiancé kita, sunod-sunod ang sales ko!”
“Talaga? That’s good news, babe!”
Napakamot siya sa sentido. “Tigilan mo kaya ang kaka-babe diyan,” sabi niyang natatawa. “Hindi kilig eh, eww ang effect!” Pero hindi naman niya maalis agad ang mga mata sa mukha nito.
“Okay, sweetheart.”
“Sweetheart!”
“Honey.”
“Rav.”
“Sugar—”
“Rav, hindi talaga okay—”
“Let’s pray first, babe.” At seryosong nag-sign of the cross kasunod ang short prayer. Naudlot na ang tawa ni Roxan, nanahimik na lang. Pagkatapos ng prayer, inabot nito bowl ng ginataang manok na dala kanina at nilagyan ang plato niya. Siya naman ang naglagay ng kanin sa plato nito.
“Kumusta ang weeks mo?” si Roxan nang nagsimula na silang kumain pareho. “May mga students pa rin na ng-iiwan ng love notes sa table mo at nagpi-PM ng feelings?” Naalala niya ang palitan nila ng messages sa sss Messenger last week. Nabanggit nito na nagbabasa ng mga confession ng feelings ng mga students nito kaya naka-online sa sss.
Napangiti si Rav. “Sanay na ako.”
“Mahirap maging guwapong professor `no?”
“Medyo,” at ngumisi. “Kaya kailangan ko na talagang ikasal.”
“May ilang months pa,” sakay naman niya. “Tiis-tiis muna. Guwapo, eh.”
“Kaya nga. Parang sumpa,” sabi naman nito, nakangisi.
“Ay, wow!”
Tumingin ito sa kanya. Nagtama ang mga mata nila nang ilang segundo. Hindi nawawala ang ngiti nito. Bumungisngis siya bigla. “Kinilig ka do’n `no? Joke iyon—aw!” Pinisil bigla ni Rav ang pisngi niya.
Binobola na nila ang isa’t isa nang mga sumunod na minuto. Ang bolahan, nauwi sa asasan, hampasan at tawanan. Buhay na buhay ang tunog ng tawanan nila ni Rav. Mayamaya ay unti-unti rin na nawala ang tunog ng tawa ni Roxan. Naging tahimik na siya at napatitig na lang kay Rav.
“May iniisip ka,” baling ni Rav pagkatapos ilapag ang baso ng tubig. Napangiti si Roxan. Alam na alam talaga nito ang mga ganoong moment niya—ang biglaang paghinto at pagtahimik kasunod ang pagtitig sa isang particular na bagay o kaya ay ang pag-shift ng tingin sa malayo. Pero sa pagkakataong iyon, kay Rav siya tumitig. “Tungkol sa wedding?”
Marahang ngumiti si Roxan. “Naisip ko lang, Rav…kung ganito tayo after the wedding, hindi naman mahirap `di ba? Sa dami ng broken marriages, parang mas gusto ko nang maniwalang mas posible pang tumagal ang kasal na walang romantic love na involve—na friendship lang ang foundation pero pinili ng dalawang tao ang isa’t isa.”
“Kung pareho silang walang ibang mahal, I think, yes—possible nga.”
“Baka mas tamang sabihin na kung pareho nilang pinili ang isa’t isa,” sabi niya naman. “Kasi kahit may mahal na iba ang isa o silang dalawa man, kung mas pinili nila na panindigan ang pagiging asawa, hindi masisira ang kasal.” Hindi niya napigilang mapa-buntong hininga nang maisip ang ama. “Si Papa, mas pinili niyang sundin ang feelings niya kay Mama kaysa maging tapat na asawa.” Ibinalik niya ang tingin kay Rav. “Sa case natin, since hindi naman kita pinilit, share tayo sa annulment expenses, Rav, ha?”
“Kung ganoon naman pala, bakit hindi na lang tayo mag-fifty fifty na rin sa wedding expenses?”